Chapter 26

2401 Words
Nagising ako sa isang kwartong hindi ako pamilyar. Agad akong bumangon nang marealize kong wala ako sa bahay. "Huminahon ka't magpahinga muna." rinig kong saad ng babae na nasa gilid at naglalagay ng baso na may tubig. "Pwede mo na 'yang inumin para mahimasmasan ka." saad pa niya kaya kinuha ko 'yun at daling ininom. "P-pa'no po ako napunta rito?" tanong ko sakanya, pagkatapos ilapag sa table ang baso. "Nagwawalis ako sa labas ng mansyon, nang mapansin kong parang wala ka na sa huwisyo. Buti na lang, nasalo kita nang tuluyan kang mawalan ng malay." kwento niya. Bumuntong-hininga ako. "Maraming salamat po." saad ko. Tumango naman siya. "Sige. Maiwan muna kita rito, maghahanda lang ako ng merienda." paalam niya, saka na siya lumabas ng kwarto. Naiwan ako sa isang malaking kwarto nang mag-isa. Makaluma na ang kwartong ito, at mukhang matagal nang hindi ginagamit. Ang tanging maayos at malinis lang ay ang kama na inuupuan ko ngayon. Hindi naman sa sinasabi kong madumi ito, pero hindi naman halatang madumi. Maalikabok lang talaga ito. Inalala ko ang nangyari bago ako nawalan ng malay kanina. Naglalakad lang ako. Oo nga pala, hindi ko na rin alam kung anong street 'to. Pagkatapos, nakita ko ang mansion na 'to. Pati rin pala si Elise na nasa loob ng gate. Ba't naman kaya? Pagkatapos kong makita ay nahimatay na ako. At ngayon ay sa tingin ko, nasa loob na ako ng mansion. Tumayo ako at linibot ang buong kwarto. Lumapit ako sa may bintana, tanaw dito ang harap ng mansion, ang gate. Medyo malawak nga ang lupa na 'to. Bumalik ang tingin ko sa loob ng kwarto. Napansin ko sa gilid, may mga boxes na nagpapatong-patong. Sa gilid ay may malaking kurtina na siyang nagcocover ng mga 'yun. Lumapit ako r'on, uh kasi nacucurious ako bigla kung ano ang mga laman n'on. Binuhat ko ang box na nasa pinakatop. Akala ko mabigat iyon, magaan lang pala kaya naibaba ko na iyon nang walang ingay. Inilagay ko ang box sa table malapit sa bintana. Walang seal ang box kaya nabuksan ko na 'to agad. Pagtingin ko sa loob nito, may mga picture frames at mga photo albums. Kumunot ang noo ko. Inilabas ko ang mga ibang picture frames para makita kung sino-sino ang mga nasa pictures. Kinuha ko ang isa at tiningnan ito. May apat na tao sa picture. Parang masyadong formal at medyo makaluma ang picture kaya baka dating-dati pa 'to kinuhanan. May dalawang tao na nakaupo sa gitna, isang babae at isang lalaki, I think sila ang parents. At may dalawang babaeng mukhang teenager, nasa likod sila nung nakaupo. Hindi sila nakangiti sa picture, kaya mukhang creepy ito. Pero nagulat ako nang mapansin ang isang babae na nasa likod nung parents. Kahawig ko ito. *** "Kumain ka na muna." saad nung matandang babae sa'kin. Tumango ako. "Estelita, ang pangalan ko hija." saad niya. "Raven po." pakilala ko naman sakanya. "Sige, Raven. Kumain ka na." saad niya. Kumain na lang ako, kanina pa kasi ako hindi kumakain. At sa tingin ko nga ay hapon na. "Nay! Kanina ko pa po kayo hinahanap, nandito lang pala kayo, jusko." sambit ng isang dalaga na hinihingal. Nandito kami sa terrace ng mansion, sabi ni Aling Estelita ay mahangin kasi rito. May mga upuan at lamesa rin naman dito. "Ay, who is that girl?" biglang saad niya. Napatingin silang dalawa sa'kin. "Si Raven. Raven, ang apo ko nga pala si Donna." pakilala niya sa apo niya. "Hi, Raven." saad niya sa'kin. Tumango lang ako, at nagpatuloy na sa pag-kain. "Nakita ko siyang nawalan ng malay kaninang umaga. Ngayon lang siya nagising." kwento niya. Napasinghap naman ang dalaga. "Are you okay na ba?" maarte nitong tanong. Tumango ako. "Oo, salamat." tipid kong saad. "May aasikasuhin lang muna ako sandali. Dito ka muna Donna, samahan mo si Raven." utos ni Aling Estelita. "Okay, dear nanay." saad naman ni Donna at maligalig na umupo sa harap ko. Tuluyan nang umalis si Aling Estelita sa terrace. "Masarap?" tanong ni Donna. Kumunot ang noo ko. Medyo naweweirduhan at nakukulitan na ako sakanya. "Alam mo, may kamukha ka. Kaya pagkakita ko sa'yo kanina, familiar ka for me. Hindi ko nga lang maalala kung saan kita nakita." kwento niya. Hindi ko naman alam kung anong irereact ko. "Uh, baka nakita mo lang ako somewhere." sagot ko. Nangalumbaba siya. "Hmm, taga-saan ka ba?" tanong niya. "Sa Manila. Pero currently nandito ako sa Las Espadas, sa street ng Reyes." sagot ko. Tumango-tango naman siya. "Medyo malayo na 'yun dito sa Concepcion ah. Ano 'yun, nilakad mo lang? Kaya naman pala nahimatay ka." saad niya. Ibig sabihin, malayo rin pala ang nilakad ko kaninang umaga. "Concepcion?" pag-uulit ko. "Uhuh. Hacienda Concepcion." saad niya. "Itong buong street na 'to, pag-aari ng mga Concepcion." tuloy niya. "Kaso wala nang nakatira dito sa mansyon. Although, meron pa rin namang mga trabahador na nainirahan din malapit dito mismo sa loob ng hacienda. 'Gaya namin." paliwanag niya. "Ahh. Bakit wala nang nakatira dito?" tanong ko habang nakatingin sa loob ng mansyon. "Eh kasi, wala na rin naman ang pamilya ng Concepcion. Tanging ang nag-iisa na lang na buhay ay 'yung isa sa dalawang anak ng mag-asawang Concepcion. Pero hindi siya rito nakatira, kun'di sa Maynila. Hindi ako sure kung may care pa rin ang anak nilang 'yun dito sa hacienda. Pero feel ko naman, oo. Base sa nakukwento ni nanay sa'kin. 'Yung asawa ata nung anak 'yung namamahala. Kaso, hindi naman sila dumadayo rito." mahabang kwento ni Donna. Tumango ako. Nagtataka lang ako kung bakit ko nalaman ang lahat ng ito. Hmm, Elise. Ano kaya meron at dito ako napadpad? Hindi kaya isa sakanila ang mamamatay? "Uy, Raven! Tuleley ka na d'yan!" saad bigla ni Donna na ikinagulat ko. "Tutal tapos ka na rin naman mag-merienda, halika! I-totour kita sa aming mansyon!" maligalig na pag-aya ni Donna sa'kin. Wala na akong nagawa kun'di pumayag sa gusto niya. Wala rin naman akong babalikan doon sa bahay. At gusto ko rin munang i-distract ang sarili ko sa kalungkutan. Pumasok na kami sa loob. Bumungad ang malaking hallway, maraming kwarto ang naroon. "Yung kwartong tinuluyan mo kanina, kwarto 'yun ng isa sa mga anak ng mga Concepcion." saad niya at tinuro iyon. "Sa tabi naman ay ang kwarto ng pangalawang anak." tuloy niya. "Dalawa ang anak nila." share niya. "Dito naman ang pinakamalaking kwarto, sa mag-asawang Concepcion." turo niya sa malaking pinto. Mukha nga itong malaki. Marami pang kwarto na para sa mga bisita at mga relatives daw. Meron ding kwarto sa mga iba't-ibang panglalagyan. Sigurado akong napakayaman ng pamilyang 'to. "Meron pa sa taas pero 'wag na lang tayo pumunta r'on kasi nakakatakot hehe." saad niya kaya napatingin ako sa maliit na hagdanan sa dulo ng hallway. Naunang bumaba si Donna kaya sumunod na ako sakanya. Malaki ang hagdanan, parang mga hagdan ng mga mayayaman sa mga teleserye. Nakarating kami sa may malaking sala ng mansyon. May nakita akong malaking painting. "Ayun! Kaya pala!" bigla niyang sigaw. Dumating si Aling Estelita. "Ano ba 'yan, Donna!? Akala ko kung ano nang naganap dito dahil sa biglaan mong sigaw, jusmeyo!" suway ni Aling Estelita. Natawa lang si Donna. "Sorry na nay, kasi naalala ko na." saad niya. Hinila niya ako at hinawakan ang mga braso ko at iniharap sakanila, patalikod sa pader at katabi ng malaking painting. Kumunot ang noo ko habang si Donna ay paulit-ulit na tumitingin sa'kin at sa painting. "Oh 'di ba!? Magkamukhang magkamukha, nay!" saad niya. Napasinghap naman ang babaeng matanda nang mukhang mapansin din iyon. Pumiglas na ako sa hawak ni Donna at tiningnan ang painting. May dalawang dalaga na naroon, katulad nung nakita ko sa picture frame. Nagulat ako dahil napakafamiliar nung isa sa'kin. "S-sino po ito, Aling Estelita?" tanong ko habang nakaturo sa dalaga na nasa kaliwa. "Oh, right Raven! Sabi sa'yo may kamukha ka eh!" sabat ni Donna. "Si Elizabeth Concepcion iyan." pakilala ng matanda. Napasinghap ako. Elizabeth? Concepcion? Middle name ko ang Concepcion. At ang pangalan ni mommy ay Elizabeth. "Ina ko po siya." bigla kong saad sakanila. Mukha namang nagulat ang dalawa sa sinabi ko. "A-ano?" saad ni Aling Estelita at lumapit sa'kin. "Anak ka ni Elizabeth?" pag-uulit niya. Tumango naman ako. "O.M.G. Nanay, isa palang tagapagmana ang kasama natin today." saad ni Donna, pero pahina ito ng pahina dahil natatakot ata baka marinig ko? "Ibig sabihin, isa kang Zamora?" tanong ni Aling Estelita. "Zamora nga po ang surname ko. Pero hindi ko po tunay na ama ang daddy ko." saad ko. Hindi naman ako takot na ipahayag 'yun sa iba. "Anak ka sa labas?" tanong ni Donna, hinampas naman siya agad ng kanyang lola. Natigilan ako sa tanong niya. "May unang asawa si mommy. Namatay ang papa ko n'ong bata pa ako. Tapos dalawang taon ang lumipas, nagpakasal lang siya ulit." paliwanag ko sakanila. Natahimik naman ang dalawa. Why do I have to explain these things? Wala naman silang pakialam. Bumuntong-hininga ako. "Hala, sorry po." biglang saad ni Donna sa'kin. Tumango lang ako sakanya. Naglakad naman papunta sa sofa si Aling Estelita saka siya umupo roon. Sumunod kami ni Donna. "Kumusta naman ang nanay mo, Raven? Nagpapadala siya ng sulat dito paminsan-minsan, para kamustahin ang mansyon. Ang pumupunta lang dito ang daddy mo." sabi ni Aling Estelita sa'kin. Hindi ko alam na sa mother's side ko pala ito na pagmamay-ari. "Ayos lang po sila." tipid kong sagot kahit matagal ko nang hindi nakakausap sina mommy. Sure naman din akong okay na okay sila, lalo na't wala ako r'on. "Ito po ba ang kinalikahan ng nanay ko?" tanong ko. Tumango naman si Aling Estelita. "Naabutan ko ang pamilyang Concepcion nang buo pa, nagdadalaga pa lang ang mga anak nila ay nakasama ko na ang mga ito." kwento niya. Buo pa? Anong ibig niyang sabihin? "Hindi ba nakukwento ng mommy mo sa'yo?" tanong niya sa'kin, bigla naman akong nakaramdam ng lungkot dahil narealize ko na parang wala akong alam sakanya. Hindi rin naman siya nagkukwento, kahit pa tungkol kay papa like n'ong mga panahon na nabubuhay pa siya at buo pa kaming tatlo. Never namin 'yung napag-usapan. "Ngayon ko lang po nalaman ang tungkol dito, sa mansyon po nila." saad ko habang nilibot ang tingin sa kabuuan ng mansyon. "Eh kung gan'on, ba't ka nandito sa Las Espadas, 'teh?" sabat namang tanong ni Donna. Bumuntong-hininga ako nang maalala ang simula ng pagpunta ko sa Las Espadas, sa Green Centrum. Dito sa San Imperial. "Mahabang kwento." 'yun na lang ang naisagot ko dahil ayaw ko na munang maalala ang mga 'yun. "Pero currently, I'm staying po sa house ng friend ko sa street ng Reyes." saad ko sakanila. Napatango naman sila nang malaman kung saan ako tumutuloy. "Hija, hindi naman sa pinapaalis na kita rito. Pero, makikita mo naman na gabi na. At medyo malayo rito 'yung kalye ng bahay na tinutuluyan mo. Baka gusto mo nang umuwi?" saad ni Aling Estelita. Nag-isip ako kung uuwi ba ako. Baka sigawan na naman ako ni Rachel 'pag nakita ako, at baka makaistorbo lang ako kina Aling Flor. "Aling Estelita, pwede po bang dito muna ako matulog ngayong gabi?" tanong ko sakanya. Nagkatinginan naman ang dalawang babae nang marinig ang pakiusap ko. Matagal sila nagkatitigan. Kumunot ang noo ko. Baka nakakaabala rin ako sakanila, huwag na nga lang. "Ah, sige po okay lang--" hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang magsalita si Aling Estelita. "Oo naman, pwedeng pwede. Ah, didito na lang din kami para may kasama ka rito. Wala kasing tumitira dito, doon pa kami sa may malapit sa likod ng mansyon nakatira eh." saad ni Aling Estelita. Kaya pala, baka nag-aalala lang sila sa'kin dahil wala akong kasama rito sa mansyon. "O.M.G. naman nay. Katakot pa naman dito sa mansyon, yikes! Pero sige okay lang, kasama naman natin si Raven." saad ni Donna. Agad namang nag-utos si Aling Estelita na dalhin ang iilang gamit nila Donna na kakailanganin para sa ngayong gabi. Pinagamit sa'kin ni Aling Estelita ang kwarto ni mommy, 'yung kwartong tinuluyan ko. Sinabayan na rin nila akong kumain ng hapunan, doon kami sa kusina kumain dahil masyadong malaki ang dining table para sa'ming tatlo. Pagkatapos n'on ay umakyat na ako para magpahinga. Wala naman akong masyadong nagawa ngayong araw pero feel ko ang antok at pagod kaya agad na akong natulog. *** Nasa isang kwarto ako. Sa kwarto na tinutuluyan ko rito sa mansyon ng Concepcion, ang kwarto ng nanay ko. May nakita akong dalaga na nakahiga sa kama at mahimbing na natutulog. Tinitigan ko ito dahil sobra niyang familiar sa'kin. Hanggang sa marealize kong si mommy ang dalagang natutulog. Totoo ngang malaki ang pagkakahawig namin, lalo na n'ong kabataan niya. Lumakas ang hangin, naramdaman ko ang kakaibang lamig nito dahil sa nakabukas na bintana. Tumingin ako rito dahil hindi simpleng hangin ang nakikita ko. May itim na usok, pumasok iyon sa loob ng kwarto. Umikot ang itim na usok sa gilid ng kama, malapit lang din sa bintana. Hanggang sa nag-anyong nilalang ang usok. Napasinghap ako. Naka-itim ang nilalang, at hindi ko makita ang hitsura nito. Nagising si mommy, mukhang nagulat. "Raven, anong ginagawa mo?" rinig kong bulong ng kung sino kaya lumingon ako sa likod. Nakita ko si Elise at nag-iba na ang lugar. Panaginip ba 'yung kanina? "Panaginip nga lang 'yun." sagot niya sa tanong ko. "A-anong ibig sabihin n'on?" tanong ko pa ulit. "Huminahon ka." kalmado niyang saad sa'kin. Bumuntong-hininga ako. "Ang galing, hindi naman siguro coincidence na mapunta ako rito sa Las Espadas at malalaman ko pang dito pala lumaki ang nanay ko?" saad ko sakanya. Tumango siya. "Raven, lahat ng nangyayari sa'yo ay may dahilan at pinagmulan. Paghahanap sa pagkatao mo ang iyong nais, kalakip n'on ay ang misyong naka-atas sa'yo. At ang lahat ng iyon ay sigurado akong konektado sa pagkatao mo." paliwanag niya sa'kin. "So, hindi lang pala pagsusundo sa mga mamamatay ang pinunta ko rito? Kun'di ang pagtutuklas ng nakaraan or something na connected sa'kin?" saad ko. Tumango lang siya. "Ngayong unti-unti ka nang naliliwanagan sa lahat ng bagay sa paligid mo at sa iyong pagkatao, sa tingin ko ay panahon na." saad niya, kumunot ang noo ko. Time for what? "Panahon na upang bumalik sa iyong ina."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD