[Orion Hale De Castro] Nakita mismo ng dalawang mata ko kung paano sinaksak ni Hunter si Tita Mirriam para lang iligtas ako. Gumuho ang mundo ko para sa kaniya dahil kitang-kita ko kung paano siya nasaktan nang sobra dahil sa ginawa niya. Nanginginig na binitiwan niya ang kutsilyong hinugot niya pa mula sa likod ni Tita Mirriam. Bumagsak iyon sa sahig kasabay ng pagsalo ni Hunter kay Tita Mirriam nang bumalik ito sa normal. "S-Sorry, Ma... sorry..." umiiyak na bulong ni Hunter habang yakap si Tita Mirriam. "Mirriam!" Biglaan ang pagsulpot ni Ate Tess na narito rin pala para alalayan din si Tita Mirriam. "A-Anong nangyari sa 'yo? Hunter, ano bang nangyayari?" Isang malakas na hagulhol lamang ang naisagot ni Hunter. Natakpan ko ang bibig ko para hindi magkaroon ng tunog ang paghikbi ko.

