CHAPTER FIVE

2932 Words
PAGKASAMPAL sa kanya ni Carlene ay agad din siyang humarap dito na may nakakalokong ngiti. “Iyan na ba 'yong una mong sampal? Ang hina naman. Kulang sa lakas!” Pang-aasar pa niya dito. Mukha naman siyang nagtagumpay sa pang-aasar dito dahil gigil na gigil na sinampal siya ni Carlene sa pangalawang pagkakataon. “Mahina pa rin! Ganyan ka ba sumampal hanggang sa pang-sampu mo, Carlene?!” “Tisay! O-okay ka lang ba?” Nag-aalalang tawag sa kanya ni Mikka. Itinaas ni Tisay ang isang kamay. “Kaya ko ito, Mikka. 'Wag kang makikialam. Tumabi ka na lang!” utos niya sa kaibigan. “Okay. Sabi mo, e!” “b***h!” sigaw ni Carlene sa kanya. Akmang sasampalin ulit siya nito pero hindi na siya pumayag na masampal pa siya nito. Sinalag niya ang kamay nito sa pamamagitan ng paghawak sa kamay na sasampal sa mukha niya. Ngumisi siya at mahinang tumawa. “Sineswerte ka naman yata. Birthday mo ba?” Ginamit niya ang isa niyang kamay para sampalin si Carlene. Talagang ibinuhos niya ang lahat ng lakas niya doon. Sa lakas ng sampal niya ay napasigaw si Carlene sa pagkabigla at sakit na rin siguro. Kung hindi niya siguro hawak ang isa nitong kamay ay baka natumba na ito. Gumewang ang paa nito at muntik nang matumba. Hinila niya ito at muling pinagsasampal. Hindi niya alam kung ilang beses niya itong pinagsasampal basta ayaw na niyang tumigil! Hanggang sa naabot ni Carlene ang buhok niya kaya nawalan na siya ng pagkakataon para sampalin ito. Hinila siya nito sa buhok papunta sa gilid at doon siya nito pinagsasampal. Pero lumaban pa rin si Tisay. Isang malakas na sipa sa tiyan ni Carlene ang pinakawalan niya. Tumilapon ito at napaluhod habang sapo ang nasaktang tiyan. “'Tang ina ka!” Galit na sigaw ni Carlene sa kanya. “Hayop kang kabit ka!” Mabilis na nilapitan ni Tisay ang nakaluhod na si Carlene. Tinuhod niya ito sa baba nito. Napatingala si Carlene. Hinablot niya ang buhok nito at hinila patayo. Kinaladkad niya ito habang nagpapaulan ito ng mura sa kanya. Siya naman ay nakangiti lang at parang tuwang-tuwa pa sa nangyayaring away nila ng asawa ni Samuel. Hinila niya ito hanggang sa may escalator na pababa. “Bitiwan mo akong kabit ka! Malandi ka! Haliparot!” Patuloy na pagwawala ni Carlene. “Gusto mo talagang bitiwan kita? Okay! Go!” Malakas niyang sinipa sa tuhod si Carlene kaya naman napaupo ito. Itinulak niya ito sa escalator paibaba at nagpagulong-gulong ito paibaba. Parang mga bowling pin na nagtumbahan ang mga tao na nabangga ng pagulong-gulong na si Carlene. “Ano ba 'yan?!” “Mag-ingat ka naman!” Sigaw ng mga tao kay Carlene nang nasa ibaba na ito. Galit na galit itong tumayo. May sayang naramdaman si Tisay nang makita niyang sugatan at duguan si Carlene. “Ano?! Lalaban ka pa?!” sigaw niya. “Hayop ka! b***h!” “Wala kang kwentang kaaway. Saka mo na ako awayin kapag kaya mo na akong talunin!” aniya at tinalikuran na niya ito. Inaya na niyang umuwi si Mikka dahil wala nang kwenta na makipag-away pa siya kay Carlene. Isa pa, marami na ang taong nanonood at pinagtitinginan sila. -----ooo----- “BWISIT na Carlene 'yon! Walang breeding. Mayaman nga pero kung sumugod, walang ka-class-class. Atleast ako, sanay ako sa ganiyang ganap. Parang walang pinag-aralan!” Nang makauwi lang si Carlene ay saka lang niya nailabas ang galit na nararamdaman niya. Tila pagod na pagod na ibinagsak niya ang kanyang katawan sa sofa. Kakauwi lang niya sa bahay niya. Sumunod na pumasok si Mikka na bitbit ang lahat ng pinamili nila. Huminga ito ng malakas nang ilapag nito ang mga paper bag sa sahig. Tumabi ito sa kanya sa sofa. “Grabe! Nakakapagod magbitbit ng pinamili natin!” anito. “Pasensiya ka na, ha. Wala talaga ako sa mood na magbitbit dahil sa Carlene na iyon!” Nakabusangot ang mukha ni Tisay. Kapag naaalala niya ang mukha ng misis ni Samuel ay lalong umiinit ang ulo niya. Nakukulangan pa kasi siya sa ginawa niya dito. Kung wala lang talaga sila sa mall, mas matindi pa doon ang ginawa niya dito. Nabigla rin naman talaga siya sa ginawa niya kanina na pagpatol kay Carlene. “Ikaw, e. Ayaw mo naman magpatulong. Bugbog-sarado sana sa atin 'yon!” “Ano naman aasahan ko sa iyo? Hindi ka naman sanay sa away-kalye. Saka laban ko iyon. Hindi mo kailangang mangialam. Hay! Naiinis talaga ako. Gusto kong mawala ito ngayon!” “Ano kaya kung mag-shopping ulit tayo. Balik tayo sa mall!” suhestiyon ni Mikka. “Mikka, sarado na ang mall. Ano kaya kung mag-bar tayo?” “Bar? Sure!” Parang may spring ang puwit na napatayo si Mikka. “Pero bago tayo lumabas, magpapalit lang ako ng damit. Iyong bagong dress na binili natin. 'Yong sexy!” Napailing na lang si Tisay kay Mikka. Tumayo na rin siya para magpalit ng damit. Ngayong gabi ay hindi niya iisipin na may Samuel sa buhay niya. Kailangan niyang magpakasaya para mawala ang inis na nararamdaman niya. -----ooo----- MALAKAS na isinara ni Carlene ang pinto ng kwarto nila pagkapasok niya na naging dahilan para magising si Samuel at mapabalikwas ng bangon. Ibinalibag niya sa kung saan ang dalang bag. Malalaki ang hakbang na nilapitan niya si Samuel at malakas itong sinampal. “Bakit?!” Nagtataka nitong tanong. Bumaba ito sa kama at hinarap siya. “Kailan ka ba titigil?!” “Ano bang sinasabi mo? Uuwi ka dito na galit na galit ka! Ano bang problema mo, Carlene?!” Dinuro niya ang mukha ni Samuel. “Ikaw! Ikaw ang problema ko at 'yang kakatihan mo!” sigaw niya na ikinakunot ng noo nito. “Akala mo ba hindi ko alam na may kabit ka na naman?! Nakikita mo ba itong mga sugat at pasa ko sa katawan? Ang hayop na si Tisay na makating kabit mo ang may gawa nito sa akin!” Muli niyang pinagsasampal si Samuel sa sobrang galit niya. Ayaw talagang humupa niyon. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay ngayon lang may lumaban na kabit ni Samuel sa kanya. At siya pa talaga ang natalo. Ang ikinakatakot pa niya ay may mga nakita siyang tao na kumukuha ng video ng away nilang iyon. Sigurado siya bukas, laman na ng social media ang pag-aaway nila ni Tisay. Ano na lang ang mukhang maihaharap niya sa mga kaibigan niya? Ano na lang ang sasabihin ng mga ito? Kaka-celebrate pa naman nila ni Samuel ng kanilang anniversary at ipinagmalaki pa niya doon kung gaano ka-perfect ang kanilang relasyon. Pagtsi-tsismisan siya panigurado ng lahat. Mababaon siya sa kahihiyan! Walang naging imik si Samuel. Napayuko na lang ito. Alam niya kapag ganoon ang inakto nito. Totoo ang sinasabi niya. “Buong buhay ko, wala akong ginawa kundi ang protektahan ang relasyong ito, Samuel! Tapos ikaw, wala kang ginawa kundi patuloy itong sirain!” Hindi na napigilan ni Carlene ang pagpatak ng kanyang luha. Matapang siya pero nakakaramdam din naman siya ng pagod at sakit. Hindi siya manhid. Marahang-nag-angat ng mukha ang kanyang asawa. “T-titigilan ko na si T-tisay. P-pangako…” Nauutal-utal nitong turan. “Pangako?! Ilang beses ka nang nangako pero hindi mo pa rin mapigilan 'yang kakatihan mo! Hindi pa ba ako sapat, ha?! At naghahanap ka ng ibang kakamot sa kati mo?!” “N-natukso lang ako. Titigilan ko na talaga si Tisay. Hayaan mo na lang siya.” Tumiim ang bagang niya. Pinunasan niya ang luha sa kanyang pisngi sabay ngisi. “Talagang alam mo na may gagawin ako sa Tisay mo, 'no? I’m sorry but I am not sorry pero hindi ko papalampasin ang ginawa niyang ito sa akin. Pwede ko naman sana siyang hayaan na lang gaya ng ginawa ko sa iba mong kabit, pero hangga’t nakikita ko ang sugat ko na siya ang may gawa? I don’t think na kaya ko siyang palusutin na lang, Samuel! Matindi ang gagawin ko sa kabit mo kaya humanda ka!” May halong pagbabanta ang kanyang pananalita. Bumakas ang kaba sa mukha ni Samuel. “A-anong gagawin mo kay Tisay?” tanong nito. “O, bakit parang concerned ka sa kanya? Don’t worry. Makikita mo ang gagawin ko sa kabit mo!” aniya sabay ngising muli. -----ooo----- KINAKABAHAN at natatakot si Samuel. Ngayong alam na ni Carlene ang tungkol sa kanila ni Tisay, sigurado siyang hindi ito titigil hanggang hindi ito nakakasiguro na wala na silang ugnayan ng kabit niya. Ang ikinatatakot pa niya ay parang matindi ang galit ni Carlene kay Tisay dahil sa nabugbog yata nito ng huli. Kilala niya si Carlene. Iba kapag nagalit ito. Kayang-kaya nitong pumatay. Gaya ng ginawa nito kay Mariza na dati niyang kabit. Bumalik tuloy sa alaala niya ang pagtarak ni Carlene ng bubog sa leeg ni Mariza. Napagtakpan ng pamilya nito ang krimen na iyon dahil sa kapangyarihan at koneksyon ng mga ito. Mag-isa lang si Samuel sa silid nila. Sa kabilang kwarto natutulog si Carlene. Pero siya ay hindi dalawin ng antok. Nakaupo siya sa gilid ng kama habang naninigarilyo. Tensed siya at hindi malaman ang gagawin. Maya maya ay tumayo na si Samuel at nagbihis ng damit. Gusto niyang magpalipas ng magdamag sa labas. Baka kapag nanatili siya dito sa bahay kakaisip ay masiraan pa siya ng bait. Isa pa, kailangan niyang makausap si Tisay para bigyan ito ng babala sa maaaring gawin ni Carlene dito. Sa lahat ng naging kabit niya, si Tisay talaga ang malapit sa puso niya. Bukod sa maganda ito at mahusay sa kama ay may bagay dito na hindi niya maintindihan kaya ganoon na lang ang pagkagusto niya sa babaeng iyon. Lumabas na siya ng bahay at sumakay sa kanyang kotse. Gusto niyang magpakalasing ngayon kaya naisipan niyang magpunta sa isang bar. Wala pang kalahating oras siyang nagda-drive nang may makita siyang bar. Ipi-nark niya ang sasakyan sa parking area ng naturang bar at bumaba. Pagpasok niya sa bar ay sumalubong sa kanya ang modernong awitin na sinasabayan ng pagsasayaw ng ibang naroon sa gitna. Huminto muna siya at iginala ang kanyang paningin sa kabuuan ng bar upang maghanap ng bakanteng lamesa. May nakita naman siya agad sa isang sulok. Umupo agad siya doon at tumawag ng waiter. Isang bucket ng beer ang in-order niya at nachos. Um-order din siya ng anim na shots ng tequilla. Magpapakalasing talaga siya ngayong gabi. Alak lang talaga ang naiisip niyang magpapakalma sa kanya. Wala siyang ginawa kundi ang lumagok sa bote ng beer. Kada-isang bote ay sinusundan niya ng isang shot ng tequilla. Medyo tinatamaan na siya ng ispiritu ng alak nang mapatingin sa sa mga nagsasayaw sa gitna. Naningkit ang mata niya nang tila makita niya doon si Tisay na may kasayaw na isang gwapo, matangkad at matikas na lalaki. Halos magkayakap na ang dalawa. Magkadikit ang mga katawan nito. Bahagya pa niyang ipinilig ang kanyang ulo at muling tiningnan ang babae kung si Tisay nga iyon. Hindi siya maaaring magkamali-- si Tisay nga ang babaeng nakikita niya! Kinuha niya ang huling shot ng tequilla at dire-diretsong ininom iyon bago siya tumayo at nilapitan si Tisay. Hinawakan niya ito sa braso at hinila palayo sa lalaking kasayaw nito. “Hey--” Natigilan ito nang makita siya. “Oh, hi, Samuel! Anong ginagawa mo dito? Naghahanap ka na naman ba ng bago mong kabit?” Namumungay na ang mata nito. Indikasyon na lasing na ito. “Ikaw yata ang dapat kong tanungin kung anong ginagawa mo dito. Hindi ba’t dapat ay nasa bahay ka!” Tinapik siya ng lalaking kasayaw nito. “Bro, pwede bang umalis ka na,” anito. “Tumahimik ka. Hindi kita kinakausap! Alam mo bang girlfriend ko itong kasama mo, ha!” Pinanlakihan niya ng mata ang lalaki. “What? Ang sabi niya, she’s single!” Ipiniksi ni Tisay ang braso nito na naging dahilan para mabitiwan niya ito. “Ano ba, Samuel?! I am not your girlfriend. I’m just your mistress.” Tumingin ito sa lalaking kasama nito. “Kabit niya ako. Hindi niya ako girlfriend kaya wala kang dapat ipag-alala.” Itinaas ng lalaki ang dalawang kamay. “Bahala na nga kayong dalawa diyan!” Naiinis nitong sabi sabay alis. “James! Wait! Saan ka pupunta?!” habol pa dito ni Tisay. Hinawakan niya sa kamay si Tisay at hinila ito sa table niya. Pilit niya itong iniupo doon upang magkausap sila. “Ano 'yon, Tisay? Bakit may kasama kang ibang lalaki, ha? Ganiyan ba ang ginagawa mo kapag hindi tayo magkasama?! Kung sinu-sinong lalaki ang nilalandi mo!” Hindi niya napigilan ang pagtaas ng kanyang boses dahil sa selos. Oo, nagseselos siya dahil nakita niyang may ibang kasamang lalaki si Tisay. Tumatawang pumalakpak si Tisay. “Wow, sa iyo pa talaga nanggaling iyan, ha. Alangan naman na magpaka-faithful ako sa iyo tapos ikaw sumisiping pa sa asawa mo! At oo nga pala, for sure naman sinabi na sa iyo ng asawa mo ang nangyari.” “Alam ko na at hindi maganda na nalaman niya ang tungkol sa iyo. Kailangan kitang sabihan, Tisay. Iba magalit si Carlene kaya mag-iingat ka. Kung gusto mo, bibigyan kita ng security. Gusto kong makasiguro na hindi ka niya magagalaw.” “Hindi ko kailangang ng security. Okay? Kaya ko ang sarili ko. Isa pa, nakita mo ba ang hitsura ni Carlene? At tingnan mo ako. May nakita ka bang pasa or galos man lang sa akin? Wala, 'di ba? Hindi uubra sa akin iyang asawa mo na husto lang sa paninindak. Kayang-kaya kong ilampaso ang mukha niya sa sahig ng walang tumutulong sa akin!” “Tisay, hindi mo ako naiintindihan.” “Ako ang hindi mo naiintindihan! Alam mo, ang mabuti pa siguro ay 'wag na muna tayong magkita. Obviously, takot ka sa asawa mo. Kung hindi, bakit inililihim mo ako sa kanya? Akala ko ba mahal mo ako? Kung mahal mo ako, iwanan mo si Carlene at tayo ang magsama!” hamon nito sa kanya. Hindi agad siya nakapagsalita sa sinabi ni Tisay. Aaminin niya, minsan na rin niyang naisip na iwanan si Carlene para dito. Ngunit kapag naiisip niya sa kayang gawin ni Carlene at ng pamilya nito ay umuurong siya sa plano na iyon. Baka hindi lang si Tisay ang saktan nito. Baka pati siya ay saktan na rin ni Carlene. Iyon naman ang ayaw niyang mangyari. “Hindi ka nakasagot, 'di ba? Saka mo na ako kausapin kapag kaya mo nang gawin ang sinabi ko!” anito sabay tayo. Hindi na niya ito pinigilan nang iwanan siya nito at lumabas ito ng bar. Naiwanan siya na nag-iisip. -----ooo----- “NANDITO ka lang pala! Kanina pa ako naghahanap sa iyo sa loob. Iyon naman pala lumabas ka na. Umihi lang ako saglit at nawala ka naman agad,” sabi sa kanya ni Mikka nang makita siya nito sa labas ng bar. Nakatayo lang siya doon habang nakatingin sa malayo. “Balik na tayo sa loob. Ang daming yummy boys, e!” Walang ganang umiling si Tisay. “Ayoko na. Nasa loob si Samuel at nagkita kami. Sinabi na sa kanya ni Carlene ang nangyari. Alam na niya ang naging pag-aaway namin ng asawa niya sa mall kanina.” “OMG! A-anong sabi niya? Nagalit ba siya sa iyo?” “Hindi. Hindi niya magagawang magalit sa akin. Patay na patay kaya iyon sa akin!” “So, ano na? Saan na tayo nito?” “Nawala na ako sa mood. Uuwi na lang ako. Pero ikaw, kung gusto mo pang bumalik sa loob, wala naman problema.” “Ayoko naman mag-party nang 'di ka kasama. Uuwi na lang din ako,” ani Mikka. -----ooo----- HINDI magawang makatulog ni Carlene. Nasa tabi siya ng glass window habang may hawak na basong may laman na alak. Kanina ay nakita niyang umalis si Samuel. At mukhang si Tisay ang pupuntahan nito. Saan naman kasi ito pupunta ng ganoong oras kundi sa kabit nitong iyon. Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang katawan niya. Ikaw ba naman ang gumulong paibaba sa escalator. “Hinding-hindi ko makakalimutan itong ginawa mo sa aking Tisay ka! Ang akala mo ba ay ganoon-ganoon na lang iyon? You don’t know me… Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin sa iyo,” turan niya na para bang nasa harapan lang niya si Tisay. Sa lahat ng naging kabit ni Samuel ay ito lang ang naglakas-loob na lumaban sa kanya. Karamihan sa mga ito ay nilalayuan na ang asawa niya kapag sinindak na niya. Kapag napansin naman niya na mahirap ang babae ay sinasampal lang niya ng pera. Ginagawa niya ang lahat ng iyon dahil sa mahal na mahal niya si Samuel. Kahit ilang beses pa yata siya nitong lokohin ay hinding-hindi mababawasan ang pagmamahal niya para dito. Kaniya lang si Samuel. Walang kahit na sino ang pwedeng umagaw dito! Dahil lahat ng susunukang agawin ito sa kanya ay siya ang makakabangga! Isang perpektong pamilya ang tingin ng lahat sa pamilya niya. Kaya naman nais niyang mapanatiling ganoon ang tingin ng lahat. Ngunit tila mababahiran na ng dungis ang imaheng pinoprotektahan niya dahil kay Tisay! At ang Tisay na iyon? Hindi ito makakaligtas sa kanya. Isinusumpa niya na pagsisisihan nito na kinalaban siya nito. Dinala niya sa kanyang bibig ang baso at ininom ang alak na naroon. Wala siyang itinira. Bahagya siyang napangiwi nang gumuhit sa kanyang lalamunan ang lasa ng alak. Kinuha niya ang kanyang cellphone at may tinawagan siya. “Hello, iha. Bakit napatawag ka ng ganitong oras?” ang boses ng daddy niya ang sumalubong sa kanya. “I need your help, daddy. Si Samuel… May kabit na naman siya.” Napabuntung-hininga ito. “Ano bang bago? Gusto mo bang ipapatay ko na iyang asawa mo? Imbes na ang mga babae niya, bakit hindi na lang iyan ang ipaligpit natin. Kung hindi lang talaga dahil sa pagpipigil mo, Carlene, matagal nang nabubulok at inuuod iyang asawa mo sa ilalim ng lupa!” Naiintindihan niya kung bakit ito ganoon magsalita. Bilang ama niya ay masakit din para dito ang ginagawa sa kanya ni Samuel. Lalo naman sa kanyang mommy. Ngunit hindi niya ipinapakita sa mga ito na nasasaktan siya. “Daddy, leave Samuel alone. Hindi niyo siya pwedeng saktan. Iyong kabit… siya ang gusto kong gantihan. Alam niyo ba na inaway ako ng kabit ni Samuel sa mall kanina?” “What?! Kumusta ka, iha?” May pag-aalalang tanong nito. “I’m okay pero gusto ko pa ring gumanti. Gusto ko, this time ay iba.” “Paanong iba?” “Kailangan ko ng tao niyo. Dalawa. Iyong halang ang kaluluwa. Iyong walang awang pumatay! Meron ka ba?” “I have. Kailan mo sila kailangan?” “Next weekend. Saturday morning. Kailangang makausap ko sila agad para masabi ko sa kanila ang gagawin nila.” “Okay. Maghintay ka hanggang bukas at may tatawag sa iyo.” “Thanks, daddy. I know I can count on you!” “Always.” “Bye, daddy,” aniya at tinapos na niya ang tawag na iyon. Muli siyang nagsalin ng alak sa kanyang baso at ininom iyon. Isang makahulugang ngiti ang sumilay sa kanyang labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD