Chapter 17-Her Eyes

1319 Words
[Hunter James Acosta] "Bakit ka kasi bigla-biglang pumapasok?!" inis na sagot niya sabay tayo, hawak pa rin ang nasaktang ilong. "Nasaan na si Farrah?" Tumingkayad siya para hanapin sa likod ko si Farrah pero tiningnan ko lang siya nang masama. "Nakikinig ka ba sa usapan namin ni Farrah?" "H-Huh?" Nanlaki ang mga mata niya. "H-Hindi, ah!" "Bakit nandyan ka sa pinto? Sabi ni Farrah tulog ka na, ah." Humalukipkip ako at humakbang nang isang beses palapit sa kaniya. Napaatras naman siya. "Sinadya mo sigurong iuntog ang sarili mo para samahan kita pauwi rito." "B-Bakit ko naman gagawin 'yon?" Umangat ang sulok ng labi ko. Halatang-halata sa reaksyon niya na guilty siya. "Para paglapitin kami ni Farrah. Hindi ba 'yon naman ang gusto mo? Binigay ko na ang number ko sa kaniya. Okay ka na?" Inalis niya ang sariling kamay sa ilong kaya nakita ko ang paghaba ng nguso niya. Nagbaba siya ng tingin. "Huwag mo nga akong tingnan na para bang sobrang sama ng ginawa ko. Ginagawa ko lang naman 'to kasi ayokong mamatay ka. At para lang malaman mo, hindi ko sinadyang iuntog ang ulo ko. Hinahabol kita kanina pero ang bilis mo kasi maglakad." "At sa 'kin mo pa talaga isisisi ang katangahan mo?" Tumaas ang isa kong kilay. "Bahala ka kung anong gusto mong itawag sa mga ginagawa ko. Ang mahalaga lang naman sa akin ay ang magkalapit kayo ni Farrah." Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa akin para titigan ako sa mga mata. "Ilang beses ko nang sinabi sa 'yo 'to pero niligtas mo ang buhay ko noong mga bata pa tayo. Kaya sana, hayaan mong tulungan kita na mabuhay. Hindi ka na rin iba sa akin, Hunter. Alam kong madalas tayong hindi magkasundo pero maniwala ka kapag sinabi kong maraming pang nagmamahal sa 'yo. Gawin mong dahilan 'yon para mabuhay ka." Sandali akong napatulala sa kaniya habang sinasabi niya ang mga salitang 'yon. Parang may init na dala ang mga binitawan niyang salita na ngayon ay yumayakap sa puso ko. "Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo na magustuhan si Farrah sa ngayon. Ang pakiusap ko lang sa 'yo, kilalanin mo muna siya para naman makahanap ka ng dahilan para magustuhan mo siya. Sa ugali naman ni Farrah, hindi malabong mahulog ka sa kaniya." Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin ko at napatango na lang ako. "At hindi rin naman malabo na magustuhan ka rin ni Farrah," nakangiting dagdag niya. "Kahit ganyan ang ugali mo, may mga tao pa rin na nagmamahal sa 'yo: Si Mama, si Ate Tess at saka...ako. Pero as a friend lang, ah." Tumawa siya sa huling sinabi. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya at tumikhim para alisin ang bara sa lalamunan ko. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko. "T-Tingin mo…" Tumikhim ulit ako. "Kamahal-mahal ako?" "Hindi man halata pero, oo." Kung gano'n, bakit hindi mo ako magustuhan? Bakit ang dali para sa 'yo na ireto ako sa iba? Napailing ako sa naisip ko. Hindi ko dapat iniisip 'yon. Gusto lang ni Orion na makaligtas ako sa kamatayan bilang ganti sa nagawa kong kabutihan sa kaniya noong mga bata pa kami. Hindi ko na kailangang umasa na may iba pa siyang dahilan bukod doon. *** "Bakit ginabi ka ng uwi?" bungad ni Ate Tess pagpasok ko ng pinto ng bahay namin. "Hinatid ko lang si Orion. Naaksidente kasi siya." Umupo ako sa sala para ipahinga ang pagod kong katawan. "Anong nangyari sa kaniya?" Umupo rin siya sa tabi ko. Mukhang inaantok na siya dahil panay ang hikab niya. Malapit na rin kasi mag-alas onse. "Maliit na aksidente lang pero okay na siya." Lumingon ako sa pinto ng kwarto ni Mama. "Si Mama? Tulog na?" "Kanina ka pa hinihintay n'on pero sabi ko matulog na siya kasi matatagalan ka." Bumuntong-hininga ako at kumuha ng dalawang daan sa wallet ko at inabot kay Ate Tess. "Umuwi ka na, Ate Tess. Salamat." Kinuha niya ang pera mula sa kamay ko sabay gulo sa buhok ko. Binigyan ko siya ng nagtatakang tingin pero nakangiti lang siya sa 'kin. "Mag-iingat ka palagi, Hunter. Alam kong hindi tayo magkadugo pero para na kitang anak. Ayokong pinapabayaan mo ang sarili mo." Tumayo na siya at kinuha na ang bag niya. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makalabas siya ng pinto. Napatulala ako nang dalawang segundo at napangiti nang maalala ang sinabi ni Orion sa akin kanina. Naglakad ako papasok ng kwarto ni Mama at naabutan ko siyang yakap ang isang unan at mahimbing ang tulog. Ngumiti ako at hinalikan siya sa noo. "Sander..." Kumislot siya nang kaunti pero nakatulog din naman ulit. "Tama si Orion," bulong ko habang nakatitig sa mukha ni Mama. "May mga bagay akong hindi nakikita at nararamdaman dahil mas pinipili kong magalit sa mundo. Nandyan pala kayo ni Ate Tess. Kailangan kong mabuhay para sa inyo." Napatingin ako sa labas ng bintana kung saan tanaw ko ang mga bituin sa kalangitan. Sa maraming beses na napapatingin ako roon, ito ang unang pagkakataon na tumagal ang pagmamasid ko sa mga tala nang ilang segundo. Katulad ng mga bituin, nariyan lang pala sina Mama at Ate Tess pero hindi ko kaagad sila napansin dahil mas nakatutok ako sa kadiliman na hatid ng gabi. *** Kinabukasan ay magaan ang loob ko habang papunta sa trabaho. Nakaramdam kaagad ako ng tuwa nang makita kong nauna sa akin si Orion sa Take a Sip. "Good morning," bati ko sa kaniya. Mula sa pagmo-mop ng sahig ay nag-angat ng tingin sa akin si Orion. May benda pa siya sa noo kaya hindi ako sanay sa itsura niya ngayon. "Good morning din!" bati niya pabalik. "Bakit pumasok ka na? Hindi pa okay 'yang sugat mo." Pumasok ako sa maliit na pintuan at nilagay ang bag ko sa ibabang drawer. "Ayos lang ako. Kaya ko namang kumilos kahit may sugat ako sa noo." "Patingin nga." Natuod siya nang tumayo ako sa harap niya mismo para tingnan ang noo niya. "Ininom mo ba 'yong gamot na nireseta ng doktor kagabi?" Kumurap siya nang tatlong beses bago tinampal ang kamay ko. "Oo. Para ka namang tatay ko." Tumawa siya at kaagad tumalikod sa akin. "Nga pala…" Binasa ko ang labi ko. "Nakapag-isip na ako kagabi." Halos mabali ang leeg niya sa biglang paglingon niya sa akin, nanlalaki ang mga mata. "T-Tungkol kay Farrah?" kabadong tanong niya at tumango naman ako. "Naisip ko na tama ka. Hindi dapat ako mamatay dahil may mga maiiwan ako na nagmamahal sa akin." Lumiwanag ang mukha niya. "S-So...makikipag-date ka na kay Farrah?" Umiling ako. "Hindi ako makikipag-date sa kaniya pero gusto ko siyang kilalanin." "Talaga?! Seryoso?! Mabuti naman at pumayag ka na—" "Pero hindi ko sinasabing liligawan ko siya. Kikilalanin ko muna." "Sus! Gano'n din 'yon! Kapag nakilala mo siya, paniguradong mahuhulog ka kaagad kasi ang bait-bait ni Farrah!" "Talaga?" Tumitig ako sa mga mata niyang kumikislap sa tuwa. "Tingin mo gano'n ako kabilis mahulog sa isang babae?" "Kung kay Farrah, bakit hindi? Halos perfect na 'yon tapos magiging chosy ka pa?" Inirapan niya ako. Napatango ako at isa-isang kinuha ang apron, hairnet at visor ko. Inalis ko na rin ang suot kong jacket. "Tama ka naman," sabi ko habang inaayos ang pagkakalagay ng ID sa kwelyo ng uniform ko. "Maganda siya tapos mabait pa. Sabi mo pa nga, religious siyang tao. Hindi ko pa naranasan na magkagusto sa babaeng katulad niya. Masarap sigurong mahalin ang mga katulad niya, 'no?" Hindi ko alam kung kay Orion ko 'yon sinasabi o sa sarili ko. Parang mas nangingibabaw ang pangungumbinsi ko sa sarili ko na baka magustuhan ko rin si Farrah...kahit alam ko kung sino talagang gusto ko. Hindi sumagot si Orion kaya tumingin ako sa kaniya. Nagulat pa ako dahil titig na titig siya sa akin na para bang hindi siya makapaniwalang sinabi ko 'yon. Huwag mo akong tingnan nang ganyan, Orion. Baka isipin kong nagseselos ka kahit mukhang...imposible.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD