chapter 8

2621 Words
"cundî ang uica,i, "icao na umagao nang capurihan co,i, dapat cang mamatáy".   HOMIHIP, sa   "homihip ang han~gi,t, agád  mahiualáy sa pasig Atenas ang aming sasaquián".   MAGCATOTOO, sa   "aniya,i, bihirang balita,i, magtapát cong magcatotoó ma,i, marami ang dagdág".   NAGLALATHALA, sa   "na naglalathalà sa sangsinucuban nang capurihán co at capangyarihan".   NADARARANG, sa   "caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng sa nin~gas nang sintang bago cong naticmán".   NA UNANG, sa   "Dito co naticmán ang lalong hinagpís, higuit sa dalitang na unang tini-ís"...   NGUNI,I, sa   "N~guni,i, cun ang ó-o,i, dî man binitiuan naliuanagan din sintang nadidimlán".   PAGTULOG, sa   "dapoua,t, ang baya,i, tat-long arao halos na nacalimutan ang gauíng pagtulog".   ACA,I, sa   "Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil sa paá nang isang bundóc na maban~gin"...   TAUAGIN, sa   "Pan~gimbuló niya,i, lalo nang nag-álab nang aco,i, tauagin tangulan n~g Ciudad"...   CORONA, sa   "ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal".   AQUIN, sa   "Dî binig-yang daang aquing pang mabunot ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc."   BAYAAN, sa   "!ay Amá co! ¿baquit...? !ay Fleridang toua! catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa".   MAGTA-ANANG, sa   "aquing na-acalang magdamit guerrero cúsang magta-anang sa Real Palacio".   Tungkol sa "sagli-saglit" ay di kaya kahalintulad iyan ng salitang "hugos"? O lalong maliwanag: ang "g" kaya riyan ay di katulad lamang ng "g" sa "hugos"--na naging isa lamang kamalian, at kamaliang sa bisa rin ng kabunyian ng "Florante" ay nagkaroon na tuloy--ang "saglit"--ng kahulugang walang pinag-ibhan ngayon sa "salit"? Walang pinag-ibhan, ang aming sabi, at ang ganito ay di lubhang wasto. Nararapat ipaliwanag, na ang di pagkakaiba ay ayon lamang sa ilan diyan. Sa ganang kanila, ang "saglit" at ang "salit" ay iisa rin, gaya ng pagkakaisang kahulugan ng "alumanahin" at "alintanahin", ng "kagalawad" at ng "kagawad", ng "umahon" at ng "lumusong", atbp. Nguni't sa katotohanan ay iba ang "saglit" at iba naman ang "salit". Ang una ay kasinghulugan halos ng "sandali", bagama't ang "salit"--ay kasingkahulugan naman ng "halo", o ng "kasama", o ng "ibaiba".   Kaya, ang "saglit-saglit" sa tulang: "dini sa li-ig co,i, cusáng isasabit--tuhog na bulaclac sadyang saglit-saglit" ay isang kamalian lamang ng "salit-salit"--na napasukan lamang ng "g", at ang kamaliang iyan ay hindi na nabago, nanatili na sa habang panahon, hanggang sa dahil nga sa kabunyian ng "Florante" ay naging sanhi na tuloy ng pagkakaroon ng kahulugang gaya rin ng "salitsalit" o "sarisari".   Tungkol sa "luha" ay ganito rin ang na kay P. Sayo; nguni't kay De los Santos--"grande seria mi suerte y _harto_ apetecible"--at sa "Kun sino ..." ay "lubha" ang nakalagay....   "malaking palad ko't matamis na lubha" ... na napaghahalatang kay liwanag na kamalian. At mali, sapagka't "luha" nga lamang "ang ualang patid na ibinabaha nang mga matá" ni Aladin. Anya:   "Cun ang ualang patid na ibinabahá n~g m~ga matá co,i, sa hinayang mulà sa m~ga palayao ni amá,t, arugà malaquíng palad co,t, matamis na luhà".   Nariyan nga ang isa pang salitang napasukan ng isang malikot na "b", na ipinag-iba ng kahulugan, at kaibhang mahirap na mahalata, kung walang ibang siping mapagtutularan.   Tungkol sa "mag-aala-ala": ito ang kay hirap na kilalanin. Hindi natin malaman kung talagang iya'y kasamahan lamang ng mga "kinalalagi-an" at "doon~gan", na kay hirap hinagaping kamalian lamang ng kahista, o kung tunay na kamalian nga lamang nito. Lalo't kung ganyang ang pagkakasulat--"mag-aala-ala"--balangkas matanda at kauri ng "catao-an", "muc-ha" at iba't iba, ang alinlangan ay maaaring laktawan sa pamamagitan lamang ng pag-aming iyan nga ay kinatisuran lamang ni Balagtas. Nguni' t hindi naman kaya "mag-aalala" ang diya'y nakalagay? Hindi kaya ganito ang pagkakatula?:   "ito ang mapait sa lahat nang dusa ¡sa aquin ay sino mag-aala-ala!"   O ang "sino ang" ay di kaya "sinong" upang basahin namang gaya ng na kay P. Sayo?:   "Ito ang mapait sa lahat nang dusa ¡sa aquin ay sinong mag-aala-ala!"   Tungcol sa "nang", sa tulang:   "Cung nasusuclám ca sa aquing candun~gan, lason sa pusô mo nang hindi binyagan"...   ay "ang" ang nakalagay kay De los Santos at sa "Kun sino ..."; nguni't sa aming sipi at kay P. Sayo ay "nang" ang nakalagay. Isa rin itong mahirap pasiyahan. Walang alinlangang ang "ang" ay lalong maliwanag--(lason sa puso mo ang hindi binyagan)--at kasingliwanag ng "sa" sa saad na:   "ang di nabalinong matibay kong dibdib sa suyo ng hari, bala at paghibik"....   na ipinalit ng "Kun sino ..." sa "ng" na nauuna sa "suyo"; wala ngang alinlangang ang dinadaliring "ang" ay kasingliwanag ng "sa"; nguni't hindi kaliwanagan, ayon sa pangwatas natin ngayon, ang dapat na papaghariin, kundi ang katotohanang ginawa ni Balagtas. Para sa atin ngayon ay may ilang nadadaliri tayong malalabo sa ating pangwatas, gaya halimbawa niyaong nagsisimula sa:   "Parang naririn~gig ang laguì mong uica"   at niyaong "maglilong lácad" sa:    "¿cagandaha,i, báquit dî macapagcalág nang pagca capatid sa maglilong lácad?"   at saka niyaong:   "¿dili ang dan~gal mong dapat na lin~gapin mahiguit sa ualáng cagandaha,t, ningning?"   lalo na yaong biglaang isinaksak na lamang at sukat, na parang panauhing sumipot na lamang at sukat, walang ano mang kapasapasabi at ni hindi man lamang nagbigay ng "magandang araw", na:   "!cung anó ang taás, n~g pagcadaquilâ siyaring lagapác namán cong marapá".   na ginawang pangdulo sa tulang nagsisimula sa: "Ito ay hámac pa bagáng sumansalà ...?"   Ang lahat ngang iyan ay pawang tila hindi wasto, sa ganang atin ngayon, at tila malabo. Hindi wasto ang pagsipot at sukat nitong kasabihang panghuli; hindi wasto, sa kahulugang di dapat mapaugnay sa mga sinusundan; at ang nangauuna naman ay malalabo sa atin ngayon, hindi maliwanag. Nguni't gayon pa man ay karapatdapat na igalang, huwag baguhin, pabayaan sa datihang lagay.   Kaya, malabo man nga ang "nang", at lalo man ngang maliwanag ang "ang", iyang "nang" na iyang naging "ang" sa "Kun sino ..." ay tila dapat ding igalang. Hindi kailangan kung malabo man. Anong malay natin kung maliwanag iyan sa kanilang pagbabalangkas noong araw? Saka, ang "nang" diyan ay maaaring itinatalamitan ni Balagtas sa "candun~gan", at ang ibig niyang palitawing lason ay hindi ang "di binyagan"--ang moro--kundi ang "candun~gan ng hindi binyagan"--ang kandungan ng morong sa malas ay kinasusuklaman ni Florante.   Tungkol sa "anaqui,t,"--may _ligazon_ "t"--ay ito ang tanging "anaqui", na ginamitan ng pang-ugnay ni Balagtas, sapagka't talagang garil, pag hindi linagyan. Hindi nga maaaring sabihin ang:   "Pag ibig anaqui aquing naquilala"....   