CHAPTER SEVEN

2903 Words
KUNG kaya lang makalipad ni Tisay ay ginawa na niya kanina pa upang maunahan lang niya ang lalaki sa main door. Hindi ito pwedeng makapasok ulit sa bahay niya! Eksaktong pagsara niya sa pinto ay siyang pagharang doon ng kamay ng lalaki. Malakas itong napasigaw sa sakit nang maipit ang mga daliri nito doon. Pagkakataon na iyon para masaktan niya ang lalaki. Muli niyang binuksan ang pinto para muling ipitin ang daliri nito. Ngunit sa pagsara niya ay inalis na agad ng lalaki ang kamay nito. Ini-lock niya agad ang pinto at nagmamdaling tiningan ang mga bintana sa ibaba kung naka-lock ba lahat. Nang makasiguro na siyang wala nang mapapasukan ang lalaki ay umakyat na siya sa itaas. Hindi napigilan ni Tisay ang mapaiyak nang muli niyang makita ang wala nang buhay na katawan ni Mikka. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay wala na ito. Kanina lamang ay magka-usap sila sa telepono tapos ngayon ay isa na itong malamig na bangkay. “Kapag napatunayan kong si Carlene ang may pakana ng lahat ng ito, humanda siya sa akin! Mas lalo lang niyang dinadagdagan ang galit ko sa kanya!” makahulugan niyang sabi. Iniayos niya sa isang tabi ang katawan ni Mikka at tinakpan iyon ng kumot. Inihinto na niya ang pag-iyak dahil alam niyang hindi makakatulong kung hahayaan niyang panghinaan siya ng loob. Mahaba pa ang gabi. Alam niya na hindi titigil ang mga lalaking iyon hangga’t hindi siya nakukuha. Hinanap niya ang cellphone niya pero hindi niya iyon makita. Malamang, hawak pa rin iyon ng lalaki. Lumapit siya sa may bintana at sumilip. Nasa labas pa rin ng bahay niya iyong sasakyan pero hindi niya makita isa man doon sa dalawang lalaki. Binalikan niya ang katawan ni Mikka. Kinapkapan niya ito dahil baka nasa katawan pa nito ang cellphone nito ngunit wala na. Bakit kasi walang landline ang bahay na ito?! gigil na tanong niya. Paano na siya makakahingi nito ng tulong? -----ooo----- “f**k!” Galit na galit na ibinato ni Carlene ang kanyang cellphone habang nakaupo siya sa mini sofa sa kwarto nila ni Samuel. Lumagpak ang cellphone sa ibabaw ng kama. Tama nga ang hinala niya-- in-upload ng mga nagvideo ang away nila ni Tisay sa mall. Ngayon ay tini-text at tinatawagan na siya ng mga kaibigan niyang makikisagap lang naman ng tsismis para masira siya. Siguradong tuwang-tuwa ang mga ito dahil may maipipintas na rin ang mga ito sa kanya. Kasalanan itong lahat ni Tisay! Ito ang dahilan kung bakit nasa kahihiyaan siya. Maya maya ay tumunog ang kanyang cellphone. Napilitan siyang tumayo para sagutin iyon. Pagkakuha niya niyon ay agad niya itong sinagot. “Hello, Douglas. May balita na ba?” “Yes, ma’am! Nakuha na po namin ang babae.” “Very good! Now, dalhin niyo na iyan sa lugar na sinabi ko. Susunod na ako doon with my husband. Tandaan niyo, huwag na huwag niyo munang gagalawin iyan. Nagkakaintindihan ba tayo? At huwag niyong hahayaan na makatakas!” “Opo, ma’am! Wala po kayong dapat ipag-alala. Kami ang bahala.” “Very good! Sige. Bilisan niyo na. Magkita na lang tayo mamaya.” Isang ngiting tagumpay ang sumilay sa labi ni Carlene pagkatapos ng tawag na iyon. Eksaktong pumasok si Samuel. “Samuel, magbihis ka at mag-empake ng damit mo.” Kumunot ang noo nito. Napahinto tuloy ito sa pagpasok sa banyo dahil sa sinabi niya. “Bakit? Saan naman tayo pupunta?” tanong nito. “We’re having our vacation! Para naman makapag-bonding tayo together! Ayaw mo?” “Hindi naman. Peros eryoso ka ba? Biglaan naman yata. Isasama ba natin si Keanna?” Umiling siya. “No. Just the two of us. Gusto mong bumawi sa akin, 'di ba? Pwes, sumama ka sa akin. Magbabakasyon tayo! Tayong dalawa lang.” “Okay. Saan naman?” “Malalaman mo rin! 