Chapter 6
Diane’s Pov
NAGMUKHA akong kawawa kanina sa school dahil sa itsura ko. Pumasok pa rin ako kahit ang dumi ng sapatos ko. Tinulungan na rin ako ng kaibigan ko para lang mawala ang dumi ng sapatos at ibaba ng pantalon ko.
Nasabihan pa niya akong tanga-tanga dahil nahulog daw ako sa kanal. Hindi ko kasi sinabi sa kanya ang sinapit ko. Ayaw ko ng pag-usapan at baka uminit na naman ang ulo ko.
Sa awa ng Diyos ay nairaos ko naman ang araw ko. Pero ang totoo ay gustong gusto ko ng umuwi at tadtarin ang hinayupak na Claw na ‘yun.
Lumabas ako sa classroom at tinungo ko agad ang covered walk. Naglakad ako patungo sa gate para makauwi na ako.
Pinagdarasal ko na sana ay wala si Claw sa labas ng school kundi sa kotse pa lang ay tatapusin ko na ang buhay niya. Nanggigigil pa naman na ako sa kanya. Konting-konti nalang talaga ay magiging mamamatay tao na talaga ako.
Nakarating ako sa gate at nakita ko agad ang kotse na ginagamit ni Claw para ihatid sundo ako sa school. Talagang gusto na niyang mawalan ng hininga. Ngayon pa lang ay nag-iisip na ako kung saan ko siya ililibing.
Naglakad na lamang ako papunta sa kotse at tinungo ang passenger seat. Hinanda ko na ang sarili ko dahil haharap na naman ako sa isang demonyo.
Binuksan ko ang pintuan ng kotse ay bumungad sa akin ang pagmumukha ni Claw.
Pumasok agad ako sa kotse na hindi inaalis ang tingin sa kanya. Hindi naman siya makatingin sa akin at nakatingin lang siya sa harap ng kotse.
“Bakit hindi ka makatingin? Ayaw mo bang makita ang itsura ng sapatos ko?” Pambabasag ko sa katahimikan.
Tumikhim naman siya at agad na tumingin sa labas ng bintana. Tumikhim pa siya at parang tanga na may tinitignan sa labas ng bintana.
“I’m sorry..” bigla niyang sabi kaya natigilan ako. Hindi ako makapaniwala na hihingi siya ng sorry.
Ngunit nalukot ang mukha ko, hindi ko tatanggapin ang sorry ng animal. “Mag so-sorry ka na nga lang, hindi ka pa makatingin sa akin. Sa bintana ka ba humihingi ng sorry?” Sarkastiko kong sabi.
Mabilis naman siyang lumingon sa akin. Ang dalawa niyang kilay ay magkasalubong. Agad niyang ipinakita ang ngipin niya kaya nakita ko ang natanggalan niyang ngipin.
“Hindi ka man nga lang humingi ng sorry sa akin, pangit. Natanggal ang ngipin ko dahil sa’yo!” Singhal nya sa akin.
Pinandilatan ko naman siya ng mata ko. “FYI, kasalanan mo ‘yan. Sino bang tanga na magsusuot ng outfit na pang White Lady? Hindi ba’t ikaw? Plano mo akong takutin. Anong akala mo sa akin.. hindi ka papatulan?” inis kong sabi habang mataray akong nakatingin sa kanya.
“Malay ko bang matatakutin ka,” sagot lang ng kumag.
“Ewan ko sa’yo! Wala kang silbi kausap!” Asik ko.
Hindi siya sumagot. Bagkos ay may inabot siya sa backseat. Inayos ko naman ang seatbelt ko at hindi na pinansin ang pinaggagawa ni Claw. Pakialam ko ba sa kanya.
“Here..” aniya saka niya inilapag sa kandungan ko ang isang box na medyo malaki.
“Ano ‘to?” Tanong ko habang palipat lipat ng tingin sa box at sa pagmumukha niya.
“Eh ‘di tignan mo!” Bulalas niya.
Napabuntong hininga naman ako at baka isa na naman ‘to sa mga kalokohan niya. Masasakal ko talaga siya kapag may nilagay siyang kakaiba sa loob ng box. Ubos na ubos pa naman ang pasensya ko sa kanya.
Binuksan ko ang box at napasinghap nang makita ko ang kulay white na sapatos. Bagong bago pa ito, halatang bagong bili niya.
Nilingon ko si Claw at hindi makapaniwalang binilhan niya ako ng sapatos.
“Anong nakain mong, gurang ka? Pumasok ba sa bibig mo ang putik na binato ko sa’yo kanina?” tanong ko habang nakataas ang isa kong kilay.
Masama naman niya akong tinignan. “Magpasalamat ka nalang kaya! Dami mo pang sinasabi, eh.” inis niyang sabi.
Hindi ako nagpasalamat sa kanya, hindi na ako nagsalita pa. Unang una kasi ay kasalanan niya kung bakit nadumihan ang sapatos ko kaya bakit ako magpapasalamat eh siya ang may kagagawan.
“Dapat lang na bilhan mo ako, no! May balak pa naman sana akong ipalunok sa’yo ang sapatos ko pag-uwi sa bahay para naman makaganti ako.” Nakangisi kong sabi habang sinisipat ang sapatos na bagong bili niya.
Natuwa naman ako sa binigay niya. Ang cool ng sapatos. Mumurahin lang kasi ang sapatos ko. Inorder ko sa online. Iniingatan ko kasi nga puti ang kulay. Kaya inis na inis ako nang madumihan kanina.
Dalawa lang kasi ang sapatos ko. Hindi ko madalas na sinusuot dahil hindi ko gusto ang kulay. Ang nanay ko ang bumili no’n. Sayang naman din kasi kung hindi ko gagamitin. Kaya sa P.E ko lang ginagamit.
Kaya medyo masaya ako na binilhan niya ako ng bagong sapatos.
Bigla akong may naalala kaya agad akong kumuha ng five pesos sa bulsa ng pantalon ko. Nang makakuha ako ay agad kong inabot kay Claw.
“Oh.. five pesos.” Sabi ko na agad niyang ikinakunot ng noo.
“Aanhin ko ‘yan?” nagtataka niyang tanong.
“Ano ka ba! Kasabihan kaya ‘to! Ang sabi nila kapag may nagbigay ng sapatos sayo ay kailangan bigyan mo ng kahit anong amount ang nagbigay sa’yo para hindi kayo mag-away.” pagpapaliwanag ko.
Nalukot naman ang mukha niya. “Lagi naman tayong nag-aaway. Anong bago do’n?” aniya, bumuntong hininga naman ako dahil ayaw talaga niyang kunin.
Hinawakan ko ang kanan nyang kamay at ibinuka ito saka ko inilapag ang limang peso. “Tanggapin mo na! Dami mo pang satsat, eh!” sabi ko sabay irap sa kanya.
Wala naman siyang nagawa kundi ang tanggapin ang binigay ko. “Walanjo! Five thousand ang bili ko sa sapatos mo, pero bibigyan mo lang ako ng limang peso.” reklamo niya kaya napanguso na lamang ako at hindi na sumagot pa.
Umayos ako ng upo at ibinalik sa box ang sapatos. Excited na tuloy akong suotin ang sapatos na bigay niya. Ngayon lang kasi ako makaksuot ng mamahalin.
Mga gamit ko kasi ay puro ukay. Mas mura kasi, kailangan nga lang lagyan ng mainit na tubig at asin kapag nilabhan at baka galing sa patay. Eh ‘di minulto ako ng may-ari. Sapatos naman sa online lang, hindi lalagpas ng 400 ang presyo. Kaya nakakatuwa na may bago akong sapatos na mahal.
Binuhay na ni Claw ang makina ng sasakyan at agad niya itong pinausad. Tumingin nalang ako sa labas ng bintana at napangiti sa tuwa.
Tahimik naman ang kasama ko na halatang masama ang loob sa binigay kong five pesos. Bahala siya kung masama ang loob niya.
Lumipas lang ang isang oras na biyahe ay nakarating na kami agad sa harap ng bahay ni sir Remus.
Nagmadali pa akong bumaba para makapasok sa bahay nila sir Remus. Ayaw ko kasing makita ni Ate Cataleen ang pantalon at sapatos ko na marumi. Sigurado kasi akong magtatanong siya sa akin kung anong nangyari.
Syempre, sasabihin ko pa rin kay Ate Cataleen ang sinapit ko pero hindi pa ngayon dahil binilhan ako ni Claw ng sapatos. Bumaba ang inis ko sa kanya ngayon kaya palilipasin ko lang muna.
Kung hindi niya siguro ako binigyan, baka kanina ko pa tinawagan si Ate Cataleen at isusuplong siya sa ginawa niya sa akin. Pasalamat talaga si Claw at lumabas ng bahagya ang pakpak ko bilang anghel. Kundi yari siya kay Ate Cataleen.
Nang makapasok ako sa malaking bahay ng mag-asawang Valconeri ay tinungo ko agad ang kwarto ko. Halos takbuhin ko na ito at baka biglang sumulpot si Ate Cat.
Nakapasok ako sa kwarto ko at agad na inilapag ang box sa kama. Ibinaba ko na rin ang backpack ko sa sahig dahil balak kong maligo. Kanina ko pa talaga gustong maligo dahil naiinis ako sa amoy ng kanal. Pakiramdam ko ay dumikit sa balat ko.
Kung pwede lang talaga umuwi kanina, baka ginawa ko na. Pero may quiz kasi kami sa isang subject kaya hindi ako pwedeng umabsent. Tiniis ko nalang ang mga reklamo ng classmate ko na mabaho daw ako. Amoy kanal daw.
Sa likod na nga lang ako umupo para hindi matamaan ng hangin mula sa electricfan ang paanan ko ay hindi mangamoy. Nakakahiya talaga kanina. Dapat ay sinakal ko na si Claw ngayon, pero nakaligtas na naman siya sa kamatayan niya ngayong araw. Sana lang ay magbagong buhay na siya. Matanda na siya, eh. Pero isip bata ang animal.