"KAHIT hindi ka katiwa-tiwala sa paningin ko, sige ikaw lang ang pagkakatiwalaan ko." Ani ko sa kaniya para matanggal ang naramdamang pagkailang sa bigla nitong paghawak sa kamay ko habang inaabot mula sa mga tauhan niya ang clipboard na may papeles.
Hindi niya ako pinansin at sa halip ay nagpatuloy na kami sa paglalakad patungo sa gitnang parte ng basement nitong casino.
Sa tingin ko ay saktong-sakto nga lang ang dating namin dahil kasalukuyan na ring nagsisidatingan ang magagarang mga kotse na pag-aari yata noong Mr. Marapulo, nakita kong kalapit lang nitong basement ang Parking Lot at may daanan din palabas kaya dire-diretsong dumating ang kampo ng customer ni Kaijin nang walang aberya.
Nang buksan noong armadong lalaki iyong pinto ng makintab at magarang kotse na dumating ay agad na may narinig kaming pagpito.
Bumaba ang isang maliit na lalaking may malaking tiyan mula roon, nakasuot ng Hawaiian inspired style top at white board shorts habang pinamumulaklakan ng mga gintong alahas ang leeg, palapulsuhan at mga daliri.
"Good evening, Mr. Kaijin! Good evening, good evening!" Maingay nitong bungad habang nakapamulsang naglalakad patungo sa aming harapan.
Kasunod niya ang mga tauhan niya habang pinalilibutan din kami ng mga tauhan ni Kai. Kapwa nakatayo nang alerto, pinoprotektahan ang bawat boss nila.
"Good evening, Mr. Marapulo. Masaya ako na nakarating ka." Dinig kong tugon sa kaniya ni Kai roon sa kausap nang sa wakas ay makatayo na iyon sa aming harapan. "Akala ko paghihintayin mo na naman ako ng mahigit isang oras."
Narinig kong tumawa si Mr. Marapulo. "Masyado akong sabik sa kalibre ng mga baril na matatanggap ko ngayon kaya inagahan ko na." Nakangiti niyang saad. "So... paano? Kaliwaan na?"
Seryosong tumango si Kai at kahit diretso lang ang tingin sa kaharap na big time client ay bahagya nitong isinenyas ang kamay sa mga tauhang nakatayo sa 'ming likuran. Agad na nagsikilos ang mga iyon at binuksan ang malaking truck na kanina pa nakaparada malapit sa kinaroroonan namin.
Nakangising umawang ang bibig ni Mr. Marapulo bilang reaksyon ng pagkamangha saka siya naman ang sumenyas sa mga tauhan niya at agad na inilapag ng mga iyon ang maraming briefcase sa pagitan nilang dalawa ni Kai. Isa-isang binuksan ng mga tauhan niya iyon at bumungad ang libu-libong pera!
Ang dami, shuta!
"And who's this stunning lady here with us tonight..." kunwa'y nagugulat na aniya nang 'di sinasadyang mapadpad sa 'king gawi ang atensyon. "Binibenta mo rin ba 'to? Name your price, may extra pa akong milyones na dala riyan sa sasakyan ko!" Halakhak niya.
Napaangat ako ng kilay. Milyones lang? Sa ganda kong 'to?
“She's my new assistant. Definitely not for sale, Marapulo." Seryosong saad ng baritonong boses ni Kaijin.
"Tsk! Sayang!" Bulalas noong Marapulo. "O baka naman kasintahan mo ito? Alam kong maipagmamalaki mo ang katawan niyang mala-Coca Cola sa aming lahat para kainggitan naming may babae kang seksi pero love has no place in here, Valencia, malas iyan sa atin! Isang indikasyon ng kahinaan lang iyan at-"
Natahimik ito mula sa mahabang litanya niya nang bumunot ng baril si Kaijin at itinutok sa kaniya. Napasinghap ako!
Ang lahat naman sa mga tauhan noong Mr. Marapulo ay alertong nagtutok din ng baril kay Kai kaya ang mga tauhan ni Kai ay ganoon din ang ginawa sa kanilang lahat.
Nakakanginig ang hitsura ng dami ng mga baril na nakatutok sa 'min ngayon! Maiihi yata ako sa takot!
"Kilala mo 'ko, ayoko ng masiyadong madaldal." Ani Kaijin sa pinakamalamig nitong tono.
Papatayin niya ba iyan sa harapan ko?!
Natatawang kumibit-balikat na lang si Mr. Marapulo, hindi natatakot sa nakatutok na baril ni Kaijin at ng buong kampo nito saka sinenyasan ang mga tauhan niyang ibaba ang mga armas nito.
"Alright, hindi ko na siya papansinin." Tukoy niya sa akin. "Assistant mo lang, hindi kasintahan." Nakangisi pa rin niyang saad.
Nakita kong umirap sa kaniya si Kaijin at saktong nilingon ako.
"Do your job." Aniya na ikinakurap ko nang ilang beses bago yata nabalik sa wisyo.
Tumikhim ako at kinakabahang naglakad patungo kay Mr. Marapulo saka iniabot ang clipboard na may kasunduan.
"Please sign with your complete name and signature." Diretsong utos ko sa kaniya, hindi ko alam kung nahalata niyang kinakabahan ako pero natatakot akong lumapit kasi!
Ilang segundo niya akong tinitigan bago sumilay ang malisyosong ngisi at iniabot ang clipboard, na sinadya pa yatang dikitan ng haplos ang aking kamay. Nakakadiri.
"Thank you, Ms. Assistant." Nakangisi niyang saad saka mabilis na pumirma roon. "Bukod sa maganda itong assistant mo, gusto ko pang makaulit ng bili sa 'yo, Mr. Kaijin. I need more firearms for the following months of my term."
Inilahad ko ang aking kamay para abutin pabalik ang clipboard at nang malisyosong ngumisi si Marapulo at akmang ibabalik na sa 'king kamay ang hinihingi ko ay nauna nang makalapit si Kai sa 'king tabi, siya na ang mabilis na nag-abot ng clipboard habang nakapamulsa ang isang palad.
Natatawang nailing si Marapulo at ngumuso habang hindi pa rin halos mag-alis ng malagkit na tingin sa 'kin... lalo na sa dibdib ko.
Nakakairita, may baril ako rito na nakatago sa bandang hita ko, pwede ba 'ko mamaril ng manyakis?
"I'd let you have more advanced firearms from me, Marapulo, in one condition."
"Tsk. Ilapag mo ang lahat ng maisip mong kondisyon, Mr. Kaijin, alam mo naman kung gaano ako ka-interesado sa mga armas! Buhay ko iyan!" Anito at humalukipkip.
Ang uri ng mga pananalita, tono at reaksyon niya ngayon maging ng tingin at kilos ay ibang-iba sa kung paano ang ugali niya kapag nasa harap ng kamera at nasa harap ng mga nasasakupang tao. Typical two-faced politician.
"Drop an information about this man." Ani Kaijin matapos ilipat ang pahina ng mga papeles na nasa clipboard lang kanina. Napansin kong may maliit na litrato roon ng lalaki.
Nanliit ang mga mata ni Mr. Marapulo habang tinititigan ang nasa litrato, pinipilit yatang kilalanin kung sino ang naroon.
"Why?"
"Kailangan mo pa ba kwestyunin ang mga kondisyon ko sa 'yo, ano pa ba ang rason, Marapulo? Kilala mo 'ko, gusto ko ng mas malawak na mga kliyente sa bawat lugar." Tugon ni Kai sa kaniya. Interesado sa usapan nilang nakinig lang ako sa gilid.
'Yon na ba ang trabaho ko rito? Taga-abot ng papeles sa kliyente niya?!
Hindi man lang pala ako papawisan sa trabahong 'to.
"Kung gusto mo ng kliyente na mapera at mabebentahan, mali ka ng taong pinagka-tatargetan." Humalakhak si Marapulo saka itinuro ang litrato na hawak ni Kaijin. "E, hamak na tauhan lang din iyan, e! Kung hindi ako nagkakamali, ha?"
"Gano'n ba? Akala ko ay mas mayaman pa 'to kaysa sa 'yo?" Ngumisi si Kai at nang-aasar na inismiran lang ang kausap.
Mukhang nahilaw ang ngiti ni Mr. Marapulo pagkarinig no'n.
"Tauhan lang iyan ni Gretta pero kahit ang Gretta na iyon ay walang ubra sa kung gaano karami ang perang mayroon ako. Huwag mo naman akong insultuhin." Sarkastikong tumawa ito.
Agad na nilukot ni Kai ang hawak na litrato at itinapon sa kung saan.
"Gretta?"
"Oo! Gretta Naire, marami siyang pineapple plantation sa Nueva Ecija pero wala pa rin sa kalingkingan ko ang kaya niyang gawin. Puro yabang lang ang alam." Tuluy-tuloy nitong saad.
Tumango-tango si Kai habang bahagyang nakalabi, tila natuwa sa kung anong dahilan at nilingon ako. "Let's go."
"T-Teka, bebentahan mo pa ba ako ng isa pa sa susunod? Iyong mas magandang klase ng baril!"
"Sige, tumawag ka lang sa opisina ko." Ani Kai at tumalikod na palayo sa lugar.
May sinabi pa na pahabol si Mr. Marapulo habang ang ibang tauhan ni Kai ay kinukuha ang mga briefcase na may pera pero hindi na ito tinapunan pa ng atensyon ni Kaijin.
"Do not answer his call if ever he ring my office up."
Nagtatakang nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Bakit? Akala ko ba gusto mo ng client at pera?"
Sumakay kami ng elevator at humalukipkip ito na hinarap ako. "To give you a clue, I'm not doing this business for money, Eicine." Umangat ang sulok ng kaniyang labi bago ako inalisan ng tingin at pinindot ang close button ng elevator.
Naipilig ko ang aking ulo. Huh?
"Doon ka na magpalipas ng araw sa pad ko, hindi kita iuuwi sa inyo ngayong gabi. Is it okay with you?" Ani niya bigla na ikinabalik ko ng tingin sa kaniya.
Saglit akong hindi nakasagot agad.
Doon? Kami lang dalawa?
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang maalala ang unang pagkakataong nagkita kami... hindi ko na yata makakalimutan iyon?!