CHAPTER SIX

3023 Words
MINSAN lang manigarilyo si Tisay. Ginagawa lang niya iyon kapag gusto niyang kumalma. Katulad na lang ngayon, gusto niyang kumalma kaya naninigarilyo siya sa labas ng kaniyang bahay. Kakauwi lang niya mula sa lakad nila ni Mikka. Malapit nang sumikat ang araw ngunit hindi pa rin siya nakakaramdam ng antok. Hindi siya pinapatulog ng napakaraming bagay na tumatakbo sa kanyang isip. Aaminin niya na medyo kinabahan siya sa sinabi ni Samuel kanina na kailangan niyang mag-ingat kay Carlene. Pero ganoon pa man, alam naman niya na handa siya kung sakali man na may hindi magandang gawin sa kanya ang asawa ni Samuel. Nang maubos na ang isang stick ng sigarilyo ni Tisay ay itinapon niya iyon sa lupa at tinapakan. Papasok na sana siya sa loob ng bahay nang may mapansin siya na sasakyan na naka-park sa tapat ng bahay niya. Kanina naman nang pumasok siya doon ay wala iyon. Alam niyang may tao sa loob niyon dahil nakabukas ang headlight. Agad siyang nakaramdam ng hindi maganda. Lakas-loob siyang pumunta sa gate. Sisigawan niya sana ang nasa loob ng sasakyan nang bigla iyong umibis paalis. Sino kaya iyon? Nagtataka niyang tanong at tuluyan na siyang pumasok sa loob. -----ooo----- DALAWANG araw ang mabilis na lumipas at sa loob ng mga araw na iyon ay hindi muna nagpakita kay Tisay si Samuel. Tinatawagan naman siya nito at ang gusto nito ay palamigin muna ang sitwasyon. Hindi daw muna makakapunta si Samuel sa bahay niya dahil bantay-sarado ito ni Carlene. Nilalambing niya ito na miss na niya ito ngunit hindi niya ito madala sa ganoon ngayon. Nahinuha ni Tisay na malaki nga talaga ang takot nito sa asawa. Ganoon pa man, hindi pa rin nakakalimutan ni Samuel na magdeposit ng pera sa bank account niya. Nagagamit pa rin niya ang credit card nito at malaking bagay iyon para sa kanya. Off ni Tisay sa trabaho. Gusto sana niyang lumabas pero napakalakas ng ulan. Ayon sa balita sa TV ay may paparating daw na bagyo sa linggo na iyon. Naiinip na siya. Hindi naman niya mapapunta si Mikka sa bahay niya dahil may pasok ito. Mamayang alas-diyes pa ng gabi ang out nito. Ngunit tinext na rin niya ang kaibigan na pagka-out nito ay dumiretso na ito sa bahay niya. Para naman may kasama siya. Kapwa wala naman silang pasok kinabukasan kaya pwede itong matulog mamaya sa bahay niya. Inubos ni Tisay ang oras niya sa panonood ng pelikula. Nakahiga lang siya sa sofa at kumakain ng chips. Medyo inaantok na rin siya dahil sa malamig na panahon. Kung may pamilya lang sana siya, hindi magiging ganito kaboring ang bahay na ito. Kahit papaano sana ay meron siyang nakakausap. Kaya nga rin siya bumalik sa pagtatrabaho dahil sa naiinip siya palagi dito. Kung tutuusin, sa sustento pa lang ni Samuel sa kanya ay buhay na buhay na siya. Hindi na niya kailangang magtrabaho pa. -----ooo----- HINDI namalayan ni Tisay na nakatulog na pala siya sa sofa. Paggising niya ay madilim na ang kanyang paligid. Ang tanging liwanag na nakikita niya ay ang screen ng TV na nasa kanyang harapan. Bumangon siya at binuksan ang ilaw. Nine-thirty na pala ng gabi. Ayon iyon sa wall clock. Ganoon siya katagal nakatulog. Mukhang napasarap ang tulog niya dahil sa lamig ng panahon. Kinuha niya ang bowl ng chips. Nakita niya na hindi na iyon malutong kaya itinapon na lang niya ang chips sa basurahan. Muli siyang bumalik sa salas at pinatay ang TV. Nakakaramdam na siya ng gutom kaya nagtungo siya sa kusina para tingnan kung ano ang pwede niyang kainin. Tinatamad na kasi siyang magluto. May nakita siyang cake sa ref. Kumuha siya ng isang slice at nagsalin ng Coke sa baso. Pumunta siya sa dining table at kumain ng mag-isa. Habang kumakain siya ay chineck niya ang kanyang cellphone. May text si Samuel. Kinukumusta siya nito. May miscall din ito. Limang beses siya nitong tinawagan pero hindi niya nasagot. Naka-silent kasi ang cellphone niya kanina tapos tulog pa siya. Hindi na siya nag-abala pang replyan si Samuel. Tinatamad pa siya. Ayaw niya rin muna itong makita ngayon. Si Mikka na lang tinext niya. Sinabi niya dito na mag-text ito kapag naka-out na ito sa work nito ay mag-text o tumawag sa kanya. Patapos na siya sa pagkain nang marinig niya ang pagtunog ng door bell. Tumayo siya at sinilip mula sa bintana sa may salas na nakaharap sa may gate kung sino ang tao sa labas. Isang lalaki ang nakita niyang nakatayo sa tapat ng kanyang gate at pinipindot ang door bell. Matangkad ito at nakasuot ng cap kaya hindi niya maaninag kung sino ito. Dagdag pa ang madilim na paligid kaya lalo niya itong hindi makita kung sino. “Sino 'yan?” Pasigaw na tanong niya. Huminto ang lalaki sa pagpindot sa door bell. Bahagyang umangat ang ulo ng lalaki na para bang tinitingnan siya. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba ng mga oras na iyon. Bigla na lang itong umalis at naglakad palayo. Wala man lang itong payong at tila hinahayaan lang nito na mabasa ng ulan. “Weird…” bulong niya. Isinara niya ang bintana at siniguro niyang naka-lock iyon bago niya iwanan. Papunta na sana siya sa dining area para tapusin ang pagkain nang mapahinto siya. Pinuntahan niya ang main door at pati iyon ay ni-lock niya. Mabuti na ang sigurado siya. Medyo kinabahan talaga siya dahil sa lalaking iyon sa gate kanina. Bumalik tuloy sa isip niya iyong sasakyan na nakita niya na naka-park sa harap ng bahay niya noong isang gabi. Matapos iyon ay bumalik na siya sa dining area para tapusin ang kanyang pagkain. Hinugasan niya ang kanyang pinagkainan. Napansin niya na nakaawang ang back door sa may kusina. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang may makita siyang bakas ng putik na hugis sapatos sa sahig. Sinundan niya ng tingin kung saan papunta ang bakas at nakita niya na papunta iyon sa banyo. Malakas ang kutob niya na may nakapasok sa bahay niya mula sa back door. Huminga nang malalim si Tisay at nilakasan niya ang kanyang loob. Marahan niyang binuksan ang drawer ng mga kutsilyo at kinuha niya ang pinaka mahabang kutsilyo na naroon. Mahigpit niyang hinawakan ang tanganan niyon at tahimik na naglakad papunta sa banyo. Hindi siya magdadalawang-isip na saksakin kung sino man ang pumasok sa bahay niya nang hindi niya alam! Hindi nito kilala ang kinakalaban nito! Habang palapit na siya nang palapit sa pinto ng banyo ay mas lalong lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib. Itinulak niya ang pinto ng banyo ngunit wala naman siyang nakita na tao doon. Natigilan siya ngunit hindi pa rin siya nagpakampante. Agad niyang isinara ang back door at kinandado iyon. Tumakbo siya sa itaas at tiningnan niya ang mga kwarto na naroon upang makasiguro siya na walang tao doon. Ilang beses na niyang nalibot ang buong kabahayan ngunit wala naman siyang nakitang ibang tao. Nalilitong napaupo siya sa gilid ng kanyang kama. Iniisip niya na kung paano nagkaroon ng bakas ng sapatos doon kung wala namang ibang nakapasok sa bahay niya. Nag-sleepwalk ba siya? Wala naman kasi siyang nakitang tao dito. O baka naman minumulto siya? “Ano ba itong iniisip ko? Nababaliw na yata ako!” aniya sabay pilig ng ulo. Bumaba siya sa kusina at bahagya siyang nagulat nang wala na iyong bakas ng sapatos sa sahig. Inisip na lang ni Tisay na baka namamalik-mata lang siya kanina. Napapitlag siya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone na hawak niya. Tumatawag pala si Mikka. Agad niya iyong sinagot. Alas-diyes na pala. Baka naka-out na ito sa trabaho. “O, Mikka. Naka-out ka na?” tanong niya. “Oo. Kaya lang ang hirap sumakay. Puno lahat ng bus na dumadaan, e. Ang lakas ng ulan. Grabe!” “Ganoon ba? Sige, hintayin na lang kita dito. Ingat ka!” “Thank you. Tatawag na lang ulit ako kapag nakasakay na ako. Bye!” anito at pinutol na niya ang tawag na iyon. Umakyat na lang si Tisay sa kwarto niya at humiga. Dala pa rin niya ang kutsilyo at ipinatong niya iyon sa side table. Nag-cellphone muna siya. Chineck niya ang kanyang mga social media account. Nanood din siya ng videos sa Youtube. Nnag makaramdam siya ng pagka-inip ay ipinatong na niya ang cellphone niya katabi ng kutsilyo. Tumayo siya at binuksa ang aircon. Hininaan lang niya dahil malamig na naman. Tumagilid siya at maya maya ay nakaramdam na naman siya ng antok. Sa una ay papikit-pikit lang ang mata ni Tisay hanggang sa tuluyan nang magsara ang mga iyon. -----ooo----- “MIKKA!” Tawag ni Tisay sa kanyang kaibigan nang mapabalikwas siya ng bangon mula sa pagkakatulog. Nakatulog na naman pala siya. Nagtataka siya. Wala siyang ideya kung bakit bigla na lang niyang tinawag ang pangalan ng kaniyang kaibigan. Wala naman siyang napapanaginipang masama tungkol dito. Napahawak siya sa kanyang noo. Inaninag niya sa dilim ang oras sa wall clock. Eleven na ng gabi. Mukhang wala pa rin si Mikka. Baka hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakasakay. Kapag ganitong masama ang panahon ay mahirap talaga ang mag-commute. Kung hindi baha sa daan ay puro puno naman ang mga public vehicles. Bumaba siya sa kanyang kama. Medyo antok pa siya kaya tila tinatamad pa siyang gumalaw. Sa salas na lang niya hihintayin ang text o tawag ni Mikka dahil kapag dito sa kwarto niya ay ang bilis niyang makatulog. Pag-apak niya sa sahig ay may naramdaman siyang basa. Tumingala siya dahil baka may tumutulo. Isinahod pa niya ang kamay niya sa tapat ngunit wala namang tubig na pumapatak mula doon. Napansin niya na medyo malapot ang tubig na natapakan niya. Umupo siya sa kama at iniangat ang paa upang tingnan ang kanyang talampakan. Ganoon na lang ang gulat ni Tisay nang malaman niyang hindi tubig ang kanyang natapakan kundi dugo! Hinakbangan niya ang dugo sa sahig. Binuksan niya ang ilaw para masiguro niya kung dugo nga iyon. Impit siyang napasigaw sabay takip ng dalawang kamay sa bibig nang makita niyang dugo nga talaga ang nasa sahig na malapit sa kama. Ang dugo ay nanggagaling sa ilalim ng kanyang kama. May kaba man sa dibdib ay marahan siyang yumukod at hinawi ang nakalaylay na kobre kama upang makita niya kung saan nanggagaling ang dugo na iyon. At isang katawan ang kanyang nakita sa ilalim ng kanyang kama. Hindi na napigilan pa ni Tisay ang sumigaw nang makita niyang si Mikka ang duguang katawan na naroon. “Mikka!!!” hiyaw niya. Hinila niya ang katawan ng kaibigan at kinilabutan siya nang makita niyang tadtad ng saksak ang buong katawan niyo. May malaking hiwa ito sa leeg. Dilat ang mga mata na para bang labis itong nahirapan bago bawian ng buhay. Napatayo si Tisay sabay atras. Napapitlag siya nang tumama ang likod niya sa dingding. Iginala niya ang mata sa paligid at nakiramdam ng mabuti. Alam niya, hindi siya mag-isa sa bahay na ito. May ibang tao na nakapasok! At ang tao na iyon ay ang pumatay sa kanyang kaibigan. Huminahon ka, Tisay… Mag-isip ka! Aniya sa sarili. Ngunit kahit anong isip niya ay wala naman siyang maisip na pwede niyang gawin. Paano kung paglabas niya ng silid na ito ay sumalubong sa kanya iyong pumatay kay Mikka? Sigurado siyang naghihintay lang ito sa kanya. Nailagay nito ang katawan ni Mikka sa ilalim ng kama niya kaya alam niyang nakita na siya ng taong iyon. Ngunit sino naman ang gagawa niyon kay Mikka? Bigla siyang natigilan. “Si Carlene?” Hindi siya sigurado pero ito agad ang pumasok sa isip niya. Ito lang naman ang may masamang motibo sa kanya. Isa pa, hindi ba’t binalaan siya ni Samuel mula dito? Pero bakit naman pati si Mikka ay idadamay nito?! Sa pagkakataon na iyon ay naalala niya iyong kutsilyo at cellphone na ipinatong niya sa side table ng kama niya. Pagtingin niya sa side table ay wala na doon ang kutsilyo at cellphone. Mas lalo siyang kinabahan. Iyon na lang kasi ang bagay na pwede niyang gamitin para makalaban kung sakaling may umatake sa kanya at para makahingi ng tulong. “Ito ba ang hinahanap mo?” Agad na napalingon si Tisay sa may pinto nang bumukas iyon. Napaatras siya nang isang lalaki ang pumasok at hawak nito ang kutsilyo at cellphone niya. Matangkad ito at nakasuot ng cap. May makapal na balbas at mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang mukha. Basang-basa din ang damit nito. Kung ganoon, ito iyong lalaki na nasa gate niya at panay ang door bell! Naging malikot ang mata niya. Alam niyang nasa panganib siya at kung wala siyang gagawin, hindi malayong matulad siya sa nangyari kay Mikka. Agad niyang dinampot ang flower vase at ibinato iyon sa lalaki. Nakailag naman ito at tumama lang ang flower vase sa dingding na naging dahilan para mabasag iyon. “Aba! Lumalaban ka pala! Hindi katulad niyang kaibigan mo. Ang daling patayin. Sabagay, hindi naman siya ang pakay ko dito kundi ikaw!” anito sabay tawa. “Oo nga pala, pasensiya ka na dahil ginamit ko iyong kutsilyo mo sa pagpatay diyan sa kaibigan mo!” Ipinakita nito ang kutsilyong may bahid ng dugo. “Hayop ka! Kung ako lang ang pakay mo, bakit mo pa idinamay si Mikka?!” Galit na galit na tanong niya. Naikuyom niya ang kanyang dalawang kamao. Kung wala lang itong hawak na patalim ay kanina pa niya ito nilabanan. “Kasalanan naman niya iyon. Nakita ko siya sa gate ng bahay mo kaya pinatay ko. Hadlang siya sa mga plano namin sa iyo… Tisay…” Ngumisi ito nang tawagin siya nito sa kanyang pangalan. “Paano mo nalaman ang pangalan ko? Kilala mo ako? Sino ka ba talaga?!” “Hindi kita kilala. Pangalan lang ang alam ko sa’yo, Tisay. Napag-utusan lang kami. Trabaho lang ito, walang personalan!” Muli itong tumawa. “Sinong nag-utos sa iyo? Si Carlene ba?!” “Alam mo, ang dami mong sinasabi! Malalaman mo rin! Kaya para hindi na tayo mahirapan pare-pareho, sumama ka na lang sa akin!” Inilahad ng lalaki ang kamay nito habang nakangisi. Ano bang iniisip nito? Na ganoon siya kadali sasama dito? Nagkakamali ito. Lalaban siya. Gagawin niya ang lahat para hindi ito matagumpay sa kung ano man ang binabalak nitong gawin sa kanya. “Sagutin mo muna ang tanong ko! Sino ang nag-utos sa iyo?” “Ang kulit mo naman. Hindi ka ba makakapaghintay? Kapag sumama ka sa akin, makikilala mo rin siya. Isa pa, kung nag-iisip ka na tumakas ay huwag mo nang balakin pa. Dahil mahuhuli at mahuhuli pa rin kita!” Pasimple niyang sinulyapan ang bintana. Mas malayo ang distansiya ng lalaki sa bintana kesa sa kanya. Kung tatakbo siya papunta doon ay siguradong mauuna siya. Kailangan nga lang niyang dumaan sa ibabaw ng kama. Kung bibilisan niya, wala pang dalawang segundo ay mabubuksan niya ang bintana. Pwede siyang tumalon doon. Mataas ngunit iyon na lang kasi ang paraan para makatakas siya. Maaari rin naman na hindi muna siya tumalon. Lalambitin siya sa gilid ng bintana saka siya bibitaw. Nang sa gayon ay mabawasan ang taas ng paglalaglagan niya. Alam ni Tisay na isang mapanganib ang naiisip niyang gawin. Pwede niya iyong ikapilay o mas matindi pa ang mangyari sa kanya. Pero desperada na siya. Kung si Carlene nga talaga ang nag-utos sa lalaking iyon ay sigurado siyang hindi siya nito bubuhayin! “Ano, Tisay? Sasama ka ba ng matiwasay o gusto mong gamitan ko pa ng dahas?” untag sa kanya ng lalaki. Isang malalim na paghinga ang ginawa ni Tisay at tinakbo na niya ang bintana. Dumaan muna siya sa ibabaw ng kama. Sa gilid ng mata niya ay nakita niya na tumatakbo na rin iyong lalaki. Pagdating niya sa bintana ay mabilis niyang inalis ang lock niyon. Pagbukas niya ay sumalubong sa kanya ang hangin na may kasamang ulan. Gumuguhit pa sa madilim na kalangitan ang kidlat na sinusundan ng dumadagundong na kulog. Sumampa na siya sa bintana at kumapit sa gilid niyon. Hinigpitan niya ang pagkakapit. Nababasa na rin siya ng ulan. “Tisaaay!!!” sigaw ng lalaki habang tumatakbo palapit sa kanya. Lumambitin na siya sa gilid ng bintana gaya ng plano niya. Malakas siyang napasigaw nang biglang dumukwang ang lalaki sa bintana. Itinaas nito ang kutsilyo at akmang sasaksakin ang kamay niya. Ngunit bago pa tumama sa kamay niya ang kutsilyo ay bumitaw na siya sa pagkakahawak sa gilid ng bintana. Tila bumagal ang lahat nang pabagsak na siya. Unang tumama sa lupa ang kaliwang balikat ni Tisay. Impit siyang napasigaw nang maramdaman niya ang paggapang ng sakit doon. Nang sinubukan niyang tumayo ay nabuwal siya. Napakasakit ng balikat niya. Hindi niya iyon maigalaw. Sa tingin niya ay nabalian pa siya ng buto sa parteng iyon ng kanyang katawan. Pagtingala niya ay wala na sa bintana iyong lalaki. Mukhang pababa na ito para puntahan siya. Hindi siya dapat mag-aksaya ng kahit kaunting segundo. Kahit nahihirapan ay pinilit niyang tumayo. Basang-basa na siya ng ulan ng sandaling iyon. Bahagya na rin siyang nakakaramdam ng lamig dahil sa manipis na t-shirt at maong na shorts lang ang suot niya. Nag-umpisa na siyang tumakbo papunta sa gate. Kailangan niyang makalabas upang makahingi ng tulong. Ngunit napahinto siya sa paglapit sa gate nang may makita siyang sasakyan sa harapan ng bahay niya. Nakababa ang bintana sa may driver’s seat kaya nakita niya may isang lalaki na nakasakay doon. Naninigarilyo ito at patingin-tingin sa bahay niya. Sigurado siyang kasama ng lalaki na nasa loob ng bahay niya ang lalaking nasa sasakyan. Hindi siya pwedeng dumaan sa gate. Pero paano siya makakalabas kung iyon lang naman ang daan palabas? Hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Tisay. Inisip niya na nasa bahay niya siya. Alam niya ang pasikot-sikot dito. At kung may dapat man na matakot sa kanila ay hindi siya iyon kundi ang mga lalaking may masamang binabalak sa kanya! Lalaban siya! Hindi siya papayag na mamatay sa kamay ng mga ito. Hindi pa ako pwedeng mamatay! Hindi ngayon! Pangako ni Tisay sa kanyang sarili. Imbes na magtungo sa gate ay pumihit siya patalikod. Umikot siya sa bahay at dumaan siya sa back door para muling makapasok sa loob. Hindi niya alam kung bakit bukas na ulit iyon. Baka ang lalaking iyon ang nagbukas. Narinig niya an pagbukas ng main door. Ibig sabihin ay nakalabas na ang lalaki. Agad niyang ni-lock ang back door at kahit masakit ang katawan ay mabilis niyang tinakbo ang main door para maisara iyon. Nakita niya na nakita siya ng lalaki mula sa glass window. Agad na tinakbo ng lalaki ang main door. Mukhang nahulaan nito ang plano niya na i-lock muli ang lahat ng pinto para hindi ito makapasok. Habang tumatakbo si Tisay papunta sa main door ay panay ang panalangin niya na sana ay siya ang mauna doon at hindi ang hayop na lalaking iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD