[Orion Hale De Castro]
"Anong pangalan n'yo?" May kumalabit sa akin sa likod. Paglingon ko ay 'yong lady guard na sumigaw kanina.
"U-Uh..." Sasabihin ko sana ang pangalan ko pero hinawakan niya na ang suot kong ID at tiningnan 'yon.
"Orion Hale De Castro," basa niya sabay baling kay Calvin. Tiningnan niya rin ang suot nitong ID. "Calvin Villaflor. Tatandaan ko ang pangalan n'yong dalawa."
"B-Bakit po?" kabadong tanong ko.
"Isusumbong ko kayo sa admin. Sasabihin ko na naglalandian kayo habang nasa trabaho, to the point na hindi mo nalagyan ng yellow sign ang ginagawa mo kaya may naaksidenteng matanda."
"N-Nakalimutan ko lang naman po, eh. Hindi na po mauulit. Please po. Ayokong mabigyan kami ng notice galing sa admin. Siguradong makakarating 'yon kay Sir Gelo."
"Sana naisip mo 'yan bago ka nakipaglandian."
"Hindi naman kami naglalandian, eh," katwiran ni Calvin.
"Isa ka pa. Bumalik ka na nga sa Supermarket at kailangan na 'yang cart."
Napakamot sa ulo si Calvin at tinanguan na lang ako bago umalis kasama ang mga cart.
Tiningnan naman ako ng lady guard at pinasadahan ng tingin ang buong katawan ko bago ako tinalikuran.
Pagpasok ko sa loob ng food kiosk namin ay nakatikim din ako ng sermon mula kay Hunter.
"Inutusan kitang mag-mop sa labas ng kiosk natin pero hindi ko sinabing makipagkwentuhan ka sa Calvin na 'yon. Pareho tayong malalagot kapag nakatanggap tayo ng notice."
"Hindi ko naman sinasadya," nakangusong sagot ko.
"Hindi sinasadya? Halata namang pumapatol ka sa pakikipaglandian ng Calvin na 'yon, eh. Umayos ka nga. Pati trabaho ko madadamay dahil sa 'yo."
Umalis siya sa harap ko at lumabas ng food kiosk namin. Sinundan ko siya ng tingin at pumunta siya sa lady guard na pumuna sa amin ni Calvin kanina.
Pinanood ko siyang makipag-usap sa lady guard at halatang pinapakinggan siya nito nang mabuti. Maya-maya pa ay tumango ang lady guard at bumalik na rin si Hunter.
"Anong sinabi mo?" tanong ko pagkapasok niya.
"Eh di nakiusap ako na huwag kayong i-report," sagot niya sabay irap.
"Talaga?!" Napangiti ako. "Thank you!"
"Huwag kang ngumiti. Hindi ako natutuwa sa 'yo."
Nabura ang ngiti ko. "Ang sungit mo talaga!"
Hindi niya na ako pinansin kaya wala akong ibang nagawa kundi panggigilan siya sa isip ko. Ini-imagine ko na kaya kong dukutin ang mga mata niya tapos ipapakain ko kay Grace. Speaking of Grace, alam kong siya ang nagsumbong sa amin sa lady guard. Kinakalaban talaga ako ng babaeng 'yon.
"Nga pala..."
Napatingin ako kay Hunter nang magsalita siya. Nakatalikod siya at nakaharap lang sa counter kaya hindi ko makita kung anong itsura niya ngayon.
"Ano?" udyok ko.
"H-Huwag kang papayag na puntahan ka ni Calvin sa apartment n'yo."
"Hindi naman talaga ako papayag. Ano siya, boyfriend ko? Kahit si Farrah hindi nagdala ng lalake sa apartment namin." Pero nang ma-realize ko kung ano ang tinanong niya at naningkit ang mga mata ko. Sinilip ko ang mukha niya. "Bakit? Concern ka sa 'kin?"
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang ang lapit ko sa kaniya. Tinulak niya ang mukha ko. "K-Kapal ng mukha mo."
"Bakit? Paano naging makapal ang mukha ko? Nagtatanong lang naman ako, ah!"
"A-Ayusin mo kasi 'yang tono ng tanong mo! Parang may ibang ibig sabihin, eh. Baka iniisip mo na...na concern ako sa 'yo!"
"Bakit, hindi ba?"
"H-Hindi nga sabi!"
Imbes na mainis sa sagot niya at nagpigil na lang ako ng tawa. Ang cute niya mainis. Parang bata.
"Bakit ka naninigaw?" mapang-asar na tanong ko. "Para 'yong lang sumisigaw ka na. Baka isipin ko na nagiging defensive ka lang. Mga galawan mo, ah."
"M-Manahimik ka na nga!" Sobrang salubong na ng mga kilay niya. Kamukha niya na si 'Angry Birds'.
Hindi ko tuloy naiwasan na hindi matawa sa naisip ko.
"T-Tumatawa ka riyan?" tanong niya.
"Wala."
"Para kang tanga."
"Sus."
"Tumigil ka na riyan, ah. Papatulan na kita."
"Nye nye." Binelatan ko na lang siya.
Hay naku. Paano ko ba 'to mapipilit na puntahan si Farrah sa apartment mamaya kung palagi kaming nag-aaway? Iyon naman ang balak ko kanina pa, eh. Kailangan ko nang paglapitin sila sa isa't isa.
Nagdesisyon ako na mamaya ko na lang siya kukulitin dahil nasa trabaho kami. Nang dumating si Reese ay naging busy na rin kami.
"Reese, paano ko ba mapipilit si Hunter na pumunta sa apartment namin?" bulong ko kay Reese habang naglalakad na kami palabas ng Trivia. Out na namin at nauunang maglakad si Hunter.
"Kailan ba siya nakapunta sa apartment n'yo?" bulong niya pabalik.
Napaisip ako. "Uhm...no'ng masakit ang puson ko at inutusan ko siyang kumuha ng mga gamit ko sa apartment."
"Eh di magsakit-sakitan ka." Tumawa siya. "Malay mo maawa sa 'yo tapos ihatid ka sa apartment n'yo, 'di ba? Tapos magkikita sila ni Farrah."
"OMG! Ang brainy mo!" Nakipag-high five ako sa kaniya. "Wait lang. Kausapin ko siya."
Tumakbo ako para habulin si Hunter. Sasabihin ko na masakit ang tiyan ko at nasusuka ako kaya hindi ko kayang umuwing mag-isa.
"Hunter, wait!"
Nakalabas na ng exit si Hunter pero hinabol ko pa rin siya. Sa kasamaang palad, nakalimutan kong automatic sliding door pala ang pinto ng exit at hindi ko namalayan na papasara na 'yon.
Tumama ang noo ko sa matigas na salamin at pakiramdam ko ay pinompyang ang ulo ko. Napahawak ako sa noo ko at napaupo sa sahig. Ramdam na ramdam ko ang kirot sa nasaktan kong noo.
"A-Aray ko..." nakangiwing bulong ko.
"Orion!" sigaw ni Reese nang makita ang nangyari sa akin.
Napatingin sa direksyon ko ang mga tao sa paligid maging ang lady guard na nakabantay sa exit. Hindi siya 'yong masungit kanina at tinulungan niya akong makatayo.
"Anong nangyari?"
Matindi man ang kirot sa noo ko ay lihim na nagdiwang ang puso ko nang bumalik si Hunter para tingnan ang nangyari sa akin. Bakas ang pag-aalala sa mukha niya nang makita ako. Inalis niya ang kamay kong nakahawak sa noo ko at tiningnan iyon.
"Tangina, dumudugo noo mo," nag-aalalang sambit niya.
Tiningnan ko ang kamay na pinanghawak ko sa noo ko at nanlaki ang mga mata ko nang makitang puno iyon ng dugo.
Anak ng tutang inamoy. Sa kagustuhan kong paglapitin si Hunter at Farrah...ito ang napapala ko.
"O-Orion?" tawag ni Reese nang unti-unting pumikit ang mga mata ko.
Huli kong nakita ay ang malabong mukha ni Hunter na puno ng pag-aalala ang mga mata.