Gumising kaming maaga dahil linggo ngayon at magsisimba. Nakasanayan na namin 'to tuwing linggo. Magsisimba tapos magpupunta sa mall para mag window shopping, minsan nanunuod din ng sine. Dipende pa kung may magandang showing. Alam mo na, typical na family day.
Pupungas-pungas pa ako kahit na tapos na akong maligo. Napuyat kasi ako kagabi kakabasa ng pocket book ni Martha Cecilia na hiniram ko sa kapitbahay naming si Aling Maymay. Marami siya nito, e. Collection niya yata. Tapos ko na ngang basahin 'yung Kristine series kaya 'yung sweetheart naman. Lihim ko pa 'tong binabasa kasi may mga scenes sa libro na 'di pa pwede sa batang katulad ko.
Grabe! Ang intense! Minsan napapa-sign of the cross na lang ako, e. Ang paborito ko talagang character sa lahat ng nabasa ko ay si Marco at Emerald! Siyempre, sila ang unang story sa series. Sobrang ganda talaga. Ang saya siguro maging si Emerald. Maganda, matalino at mayaman! Well... May similarities naman kaming dalawa.
Parehas kaming maganda!
Nag tricylce kami papuntang simbahan. Saktong sakto na kami roon. Sila Nanay at Tatay ay nandoon nakaupo sa likod ng driver na mukhang 'di pa naliligo. Kami naman sa loob, at siyempre dahil maliit ako, doon ako nakaupo sa pambata. Ito pa naman ang pinaka ayaw ko sa lahat. Hindi na nga kasya ang pwet ko rito, e.
"Bilisan mo naman maglakad, Andeng! Baka 'di na natin maabutan 'yung misa ni Father!" Nabulyawan pa tuloy ako ni Tatay.
Inakbayan ako ni Kuya Roberto at hinatak palapit sa kanya. Lutang ako habang nagsesermon si Father. Ang topic niya kasi ay tungkol sa mga tamad. Panay tuloy ang lingon ni Nanay at Tatay sa akin tuwing magpapatama si Father. 'Di man lang ako makailag, e! Pati tuloy sila kuya ay naki epal na rin.
Kulang na lang isigaw nila Nanay na ako 'yung tamad na anak na tinutukoy sa misa. Oo, nay. Alam kong tamad ako pero at least maganda naman, 'di ba? Nakakaproud kayang magkaroon ng magandang anak! Hindi lahat nabibiyayaan ng magandang anak 'no!
Oras na para sa ama namin. Tinulak ako nila Kuya sa pinaka dulo ng upuan dahil ayaw nilang makipag hawak kamay sa ibang tao. Nakipagbunuan pa ako. Pamatay na titig ang binato nila Nanay sa akin.
"Nay, sila Kuya o!" kamot ulo kong sumbong.
Hindi na maipinta ang mukha ni Nanay, bumubulong-bulong pa ng kung anong mga salita na 'di ko ma-gets. Napasabunot na talaga ako sa buhok ko. No choice naman din. Nilahad ko na ang kamay ko sa maswerteng tao. Hindi na ako tumingin sa tao na 'yon, mamaya isipin niya masama ang ugali ko at maarte. Totoo namn... pero slight lang.
Siguro nasa 20% lang akong masama tapos 80% na maarte.
"Peace be with you."
"Naku, wala pa po--" natigilan ako, "O ba't ka nandito?!" Madiin kong tanong kay Denver.
Ngumisi siya. "Nagsisimba. Obvious ba?"
Kumakanta na ang lahat, maliban sa aming dalawa na patagong nagbabangayan.
"Buti 'di ka nalusaw?"
"Anak ng Diyos, e." Mayabang niyang sagot na may kasama pang kindat.
Napangiwi na lang ako. "'Di ba walang ginawang pangit ang Diyos? Edi ibig sabihin hindi ka nilikha ng Diyos."
"Nilikha niya kaya niya ako..." ngumuso siya.
"At ano naman kayang dahilan ba't ka niya ginawa aber?" pang-aasar ko pa.
Ngumiti siya na labas na labas ang ngipin. Immune na talaga ang isang 'to sa mga pang-aasar ko. Minsan ako na 'tong naiinis kasi 'di siya naiinis.
"E ginawa niya ako para mahalin ka..." kumindat na naman ang mokong.
Tumindig talaga lahat ng balahibo ko lalo na sa batok. Yuck! Saktong tapos na ang ama namin. Wala nang dahilan para hawakan ang magaspang niyang kamay! Pinagpag ko ang damit ko sa suot kong pink na dress. Pinakita ko talaga sa kanya ang reaksyon kong diring-diri sa pinagsasabi niya. Ngiting tagumpay naman talaga si tanga.
"O Denver kanina ka pa pala nandito," si Nanay nang matapos ang misa. Nauna nang lumabas sila Kuya. Nakahalukipkip ako sa harap nila Nanay at Tatay.
Masama ang pakiramdam ko sa eksena na 'to ah. Dehado na naman ako rito. Sinasamaan ko na ng tingin sila Nanay na 'di ako pinapansin at nagpapadyak na ng paa.
"Kasama mo ba ang Lola mo?" Tanong ni Tatay.
Inis kong sinulyapan ang bibong si Denver.
"Hindi po, e. Mamaya na lang daw po siya. Sa huling misa na lang po sila pupunta ng mga kaibigan niya."
"Ah, ganon ba? Saan ka na ngayon? Uuwi ka na ba?"
Nagkamot ng batok si Denver, animo'y nahihiya. Nanlaki ang mata ko. Nalintikan na!
"Nay! Tara na!" angil ko. Para akong hangin doon na walang pumapansin. Hinatak ko na palabas si Nanay pero huli na ang lahat...
"Gusto mo sama ka na lang sa amin sa SM?"
Halos maiyak na ako sa mga oras na 'yon. Sa dulo, ako pa rin talaga ang kawawa. Kinuha lang ni Kuya ang sasakyan naming adventure at bumalik sa simbahan. Ang lalakas din talaga ng toyo ng pamilya ko, e. Kung kanina pa sana kami nagsasakyan at 'di na nag tricycle. Edi sana 'di na sila nahirapan pa 'no? Namamana pala talaga ang katangahan 'no?
Nabuntong hininga na lang talaga ako.
Hindi ko pinapansin si Denver mula pa kanina. Tuwang-tuwa naman sila Nanay sa kanya. Ewan ko ba kung bakit. Ano bang meron sa bao na 'yan? Ay oo nga pala. Hindi na pala bao ang hairstyle ni Denver. Clean cut na pero 'di pa rin talaga bagay sa kanya. Siya pa rin ang pinaka pangit na nilalang sa paningin ko. Sinasabi nila Annabelle ay gwapo naman daw si Denver. May appeal naman daw. Sus! Saan?
Saan banda? Paki turo para makita ko! Siguro gwapo siya... noong hindi pa uso ang tao. Nakakainis talaga! Ba't ba kasi sinama siya?! 'Di tuloy ako makapag enjoy. Tsk.
"Pakisamahan mo naman si Denver. Ang bait-bait naman nung tao. Napaka maldita mo talaga. 'Di ka naman maganda," si Kuya Limuel nang lumapit sa akin.
Nasa loob kami ng national bookstore. Bibili kasi sila Kuya ng mga school supplies nila. Sila Tatay ay nandoon sa mga magazine. Nandito naman kasi sa aisle ng mga notebook. Inirapan ko lang si Kuya.
"Kawawa naman ang bayaw ko o! Lagi mong inaapi." asar niya.
Inis na inis ko siyang tinignan ulit. Halos sumabog na ang bibig siya sa pagpipigil ng tawa. Lagi niyang niloloko si Denver sa akin. Si Kuya Roberto naman ay si Ando ang pina-partner sa akin. Pamilya ko ba talaga kayo?!
"Don't say bad words!"
Humalakhak si Kuya. Lumapit si Kuya Roberto sa amin para makichismis, bitbit ang mga librong pangmatatalino. "Bakit? Anong meron?"
"Wala!" singhal ko.
"Maaga ka niyang mabu-byuda, e." si Kuya Limuel.
"Ah, si Denver? Ayos lang may Ando naman siya, e." Gatong pa ni Kuya Roberto.
"Sandy plus Denver... SanVer. Kapag Sandy saka Ando, edo... SaNdo!" nagtawanan silang dalawa sa sarili niyang katarantaduhan. Pikon na pikon na talaga ako!
Nadaanan ko si Denver na sumunod pa talaga sa akin. Kinalikot ko na lang ang mga ballpen, tin-ry ko isa-isa kahit wala naman akong balak bumili.
"Inaway ka ng mga kuya mo?"
"Hindi..."
"Uuwi na rin naman ako maya-maya, e. Sorry na..." aniya.
Ngumuso ako. Huminga akong malalim at dahan-dahan iyon pinakawalan.
"Sumabay ka na lang sa amin umuwi. Manunuod pa raw tayo ng sine, e." tamad kong sabi. Nakatayo lang si Denver sa harap ko, pinapanuod ang kamay ko na sumusulat ng kung ano.
"Talaga? Isasama niyo ako?" Biglang nabuhay ang boses niya.
Napangisi ako. Ang bilis naman magbago ng mood ng isang 'to. Akala ko kasi kanina iiyak na, e.
"Malamang! Si Nanay nga umaya sa'yo 'di ba? Edi kasama ka. Kung gusto mo antayin mo na lang kami sa labas ng sinehan," Ibinaba ko ang hawak na ballpen at tinignan siya, taas ang kaliwang kilay.
Sinuklay niya ang buhok niya gamit ang kamay at matamis na ngumiti.
"Sasama ako! Basta tabi tayo ah?"
Seryoso siya? Hay nako! Pagod na akong magtaray ngayon araw. Bahala na!