SISTER CAROL was sitting in the chapel, hands flat on the wooden pew, trying to pray.
Dalawang beses na niyang inulit ang pagrorosaryo. Pero patuloy naman ang pagsagi ng mukha ni Daryl sa isipan niya.
Hindi naman talaga nawala sa isip niya ang dating nobyo kahit gaano man katagal na panahon ang lumipas. Nangibabaw lang talaga ang katapatan niya, hindi sa tungkulin, kundi sa naging "kasunduan" nila ng langit.
Pero simula nang bumalik si Sister Carol mula sa Mexico, halos lahat ng nakaraan nila ni Daryl ay naaalala na niya. At nahihirapan na siyang labanan ang mga iyon.
Ang guwapong mukha nito, ang malambing na boses, ang matamis na ngiti, ang pag-aalaga...
She could not forget even the simple way he pressed his thumb against her wrist. Like he was checking her pulse when he was really just calming her down.
Sister Carol emphatically shut her eyes.
It was still there.
Pero masakit. At nakakalungkot na hindi na niya nakita ang Daryl na iyon noong nasa Mexico siya. Ibang-iba na ang Daryl na nakasama niya sa loob ng ilang araw.
Hindi niya alam ang dahilan ng malaking pagbabago na iyon ni Daryl. Ngunit pakiramdam ni Sister Carol ay may kasalanan siya dahil labis niyang nasaktan ito.
At pakiramdam niya ay obligasyon niya na ibalik sa dati ang lalaking minahal at patuloy na minamahal.
KINAIN ng konsensiya si Sister Carol na iyon ang laman ng kaniyang isipan habang nasa loob ng kapilya kaya lumabas siya.
Sa hardin siya natagpuan ni Sister Amalia.
Sister Carol was dragging her fingers through the lavender. Patuloy niyang sinusubukan na linisin ang isip at bumalik sa dating siya bago pa man siya mapadpad sa Mexico.
Bakit kasi naisipan pa niyang sumama sa medical mission na iyon?
Ang layo-layo!
Nang mapagod ay saka lang umupo sa isang bench si Sister Carol. Saka lang niya napansin ang presensiya ni Sister Amalia.
"Sister Carol," malumanay nitong untag sa kaniya habang uumupo sa batong bangko sa tabi niya, "hindi mo kailangang malaman agad ang sagot. Ang nararamdaman mong iyan ay hindi naman binubura ang mga panata mo. Patunay lang iyan na tao ka," makahulugang payo nito.
Napalunok siya. "Sinusubukan ko naman ho na kalimutan siya, Sister Amalia. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako naniniwala sa sinabi ni Daryl na okay na raw ang buhay niya. But what if... he’s really not? Sa mga nakita ko, hindi talaga siya okay at kailangan niya ng tulong ng mga kagaya natin."
Sandaling tumahimik si Sister Amalia at saka ngumiti nang bahagya.
"Kung ganoon, ipagdasal natin siya. At magtitiwala tayo na mas malawak ang awa ng Diyos kaysa sa mga desisyon natin. Kung naririto ka para maglingkod, maglingkod ka nang buo ang puso. If you’re not, He’ll let you know.”
Huminga nang mahina si Carol nang hinawakan ni Sister Amalia ang kamay niya at sabay silang napapikit nang simulan nito ang pagdadasal.
Para kay Daryl. Para sa kaniya.
Hindi niya namalayang tumutulo na pala ang mga luha niya.
It was not like a movie healing moment or anything. But for the first time since Mexico, she found peace in her heart.
PAGKATAPOS ng pag-uusap nilang iyon ni Sister Amalia ay si Mother Superior naman ang kumausap kay Sister Carol kaya lalo siyang nakaramdam ng kapayapaan sa puso niya.
Bagaman at hindi naman biglang nawala sa puso't isip niya si Daryl.
Araw-araw pa rin.
Araw-araw pa rin itong sumasagi. Kaya nga hangga't maaari ay sinisiguro ni Sister Carol na abala siya at wala siyang panahon para mag-isip kay Daryl.
Sa infirmary, nagpapalit siya ng mga bedsheet at pillow case kahit hindi naman niya obligasyon. Maya't maya siya nagtuturo sa mga batang nasa ampunan. Sa ganoong paraan ay nakakalimot siya. Kahit pa nga minsan nalaglag ang tasa na hawak niya dahil may lalaking volunteer na parang si Daryl kapag nakatalikod.
Pero kapag gabi na at tahimik na ang lahat, bigla na lang niyang maririnig ang masasarap na tawa ni Daryl noon.
At makakaramdam na naman siya ng kirot sa dibdib bago pa niya mapigilan.
Hindi siya makatulog. Iniisip lahat ng 'paano kung'. Paano kung sinabi niya ang totoo kay Daryl? Paano kung pinapili niya ito at hindi siya ang pumili?
Paano kung... hindi siya "nakipagkasundo" sa langit at umasa sa himala?
Lahat ng pagkabagabag na iyon ay napansin din ng mga kasamahan ni Sister Carol, lalo na ni Mother Superior.
Pero hindi siya sinesermunan.
Binibigyan lang siya ng maraming gawain tulad ng paglilinis ng mga instrumento, samahan ang ibang madre, lalo na ang mga baguhan kapag nalilito na, dalhan ng sabaw iyong mga bata na may may sakit, at marami pang iba.
Mga gawain na malaking tulong para maging abala ang isip niya at maging pagod ang katawan kaya nakakatulog agad sa gabi.
ISANG maulang umaga. Naglalaba si Sister Carol nang mapansin niya ang isang batang novice na palapit sa kaniya.
Mababakas sa mukha nito ang pagkalito.
"May problema ba, Novice Elaine?" mahinahon at may pag-aalalang tanong niya rito.
Ilang sandaling tumitig lang ito sa kaniya. Na tila ba tinatantiya ang reaksiyon niya.
"I-I'm sorry po, Sister Carol. Hindi po talaga ako tsismosa. Pero narinig ko lang dito sa loob na bago raw ho kayo pumasok dito ay may... boyfriend kayo."
Sandaling natigilan si Sister Carol. Ngunit walang bakas ng ano mang pagkadismaya sa mukha niya.
"Totoo ang narinig mo," nakangiting sagot niya.
Bukod sa masama ang magsinungaling, ginagawa naman niyang bukas na libro ang kuwento nila ni Daryl. Nang sa ganoon ay magsilbing inspirasyon sa mga baguhan. Lalo na sa mga novice na katulad ni Novice Elaine.
Ang novice ay parang nasa training pa lang. Sumasailalim siya sa formation para malaman kung para nga ba sa kaniya ang buhay-madre. Hindi pa siya gumagawa ng permanenteng panata.
Kapag natapos niya ang novitiate at nakapag-first vow na, saka pa lang siya maituturing na madre.
"Paano niyo ho nakayanan ang lahat ng iyon, Sister Carol? Ang galing n'yo ho. Isa kang matapat na tagapaglingkod ng Diyos," puno ng paghanga na wika ni Novice Elaine pagkatapos nitong marinig ang kuwento niya. "Ako nga ho, hindi pa man ganap na madre pero parang gusto ko ng balikan ang naging nobyo ko rin bago ako pumasok dito. Nagkakaroon na ho ako ng doubt kung para ba talaga sa'kin ang pagmamadre."
Matipid siyang napangiti.
Kinuha niya ang kamay ni Novice Elaine at masuyong hinawakan. "Basta kapag nakaramdam ka ng pagdududa at pag-alinlangan, magdasal ka lang."
Nang ipikit ni Novice Elaine ang mga mata ay pumikit na rin si Sister Carol at nagsimulang magdasal.
Bagaman at tahimik siyang nagkakasala sa Diyos dahil sa simpleng laman ng isip niya sa mga oras na iyon.
Sana nga kayang alisin ng pagdadasal ang sakit na nararamdaman para sa lalaking minamahal. Ngunit iyon ang bagay na hinding-hindi niya sasabihin sa batang novice.
Hindi siya magiging instrumento para mabawasan ang iilang mga tao na gustong magligkod sa Diyos.