Chapter 11

2253 Words
Ilang linggo pa ang ginugol ko para lang masanay sa araw-araw kong gawain. Gigising ako nang alas singko ng umaga upang tumulong sa mga gawain ni Lola. Makikisama sa taimtim na dasal bilang parte ng aming ritual saka lalapit sa mga taong pumupunta sa aming bahay para sa kanilang sadya. Iba-iba ang rason kung bakit sila komukunsulta sa’min. As usual, mas marami ang nais magpagamot kaysa magpahula, magpakulam, o humingi ng potion. Katunayan, hindi ko alam kung alam na ba sa campus na sumasabak na ako sa ganitong gawain. Sa tuwing papasok ako, wala namang usap-usapang kumakalat at hindi naman ako pinagtitinginan. Noon na kasing sinabi ni Alania na si Lola lang naman daw ang sorceress sa aming pamilya. Mukhang nakumbinsi sa paliwanag na wala na sa henerasyon ngayon ang gugustuhing magmana nito. Ngunit ngayong hawak ko na’t nasa akin na, walang kasiguraduhan kung kakayanin ko ba ang magiging resulta. Sakali mang umabot sa lahat na kagaya na ako ni Lola, iyon ang pilit kong paghahandaan. Alania is right. Parte na nga ito ng kultura ngunit marami sa mga tao ngayon ang may lihis na paniniwala sa itim na mahika. Lalo na iyong mga relihiyoso at malakas ang kapit sa paniniwala. “Anong ginagawa mo?” Mabilis kong iminulat ang aking mga mata. Kaagad kong itinago sa bulsa ng kandong-kandong kong bag ang agimat na kanina ko pa ikinukulong sa aking palad. Nang makita ko siyang nakatayo sa aking harapan, mas lalo kong inayos ang paraan ng pagkakaupo. Kailangan ko maging mabait lalo’t hindi naman mali si Alania tungkol sa kaniyang nakaraan. “Uh, Bryce… ikaw pala,” bulong ko. Umupo siya sa bakanteng bangko na hindi naman sana nakalaan sa kaniya. I was waiting for my friend. Malapit na mag-ala una ng hapon kaya hindi ito gaya ng ibang araw kung kailan napapaaga ang dismissal sa klase. It’s been weeks. Kung susundan ko ang kalendaryo, halos magtatatlong linggo na mula nang mapilitan akong makisakay sa bangka niya. Noong una, medyo ilang pa kami sa isa’t isa. Kung hindi ako magsasalita, hindi rin siya magsasalita. Awtomatiko na niyang alam kung anong gagawin namin sa tuwing may pasok—at iyon ay maging magkasama’t magkasabay tuwing sasapit ang alas dose ng tanghali at alas otso ng gabi. Malayo na siya base sa pagkakalarawan ng mga estudyante. Hindi gaya noon, hindi na siya napapasabak sa mga gulo at away. He’s changing. At saksi ako roon. Ipinatong niya sa lamesa ang kaniyang bag. Akala ko ay bubuksan niya iyon upang may kunin ngunit hindi. Sa halip ay itinuon lang niya ang tingin sa akin; animo’y may pinag-aaralang detalye sa aking mukha. I won’t deny it. Gwapo siya. Pero hindi iyon klase ng kaguwapuhang taglay ni Trio, Tinio, o kahit ni Kario. He has that typical Filipino look— iyong sakto lang ang timpla ng pagiging moreno. Military style ang kaniyang haircut. May ahit ang kanan niyang kilay kaya may pagka-bad boy ang dating. Matangos siya at may pagkamaskulado. Tila sumisilip mula sa dulo ng manggas ang kaniyang tattoo. Hindi ko iyon mabanaag nang buo at mabuti na iyon kaysa naman sitahin pa ng guidance. Nagtaka na ako dahil napansin kong napatagal na ang titig niya sa’kin. Tumikhim ako. “May… problema ba?” Bahagya niyang ikinibit ang kaniyang balikat. Kaliwa’t kanan muna siyang lumingon sa paligid kung saan kakaunti pa lang ang mga estudyante. Walang aasa na mawawalan ng tao rito dahil maliban sa school canteen ito, dito rin madalas naghihintay ang mga papasok sa afternoon shift. “Alam ba nila?” seryoso niyang tanong. Naguluhan naman ako kung ano ang tinutukoy niya roon. “Nila? Ang alin?” “Kung anong trabaho mo.” Patuya akong tumawa upang pagaanin ang namumuong tensyon sa aking dibdib. Palagay ko ay nakukuha ko na kung anong nais niyang iparating. “Trabaho ko?” ulit ko. “Matagal nang kalat sa buong Agunaya. Dito sa Capgahan, wala ka pang sinasabihan?” Doon na ako napalunok-lunok. Sa halip na sagutin iyon ay umiwas ako ng tingin. Iniyuko ko lamang sa bag ko ang pansin at kunwari’y may hinahanap. Hindi nakakagulat ang sinasabi niya. Sa iisang isla lang kami nakatira at paniguradong nakita na niya akong kinukunsulta ng mga taga-roon. May ibang taga-Capgahan ngunit karamiha’y mga matatanda na. Sa tingin ko ay hindi naman nila iyon mapagkakalat. Nagtanong pa siya, dahilan kung bakit tumigil na ako sa aking ginagawa. “Takot ka bang malaman `to ng buong campus kaya mo tinatago?” Umiling ako sabay angat ng paningin sa kaniya. “Hindi, Bryce. Hindi ko tinatago.” “Eh… ano?” “Wala naman akong magagawa kung malalaman nilang nangkukulam ako, nanggagamot, nanghuhula, o gumagawa ng sumpa… ang punto ay pinasok ko na. Wala ng atrasan.” Napatango-tango siya. “Ibig sabihin, totoong nanghuhula ka?” “Oo pero… pinag-aaralan ko pa base sa turo ni Lola—” “Pahula nga.” Naningkit ang mga mata ko roon, lalong lalo na nang ilahad niya ang kaniyang palad at sadyang ipakita ang mga linyang nakaukit. Mas napalunok ako nang malalim dahil hindi pa naman ako bihasa sa mas malalim na aspeto ng sorcery. Kung may kaya akong gawin, mas confident lang ako sa pagluto ng potion at paggamot ng may karamdaman. Sa kabilang banda, hindi pa ako hasa sa pagtatawas, panghuhula, at pangkukulam. Tinanggihan ko siya, “Hinahasa ko pa ang sarili ko sa ganiyan kaya hindi mo ako maaasahan sa hula.” Binawi niya ang kaniyang palad. “Ano lang ang kaya mong gawin, kung gano’n?” “Manggamot.” Suminghal siya. “Eh `di hindi ka pa gaya ng lola mo.” Bago pa ako makasagot doon, bigla na nag-ingay ang ilang classroom mula sa `di kalayuan. Senyales iyon na tapos na sa klase `yong mga pang-umaga. Napailing-iling naman si Bryce at tila walang nagawa. Sinukbit niya lang sa kaniyang balikat ang bag saka tuloy-tuloy na lumabas ng canteen. Saka lang ako tumayo nang masiguro kong naglaho na siya sa aking paningin. Ilang mga kalalakihan nagsimulang tumingin sa banda ko kaya ganoon na lang ang aking pagtataka. Sa isang iglap, nalaman ko agad kung bakit. “Sam, wait!” Hindi pa man ako nakahahakbang ay narinig ko na mula sa likod si Alania. At dahil ayaw kong pinagtitinginan kami, nagsimula na akong maglakad palabas. Sigurado namang susunod siya at alam na niya kung bakit. Huminto ako sa ilalim ng silong, sa gilid mismo ng isang `di gamit na building. Hinarap ko siya nang bahagyang salubong ang mga kilay. “Bakit?” “God, pinagod mo lang ako eh. Puwede naman tayong mag-usap do’n sa canteen ah?” “Sa dami ng mga tagahanga mo Alania, nakakahiya na. Sabihin mo na kung anong sasabihin mo at nang makapunta na ako ng klase.” She took a deep breath. Hindi ko malaman kung magugulat ba ako o matutuwa sa sumunod niyang sinabi. “Mamayang alas tres, pupunta ako sa Rancho. Ako na mismo ang sasadya kay Trio para sabihing ayaw mo maging katulong.” Umawang ang labi ko. “Bakit, hindi pa ba sinasabi ni Tito Alfred?” “Ewan ko ba ro’n kay Tatay. Ilang beses ko nang pinapaalala sa kaniya kahit nitong mga nakaraang linggo pero laging nakakalimutan.” Bigla kong naalala na boto ang tatay niya kay Trio. Walang kasiguraduhan upang sabihin ito pero paano kung sinasadya ni Tito na hindi sabihin para si Trio at Alania ang mag-usap? Plano kaya iyon upang silang dalawa ang maglapit? Una, nasa middle class ang estado nina Alania. Malabong papatol sa mga gaya niya o gaya ko ang tipo ng isang yayamaning Trivino. They’re business owners. At normal na sa mga negosyante ang mag-asawa ng gaya nilang mayayaman para mas mapalakas ang takbo ng pinagpaguran nila. Tama naman, `di ba? Pangalawa, totoong gwapo si Trio. Sa unang tingin, kahit sino’y mapapaisip kung may kasintahan na ba siya o wala. Pero base sa mga narinig ko, mukhang wala na siyang balak maghanap. Wala ring nakakaalam kung nagka-girlfriend na siya o hindi. Paano kung mayroon na pala pero nililihim lang? Posible kayang lalaki rin ang natitipuhan niya? I don’t think so. Pangatlo, hindi ko na alam. Kung may maganda mang rason kung bakit may posibilidad na mahulog si Trio kay Alania, iyon ay dahil sa taglay niyang ganda at talino. Posible. Nararamdaman kong posible. “Ang tanong, sigurado ka na bang `di mo tatanggapin? Sayang din `yon. Dagdag kita pa at… baka araw-araw mo na siyang makita,” dagdag pa niya. Tila ba inaakit pa ako sa magagandang mangyari sakaling bawiin ko ang desisyon ko noong huli kaming tumungo roon. Magandang offer iyon pero masyadong mahirap. Hirap na nga ako sa kasalukuyang schedule na mayroon ako. Paano pa kaya kung maging katulong ako sa prehistiryosong mansion? “Sigurado na ako. Tatanggihan ko talaga,” wika ko. “Okay. Wala ka bang ipapasabi?” “Wala na.” Naningkit ang kaniyang mga mata. “Ano bang nangyayari sa’yo Samira?” “H-huh?” “Hindi mo na gusto si Trio? Nang ganon-ganon lang?” Natawa ako bigla nang sarkastiko. “A-anong sinasabi mo?” Hinalukipkip niya ang kaniyang mga braso. “Look. Hindi sa pinagsususpetyahan kita ha? Nahulog ka na ba kay Bryce?” Sa gulat ko ay napapitik ako sa noo niya. “Aray ko naman!” “Ang utak mo, Alania. Anong kinain mo’t nasabi mo `yan?” Humalakhak siya. “Hello! Akala mo ba `di ko napapansin? Sa tuwing ipapasok ko si Trio sa usapan, parang wala na sa’yo. Hindi ka na gaya dati na marinig lang ang pangalan ay para ka ng uod na binudburan ng asin. Tell me, may iba na ba?” Napakamot ako sa aking tenga. “Wala nga. Busy lang ako at pagod kaya wala akong gana—” “Walang ganang kiligin? Oh come on. Busy din naman tayo noong isang taon pero `di ganyan ang reaksyong kilala ko.” “Eh pa’no ba dapat?” “Like, ikaw na mismo ang gagawa ng paraan para lang makita ulit siya. Aayusin mo ang sched mo, mag-c-cutting class ka para lang sumama sa’kin, at hahanap ka ng paraan basta’t maging katulong niya. Marami.” “Nanghihinayang naman ako,” buntong hininga ko. “Pero masaya na ako dahil nakita ko na siya’t nakausap.” “So hanggang doon na lang?” Tumango ako. “Siguro.” “Samira…” “Busy ako na ako Alania. Wala na akong oras para dito kaya pasensya ka na.” Bago tumalikod at umalis sa harapan niya, malungkot akong kumaway at tuloy-tuloy na tumungo sa klase. Sakto ang pagdating ko dahil kararating lang din ng professor. Ilang oras na namang pagtitiis ito kaya kailangan kong labanan ang antok. ** “Boyfriend mo ba si Bryce?” Nairita ako bigla matapos humikab. Nang tingnan ko ang oras sa orasang nakasabit sa itaas ng blackboard, natanto kong pumatak na sa alas tres ang hapon. Pangalawang subject na ang hinihintay kong susunod dahil katatapos lang ng halos dalawang oras na lesson sa major. Hindi ko nilingon ang seatmate ko. Kung hindi lang sana siya ang class president, baka kanina ko pa siya sinagot-sagot. Ang kulit-kulit kasi. “Wala akong boyfriend, Imon.” “Weh? `Di nga? Araw-araw kayong magkasama. Hatid-sundo pa nga raw.” “Hatid-sundo?” pagtataka ko roon. Sa puntong ito ay napalingon na ako sa kaniya. Wala namang pakialam ang mga kaklase kong tila nasa palengke kung mag-ingay. Maliban kay Bryce sa pinakagilid ng second row at nakadukdok. Gaya ko sigurong inaantok. “Kanino mo narinig `yan?” “Malay ko. Kaya nga tinatanong kita kung totoo.” “Tinanong mo ako kung boyfriend ko siya o hindi.” “Relax… nagagalit ka naman eh.” Humugot ako nang malalim. As much as possible, ayaw kong masira pa ang araw ko. Lalong ayaw ko kung ganito lang naman kababaw ang dahilan. Bakit ba ang hilig-hilig ng mga tao sa malisya? Masama bang magsabay kami ni Bryce tuwing uwian? Sa halip na magsalita pa ako, ibinalik ko na lamang sa harapan ang tuon ko. Laking pasasalamat ko dahil dumating na ang prof bitbit ang index card para sa magaganap na recitation. Pinaghandaan ko naman na ito noong isang araw kaya wala akong dapat ipangamba. “Miss Tavera,” tawag ni Sir sa apelyido ko kaya laking gulat ko. “Yes sir?” I raised my right hand. Ibinaba ko lang nang magtama na ang aming mga mata. “May naghahanap sa’yo sa guidance kaya excused ka muna sa klase ko.” Mula sa tila nakabibinging katahimikan, umahon kaagad ang unti-unting paglakas ng bulong-bulungan. Namataan ko pa si Bryce na sinadyang lumingon para lang tingnan ako. Lumakas ang tahip ng dibdib ko. Bakit naman kaya ako ipatatawag doon? Namumutla man ay tumayo na ako at walang imik na lumabas ng classroom. Saka ko tinahak ang pasilyong saksakan sa tahimik dahil nagsisimula na ang klase sa ibang silid. Hindi malayo ang guidance office dito dahil nasa second floor lang naman iyon ng katabi naming building. Wala pang limang minuto ay mararating ko na agad iyon. Hindi ko maiwasang mapalunok-lunok habang humahakbang. Palaisipan sa’kin kung ano ang posibleng rason ngunit wala akong mahagilap. Wala naman akong pinasok na gulo. Wala rin akong nilabag sa rules and regulations. Kaya ano? Pagkarating ko sa kabilang building, partikular na sa second floor, nasa tapat pa lang ako ng saradong pinto ay para na akong aatakihin sa puso. Ngunit nang katukin ko ito nang tatlong beses, sa pagbukas ay sumalubong ang hindi ko inakalang makita rito… Si Tinio.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD