“FAVOR naman, Flint. Pakisilip mo si Ico kung nasa labas pa,” pakiusap niya sa lalaki.
“Ayun, eh! Ako pa talaga yung inutusan. Ang sakit-sakit na, Missy. Sobra na.”
“Please?” nakikisuyong sabi niya dito.
Deep inside her, he was fond of Flint. Napakabuti nitong kaibigan. Siguro nga kundi lang niya mahal si Ico ay hindi malayong tablan siya ng mga pahaging nito. Pero hindi niya kayang magmahal ng iba habang matimbang na si Ico ang nasa puso niya.
“Bibilib na talaga ako kay K. Matiyaga sya.”
“Sinong K?”
Ngumisi sa kanya si Flint. “K for Kamatayan, silly. Ganap na ganap niyang maging cause of death mo, eh. Para bang iyong sa mga movies. Iyong image ni Kamatayan na nag-aabang ng kakaritin niya.”
Napahumindig siya. “Sobra ka naman, Flint. Hindi ganyan si Ico. Sa palagay mo ba talaga, siya ang magiging dahilan ng kamatayan ko?”
“Posible. Nakakamatay din ang labis na heartbreak. Subukan mong i-Google.”
Wala siyang balak mag-Google. Punong-puno ang isip niya kung paano matatapos ang gabing iyon. Kung bakit ba naman kasi nakilala pa niya si Ico...
“NASAAN ANG bisita? Bakit hindi naman ginalaw ang pagkain?” pabulong na tanong niya kay Tere. Tahimik na nililigpit ni Aling Bining ang inihain sa mesa. Si Teddy lamang ang kumain doon.
“Naku, nang umakyat ay hindi na bumaba. Baka pagod. Sabi yata ay magdamag sa isang taping at dito na dumiretso. Siguro ay inuna na ang tulog. Ganoon naman iyon. Dumadayo lang dito ng tulog at paliligo sa dagat. Alam mo ba kanina? Nang dumating iyan ay lumusong agad sa dagat. Kaya pala nainip na tayo sa paghihintay, aba’y nandoon pala at lumalangoy na,” mahabang kuwento nito. “Teka nga pala, nasaan ka ba kanina?”
“Sa swing. Naidlip pala ako doon.”
“Hindi mo pa rin nakita si Ico?”
“Hindi,” kaila niya.
“Hala, malamang ay bukas mo na iyon makikita. Sanay na kami doon. Tiyak na naghihilik na iyon. Kaya siguro naglangoy sa dagat, para magpahimbing ng tulog.”
Nagkibit lang siya ng balikat. Wala siyang balak na ipaalam pa sa mga ito na nakaharap na niya ang Ico na iyon. At mas lalong hindi niya ipapaalam na tinubuan siya ng instant-kilig dito kanina.
KINAUMAGAHAN, habang paakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay para akyatan ng kape si Teddy ay nagkasalubong sila nito sa hagdan. Pababa ito, bagong paligo at nakasuot lang ng ternong sando at shorts na jersey.
May laro ba? patuyang tanong niya sa sarili.
Nagtama ang kanilang mga paningin. "Magandang umaga po, Sir Ico," kaswal na bati niya. Kahit na disillusioned siya dito, gusto niyang maging nice dito. Desidido kasi siyang makahingi ng picture nito para kay Karen. Paano siya makakapagpa-autograph dito kung magsisikmatan sila? Isa pa, ayaw naman niya nang may kaaway.
“Ico. Just Ico. Ayoko ng sini-sir ako. Saka huwag mo na akong popoin. Kahapon na kausap kita, hindi ka naman namumupo sa akin.”
“Sorry. Sige, Ico na kung Ico. Good morning, Ico! Excuse me lang, ha? Baka kasi lumamig itong kape ng amo ko.” Nilagpasan na niya ito at tuloy-tuloy nang umakyat. Paliko sa pasilyong patungo sa silid ni Teddy ay nahagip ng mata niya na nasa kalagitnaan pa rin ito ng hagdan. “O, loko. Akala mo kasi palagi na lang ikaw ang makaka-score sa akin,” nagdidiwang na bulong niya.
Itinulak niya ang pinto. May ante-room ang kuwarto at ibinaba niya sa mesita ang kape. Kumatok siya sa pinaka-silid ni Teddy. “Teddy! Good morning! Nandito na po ang kape ninyo.”
“Iwan mo na diyan, Missy. Salamat!”
“Okay po. Lalabas na po ako.”
“Missy!”
“Po?”
“Drop the “po”. Hanggang ngayon, hindi ka pa rin matuto,” naiiling ngunit nakangiti na sabi nito. “Sumabay ka sa amin sa almusal. Ipapakilala kita sa pamangkin ko.”
Patay, saloob-loob niya. “Sige po,” sagot naman niya. Wala siyang magagawa dahil mismong amo niya ang may kagustuhan.
“Po again? Si Aling Bining na lang ang popoin mo dito. Ico is almost my age. First name basis is alright with us. Okay?”
“Okay po--- sige, okay.”
TILA IBANG-IBA naman ang Ico Abella na kasalo nila sa almusal. Nang pormal na ipakilala ito sa kanya ni Teddy ay napaka-friendly nito. Para bang unang pagkakataon iyon na nagkaharap sila at good impression siya dito. Animated din ito sa pleasant talks sa pagitan ng pagkain.
Wala namang kibo si Missy.
Pero paniwalang-paniwala na siya ngayon na parang nasa show business na rin ito. Napakagaling umarte. Plastic, saloob-loob pa niya.
“Uncle, magsu-swimming ako pagka-almusal. Wanna join me?”
“Itong si Missy na lang ang ayain mo kung gusto mo ng may makakasama,” ani Teddy. “May hinihintay akong tawag.”
Muntik nang masamid si Missy. Siya, magsu-swimming kasama ang Ico na iyon? Baka mahati ang dagat!
“Missy, care to join me?” matamis namang aya sa kanya nito.
Sandali siyang nakipagtitigan dito. Nakangiti si Ico. At tunay ngang kay guwapo. Mabilis niyang iwinaksi ang naramdamang kilig. Isa pa ay may palagay siyang sa tingin nito sa kanya, kunwari lang ang pag-aaya nitong iyon. “Naku, sir—”
“Sir na naman? Si Uncle nga, di nagpapatawag ng sir dito,” nakangiti pang sabi nito.
“Este, Ico, hindi kasi ako mahilig mag-swimming. Natatakot kasi ako. Hindi ako marunong lumangoy.”
Well, mukhang puwede na rin siyang artista, saloob-loob niya. Nasabi niya ang linya niya na maayos. Friendly and convincing. Samantalang sa Pura, kahit lalaki ay hindi niya uurungan basta paglangoy sa dagat ang pag-uusapan. Aba, iyong lumangoy lang yata ang iilan sa libreng bagay na puwede nilang gawin sa bayan nila.
“I can teach you, Missy.”
“Huwag na. Nakakahiya naman.”
“Of course not. I insist. Hindi mo naitatanong, member ako ng RP team bago ako nag-concentrate sa culinary.”
“Pagbigyan mo na si Ico, Missy. Tinitiyak ko sa iyo, safe na safe ka diyan kung sa dagat ang punta ninyo. Champion swimmer iyan mula pagkabata. Kung hindi nga lang talagang hilig niya ang culinary, baka sa Olympics na siya sumasabak ngayon.”
Napangiwi naman siya. Mukhang mapapasubo siya.
“Uncle, mukhang mapapahiya pa yata ako sa PA ninyo.”
“Okay, pagbibigyan kita. Baka naman sabihin mo, pakipot pa ako,” mabilis ding sabi niya.