In that very moment, nawalan na lang ako ng gana sa fruit salad. Ilang minuto kong tiniis ang katahimikan habang si Tinio ay abala na sa pagkain. Hinintay ko ang sunod na ginawa ni Trio lalo’t gano’n na lang ang takot ko sa kaniyang reaksyon. It’s true that he tried to close his eyes again and bring back his peace but then, he stood and left.
Umalis siya nang walang sabi-sabi. Naglakad siya palabas nang hindi man lang lumilingon o nagpapaalam.
Napalunok ako.
“Arte,” bulong ni Tinio habang nakahawak sa kutsara. Pagkayuko ko sa kaniyang salad, mahahalatang may bawas na iyon. Hindi ko naman magalaw-galaw ang akin dahil para akong na-estatwa.
Nagugulumihanan akong tumugon. “H-huh?”
“Tama naman, `di ba?”
“Sinong tinutukoy mong maarte?”
“`Yon,” aniya sabay nguso sa direksyon ng pinto kung saan lumabas si Trio. “Hindi `yan ang unang beses kung araw-araw kang pupunta rito. I assure you.”
Hindi ko ikinagulat malaman na naaartehan siya kay Trio dahil halata naman sa turingan nila na hindi sila ayos. They’re half brothers. Dagdag pa ro’n ang katotohanang may hindi magandang plano ang nanay ni Tinio para sa rancho. Iyon nga lang, kung pag-uusapan ang sunod niyang sinabi, hindi na ako sigurado kung babalik pa ba ako rito. Galit si Trio at palagay ko ay may inis na rin siya sa’kin.
Saka hindi ko sinadyang pumunta rito para lang mag-apply bilang katulong. Sa ayaw man niya o sa gusto, hinding hindi ko papasukin iyon para lang magkaroon ako ng pagkakataong masilayan siya. Sa dami ba naman kasi ng responsibilidad ko, paniguradong hindi ko na masisingit ang trabaho sa pag-aaral.
Besides, nasa kolehiyo na ako. Tanga na lang ako kung magloloko pa ako.
He scoffed. “Kainin mo na `yang iyo.”
“Hindi na, wala akong gana.”
“What?”
Umiling ako. “Wala na akong gana, Tinio. Gusto ko nang umuwi.”
Halatang naguguluhan ang kaniyang ekspresyon ngunit `di ko na inalintana iyon. At gaya ng ginawa ni Trio kanina, dumiretso na ako palabas upang hanapin ang kaibigan ko.
**
“Katulong? Seryoso ka Al?” bulalas ko nang makalabas na kami ng tricycle. Sabay kaming humarap sa daan patungong dalampasigan kung saan kanina pa nag-aabang si Kario.
Kanina pa siya hindi nagsasalita. Mula nang mahanap ko siya sa rancho kanina, hindi ko na siya tinantanan pa ng aking mga tanong. Maging sa pag-alis namin doon at pagpadpad namin dito, para siyang pipi.
Paglipas ng ilang mga hakbang, huminto siya sa tapat ng niyugan partikular na sa lilim na hatid nito. Napahinto rin ako saka humarang sa view na tinitingnan niya sa harapan.
Lalo kong ibinali ang mga kilay ko.
“Magpaliwanag ka nga. Bakit gano’n ang sinabi mo?”
“Sam…” Bumuntonghininga siya. Nang mahagip ng mga mata ko ang hawak niyang pouch, nakita ko kung paano humigpit ang pagkakadiin niya roon. “Pasensya ka na. Kahit ako, `di ko inasahang magagawa ko iyon.”
“Pero bakit? Bakit sa dinami-rami ng puwede mong sabihin sa kaniya, bakit iyon pa—” Pinutol na kaagad niya ang sinasabi ko.
“Dahil kung hindi ko sasabihing mag-a-apply ka bilang katulong, hindi siya lalabas ng mansion para harapin ka.”
“Hindi ba’t mas mabuti na kung hindi na muna siya magpakita? Kung wala pala siya sa mood, bakit pa ipagpipilitan?”
Umiling-iling siya. “Matagal natin `tong pinagplanuhan Samira. Matagal mong hinintay na mangyari `to kaya ayaw kong magsayang ng pagkakataon. Ni hindi nga natin sigurado kung makakabalik pa ba tayo ro’n nang maayos dahil ang higpit ng security. Naisip ko lang na baka interesado kang maging working student kaya ko `yon sinabi.”
Hindi ako nakapagsalita. Nanlambot na lang bigla ang puso ko dahil sa mga narinig. She’s really my bestfriend. Ilang beses ko nang natanto ito ngunit kahit paano’y nakakatuwang malaman na malaki talaga ang pagpapahalaga niya sa mga nais kong mangyari.
Naramdaman ko ang sinseridad niya kaya sa halip na piliin kong mainis at makipagtalo, suminghap na lang ako at napayakap sa kaniya.
“So anong naging desisyon mo?” tanong niya pagkakalas namin sa sandaling yakapan. Nagpatuloy kami sa paglalakad patungo sa parte kung saan naghihintay si Kario. Nang ituon ko nang matagal ang tingin doon, malinaw sa’king nakaharap siya sa dagat habang nakasandal sa dulo ng bangka. Gaya kanina, kahit naka-side view man ay halatang malalim ang iniisip.
“Wala akong sinabi,” monotono kong sagot. “Hindi ako sigurado kaya hindi ko kinumpirma.”
“Pero sinabi mong pag-iisipan mo?”
Umiling ako.
“Eh ano?”
“Bahala na kung anong iisipin niya basta’t ang alam ko, hindi ko kaya pagsabayin. Baka nakakalimutan mong nagsasagawa na ako ng sorcery?” paalala ko. Sa puntong iyon ay nakita ko ang pagrolyo ng balintataw niya.
“Fine. Ipapasabi ko na lang kay Tatay kapag umuwi siya sa’min. Siguraduhin mo lang na sigurado ka sa desisyong `yan dahil minsan lang magbigay ng offer ang mga Trivino.”
Hindi na ako umimik. Naglakad lang kami nang naglakad habang sumasaliw ang haplos ng hangin. Tirik na tirik naman ang sikat ng araw ngunit sa mga panahong gaya nito, nawawalan talaga ng bisa ang alinsangan. Napahawi na lang ako sa aking buhok. Saktong narating na rin namin ang bangka ni Kario kaya sabay kaming napahinto ni Al.
He turned to us. Para akong kinuryente nang magtama ang aming mga mata.
“Uuwi na kami,” ani Alania. Wala naman akong ideya sa kung ano man ang idadagdag ko roon kaya pinili kong manahimik. “Salamat at naghintay ka.”
“Ayos lang,” tugon niya nang hindi naaalis sa akin ang tingin. “Akala ko aabutin kayo ng higit ilang oras.”
“Ah eh… ito kasing si Sam, may lakad pa kaya hindi na puwedeng magtagal.”
Kunot-noo kong binalingan si Alania. Sa pagkakataong ito ay lihim ko siyang siningkitan ng mga mata dahil heto na naman siya’t gumagawa ng kung ano-anong kwento.
Kailan ko sinabing may lakad ako kaya hindi na kami nagtagal sa rancho?
Kario seemed curious. Halata sa tingin niyang interesado siya sa sinabi ni Al ngunit kaagad din siyang kumilos. Lumipat siya ng puwesto upang maitulak ang bangka sa dagat. Kapwa rin niya kaming inalalayan para makasakay doon hanggang sa mapaandar na niya pabalik ng Isla Agunaya.
Habang umuusad ang maingay na makina ng aming sinasakyan, napansin kong panay hagilap sa pouch si Al. Parang tuod namang nagmamando si Kario kaya hindi niya kami napapansin.
“May nawawala ba?” tanong ko.
“Ang panyo ko, hindi ko makita,” wika niya habang nag-uusisa. Halos ibaliktad na niya ang pouch kahahanap ngunit `di niya matagpuan.
Napalunok ako nang maalalang kinuha ko pala iyon kanina. Ginamit ko para linisin ang gasgas ni Tinio at mukhang hindi na naibalik pa. Saka hindi naman na magagamit iyon dahil may bahid na ng dugo at dumi. `Di bale na, mura lang naman `yon kaya hindi naman siguro big deal.
Sa ilang saglit pa ay sumuko na si Alania. Tumigil na rin siya at tumitig sa dagat kagaya ng aking ginagawa.
**
Lumipas ang isang linggo, malinaw pa rin sa’kin kung gaano kakomplikado ang mga nangyari noong araw na iyon. Mula sa sumbatan namin ni Kario, sa closure, sa pagtungo namin ni Alania sa Rancho Trivino, ang unang pag-uusap namin ni Trio, at ang paglinis ko sa sugat ni Tinio. Tanungin man ako kung nais ko pa bang bumalik sa mga sitwasyong iyon, kahit pa siguro natupad ang isa sa mga pangarap ko ay hindi ko na gugustuhin. Saksi ako kung paano lalong nawala sa mood si Trio, idagdag pa ang akala niyang mamamasukan ako bilang katulong.
Marangal na trabaho iyon pero alam kong `di ko kakayanin. Dahil hindi madali. Alam kong hindi madali kung tatanggapin ko.
“God! Ang terror ng prof,” paasik na bulong sa akin ni Alania nang umupo siya sa bakanteng tapat. Inalis ko muna ang tingin ko sa class schedule na aking hawak saka inangat ang paningin sa kaniya. Hindi ko na lang maiwasang mamangha nang makita kung paano bumagay ang ribbon hair clip sa buhok niya. It was tied in ponytail kaya hindi na nakakagulat kung bakit marami sa mga kalalakihan dito sa canteen ay napapatingin sa kaniya.
Nakaramdam na naman ako ng hiya. Kaya minsan nagdadalawang isip pa ako kung hahayaan ko siyang kausapin ako sa public space.
Hapit na hapit din sa kaniya ang suot niyang white uniform. Magkasing-size lang naman kami at halos magkaparehas ng hubog ng katawan ngunit `di hamak na mas bumagay talaga sa kaniya.
Ang ganda niya, seryoso.
“Uy, Sam, narinig mo ba ako?” untag niya.
Para akong nagising sa reyalidad. Mabilis akong tumango-tango nang matantong kanina pa pala siya naghihintay sa isasagot ko.
“Oo naman.”
“Sige nga, anong sinabi ko?”
Pilit kong inalala kung anong sinambit niya kanina ngunit dahil naging lutang ako, siya na mismo ang nag-insist na ulitin ang rant sa’kin. Ikinuwento niya kung paano siya pinuntirya ng prof kanina dahil halos siya lang ang tinatawag sa recitation.
“Baka inggit sa’yo,” suspetya ko sabay balik ng tingin sa printed paper na hawak. Hindi pa kasi nag-s-sink-in sa’kin ang sched na `to kaya paulit-ulit kong pinasasadahan.
“Inggit? Bakit naman maiinggit?”
“Maganda ka, Al. Malamang galit `yon sa magaganda.”
“Hindi ako nagbibiro, okay? Magalang naman sana ako, mabait. Tama naman ang mga sinasagot ko sa recit niya. Hindi ko lang makita kung anong mali.”
Hinayaan ko lang siyang mag-rant nang mag-rant samantalang ako ay abala lang sa aking hawak. Ala una ng hapon hanggang alas tres. Three thirty ang sunod hanggang five thirty. Six ng gabi hanggang alas otso naman ang pangatlong subject. Kahapon pa ito na-relay sa block na kinabibilangan ko pero hindi pa rin ako makapaniwala na pamatay ang sched na natapat sa amin. Sa buong buhay ko bilang estudyante, ngayon lang ako makararanas ng afternoon to night shift!
Samantala, ito namang si Alania ay pang-umaga. Six ng umaga ang simula at ang uwian ay pagsapit ng ala una ng hapon. Nang lingunin ko ang wall clock ay nakita kong alas dose y media pa lang naman ng tanghali. Siguro napaaga ang dismissal nila.
Martes na ngayon. Apat na araw ang pasok namin sa isang linggo at bakante ang Huwebes, Biyernes, at Linggo. Iba naman ang vacant ng kaibigan ko dahil magkaiba kami ng block. Paniguradong loner ako ng Miyerkules at Sabado lalo’t iyon ang wala nilang pasok. Maliban na lang siguro kung may gaganahang makihalubilo sa akin. Sa ngayon kasi ay wala pa kundi itong si Al lang.
Nang matapos na siya ka-ra-rant, doon ko muling ipinukol ang tingin sa kaniya. Nasabi na niya yata lahat ng hinanakit niya ngunit `di pa yata sapat dahil halatang halata sa mukha.
Nagdesisyon akong `di mag-settle doon. Sa talino niyang `yan, ma-i-impress din sa kaniya ang kinaiinisan niyang prof.
“Masuwerte ka dahil pang-umaga ka,” wika ko. “Eh ako, ala una hanggang alas otso. Tulog na kayo pero kami nagkaklase pa rin.”
Suminghal siya. “Mas gugustuhin ko `yang shift ninyo kung ganitong klaseng prof lang naman ang mararanasan ko buong sem. Kung puwede lang sanang makiusap kay Dean eh.”
Umiling ako. “Hayaan mo na. Mag-file ka na lang ng petition kung sosobra na.”
Humugot siya nang malalim saka pinakalma ang sarili. Hinugot ko naman sa bag ko ang aking tumbler upang painumin siya ng tubig.
Nangalahati naman siya. Nang mahimasmasan ay kaagad akong binato ng tanong.
“So, paano ka uuwi mamaya? Makikisabay ka na naman sa blockmate mo?”
Tumango ako bilang tugon. “Iyon lang ang choice ko—”
“May isa ka pang choice. Puwede mo namang pakiusapan si Kario.”
“Ayaw ko,” walang pagdadalawang-isip kong sabi. “Busy `yon sa laot at pangingisda. Ayaw kong mang-istorbo.”
“Knowing na ikaw ang ihahatid-sundo niya? Sam, wala akong tiwala sa blockmate mo. Alam ko kung gaano kasama ang ugali no’n.”
Si Bryce ang tinutukoy niya. Siya lang ang tangi kong kaklase na umuuwi ng Isla Agunaya kaya siya lang ang choice ko para umuwi ako sa’min. Una nang sinabi ni Alania kahapon na may record daw iyon sa guidance noong first sem kaya grabe ang pag-aalala niya sa’kin. Pero kung tutuusin, wala naman akong nakikitang mali kay Bryce. Tahimik na siya at hindi gaya dati na walang sinasanto kung magsimula ng gulo.
Ewan, hindi ko naman kasi siya kaklase noong first sem. Mas gusto lang niya yata ang panghapon hanggang panggabing sched kaya nagpalipat sa aming block.
“Sam…”
Tumanggi ako. “Okay na ako kaya huwag mo nang alalahanin.”
“Sigurado ka ha?” She sighed. Pinakitaan ko naman siya ng ngiti.
“Oo, sigurado.”
Nang muli kong tingnan ang oras sa wallclock, natanto kong ilang minuto na lang ay magsisimula na ang unang session. Kaagad akong tumayo upang makipagbeso at namataan ang paligid na halos mapuno na ng kaniyang tagahanga.