Chapter 4

1291 Words
"Rise and shine!" Halos sabay na napamulat ng mata sina Meng at Calix sa lakas ng boses na iyon ni Yñigo. Nakatayo si Yñigo sa paanan ng kama nila habang nakataas ang dalawang kamay at nakangiti na akala mo'y miyembro ng isang cheerdance. "Yñigo?" kunot ang noo ngunit nakangiting bigkas ni Calix. Si Meng naman ay nakangiti rin habang umiinat-inat pa sa higaan. Magkasama pa ring natulog sa kuwarto sina Meng at Calix habang si Yñigo naman ang nag stay sa blue room. "Let's go downstairs because I prepared something special for our breakfast," ani Yñigo na tumitikwas-tikwas pa ang mga daliri. Nagkatinginan at nagkatanguan na lang sina Meng at Calix habang natatawa. "Dali na," yakag ulit ni Yñigo. Sabay-sabay na ngang bumaba ang tatlo at tuwang-tuwa si Meng kay Yñigo na pakanta-kanta habang bumababa sa hagdanan. "Tadaaa!" masayang sabi ni Yñigo nang makarating na sila sa kusina. "Wow..." mahinang bulalas ni Meng sa nakita. Puno kasi halos ng pagkain ang mesa roon at maganda rin ang pagkakaayos. "Yñigo, what's this? Birthday mo ba?" nagugulat namang tanong ni Calix. Napahalukipkip si Yñigo sa narinig. "Magtatampo na ba ako?" taas kilay na sagot-tanong ni Yñigo. "No, I mean... nagulat lang ako ang dami kasing pagkain," depensa naman ni Calix. Nahulaan niya na kasi kaagad na baka iniisip ni Yñigo na hindi niya alam kung kailan ang birthday nito. "Alam mo namang bukod sa trabaho ko, pagluluto ang isa sa mga passion ko, 'di ba? Kaya hayaan mo na ito, gusto ko lang kumain lang tayo nang kumain ngayong araw na ito!" masayang pahayag ni Yñigo. Mapang unawa naman ang mga matang tumango si Calix kay Yñigo. Masaya si Calix sa tuwing nakikitang masaya ang taong mahal nito. Nangingiti na lang naman si Meng sa titigan ng dalawang lalaki sa harapan niya. "Ehem," maya-maya'y kunwaring ubo ni Meng. Taranta namang napabalik sa huwisyo sina Calix at Yñigo. "Ah, eh," sabay na bigkas ng dalawang lalaki habang nakatingin kay Meng at napapakamot sa ulo. "Ah, eh, kumain na tayo," natatawa na lang na sabi ni Meng. Masayang nagkuwentuhan ang tatlo habang kumakain. Hindi maikakaila ang ningning sa mga mata ni Calix at Yñigo habang si Meng naman ay masaya rin sa nakikita sa dalawa. Sa limang taon na pagsasama nina Meng at Calix, nabuo rin naman ang samahan ng pagkakaibigan sa kanilang dalawa. Sa ngayon ay nais na lamang ni Meng na matapos ang plano nila upang makapamuhay na rin ng ayon sa gusto niya... NASA labas sa garahe sina Calix, Yñigo at Meng matapos silang kumain at makapag linis sa kusina. Hindi pumayag si Meng nang sabihin ni Yñigo na siya na ang bahala sa mga pinagkainan. Kaya naman ang ending, tatlo silang naghugas. Naroon sila sa garahe ng mga sandaling iyon dahil nai-kuwento ni Yñigo na mahilig din ito sa mga halaman. May mga ilang nakapasong bulaklak at mga orchids kasi na inaalagaan si Meng na nakalagay sa gilid ng garahe nila. "Minsan pasyal tayo. Iyong picnic," si Yñigo habang isa-isang sinisipat ang mga bulaklak na naroon. Si Calix naman ay nakasunod lang kay Yñigo habang naka cross arms. "Meng siguro mas maganda kung —" napatigil si Yñigo nang sa pagharap niya kay Meng ay makita niya itong nakatanaw sa kabilang bahay. Sabay na nagkatinginan ang dalawang lalaki nang makita nilang isang babae ang tinatanaw ni Meng. "Ehem," si Calix na kunwa'y napaubo. Nguni't 'di man lang naagaw ang atensiyon ni Meng kung kaya't naglakad si Yñigo palapit dito. Iniharang niya ang katawan sa tinitingnan ni Meng. Napakunot-noo naman si Meng. "Bakit?" maang nito kay Yñigo. "Girl, hindi mo kami pinapansin," nameywang na sabi ni Yñigo. "H-Ha? Ah, may sinasabi ba kayo?" nakangiwing sabi ni Meng at saka rin nilingon si Calix na nakangiti lang sa likuran niya. "Sino ba kasing —" lilingunin sana ni Yñigo ang tinitingnan ni Meng kanina pero hindi niya na nagawa at hindi na rin niya natapos ang sasabihin dahil bigla siyang hinila ng babae. "Samahan mo kaya muna ako sa kusina," ani Meng na natatawa. "Kusina? Na naman? Katatapos lang nating kumain ha," nakangiwing ani Yñigo. "Gagawa tayo ng meryenda para mamaya," sagot lang ni Meng. "Pero ang dami pang —" "Halika na lang," putol ni Meng kay Yñigo sabay baling kay Calix, "o, ikaw, diyan ka lang?" Ngiti lang ang itinugon ni Calix bago nagsimulang humakbang para sumunod sa kanila. Habang nagtatalo pa naman tungkol sa pagpunta sa kusina sina Meng at Yñigo ay pasimpleng tinanaw ni Calix ang babaeng tinitingnan ni Meng kanina. Sa tantiya ni Calix ay halos kasing tangkad lang ni Meng iyong babae. Nakita niya pang may buhat-buhat na aso ang babae. "Calix!" boses ni Meng. "Andiyan na!" pagsagot naman ni Calix. Bago pa tuluyang makapasok si Calix ay napalingon pa siyang muli sa babae. Sa pagkakataong iyon ay may nakita siyang palabas na sasakyan sa gate ng kapitbahay nilang iyon. Nakita niyang kumaway ang babae sa sasakyan nguni't 'di niya naman kita ang sakay niyon dahil sarado ang mga bintana bukod sa tinted pa iyon. "Calix!" boses naman ni Yñigo. Naiiling na lang na isinara ni Calix ang pinto bago mabilis na naglakad papuntang kusina kung nasaan ang dalawa. Samantala, sa labas naman kung nasaan ang babaeng tinatanaw ni Meng kanina ay makikitang nandoon pa rin ang babae at ito naman ang nakatingin sa bahay nina Calix habang mahigpit na yakap ang mabalahibong tuta na hawak nito. "Ma'am?" Napaigtad ang babae nang marinig ang boses ng kasambahay nila. "May problema po ba? Nakatingin po kasi kayo sa kabilang bahay," may pagka intrigerang tanong ng babaeng nakasuot ng uniporme ng isang kasambahay o katulong. "A-Ah, wala naman yaya... parang bigla lang kasi akong kinabahan. Napansin ko kasi kanina na parang nakatingin iyong mga nakatira roon dito sa atin," may pag-aalala sa mga matang sagot ng babae. "Ay, naku, ma'am! Wala po kayong dapat ipag-alala. Mababait po ang mga nandiyan sa kabilang bahay. Mag-asawa po iyon si Ma'am Meng at Sir Calix," nakangiting pahayag ng katulong. "Kilala niyo po sila?" may pagtatakang tanong ng babae. "Ay, opo. Kaibigan po sila ng umupa rito sa bahay ninyo ni Sir Felix noong nasa Canada pa po kayo," sagot ng katulong. Napatango-tango na lamang ang babae sa sinabi ng katulong nila habang hinihimas-himas ang ulo ng tutang hawak nito. "Ang balita ko nga po sumusubok magkaanak ang mag-asawa na 'yan, pero mukhang hindi mabiya-biyayaan," patuloy ng katulong. Ngumiti na lamang ang babae sa katulong at naglakad na papasok sa bahay nila. Pero bago siya tuluyang makapasok ay nilingon pa nito ang katulong nila. "Yaya, paki lock po ang gate ha," bilin ng babae bago muling sumulyap sa kabilang bahay. Nang maupo na ang babae sa sala nila ay naalala pa nito ang pagtanaw ng babae sa kanya sa kabilang bahay. Nahuli niya kaninang nakatingin ang babae sa kanya. Pagkatapos niyon ay may biglang humarang na lalaki, o kung hindi siya nagkakamali, isang bakla base sa kilos ng lalaking iyon. Lillingon din sana ang lalaking iyon nguni't pinigilan lang niyong babaeng nakatingin sa kanya kanina. "Meng..." mahinang anas niya. Hula niya kasi base sa kuwento ng katulong nila na ang babaeng iyon ang Meng. At ang huling lalaking pumasok kanina ay hula niyang iyon ang Calix dahil iyon lang naman ang kilos lalaki na nakita niya. "Meng and Calix..." muli niyang anas. Hindi niya alam pero parang bigla siyang nagka interes sa kanila. Lalo pa at napansin niya ang kakaibang pagtitig nung Meng sa kanya kanina. Maya-maya ay napangiti siya. Parang may bumulong sa kanyang kaibiganin ang mga kapitbahay na iyon lalo pa at wala pa siyang nakakausap o nakakahalubilong tao mula nang magbalik sila mula sa Canada.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD