“A-alam mo, ang daya mo. Kanina pa ako rito tagay ng tagay. Tapos ikaw… pinapanood mo lang ako,” nakasimangot na wika ni Mimi. Hawak nito ang isang baso at sinasalinan ng alak na nakuha nito sa cabinet.
Sa isip isip ni Gareth, lagot siya sa kanyang Daddy mamaya. Pinakialaman kasi ni Mimi ang isa sa koleksyon nito. Mamahalin pa naman ang napili. Pero ‘di bale, gagawan na lang niya ng paraan. Hahanap siya online.
“Nakita mo na ba akong uminom kahit kailan? Di ba lagi nga akong pass kapag nag-aaya uminom ang iba nating mga kaibigan.” Humalukipkip siya.
Nakasalampak lang sila ng dalaga sa sahig, Di naman sila lalamigin dahil nilatagan niya muna ng puzzle mat. Nakagitna sa kanila ang mini folded table kung saan naroon ang chips, tuna flakes with sky flakes at alak na nilalantakan ni Mimi.
Kontento na siya sa chips.
Si Mimi ay mamulamula na ang mukha dahil nakailang shots na.
“Uminom ka na rin… damayan mo ‘ko, please?” himok ni Mimi sa kanya. Iniabot nito ang baso.
Hindi talaga niya matiis ang dalaga. Kaagad niyang tinungga ang laman ng baso. Gumuhit agad ang pait at init sa lalamunan niya. Napapikit pa siya at bahagyang napangiwi.
“H-hayan, nabinyagan na ang lalamunan ng friend ko. Sarap di ba?” Humahagikhik ang dalaga.
“Pinagbigyan lang kita. Nakakaawa ka lang kung mag-isa kang iinom d’yan.” Ipinaling-paling niya ang ulo.
Pakiramdam niya kasi ay mukhang tinamaan siya agad sa isang tagay pa lamang.
“Lasing ka na agad? Nakakaisa ka pa lang. Ako nga, nakailan na. Pero tingnan mo, ‘di pa ‘ko tinatamaan. Tagay ka pa.” Iniabot ulit sa kanya nito ng baso na may panibago ng salin.
Ang talim na ng tingin niya kay Mimi. Pero dedma lang ito. Kung di lang talaga niya kaibigan ito at mahal.
Makakatikim na ito sa kanya ng… halik?
Pumapak muna siya ng tuna flakes at inabot ang baso. Sa ikalawang pagkakataon ay ininom niya muli nang straight. Nang matapos ay padabog niyang inilapag ang baso. Napahiyaw siya sa pait!
“s**t! Ayoko na, Mimi!” Tuluyan nang namula ang mukha niya. Pati katawan niya ay umiinit na rin ang pakiramdam.
Napahalakhak nang tuluyan si Mimi.
“Ang weak mo naman! ‘Di bale na nga, ako na lang ang iinom!” Inirapan siya nito, sambakol na ang hitsura ng mukha.
Nagpasya siyang ihahatid na niya ang dalaga habang pareho pa silang nasa tamang pag-iisip. “Tara na. Iuuwi na kita. Wala tayong mapapala sa pag-inom.” Tumayo siya mula sa pagkakaupo.
“K-kulang pa ang naiinom ko, hindi pa ko nakakalimot. Masakit pa rin! Dapat, alam mo ang pinagdaraanan ko at nararamdaman dahil friend kita!” madramang wika ni Mimi. Pinagdikit pa ang dalawang daliri para imuwestra sa kanya ang friendship nila.
“Hindi ka makakalimot d’yan. Lalo lang bibigat ang nararamdamn mo. Sa tingin mo ba, kapag lasing ka na, malilimutan mo na ang ban ban mong irog? Tell me. Ang hirap sa ‘yo, masyado kang nagiging tanga sa kakahabol sa taong iyon!” aniya sa kalmadong boses ngunit nangangalit na ang mga bagang niya. Galit na hindi para kay Mimi kundi para sa taong nanakit dito.
Hell! He could move heaven and earth for Mimi. Masasapak niya talaga si Calyx nang wala sa oras.
Natigilan si Mimi. Pero saglit lang ay yumuko ito. Alam niyang umiiyak na naman ito.
Bumuntong hininga siya. Nilapitan ulit ang dalaga at niyakap. “Sorry, sorry na,” paanas niyang wika.
“T-Tama ka naman. Eh, ang tanga-tanga ko. May iba namang naghahabol sa akin pero siya ang nakikita ko. Hindi ko naman matuturuan ang puso na pumili ng taong gugustuhin, ‘di ba? Ang sakit lang talaga na hindi niya ako magustuhan talaga.”
Ako kaya? Kailan mo makikita? wika ng isip niya.
“Sana, naging straight na lang siya… para hindi siya dedma sa akin.”
“Marami ka pa namang ibang makikita d’yan… lumingon ka lang.”
Nag-angat ng tingin si Mimi. Tinitigan siya habang kumikibot-kibot ang mga labi. “Ikaw, Gareth… bakit gusto mo ‘ko?”
Napalunok siya sa hindi inaasahang tanong nito. Pero alam niyang kaya matabil ang dila nito ngayon ay dala ng tama ng alak na nainom. “Because you’re beautiful… kung ano ka rin, hindi mo itinatago. Hindi ka nahihiyang gawin ang isang bagay. Basta ginusto mo at wala ka namang masasaktan na iba.”
Bahagyang tumahimik si Mimi. Pero nakatitig pa rin sa kanya. Kung anuman ang iniisip nito ngayon ay ‘di niya batid. Pero nagiging mapaglaro na rin ang kanyang utak dahil sa katitingin niya sa mapupulang mga labi nito.
Those luscious red lips na ‘di man pahiran ng lipstick ay sadya nang mapula. Mga labing kay tagal niyang pinapangarap na mahalikan at angkinin. Na tuwing nag iisa siya ay madalas niyang inaalala at nagbibigay ng kakaibang init sa kanya.
“G-Gareth…”
“Yes?”
“K-kiss me… will you?”
“Sure— Ahhh! Wait!” Nabaghan siya at napakalas ng yakap. Muntik nang mapahiga si Mimi. Tumayo siya.
“A-ayaw mo?” Nabigla rin ang dalaga. Halatang ‘di makapaniwala ito sa naging reaksyon niya. Napatayo na rin ito.
“Lasing ka na talaga. Please, don’t play a game… lalake ako at mahina sa tukso lalo na kapag inakit ng babaeng tulad mo.”
“H-hindi kita inaakit… I just want to return the favor. Dahil gusto mo ‘ko at bilang kaibigan mo.”
“You don’t need to do that… believe me. You got me, always,” pagtitiyak niya rito. Kalma pa siya pero alam niyang malapit nang mapatid ang control niya. At kung hihilingin pa nitong halikan niya ay ‘di na siya magpipigil pa.
But God knows…
“F-fine… sabi mo, eh,” may bikig sa lalamunang wika ng dalaga. Inayos nito ang buhok at suot na shirt.
Napabuntunghininga siya. Alam niyang nasaktan ito sa pagtanggi niya.
Tinalikuran na nga siya nito.
“T-tama ka. Mabuti pang umuwi na ‘ko… O kaya naman, sasama na lang ako sa kahit na sinong lalake na makasalubong ko pauwi.” Naglakad na ito papuntang salas.
“Are you nuts?! The hell you don’t!” shock siya kay Mimi. Sumunod siya rito.
“Good night! Thanks for the company,” mapait na wika ng dalaga habang bahagya na siyang nililingon at binuksan ang pinto.
Hindi siya papayag na gawin nito ang gusto. Mabilis ang naging kilos niya. Hinatak niya ang dalagang hindi nakahuma sa kabiglaan.
At mabilis itong ikinulong sa kanyang mga bisig.
Upang ibigay ang halik niya na nais nito.
Sabi nga niya, he could move heaven and earth for her.
Ano ba naman ang halik? Siya lang naman ang magsasakripisyo. Siya na mamamatay nang unti-unti na makuha ang halik nito pero hindi ang puso.