'Wag ka na lang maraming tanong,” sagot ni Carlene sa asawa. -----ooo---- NAGULAT si Tisay mula sa pagkakatago niya sa kabinet sa kanyang kwarto nang may marinig siyang nabasag na salamin sa ibaba. Malakas ang kutob niya na ang glass window iyon. Ang balak niya kasi ay magtago na lang muna hanggang sa mag-umaga. Kapag kasi umaga na ay siguradong matatakot na ang mga lalaking iyon dahil may mga tao. Ngunit tila gumawa na ang mga ito ng paraan para mapasok siya doon. Mataman siyang nakiramdam dahil matapos ang pagkabasag ng salamin sa ibaba ay wala na siyang narinig na kung ano man. Mas lalong nakakakaba ang katahimikan. Tila may kung anong nagtatago doon. Kailangan niyang maging tahimik. Kahit ang paghinga niya ay halos pigilan na niya upang hindi makagawa ng kahit na anong ingay. Maya maya pa ay may narinig siyang yabag ng sapatos na naglalakad-lakad sa loob ng silid na kinaroroonan niya. Palakas iyon nang palakas. Ibig sabihin lang ay malapit na sa pinagtataguan niya ang may-ari ng mga yabag na iyon. Hanggang sa wala na naman siyang narinig. Tumahimik na naman ang paligid. Pawis na pawis na siya sa loob ng kabinet. Bahagya na ring lumalalim ang kanyang paghinga dahil walang hangin na pumapasok doon. Ngunit kailangan niyang magtiis kundi ay makikita siya ng mga lalaking iyon. Wala pa naman siyang hawak na kahit na anong bagay na pwede niyang gamitin na pang-depensa. Kung sakaling makita siya ng mga ito ay mano-mano na lang siyang lalaban! Bago pa man niya nakilala si Samuel ay nag-train na siya sa pakikipaglaban at pagdepensa sa sarili. Isang mahabang sandali ang lumipas. Muli niyang pinakiramdaman ang paligid at wala na siyang naririnig. Sa tingin niya ay wala na sa silid na iyon ang mga lalaki. Kaya naman marahan niyang binuksan ang pinto ng kabinet. Nagulat siya nang may humila sa pinto ng kabinet para mabilis iyong mabuksan. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya na nakatayo sa harap ng kabinet na kinaroroonan niya iyong dalawang lalaki. Kapwa may nakakatakot na ngisi ang mga ito. Mabilis na lumapit ang isa sa kanya at hinila siya sa braso palabas doon. Nagpumiglas si Tisay ngunit sadyang mas malakas ito kesa sa kanya. Kumilos naman iyong isa pang lalaki na naunang pumasok sa bahay niya kanina. Iniikot nito sa kanyang leeg ang braso nito at may itinakip itong panyo sa ilong niya. May naamoy siya doon na naging dahilan para manghina siya. Sumakit nang husto ang ulo niya. Bumagsak siya sa sahig. May kaunti pa siyang malay ngunit hindi na niya maigalaw ang kahit na anong parte ng katawan niya. Mula sa nanlalabo niyang mata ay nakita niyang may kinuha ang lalaki sa bulsa nito. Isang cellphone. “Yes, ma’am! Nakuha na po namin ang babae.” Pagkasabi nito niyon ay tuluyan nang dumilim ang paningin ni Tisay. -----ooo----- HINANG-HINA pa rin si Tisay. May naririnig siyang ugong ng sasakyan. Masyadong matapang ang gamot na pinaamoy sa kanya ng lalaki kaya naman hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang epekto niyon sa kanya. Nahihilo siya at mas lalong sumasakit ang ulo niya kapag iminumulat niya ang mga mata. Ngunit kahit ganoon ay pinipilit pa rin niyang ibukas ang kanyang mga mata para malaman niya kung saan siya dadalhin ng mga lalaking dumukot sa kanya. Wala siyang nakikita kundi kadiliman pero alam niyang nasa umaandar na sasakyan siya. Nang hindi na niya kaya ang nararamdamang pagkahilo ay pinili na lang niya na ipikit muna ang mata. Muli siyang nagkaroon ng kaunting kamalayan ay nasa isang silid na siya. Unti-unti niyang binuksan ang mata at iginala ang paningin sa lugar kung saan naroon siya. Isang pangkaraniwang silid. Nakahiga siya sa kama at nakatali ang mga kamay niya maging ang kanyang mga paa. Ipinilig niya ang kanyang ulo upang mawala ang natitirang hilo na kanyang nararamdaman. Nang sa tingin niya ay may lakas na siya para gumalaw ay bumwelo siya at umupo. Inabot ng mga nakatali niyang kamay ang paa niyang nakatali. Tinanggal niya ang pagkakatali ng paa niya at naging matagumay naman siya na gawin iyon. Mabilis siyang bumaba ng kama at tinakbo ang pinto. Hinayaan na lang niyang nakatali ang mga kamay dahil alam niyang hindi rin niya iyon makakalagan. Kung susubukan niyang alisin ang tali sa kamay niya ay mag-aaksaya lang siya ng oras. Binuksan niya ang pinto. Napahinto siya nang sumalubong sa kanya ang isang salas. Nasa isang bahay siya na yari sa malalaking kahoy ang dingding. Sa ayos at hitsura niyon, nahinuha niyang isa iyong vacation house. Hindi ito ang oras para alamin kung nasaan siya. Ang kailangan niyang gawin ay makaalis sa lugar na ito. Siniguro muna niya na wala doon ang dalawang lalaki bago niya tinakbo ang pinto palabas ng bahay. Doon lang niya nalaman nang nasa labas na siya na nasa gitna ng isang gubat ang bahay na iyon at umaga na pala. Tumakbo lang nang tumakbo si Tisay. Kahit hindi pa ganoong nakakabawi ng lakas ay sinikap pa rin niyang makatakbo ng mabilis. Wala na siyang pakialam kahit wala siyang sapin sa paa. Panay din ang lingon niya sa likod dahil baka nandoon na pala iyong dalawang lalaki. Sa awa naman ng Diyos, tila hindi pa nalalaman ng mga ito na nakatakas siya. Wala man siyang alam sa lugar na ito, basta takbo lang siya nang takbo. Ang nasa utak lang niya ay ang makalayo sa bahay na iyon. Ang kaninang lupa na tinatakbuhan niya ay unti-unting nagbago. Napansin niya na nasasamahan na ng buhangin ang natatapakan niya. Bumagal nang bumagal ang pagtakbo ni Tisay nang tuluyan nang maging buhangin ang tinatapakan niya hanggang sa huminto na siya. Umikot siya at pinanghinaan siya ng loob nang malaman niya kung nasaan siya. May malawak na dagat sa harapan niya. Kung ganoon ay nasa isang isla siya at hindi siya basta-basta makakaalis doon nang walang bangka! Malakas siyang napasigaw. “Hindi!!!” Nanghihinang napaupo siya sa buhangin. Gusto niyang sampaling ang sarili niya ng sandaling iyon dahil baka nananaginip lang siya. Ngayon ay alam na niya kung bakit tila kampante ang mga dumukot sa kanya na kahit hindi mahigpit ang pagkakatali sa kanya. Dahil kahit makawala naman siya ay hindi pa rin siya makakaalis sa lugar na iyon. Pinanghihinaan na tumayo si Tisay. Paano na siya nito? Wala naman siyang nakikitang bangka na pwede niyang gamitin para makaalis. Kung lalangoy naman siya, hindi rin niya magagawa dahil sa nakatali siya. Isa pa, baka patay na siya bago siya makalayo sa islang iyon. Natigilan siya nang may maramdaman siyang tao sa kanyang likuran. Pagharap niya doon ay nakita niya iyong isa sa mga lalaki na dumukot sa kanya. Iyong una niyang nakita sa sasakyan. Mas payat ito kumpara doon sa isa. Katulad no’ng isa ay hindi rin katiwa-tiwala ang mukha nito. Iyong tipong labas-pasok na ito sa kulungan. Ganoon ang tingin niya dito. May malaking pilat din ito sa kaliwang pisngi nito. “O, tatakas ka? Bakit hindi ka pa mag-umpisang lumangoy? Langoy na! Marunong ka ba?” Nakakalokong tanong nito sa kanya. Napansin niya na nakalagay sa likod nito ang isa nitong kamay na para bang meron itong itinatago doon. “Hayop kayo! Ano ba talagang gusto niyo sa akin?!” galit na galit na sigaw niya. “Malalaman mo rin mamaya. 'Wag kang mainip!” Humakbang ang lalaki palapit sa kanya dahilan para mapaatras siya. Inilabas na nito ang itinatago nito sa likod. Isa iyong dos por dos na kahoy. Wala na siyang nagawa pa nang malakas siyang hampasin ng lalaki gamit iyon sa kanyang ulo. Agad siyang nawalan ng ulirat at bumagsak sa buhangin. -----ooo----- ISANG maliit na maleta lang ang dinala ni Samuel. Naroon na ang lahat ng gagamitin nila ni Carlene para sa bakasyon na sinasabi nito. Hindi na niya dinamihan dahil ang sabi nito ay dalawang araw at isang gabi lang naman sila sa pupuntahan nila. Wala silang isinamang driver. Siya ang nagdrive ng kotse papunta sa isang port sa Batangas. Nahulaan niya na isang isla ang pupuntahan nila. Kaya pala ang sabi nito ay mag-empake siya ng pang-swimming. Ipinarada nila ang kotse at saka sila sumakay sa isang private yacht. Pagmamay-ari iyon ng pamilya ni Carlene. Marunong siyang magpatakbo niyon kaya siya na rin ang nagpaandar ng yate. Nagtataka na siya kay Carlene dahil tila ayaw nitong magsama ng ibang tao sa bakasyon nilang iyon. Nalaman din niya na sa private island ng pamilya nina Carlene sila pupunta. Alam niya ang papunta doon dahil sa islang iyon sila madalas magpunta kapag summer. Malayo iyon sa ibang isla kaya naman masyadong tahimik. Mahigit isang oras din silang naglayag bago nila narating ang islang pupuntahan nila. Kailangan pa nilang maglakad ng ilang minuto para marating ang vacation house na nasa pinaka gitna ng isla. Nasa loob ng kagubatan ang bahay upang kapag nagkakaroon ng bagyo at malakas na hangin ay hindi iyon masira. Nahaharangan kasi iyon ng matataas na puno at ilang mga halaman. May daan naman silang ipinagawa papunta doon para hindi maging mahirap ang paglalakad kapag pupunta sa vacation house. “Dapat isinama na rin natin si Keanna para naman makapag-enjoy siya. Kawawa naman iyon,” ani Samuel habang naglalakad sila papunta sa vacation house. “Like I said, ang gusto ko ay tayong dalawa lang ang nandito. Sa tingin mo ba, kapag may kasama tayong bata na kailangan pa nating asikasuhin? Mag-isip ka nga, Samuel!” Napailing na lang siya. “Oo nga pala, may supplies ba tayo sa vacation house?” “Meron. Nagpabili na ako ng mga pagkain at iba pa nating kakailanganin sa katiwala namin. Okay na rin iyong generator. May sapat tayong power supply kaya wala nang problema. All is set! Kilala mo naman ako. Gusto ko ay malinis ang lahat.” Ilang minuto pa ang lumipas at narating na nila ang vacation house. Pagpasok nila doon ay nagulat siya nang may dalawang lalaki na prenteng nakaupo sa sofa na nasa salas. Nanonood ang dalawa ng telebisyon at may mga bote ng alak sa center table. Hindi niya kilala ang mga ito kaya agad siyang naalerto. Sa hitsura rin kasi ng mga ito ay mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang mga ito. “Sino kayo?” tanong niya agad sa dalawa. Tumayo ang dalawa at sumagot iyong isa na mas malaki ang katawan. “Pasensiya na po kayo, ma’am. Binawasan namin iyong beer sa ref niyo.” Imbes na sagutin ang tanong niya ay kinausap nito ang asawa niya. May pagtataka na napatingin siya kay Carlene. “I know, you’re wondering bakit kilala nila ako, Samuel,” aniya. “Yes, kilala ko sila. Tauhan sila ng daddy. Guys, magpakilala kayo sa asawa ko.” “Ako po si Rico!” Pagpapakilala no’ng medyo payat. “Douglas po!” sabi naman no’ng isa. Kakamayan sana siya ng dalawa pero tumanggi siya. Hinarap muna niya ang kanyang asawa. “Ang sabi mo tayong dalawa lang ang nandito. Ano ito? Bakit may tauhan ang daddy mo dito?” Huminga ng malalim si Carlene sabay tirik ng mata. “Okay! Fine. Aaminin ko na. I lied. Alam ko naman kasi na magtatanong ka nang magtatanong kapag sinabi ko ang tungkol kina Rico and Douglas. The truth is… I have a surprise for you…” Hindi alam ni Samuel pero bigla siyang kinabahan sa sinabing “surprise” ni Carlene. “A-ano iyon?” Pumihit si Carlene paharap sa dalawang lalaki. “Saan niyo siya dinala?” tanong nito sa mga ito. “Sa kwarto po dito sa ibaba.” “Good. Samahan niyo kami ng asawa ko.” Nauna na sa paglalakad sina Rico at Douglas papunta sa nag-iisang kwarto dito sa ibaba ng vacation house. Hindi na talaga maganda ang kutob niya. Akmang susunod na sa dalawa si Carlene ngunit hinawakan niya ito sa kamay. “Carlene, ano ba talaga ito?” usisa niya. “Ano ba, Samuel? Pwede ba, pumunta na tayo sa kwarto nang makita mo ang surprise ko sa iyo?” Pumiksi ito at sumunod na sa dalawang lalaki sa pagpasok sa kwarto. Sumunod na rin siya sa tatlo upang magkaroon na ng kasagutan kung bakit kinakabahan siya. At nasagot na ang tanong niya nang makita niya si Tisay na nakatali ang mga kamay at paa sa apat na sulok ng kamang hinihigaan nito. “T-tisay!” Hindi napigilang bulalas niya. Gulat na gulat siya nang makita niya ang kabit niya. Napatingin siya kay Carlene at ngumiti lang ito sa kanya. “Surprise!” Lumapit ito sa kanya sabay halik sa labi niya. “Dinala ko na dito iyong kabit mo para makasama mo siya… sa huling sandali ng buhay niya! Gusto kong makita ang katapusan ng malandi mong kabit!” Sinaklit niya sa braso si Carlene. “Anong gagawin mo kay Tisay?!” Nanlalaki ang mga mata na tanong niya. “Sinabi ko na nga, 'di ba?” Pumiksi ito kaya nabitiwan niya ito. “Teka nga, sa tono ng pananalita mo, parang concerned ka sa Tisay na iyan! Magtapat ka nga sa akin, Samuel! Libog lang ba talaga ang nararamdaman mo sa kabit mo o mahal mo na 'yan?!” Natahimik si Samuel. Hindi niya maaaring aminin dito na may nararamdaman na siya kay Tisay kahit papaano. Magagalit ito nang husto sa kanya at baka pati siya ay gawan nito ng hindi maganda. “Ano, Samuel? Bakit hindi ka makasagot?!” “H-hindi naman sa ganoon. A-ang balak mo k-kasi ay p-patayin siya. B-baka lang sumabit tayo dito…” Nauutal niyang sagot. “Parang hindi mo naman ako kilala at ang family ko!” anito. Tinalikuran siya ni Carlene kaya nagkaroon siya ng pagkakataon para pagmasdan si Tisay. Wala itong malay at may natuyong dugo sa noo nito. Sa tingin niya ay may sugat ito sa ulo. Marumi na ang suot nitong damit. “Rico, Douglas! Ipasok niyo na ang upuan namin, please…” “Opo, ma’am!” Tumalima agad ang dalawa. Lumabas ang mga ito. Pagbalik nina Rico at Douglas ay may dalang dalawang upuan ang mga ito. Malalaking upuan na parang upuan ng hari at reyna. Ipinwesto ng mga ito ang upuan sa tabi ng kama kung saan kitang-kita nila si Tisay sa kinahihigaan nito. Naupo na si Carlene sa isa sa mga upuan. May pagtataka siyang napatingin dito. “What are you waiting, Samuel? Take a seat para maumpisahan na ang palabas!” turan ni Carlene. “A-anong palabas?” “Bakit ba ang dami mong tanong?! Umupo ka na nga dito!” Medyo natakot siya nang bumakas ang inis sa mukha nito. May pagtataka man ay umupo na lang si Samuel sa tabi ni Carlene. Bigla itong pumapalakpak. “Simulan niyo na ang palabas, Rico at Douglas!” utos nito sa dalawang lalaki. “Okay po, ma’am!” Magkasabay na sagot ng mga ito habang may nakakatakot na ngisi sa mga mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD