Required ba talagang monggo ang ulam tuwing Friday? Nakalimutan ko kasi ‘yung baonan ko sa bahay. Fried chicken pa naman ang niluto ni Nanay ta’s samahan pa ng paborito kong mang Thomas! Solid! Kaso ayon nga, nalimutan ko sa sobrang madali. Ano bang bago?
Hindi naman ako nagpuyat kagabi pero tinanghali pa rin ako ng gising. Mabuti na lang talaga binungangaan ni Nanay si Kuya Limuel kaya ako nagising, pero paglabas ko, ako naman ang na-sermonan. Napa-amen na lang ako…
Iiling-iling pa ako habang iniisa-isa ang ulam sa canteen. Monggo na naman ang star ng menu ngayong araw ng Biyernes. Wala naman akong problema sa ulam dahil ulam lang naman ‘yon. Kaya nga lang ay wala na bang iba? May iba namang tinda kaso ‘di naman masarap luto rito sa canteen.
‘Di naman na kami makakatalon sa bakod ng school, simula noong mahuli kami, meron nang nagbabantay doon. Tandang-tanda na rin ng mga taga bantay ng school mga pagmumukha naming tatlo, kilala kaming matinik pagdating sa pagka-cutting class. Para naman kasi silang bago nang bago, ang sarap kaya sa feeling na tumakas ng school.
Ang mahalaga naman nabalik ‘di ba? Kakain lang naman sa labas, e. Ilang beses ko na dinahilan ‘yon sa Principal kaya ilang beses na rin nilang pinapatawag sila Nanay at ilang beses na rin akong lumuluhod sa pesteng monggo na ‘yan. May personal na galita talaga ako riyan!
“Takas tayo?” Dinidemenyo na naman ako ni Betong.
Para talaga siyang demonyo kung bumulong.
“Wag na… papatalunin niyo na naman ako sa bakod, e. Saka mapapagalitan tayo. Masama…” At ito naman ang konsensya kong si Ando. Grabe, ang bait-bait na niya.
Natatakot na ako sa kabaitan niya at baka bigla siyang kunin ni Lord. Bumuntong hininga ako. Galit na ‘yung mga estudyanteng nakapila sa likuran namin dahil kanina pa kami nakatayo rito pero wala pa ring naiisip na bilhin.
“Ano ba naman. Antagal naman!”
“Kung walang pambili umalis na!”
“Gutom na kami ano ba?!”
“Dito pa talaga nagmeeting e ‘no? Antatagal!”
Napakamot akong ulo, nagpipigil ng inis. “Monggo nga saka half rice ‘te!” order ko. Baka kuyugin na kami ng mga gutom kong kamag-aral kaya um-order na ako kahit ‘di ko naman gusto.
Nagsi-order-an na rin ang dalawa kong alalay. Dinuguan ang kay Betong, Tilapia na may free’ng sabaw ng sinigang na lasang sebo naman ang kay Ando. Babalik pa sana ako para magreklamo kung bakit si Ando lang ang may sabaw gayong magkakasama naman kami. Kung may freebies naman pala, dapat kami rin! Sabaw lang naman. Hindi naman ako na-inform na may favoritism din palang nagaganap dito sa canteen.
“O sa’yo na. Mamaya umiyak ka pa, e.” nilapag ni Ando ang sabaw sa harapan ko. Ngiting-ngiti naman ako.
“Maypa sabaw-sabaw ka pa e sabaw na nga ‘yang utak mo,” komento ni Trixie.
Humigop ako ng sabaw ng sinigang na siguradong sinigang mix lang naman ang nilagay. Pwede na! Aarte pa ba kung libre lang? Kanina pa nagaantay sila Annabelle at Trixie sa amin sa table na ni-reserve nila para sa amin. Hindi pa nga tapos ang klase, umuna na sila rito para makasiguradong meron kaming pwesto.
“Tse!” sabi ko.
Tumawa ang lahat. Para kasing kulang ang pagkain kapag walang sabaw, e. Pakiramdam ko ang hirap lunukin ng pagkain. Saka dagdag panlasa na rin kung sakaling maumay na sa ulam. Tulad nitong monggo ko, tinitignan ko lang nauumay na ako.
Tumambay muna kami sa vegetable garden pagtapos naming kumain. Nakaupo kami sa silong nila Annabelle at Trixie. Sila Ando at Betong naman ay iniisa-isang bisita ang mga namunga ng gulay. May kanya-kanyang pinagkakaabalahan ang mga kapwa ko kamag-aral tuwing break time. May mga nag-aaral, naglalaro, nagchichismisan, nambubully at nabubully at… mga nagsusugal!
Pinanliitan ko ng mata ‘yung kaklase kong si Jose nang makita kong pasulyap-sulyap bago lumakad papunta sa likod ng school. Napangisi ako, may pinaplano na naman silang kalokohan. May naiisip na naman ako…
“O sa’n ka punta?” si Annabelle.
Huminga akong mamalim. “Sa CR, magde-deposit lang,” tamad kong sagot.
“Yuck! Sige, lumayas ka na sa harap ko.”
Nag thumbs up ako at lumakad na. Binilisan ko ang takbo nang makarating sa bahaging ‘di na nila ako makikita. Kailangan ko talagang bilisan at baka ‘di ko na makita ‘yung kalokohan nila. Inilagay ko ang isang kamay ko sa bulsa ng palda ko. Pasipol-sipol pa akong lumapit doon. Sabay-sabay na naghiyawan sila Jose nang gulatin ko sila.
Ang sakit na nang tiyan ko kakatawa sa mukha nila. Naglalaro silang tong its, syempre, may pustahan. Mortal sin ‘to sa school. Kapag teacher ang nakahuli, yare! Good luck at God bless na lang talaga sa kanila.
Tahimik lang sa klase ‘tong si Jose, pero sa labas ng school, kilala ko ‘tong sugarol. Lagi ‘to sa perya at siya lang naman ang kalaban ko pagdating sa sugal. Inis na inis ang mukha ni Jose sa akin. Sinandal ko ang siko ko sa pader at ngumisi.
“La, bawal ‘yan ah…” nanakot kong sabi.
Hindi sila makatingin sa akin. Kilala ko sila sa mukha pero si Jose lang talaga ang alam ko ang pangalan. Galing sa ibang section at year ang mga ito. Pito silang nagkumpulan sa tabi, kabado.
“Magkano pustahan?”
“Ah…” si Jose lang ang may lakas ng loob sumagot. “Walang ganon, San—“
“Weh? Ba’t may pera sa lupa?” kinuha ko ang bente at winagayway. “Ano ‘to? Play money?”
Nakita kong kabadong napalunok si Jose.
“Akin na lang ‘to?” Ang sama ko naman tignan.
Siraulo din talaga ako kung minsan. Ay… madalas pala. Nagbibiro lang naman ako pero takot na takot naman sila. Ano ba ‘yan! Akala ko naman matutuwa ako, parang ang bully ko tuloy tignan. Bumuntong hininga ako at inabot ang bente kay Jose. Ayaw niya pang kunin noong una.
“Wag na kayong magsugal dito! Kapag nakita ko pa kayo, isusumbong ko na kayo!” sermon ko sabay halukipkip. Ngayon naman para na nila akong nanay. Nakayuko sila at nakatayo sa harapan ko, nakahilera pa talaga!
“Tsk tsk tsk…” Umiling-iling pa ako.
Magpapatuloy pa sana akong manermon nang may humatak sa kamay ko at tumakbo palayo roon. Halos magkanda-dapa na ako sa tulin ng takbo, malubak pa naman dito sa likod ng school! My god! Habol-habol ko ang hininga ko. Ang kamay ko ay nasa tuhod ko na, bibigay na talaga. Kaonti na lang! Pinipilit kong maging mabait na tao na pero parang makakapatay yata ako.
“Anong ginagawa mo roon?!”
Nagpanting ang tainga ko. Sigawan ba naman ako?! At… kilala ko kung sino nagmamay-ari ng boses na ‘to. Sinamaan ko na agad ng tingin.
“Paki mo?!” Singhal ko kay Ando.
Nakatayo siya sa tapat ko, nasa baywang ang mga kamay at hinihingal.
“Ako… dapat… nagtatanong niyan… sa’yo! Anong trip mo? Ba’t mo’ko hinatak? Buti na lang talaga ‘di ako nadapa, nako!”
“Di ka na dapat pumunta roon!”
Nanlaki ang mata ko. Pangalawang beses na niya akong sinigawan. Humalukipkip ako, naiinis na talaga ako. Mas mabuting ipitin ko ‘tong mga kamay ko at baka makatikim sa akin ‘tong si Ando ng suntok.
“At bakit?!”
Ginulo niya ang buhok niya. “Paparating doon ang Principal. Naunan lang ako sa kanya, pero papunta siya para hulihin sila Jose! Bakit ka ba kasi nandoon? Nagsusugal ka rin ba kasama nila?”
Natahimik ako. Ibig sabihin, kung ‘di siya dumating, maabutan ako ng Principal. Baka ma-expel na ako sa school sa dami kong kalokohan. Mas madami pa yata ang memo ko kumpara sa mga napapasa kong assignments.
“Wala lang… Pagsasabihan ko lang naman sila, e…” nakanguso kong sabi.
“Sa sunod, isama mo ako.”
Napangiwi ako. Seryoso ba siya?!
“Para may magpapaalala sa’yo.” Dagdag pa niya.
Kinlaro ko ang lalamunan ko. Wala naman akong maisagot sa sinabi niyang iyon. Tinalikuran ko siya at inayos na lang ang uniporme ko. Sa haba ng tinakbo namin, nauuhaw na ako. Iniwanan ko si Ando at nagsarili ako, anong oras na rin naman at matatapos na ang lunch break. Ayoko namang tumakbo dahil pagod na ako.
“Sinundan mo ba ako kanina?” tanong ko sa kanya nang kasabay na siya sa lakad ko.
“Hindi. Wala naman akong balak sundan ko kaso nakita ko ‘yung Principal… Ikaw agad ang naisip ko, may magnet ka yata ng problema, e. Lapit nang lapit sa’yo.”
“Tsk. Dumating ka naman ‘di ba? Edi wala akong magnet ng problema.”
“Syempre, ako lucky charm mo, e.”