ALAS-CUATRO na ng madaling araw nang makauwi ako ng bahay. May nasalubong akong babae na nakatakip ng hoodie na kalalabas lang ng bahay namin. Base sa itsura nito ay galing ito sa kwarto ng kapatid ko. Ilang beses na rin nangyari ‘yon at tuwing tatanungin ko si Kuya Dong, pinapabulaan niya ang nakita ko. Sa susunod ko na lang kukuhanan ng litrato dahil wala ako sa mood nang mga panahong iyon. Pagdating ay naligo na ‘ko at nagbihis para hintayin na lang ang mga bata na magising at sabay-sabay kaming pumunta ng eskwelahan nila. Matapos magsuklay at magbihis ay ilang minuto rin akong nagsepilyo kahit alam kong hindi agad mawawala ang amoy ng alak sa aking hininga. Dahil rest day ko naman at sa school ng mga bata lang ang punta, black jeans at asul na polo shirt lang ang sinuot ko.

