"Nay, ayos na ba ang pakiramdam mo?"
Nandito ako ngayon sa hospital dahil isinugod nanaman daw siya rito. Tinext ako ng kapatid ko na sumuka raw ulit ng dugo at nahimatay ang inay. Dali dali akong nagpaalam sa prof ko sa kalagitnaan ng klase at dumiretso rito sa hospital.
Hindi pa nga ako pinayagan pero dahil sa sobrang pag-aalala at kagustuhang malaman ang kalagayan niya ay tuloy pa rin akong umalis ng campus. Kahit pa sinigawan niya ako at pinapabalik sa loob ay tuloy tuloy pa rin akong umalis.
Emergency nga. Hindi ba siya makaintindi?
"Okay na ako, ba't ka nandito? Hindi ba't may klase ka pa?" tanong niya sa nanghihinang boses.
Bumuntong hininga ako, alam ko kasing nagsi-sinungaling lang siya. Kapansin-pansin ang panghihina sa boses niya. Hindi ko maiwasang maawa, sumasakit na ang ulo ko sa kakaisip kung ano ba ang dapat kong gawin para matanggal na ang lahat ng sakit na nagpapahirap sakanya.
Wala na din akong pake kung may klase pa ako. Mas mahalaga sa akin ang pamilya ko.
"Nagpaalam po ako sa prof ko, hindi po pwede na walang magbabantay sa inyo rito. Pinauwi ko na ho si Johann dahil may klase pa siya."
Malungkot siyang ngumiti at hinaplos ang pisngi ko.
"Pasensya ka na, Lyn. Ako sana ang nag a-alaga sa inyo kung malakas pa ako, patawarin mo ako dahil nagiging pabigat na ako sa inyo," aniya sabay hikbi.
Nangilid ang luha ko sa sinabi niya pero hindi ko hinayaan ni isang patak ng luha ang tumulo. Ayoko siyang sabayan. Pinatatag ko ang loob ko at hinawakan ang kamay niyang humahaplos sa pisngi ko.
"Hinding hindi ho kayo magiging pabigat sa amin, kahit tumanda kayo, kahit hindi na kayo makalakad o hindi niyo na ako makilala. Lagi mong tatandaan na hindi ako magsasawang alagaan ka, 'nay."
Ngumiti siya kasabay ng sunod sunod na pagtulo ng luha sa pisngi niya.
"Nay, huwag ka naman ganiyan. Pinapaiyak mo rin ako, eh," wika ko at pinunasan ang luha niya.
Humagulgol siya at hinila ako para yakapin.
"Patawad, kung pwede lang mamatay na ako para hindi na ka–"
"Nay! Tumigil ka nga!" agad kong pigil sakanya sa galit na tono.
Matalim ko siyang tinignan.
Ba't ba siya nagsasalita ng gano'n?
Nakakainis tuwing binabanggit niya ang kagustuhang mamatay na. Hindi ako naghihirap mag-aral sa umaga at mag-trabaho sa gabi para lang hayaan siyang mamatay! Lahat ginagawa ko maka dilihensya lang ng pambili niya ng gamot tapos ganito ang sasabihin niya?
"Hindi na kayo nakakatuwa. Alam kong nahihirapan ka na sa sakit mong 'yan, pero lumaban ka lang po. Parang awa niyo na, hindi pa namin kayang mawala kayo!"
Umiyak lang siya sa balikat ko.
"Please naman, 'nay! Huwag na huwag niyo na ulit babanggitin 'yan. Hindi namin kaya kapag wala kayo, iniwan na nga tayo ni Tatay, eh!"
Hindi siya umimik at umiyak lang sa balikat ko.
Gustong gusto ko nang bumigay, gustong gusto ko nang sumuko. Pero sa tuwing naiisip ko na ako nalang ang inaasahan ng nanay at mga kapatid ko, hindi ko magawa. Hindi ko sila kayang sukuan, kahit pa hirap na hirap na ako.
Namatay si Tatay sa isang disgrasya sa lugar namin, nadamay siya sa salpukan ng isang truck at motor. Simula no'n ay naghirap na kami, idagdag mo pa ang biglaang pagkakaro'n ng sakit ni inay sa baga. Meron din siyang bukol sa matris na patuloy na lumalaki. Bilang nakakatanda ay sinalo ko lahat ng responsibilidad.
Natigil lang ang dramahan naming mag-ina nang makaramdam na siya ng antok. Pinakain ko muna siya ng rasyon nila dito sa hospital bago pinainom ng gamot tsaka pinatulog.
Hindi lang 'to ang unang beses na isinugod namin siya rito. Ang sabi naman ng doctor ay kailangan lang niyang uminom ng gamot araw araw at kung maaari ay limitahan ang mga galaw.
Pagod na ako sa paulit ulit na reseta ng doctor dito na parang wala namang epekto sa nanay ko. Kung may mahihiraman lang ako ng malaking halaga, iba-byahe ko talaga siya papuntang Maynila. Ang sabi ng kaibigan ko, mas magagaling daw ang mga doctor doon. Baka sakaling gumaling na siya kapag nagamot ng maayos.
Mag aalas-otso na ng gabi nang dumating ang kapatid kong lalake, si Midel. Siya ang panganay na lalake sa amin, isang taon lang ang agwat ko sakanya.
"Nagdala ako ng pagkain, nanghiram muna ako sa kaklase ko. Kumain ka na at umuwi, ako na muna magbabantay kay nanay," sambit niya.
Umiling ako. "Ako na, may pasok ka pa bukas. Ayos lang na lumiban muna ako sa klase, magpapadala nalang ako ng excuse letter."
Buntonghininga ang isinukli niya sa sinabi ko.
"Last year mo na 'to, huwag mong sayangin. Ako na ang magbabantay, Astherlyn."
Dahil tinawag na niya ako sa buong pangalan ko ay wala na akong nagawa.
Hindi na ako ulit nakipagtalo pa sakanya at um-oo nalang. Inaalala ko din ang sasabihin ng professor ko sa biglaang pag-alis ko sa classroom kahit pinagbawal niya.
Ba't kase hindi siya maka-intindi ng emergency? Napabuntong hininga nalang ako at sinimulan nang kumain.
Bahala na bukas...
Kailangan ko ring maghanap ng mahihiraman ng pera dahil paniguradong hindi kami palalabasin ng hospital na hindi bayad. Buti nalang at saktong off ko ngayon sa trabaho ko bilang waitress sa isang restaurant.
Estudyante ako sa umaga. Waitress ako sa gabi.
Mukhang kailangan ko na magdagdag ng trabaho, ang kinikita ko ay nasa minimum wage lang. Sakto lang para sa gastusin sa bahay, sa mga essential namin at baon ng mga kapatid ko sa eskwelahan. Pati na din ang ilang gamot para kay nanay, kung tutuusin kulang na kulang pa nga.
Naririndi na ang utak ko sa dami ng problema. Nang matapos kumain ay nagpaalam na ako sa kapatid ko na uuwi na. Binilinan ko siya ng mga dapat niyang gawin kapag gising ni nanay. Buti nalang at may mga kapatid akong maaasahan, medyo nabawasan ang pasanin ko sa buhay.
"Kamusta si nanay, ate? Maayos na ba siya?" Salubong sa akin ni Brinella, ang bunso kong kapatid.
"Mabuti naman na ang lagay niya, hindi ko lang alam kung pwede na siyang ilabas. Hindi ko natanong sa doctor, tsaka paniguradong kailangan ko ng pera para kung sakali mang pwede na e mailabas siya agad. Lalaki lang ang gastusin natin kapag mas nagtagal siya doon, mukhang hindi naman ume-epekto ang mga ginagawa nila sakanya."
Agad naman niya akong binigyan ng tubig. Ang layo din ng nilakad ko mula hospital hanggang dito sa bahay. Ayoko munang gumastos sa pamasahe, kailangang magtipid.
"Asan si Johann?" tanong ko nang mapansing wala dito ang isa ko pang kapatid.
"Hindi pa bumabalik. Kanina nang umuwi siya, nagbihis lang tapos lumabas na ulit."
Napahilot ako sa sintindo. Gabing gabi na wala pa ang isang 'yon dito sa bahay. Sana naman huwag na silang sumabay sa aalalahanin ko, nakakapagod.
"Maliligo lang ako, kumain ka na ba?"
Tumango siya.
"Sige, isarado mo na 'yang pinto at matulog ka na. Ako na ang maghihintay kay Johann, maaga pa ang pasok mo bukas."
"Sige po."
Naligo muna ako at inayos ang sarili. Chineck ko din kung may stocks pa ba kami ng de lata sa kabinet. Nakita kong dalawa na lang ang nando'n, pati ang bigas namin ay paubos na. Napahilamos ako sa mukha dahil 300 nalang ang pera ko sa wallet. Hindi 'yon magkakasya sa pambaon ng mga kapatid ko pati na din sa pagkain namin dito. Next week pa ang sweldo ko bilang waitress, hindi ko na alam kung saan ako manghihiram.
Nang matapos maligo ay umupo na ako sa labas ng sala namin, naglabas ng isang sigarilyo at sinimulang humithit.
Nahilig ako sa sigarilyo simula no'ng namatay si Tatay. Na-impluwensyahan ako ng kaibigan ko, pampakalma raw 'to. Naninigarilyo lang ako kapag wala ang mga kapatid ko, ayokong gayahin nila ang bisyo ko. Kailangan ko lang nito para kahit papaano ay kumalma ako at makapag-isip ng maayos.
Naputol ang pag-iisip ko ng tumunog ang de keypad kong cellphone. Nag text si Maddi, ang pinaka matalik kong kaibigan. Ang sabi ay pumasok daw ako bukas dahil exam, imbis na mag reply ay tinawagan ko siya.
Nakailang ring din bago niya sinagot.
"Oh, kamusta ang pag walk-out sa klase ni panot?"
Natawa ako. Baliw talaga 'tong babaeng ito. Panot pa rin ang tawag kay prof kahit ilang beses nang na sample-an ng guidance dahil sa pang-aasar niya.
"Ayos na ayos, bahala siyang mas mapanot sa kabastusan ng mga estudyante niya. Walang consideration, sarap basagan ng itlog sa ulo."
Humalakhak siya.
"Badtrip nga ang isang 'yun, daig pa ang nag menopause."
Natawa lang ako ng kaunti at malakas na bumuntong hininga.
"Problema nanaman, Madz."
Natigil siya sa pagtawa at natahimik.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko, napapagod na ang utak at katawan ko sa lahat ng 'to. Awang awa na ako sa pamilya ko," mahinang bulalas ko.
Napahilamos ako sa mukha at isinandal ang ulo sa upuan. Sakanya lang ako nakakapaglabas ng mga hinaing ko sa buhay.
Narinig ko siyang malakas na nagpakawala ng malalim na buntonghininga.
"Gustong gusto kitang tulungan, pero wala rin ako, gipit."
Binalot kami ng katahimikan, ilang segundo lang.
"May alam akong trabaho pero ayokong pasukin mo, Dem. Mahirap 'yon tsaka hindi ka bagay doon," kinalaunan ay sambit ni Maddi.
Humithit muna ako sa sigarilyo ko bago sumagot.
"Alam mong papasukin ko lahat. Kahit ano pa 'yan, kailangang kailangan ko ng pera ngayon. Kahit magbenta ng baga, gagawin ko."
Narinig ako ang pagtawa niya sa kabilang linya.
"Pole dancer, sa isang bar. Malaki ang kita doon dahil puro high profiled ang tanging nakakapasok, tutal magaling ka namang sumayaw, pwede ka ro'n."
Napahinto ako sa paghithit ng sigarilyo ng marinig ang sinabi niya.
"Magkano ang pwedeng kitain sa isang gabi?"
"Kung magaling ka, baka kulang kulang bente mil din kada gabi, depende sa performance mo at sa tip ng mga manonood."
"Nakapasok ka na ba riyan? Alam mong papasukin ko lahat ng trabaho pwera nalang ang illegal," paninigurado ko.
Ayoko namang pakainin ang pamilya ko ng mga pagkaing binili ko galing sa illegal na pera at sa masasamang paraan. Hindi kaya ng konsensya ko ang gano'n.
Hangga't maaari ay umiiwas ako sa mga illegal na gawain. May nag-alok na kase sa akin noon na magbenta ng droga dahil malaki ang kita. Desperada man akong kumita ay hinding hindi ko papasukin ang mga gano'ng gawain. Gusto ko pa ring kumita sa malinis at legal na paraan.
"Nag-apply ako, may backer ako doon. Magsisimula na ako sa lunes, kung gusto mo sumabay ka na sa akin."
Napaisip ako.
Kung bente mil kada gabi, mababayaran ko na ang hospital bill ni inay, mabibili ko pa lahat ng gamot niya. Pero kulang pa rin 'yon dahil hindi lang iyon ang gastusin namin. Sa gamot pa lang niya na kailangang araw araw niyang inumin ay sobrang mahal na.
Napapikit nalang ako at hindi na nagdalawang isip na pumayag sa alok niya. Sasama ako sakanya sa lunes, 8-12 daw sila ng madaling araw. Tulog na ang mga kapatid ko no'n, ang pasok ko naman bilang waitress ay 5-7 ng gabi. Titignan ko muna kung ano talaga ang kanilang trabaho doon bago mag desisyon.
Sa ngayon ay kailangan ko munang maghanap ng mahihiraman.
Nagkasundo muna kami ni Maddi bago pinatay ang tawag. Sakto namang pagdating ng isa ko pang kapatid na may hawak na paperbag.
"Saan ka galing?"
Napahinto siya ng makita akong lumabas mula sa dilim. Medyo madilim kase sa tinambayan ko kanina.
"Sa kaibigan ko lang, ate. Nagpatulong sa project niya," sagot niya.
"Oh, ano 'yan?"
Nginuso ko ang paperbag na hawak niya. Agad naman niya 'tong binuksan.
"Bigas, bayad niya sa 'kin sa pagtulong."
Napatango-tango lang ako sa sinabi niya.
"Sige na, pumasok ka na at matulog. Sa susunod, hintayin mo muna akong dumating bago ka umalis."
Tumango naman siya at dumiretso na sa kusina at inilapag doon ang dala niya bago pumasok sa tulugan nilang dalawa ng kapatid kong si Midel.
Sinarado ko na ang pintuan namin at tinali ang nagsisilbing lock nito sa loob. Minsan na kaming nalooban dito, nilimos lahat ng gamit namin na pwedeng mabenta. Wala kaming de susing pinto kaya naman kumuha nalang ako ng makapal na tali at 'yon ang ginagamit namin para walang makapasok dito sa loob.
Pinatay ko na ang ilaw bago dumiretso sa kwarto at tinabihan ang bunso kong kapatid.
Ramdam ko ang kaginhawaan ng makahiga na. Sa wakas... Makakapag-pahinga na rin, pinikit ko na ang mata ko at sinimulang matulog.
Bahala na bukas. Kailangan ko ng pahinga ngayon dahil paniguradong mapapagod uli ako bukas kakaisip ng paraan para makahiram ng pera. Idagdag mo pa ang exam namin na hindi ko alam kung maipapasa ko. Wala akong review ngayon at walang ibang pumapasok sa utak ko kung hindi si inay.
Nagdasal muna ako bago tuluyang dalawin ng antok.