subali't sa iba't ibang nasangkapan ng katagang iyan ay hindi nangailangan ng ano mang pang-ugnay ó _ligazon_.   "Tungkol sa Ualang", sa saad na:   "ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa".   ang "ualang" naririyan ay "balang" sa iba't iba. Aywan natin kung alin diyan ang tumpak; at kung aalagataing sa talatang iya'y may isa pang katagang napaiba rin kay sa nangasa ibang "Florante" ay lalo na tayong mag-aalinlangan. Hindi nga lamang "ualang" ang napapaiba, kundi gayon din naman ang "bago,i,"--na sa iba, ay walang pang-ugnay. "Bago" lamang ang nakalagay, gayon sa "Kun sino ...", gayon sa palimbag ni P. Sayo.   Tungkol sa "uica,i," sa sabing:   "cundî ang uica,i, "icao na umagao" ...   ay lainlangan kami sa aming sipi. Hindi namin matiyak kung talagang ganito ang sinipian namin, o kung natularan lamang namin ang ganyang nasa "Kun sino ..." Nguni't kay P. Sayo ay dinagdagan ng "hin"--ginawang "kung hindi" ang "cundî"--upang maging tama lamang ang bilang. Dapuwa't pabaligtad na lumabas. Salungat sa ibig sabihin ni Balagtas, at sinsay sa tumpak na paggamit ng "kundi" at ng "kung di". Iba ito at iba yaon. Maging sa kastila man ay iba ang "sino" sa "si no"; at si Balagtas, na dalubhasa, maging sa tagalog at maging sa kastila, taong nag-aral at nakatatalos kung ano ang kahulugan ng isa at isa, ay hindi makagagamit ng "kung hindi" sa dapat sabihing "kundi", gaya na nga sa dinadaliring pangungusap. Ang dagdag ngang "hin" ni P. Sayo ay hindi kay Balagtas.   Tama ang sabi ni De los Santos, na sa katagang "uica,i," isang kamalian ang nagawa. Sa kanyang salin ay "uinica" ang nakalagay. At ito, sa palagay namin, ang tama. Siyang nasa tunay na "Florante".   Tungkol sa "homihip", sa tulang:   "homihip ang han~gi,t, agád nahiualáy sa pasig atenas ang aming sasaquián".   ay "humihip" din ang nakalagay kay P. Sayo at sa ingat ni De los Santos; nguni't sa "Kun sino ..." ay "umihip". Na, isang katagang maringig sa maraming bibig, Walang pinag-ibhan sa "ipin" (ngipin), "usò (nguso), "alâ" (walâ), "angin" (hangin), at marami pang kabalbalang nagkalat diyan.   Tungkol sa "magcatotoo", sa tulang:   "aniya,i, bihirang balita,i, magtapát cong magcatotoo ma,i, marami ang dagdág".   ay isa rin sa nasa aming siping pinag-aalinlanganan namin, kung ganyang nga kayang talaga ang nasa aming sinipian, o kung nagagad lamang namin sa "Kun sino ..." ayon kay De los Santos ay "magtotoo" iyan, at ganyan din ang na kay P. Sayo. At tila ganito nga ang tama. Ang "magtapat" at "magtotoó" ay parang "mangga at suman" o "pulot at gatá sa balangkas na iyan. Nguni't, hindi naman kaya ang "cong" o "kung" ang labis diyan? Hindi kaya ang talagang ginawa ni Balagtas ay:   "...bihirang balita,i, magtapat magcatotoo ma,i, marami ang dagdág"?   Tungkol sa "naglalathala" ay naging "m" sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo. Ganito rin--("difundirâ")--ang kay De los Santos. Subali' t ang aming sipi, na di namin pinag-aalinlanganan, ay "naglalathalà" ang talagang nakalagay. May palagay kaming ang "maglalathala" ay siyang talagang tumpak, sapagka't sa dakong unahan ay may ganitong pangungusap:   "Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó ang siyang camuc-ha n~g bunying guerrero, aquing napan~garap na sabi sa iyó, maguiguing haligui n~g Cetro,t, Reino".   Maliwanag ang "maguiguing haligui"; at sa saad na ito ay walang ibang tumpak na ikapit kundi "maglalathalà ng capurihan co at capangyarihan". Mali nga ang "naglalathala".   At sa tulang kasisipi lamang ay may mapupuna rin tayong tila kamalian lamang: ang "aquing napan~garap na sabi sa iyó". May palagay kaming hindi kay Balagtas iyan. Nguni't ganyan ang nasa aming sipi at kay P. Sayo. Samantalang sa "Kun sino ..." ay "aking napangarap nasabi sa iyo". Na, lalong naging gago. Gago man sa pangungusap ang "aquing napangarap na sabi sa iyo" ay hindi sa pagkakasulat, sapagka't mayroong "na" sa pagitan ng "napangarap" at "nasabi". Nguni't ang "na" riyan ay hindi _ligazon_ kundi tunay na panglapi, na gaya ng karamihang iba't ibang panglapi sa aklat na ito ay karaniwang inihihiwalay sa dapat lapian. Katunaya'y nariyan ang "mag hiualay", "na abâ" (isang na abâ), "nag hahandog", "mapag uunauà, "nag sisi silâ" (nagsisisilâ), "na acay" (naacay lumiyag), "mapag ala-ala", "ma anyó" (maanyong tumitig), "pag lililo", "nag hihimutóc", "nag aapuhap", "pang aliu", "mag mulâ", "mag aama", "nag bagong hibic", "mag bubo", "mag papasalamat", "nan~ga caacmâ", "mag aliu", at marami pa: mga panglaping kung bakit inihihiwalay, gayong malimit din namang isama o ikabot sa mga ugat. Napaghahalatang sa mga kahistang gumawa sa "Florante" ng 1861 ay may napasamang mangmang; at ang pagkakaibaiba ng pagkasulat o pagkalimbag ng mga salita--na sa isang dako'y tumpak, kabit ang mga panglapi sa mga dapat sa kabitang ugat, samantalang sa ibang dako nama'y hiwalay at may pinagkakabit namang hindi dapat pagsamahin--ay walang ibang pinatutunayan kundi ang pagkakaroon nga ng araláng kinatulong ng mga sanáy at maalam.   At sa kamay ng araláng iyan nagdaang walang sala ang bahaging dinadaliri natin. Kaya, ang "na" ay napahiwalay sa "sabi". Na siyang sa "Kun sino ..." ay ikinabit sa dapat pagkabitan, ginawang "napangarap" "nasabi", at siyang lalong ikinagago. Gago na sa pamimigkas ay gago pa sa pagkasulat. Kaya, ang "na" kay De los Santos, na "lo seño y te avisó" (napangarap at nasabi sa iyo), ay siyang tama. Sa pamamagitan nito, ang kagarilan ng "aquing napangarap nasabi sa iyó" ay naging pagkasarapsarap sa "aking napangarap at nasabi sa iyo". Na, labis naman dito ang bilang ng pantig? Labis nga, sa pagkakasulat, nguni't hindi sa pamimigkas. Kahalintulad lamang ng mga halimbawang nadaliri na sa ika 20, ika 45 at ika 46 na paliwanag. At wala ring pinag-ibhan sa "dampiohan", na kung isusulat ngayon ay "dampiyohan", na:   "Halina, irog co,t, ang damit co,i, tingnán, ang hindi mo ibig dampioháng calauang"...   Paano nga ang gagawin, kung ang "dampiohan" ay isusulat ng "dampiyohan", ayon sa bagong pagsulat? Mapaiikli kaya ang "dampiyohang kalawang", upang maging sukat sa pantig?   Na, sa salitang iyan ay maipapalit ang "dapyohan" pagka't siya ring kahulugan, at iisa rin naman ang "dapyo" at "dampiyo"? Maaari nga; nguni't sino ngayon ang makatitiyak kung alin ang ginamit ni Balagtas? At sakaling "dampiohan" ay ano at papapalitan natin sa para sa kanya naman ay iisang bigkas lamang ang "iya", "iyo" atbp. ayon sa mga halimbawang dinaliri, at para sa kanya'y lalong mahalaga ang "bilang ng pantig sa pangungusap" kay sa "bilang ng pantig ng pagkakasulat"?   Tungkol sa "nadararáng", sa tulang:   "caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng sa nin~gas n~g sintang bago cong naticmán."   sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nadadarang" ang nakalagay. Nguni't may palagay kaming ito'y binago lamang, upang maianyo sa pamimigkas ngayon, gaya rin naman ng pagkakabago sa katagang "marampî", na ginawang "madampî'", sa tulang:   "man~ga dalirî co,i, na aalang-alang marampî sa balát na cagalang-galang".   Tungkol sa "na unang", sa tulang:   "Dito co naticmán ang lalong hinagpís, higuit sa dalitang na unang tini-is"...   ang "na unang" na iyan ay kahalintulad lamang ng "na sabi" at "na aba", "na aalang-alang", atbp., na dapat basahing "naunang", "nasabi", "naaba", "naaalang-alang". Pawang kamalian lamang ng araláng kahista.   Tungkol sa "n~guni,i," ay naging parang bugtong na anak ang _ligazon_ "i" o "y" sa lagay niyang ito. Ganito ang maliwanag at walang alinlangang nasa sipi namin: nguni't sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay _ligazon_ "t" ang nakalagay. Sa sipi man naman namin ay laging "t" ang ginagamit sa mga pangsubaling "nguni" at "dapoua". Aywan nga kung bakit dito na lamang naging "i". Maging ang "y" sa "anaki'y" ng "Kun sino ...", sa kanyang:   "Pag-ibig anaki'y aking nakilala di dapat palakhin ang batà sa sayá"...   pati nga ng "anaki'y" diyan ay "anaqui,t," sa sipi namin. Nguni't ang pang-ugnay na iyang "y" ay "isang halamang napakalusog at mabulaklak hangga nitong mga huling panahon at ngayon na nga lamang naging lanta". Karaniwan ding gamitin, di pa nalalaon, sa mga "datapuwa" at "nguni" at "subali", na kaipala'y higit pa kay sa "t".   Tungkol sa "pagtulog", sa tulang:   "dapoua,t, ang baya,i, tat-long arao halos na nacalimutan ang gauing pagtulog"...   ayon kay De los Santos ay "matulog" ang tunay; at kay P. Sayo ay "matulog" din nga ang nakalagay. Nguni't sa aming sipi at sa "Kun sino ..." ay "pagtulog" ang nakalagay.   Tungkol sa "aca,i," sa saad na:   "Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil sa paá nang isang; bundok na mabangin"...   ay maliwanag na isa lamang kamalian "Akay" ang sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay ganito naman--naging "na" ang "cong".   "Ang akay na hukbo'y kusang pinahimpil sa paa nang isang bundok na mabangin"...   Tungkol sa "tauaguin", sa tulang:   "Pangimbuló niya,i, lalo nang nag-álab nang aco,i, tauaguin tangulan ng Ciudad".   Ang naritong "tauaguin tangulan" ay kahalintulad din marahil ng "napangarap nasabi". Hindi rin kay Balagtas marahil. Mahirap paniwalaang "balangkas Balagtas" ang kagarilang iyan. Kaya, kung paanong natuklasang may "at" ang "napangarap at nasabi", ayon kay De los Santos, ay dapat ding tuklasin ang lunas sa kagarilan ng tauaguin tangulan". At ang kay P. Sayo, na "tawaging tanggulan"--may _ligazon_ "g" ay siyang tama.   Tungkol naman sa:   "ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal".   sa "Kun sino ..." at sa iba pa ay may pang-ugnay na kalakip ang "Corona", na isang "t". Sa "korona't kay Laura'y makasal". Hindi isang kuwit lamang. Nguni't may palagay kaming labis na riyan ang _ligazon_ "t". Tumpak ang kuwit. Sapagka't ang ibig sabihin ni Balagtas ay kaya lamang nagpapakamatay na mapakasal kay Laura si Adolfo'y dahil na dahil lamang sa "Corona", at di dahil sa korona at kay Laura. Para kay Adolfo, na isang taong "sakim sa yaman at kapangyarihan", ang pag-aasawa kay Laura ay isa lamang kaparaanan upang mapaluklok sa "Trono". "Maging Hari" ang tangi at totohanan niyang layon at pangarap! Kaya, ang sabing: "ang Conde Adolfo,i, nagpapacamatay dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal" ay tamangtama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD