Chapter 8
Diane’s Pov
NAKABIHIS na ako at nakahanda na akong pumasok sa school. Tapos na ako nakapagluto ng pagkain at nakahanda na ito sa mesa.
Hindi pa yata gising ang mag-asawang Valconeri. Kaya baka magkape na lang siguro ako kaysa sa unahan silang kumain ng pagkain.
Excited akong pumasok sa school hindi dahil sa may crush akong Prof. Excited ako dahil susuotin ko ang binigay ni Claw na sapatos.
Bet na bet ko ang sapatos na binigay niya sa akin. Ang lambot din ng loob kaya napaka komportable nito. Magaling din palang pumili ang bungal na gurang na ‘yun.
Isinuot ko lang muna ang ID ko sa school saka ko kinuha ang sapatos na bago. Nakangiti pa talaga ako habang sinusuot ang medyas sa paa ko. Sinuot ko din pagkatapos ay tumayo na ako at panay ang tingin ko sa sapatos kong suot.
Tumingin na lamang akong muli sa salamin at naisipan kong itali ang buhok para hindi magulo. Baka kapag nakita na naman ako ng bungal na ‘yun ay tawagin na naman akong aswang ng hinayupak.
Alam na alam ko na ang linyahan niya pagdating sa panglalait. Ang hindi niya alam, kalait lait din naman siya. Nakainis talaga ang lalaking ‘yun.
yun pero dahil sa binigyan niya ako ng sapatos ay hindi ko na muna tatapusin ang buhay niya at palalagpasin ko na muna ang kasamaan niya.
Lumabas na ako ng kwarto ko nang matapos akong ayusin ang sarili ko. Tinungo ko na muna ang kusina upang kumuha ng maiinom na tubig. Kailangan ko din tignan kung nasa kusina na ba ang mag-asawa para makapagpaalam ako na papasok na ako sa school.
Nakasalubong ko pa si Cookie na may dala-dalang tsinelas. Agad ko itong nilapitan para sana kunin ang dala-dala niyang tsinelas. Lagot talaga ako kay Ate Cataleen kapag hindi ko nakuha kay Cookie.
“Bitawan mo ang tsinelas, Cookie. Sige ka, mapapagalitan ka ng boss mo.” sabi ko pa sa aso na para bang naiintindihan ang sinabi ko. Ngunit tinahulan lang ako ni Cookie kaya napangiwi ako. Pasaway!
“Bahala ka nga dyan! Baka kagatin mo pa akong lintik ka!” sabi ko na lamang sa aso at agad akong naglakad papunta sa kusina.
Nang makarating ako ay nakita ko si ate Cataleen, gising na pala siya. Akala ko ay aalis ako sa bahay na hindi nakakapagpaalam sa kanya.
“Good morning po, Ate Cataleen!” Bati ko sa kanya. Agad naman siyang lumingon sa akin at ngumiti.
“O, kumain ka muna bago ka pumasok sa school, Diane. Maaga pa naman kaya pwede ka pang kumain ng almusal.” sabi niya sa akin. Napansin ko ang tingin ni Ate Cataleen mula sa ibaba hanggang sa mukha ko.
“Bagong shoes ka ahh.. ang ganda!” sabi niya habang nakangiti sa akin.
Tumingin din ako sa suot kong sapatos at napangiti na lamang. “Kain ka muna, Diane.” sabi niya kaya tumango na lamang ako.
Umupo na agad ako sa upuan upang makakain na ako. “Hindi pa po ba gising si Sir Remus, Ate Cataleen?”
“Naku, ang sarap ng tulog pa niya kaya baka mamaya pa ‘yun gigising.” sagot niya kaya tumango ako. Umupo si ate Cataleen sa katapat kong upuan. Napatingin ako sa kanya at napansin ko na may pulang marka sa leeg niya. Mukhang alam ko na kung bakit hindi pa gising si Sir Remus. Napuyat na naman yata.
“Nga pala, kamusta ang pag-aaral mo? Hindi ka naman ba nahihirapan?” tanong ni Ate Cat. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil para ko siyang ate. Nagkaroon tuloy ako ng ate sa katauhan niya at ang saya ko.
“Okay lang po, Ate Cat. Excited pa rin pong mag-aral kahit maraming pagsubok na pinagdadaanan.” Sabi ko, ang tinutukoy kung pagsubok ay pagmumukha ni Claw. Dami na niyang kasalanan kasi sa akin. Pasalamat lang talaga siya at hindi ko pa siya sinusumbong kay Ate Cataleen sa ginawa niya sa akin.
“Mabuti naman kung ganun. Hindi ka ba nahihirapan sa pagiging working student mo?” Tanong niya. Pakiramdam ko ay gusto niyang malaman para siya na naman ang mag adjust. Ganun kabait si Ate Cataleen.
“Ayos lang naman po, Ate Cat. Hindi naman po ako nahihirapan,” sagot ko upang hindi na niya ako isipin pa.
“Alam mo.. curious ako kung magkano ang sapatos na suot mo. Mukha kasing mamahalin, eh.” Sabi niya at may mapaglarong ngiti habang nakatitig sa akin.
“Ahm.. bigay lang po ito, Ate Cataleen. Hindi ko din po alam ang presyo,” sabi ko na lamang. Ayaw ko kasing sabihin sa kanya na galing kay Claw ang sapatos. Baka kung ano pa ang sabihin ni Ate.
“Oh.. nice ha! Sino kaya ang nagbigay niyan..” makahulugan niyang sabi. Napakamot tuloy ako sa likod ng ulo ko at medyo nakaramdam ako ng pagkailang. Parang hinuhuli kasi ako ni Ate Cat.
Biglang may pumasok sa kusina, napalingon ako at nagtagpo ang tingin namin ni gurang. Agad naman siyang nag-iwas ng tingin kaya ibinalik ko na lamang ang tingin ko sa pagkain ko.
“O, sakto ang dating mo, Claw. Kumain ka na rin bago mo ihatid si Diane.” Sabi ni ate Cataleen sa binata.
Kumain nalang ako ng tahimik at hindi pinapansin ang lalaking malapit lang sa akin. “Mrs. Valconeri, baka pwedeng si Raj o di kaya ay si Thiel na lang ang maghatid sundo sa pangit na nilalang na ‘to..” sabi ni Claw kaya agad ko siyang nilingon at nakitang tinuro pala niya ako.
Pinandilatan ko naman siya ng mata ko dahil nagsimula na naman siya. Hindi ko naman siya inaano. Papansin talaga.
Matapos niya akong bigyan sa sapatos kahapon, ngayon naman ay aawayin na naman niya ako.
“Bakit na naman, Claw? Kaaga-aga nagsisimula ka na naman,” sabi ni ate Cat.
“Umiiwas lang ako. Baka may lahing mangkukulam ‘yang batang ‘yan. Sumasama ang pakiramdam ko kahapon dahil sa panaginip ko sa kanya. Kaya baka pwedeng hindi na ako ang maghatid sa kanya sa school. Si Levon nalang utusan mo, wala namang ginagawa ‘yun sa underground, eh.” Sabi ni Claw, nakikinig lang ako at halos hindi ko na magawang sumubo ng pagkain. Napahigpit din ang hawak ko sa kutsara at tinidor.
“Ako ang boss mo, Claw. Kaya kapag sinabi ko na ikaw ang tagahatid—sundo kay Diane ay dapat lang na sundin mo kung ayaw mong mawalan ka ulit ng ngipin.” Pagbabanta ni ate Cataleen.
“Hays.. ang malas ko talaga.” Dinig kong sabi ni Claw. Hindi na lang ako sumagot at tinapos ko nalang ang pagkain ko para makalabas na ako.
Nang matapos ako ay tumayo na ako upuan. Maghuhugas muna kasi ako ng plato saka ako aalis.
“Ako na maghuhugas dyan, Diane. Baka mabasa pa damit mo,” sabi ni Ate Cat.
“Naku, Ate.. ako na po.” Sabi ko habang umiiling pa. Siya lang talaga ang amo na maghuhugas ng pinggan.
“Ako na, para isahan na ang paghugas ng plato. Sige na, maghanda ka na sa pag-alis niyo ni Claw.” Sabi ni ate kaya tumango na lamang ako at wala ng nagawa pa.
“Okay po, Ate Cataleen. Pasensya na po kung ikaw po ang maghuhugas ng pinagkainan ko,” nahihiya kong sabi.
“Ano ka ba! Okay lang ‘yun. Sige na, pumasok ka na sa school.” Nakangiti niyang sabi kaya tumango ako saka inilapag na lamang ang pinagkainan ko sa sink.
Nagpaalam na ako kay Ate Cataleen na sa labas nalang ako maghihintay kay Claw. Kumakain pa kasi siya at para bang sinasadya niyang bagalan ang subo niya. Nakakainis talaga ang baliw na ‘to! Kapag nalate talaga ako sa una kong klase ay isasako ko siya.
Lumabas ako ng bahay at dito ko na lamang hinintay si Claw. Ilang sandali pa ay lumabas na rin siya. Hindi niya ako pinansin kaya hindi ko din siya pinansin. Sino ba siya para pansinin ko. Ano siya, gold?
Sumakay na lamang ako sa kotse na palaging ginagamit ni Claw panghatid sundo sa akin. Pumasok na din siya sa driver seat at agad niyang binuhay ang makina ng sasakyan.
“Hoy, kulot!” Tawag niya sa akin maka-hoy ang animal.
“Bakit na naman?” Inis kong sabi habang iniirapan siya.
“Baka naman iniisip mo ako palagi, ha!” sabi niya kaya kumunot ang noo ko.
“Ha? Anong iniisip? Eh hindi ka nga sumagi sa isipan ko. At bakit ko naman iisipin ang katulad mong amoy lupa?!” Singhal ko sa kanya.
“Kung ganun.. bakit ka dumalaw sa panaginip ko? Baka naman nag ri-ritual ka sa kwarto mo, ha!” Parang tanga niyang sabi.
“Anong akala mo sa akin.. mangkukulam?!” inis kong sabi.
“Oo. Bakit hindi ba?” sagot niya. Palipat lipat ang tingin niya sa akin at sa daan. Hindi ko alam kung seryoso ba talaga siya sa mga sinasabi niya. Ano kaya ang panaginip niya at ganito na lang siya kung magsalita sa akin.
“Hindi! Kulot lang ang buhok ko pero hindi ako mangkukulam, hinayupak ka!” bulyaw ko sa kanya.
“Eh ano ka? Engkanto? Aswang? O baka naman marunong ka mang gayuma at kaya mong pumasok sa panaginip ko.” sabi niya kaya napipikon na ako sa mga pinagsasabi niya.
“Hindi ko kayang gawin ang mga pinagsasabi mo, gurang! Pero kaya kong gawin sa’yo ‘to..” sabi ko at mabilis na umigkas ang kamao ko sa pisngi niya.
“Fvck!” Galit niyang sabi sabay sapo sa pisngi niyang sinapak ko. Agad ko pang inilapit ang kamao ko sa bibig ko at kunwaring inihipan.
“Magsalita ka pa ulit tungkol sa mga bagay na ‘yan, hindi lang ‘yan ang matatanggap mo sa akin, Claw!” madiin kong sabi.
Hindi naman siya sumagot habang hinahaplos ang pisngi niya. Ang lakas ng loob niyang pagkamalan ako ng kung ano-ano. Eh hindi ko nga alam ang mga sinasabi niya. Kung marunong akong mang gayuma ay baka matagal ko ng ganamit pero kay Prof.
Bakit ko naman gagamitin kay Claw eh, hindi ko naman siya gusto. Papaputol ko talaga dila ko kapag nagkagusto ako sa kanya. Hinding hindi ako magkakagusto sa katulad niyang gurang na amoy lupa. Never!
Umagang umaga pero pinainit na naman ni Claw ang ulo ko. Magaling talaga siya sa ganitong bagay. Ang sarap nyang sakalin, kung hindi lang siya nagmamaneho ay baka kanina ko pa siya sinakal. Pero dahil sa nagmamaneho siya at mahal ko pa ang buhay ko ay hindi ko muna siya sasakalin at baka maaksidente pa kami.
Lagi ko na nga siyang nakikita dito sa lupa eh, baka pag naaksidente kami ay sa kabilang buhay ang bagsak namin dalawa. Magkikita na naman kami do'n kaya wag na uy! Baka pati si San Pedro umawat sa amin dalawa kapag nag-away kami.