"Papasok na ako," untag ni Calix kay Meng na kasalukuyang naghuhugas ng plato.
Hindi naman umimik si Meng at nagpatiuna na sa paglabas kahit sabon-sabon pa ang kamay nito. Pipigilan sana ito ni Calix pero masyadong mabilis kumilos si Meng, nakalabas na kaagad ang babae. Napabuntung-hininga na lang si Calix. Ayos lang naman sa kanya na siya na ang magbukas ng gate, nagpaalam lang naman talaga siya kay Meng. Alam niyang may tampo o hinanakit pang nararamdaman si Meng tungkol sa naging takbo ng usapan nila kahapon. Sumunod na siya sa paglabas at hanggang sa makasakay na siya sa sasakyan at makalabas na nang tuluyan sa gate nila ay hindi man lang siya tiningnan o nilingon ni Meng.
Habang nagmamaneho ay isang desisyon ang nabuo sa isipan ni Calix. Hindi muna siya papasok sa trabaho ngayon. Bahala na. Isa kasi siya CEO sa sariling kumpanya nila, ang Razon Corporation. Sa ngayon ay kailangan niya munang ayusin ang mga bagay-bagay. Magpapatingin na siya upang malaman na niya mismo kung siya ba ang may diperensiya kung bakit hindi sila magkaanak ni Meng. Gusto niyang pagbigyan si Meng dahil naaawa na rin siya rito.
AGAD na niyakap ni Calix ang taong nagbukas ng pinto sa kanya. Hindi na niya napigilan ang sarili at napaiyak na siya sa balikat ng taong iyon.
"Hey, what happened?" tanong ng lalaki na si Yñigo.
Iginiya ni Yñigo si Calix upang makapasok sila ng tuluyan sa bahay niya. Dinala niya si Calix sa kusina at pinaupo sa upuang naroon bago niya ito ikinuha ng tubig na maiinom. Alam ni Yñigo na nakainom si Calix dahil amoy alak ito.
"Alam niya na ba?" agarang tanong ni Yñigo nang maiabot ang baso kay Calix.
Pinahid ni Calix ang luha sa mga mata bago nilagok ang laman ng baso at saka humarap nang tuluyan kay Yñigo. Siya ang lihim ni Calix. Kasintahan niya si Yñigo at magdadalawang taon na sila. Nakilala niya si Yñigo sa isang bar nang minsang maglasing siya dahil tatlong taon na sila noon ni Meng bilang mag-asawa nguni't hindi pa rin sila nagkakaanak. Naging magkaibigan sila ni Yñigo. Bakla si Yñigo at halata sa kilos nito nguni't bihis lalaki rin ito at may matitipunong pangangatawan. Naging madalas ang pagkikita nila ni Yñigo noon lalo na nang malaman niyang isa ito sa mga kliyente nila sa Torres Company. Nagkapalagayang loob sila at naging magkasintahan. Alam ni Yñigo ang sitwasyon ni Calix. Alam niya lahat kaya naman pinili nitong maghintay kung kailan magiging malaya nang tuluyan si Calix.
"Calix, please, speak," untag ni Yñigo.
"Baog ako. Baog ako kaya hindi kami magkaanak ni Meng. Baog ako, Yñigo. Baog ako at hindi ko alam kung paano pa ako makakalaya nang tuluyan at ma-enjoy ang tunay na ako. Baog ako... Baog ako..." napahagulgol na nang tuluyan si Calix. Iyon ang resulta kanina nang magpatingin siya.
Hindi rin maganda para kay Yñigo ang balitang iyon subali't nangibabaw ang pagmamahal niya kay Calix. Niyakap niya ito nang mahigpit at sinubukang pakalmahin.
"It's okay... matatapos din lahat ng problemang ito," ani Yñigo kahit tila ramdam niyang nanganganib na lalo ang relasyon nilang dalawa.
LUMIPAS ang dalawang araw na hindi umuuwi si Calix kay Meng. Nakailang subok na rin si Meng na tawagan si Calix subali't hindi sumasagot ang lalaki. Hanggang sa may maisip na gawin si Meng.
"Tingnan natin kung hindi mo pa ako sagutin, Calix," mahinang bulong ni Meng sa sarili matapos i-send ang text message kay Calix.
Hindi nga nagtagal at naka receive si Meng ng reply. Napangiti si Meng sa nabasa. Ayon sa reply ni Calix ay pauwi na raw siya roon. Itinext kasi ni Meng na uuwi siya sa kanila sa Rosales, Pangasinan at dederetso sa ama ng lalaki upang ipaalam na nawawala ito. Naghintay pa ng mahigit isang oras si Meng bago niya marinig ang busina ng sasakyan sa harap ng gate nila. Mabilis siyang lumabas upang pagbuksan si Calix.
"Come inside, I have something to tell you," sabi kaagad ni Calix kay Meng nang makababa ito sa sasakyan.
Hindi na sumagot pa si Meng at sumunod na lamang kay Calix sa loob ng bahay nila.
"What is it? What happened to you? Where have you been?" sunod-sunod na tanong ni Meng nang maupo na si Calix sa sofa nila.
"I-I d-don't know where to begin..." kitang kita ni Meng na malungkot ang mga mata ni Calix habang sinasabi iyon ng lalaki.
"Alam mo kung saan mag-uumpisa. Ayaw mo lang umpisahan," matigas na sabi ni Meng. Galit ito hindi dahil hindi umuwi si Calix. Galit siya dahil pakiramdam niya ay may inililihim si Calix sa kanya na kailangan niyang malaman.
"Meng... nagpatingin ako kahapon," umpisa ni Calix na napayuko pa dahil pakiramdam niya ay tutulo na naman ang luha niya.
Bahagyang nawala ang bagsik sa mukha ni Meng sa narinig.
"Baog ako..." halos walang lakas na sambit ni Calix.
Nanghihinang napauo si Meng sa upuang kaharap ng kinauupuan ni Calix. Ilang sandaling katahimikan na binasag ni Calix.
"There's one more."
Umangat ang tingin ni Meng sa kanya.
"I-I'm in love with someone..." pag-amin na ni Calix.
Nasabi na ni Calix kay Yñigo na aaminin niya na ang lahat kay Meng.
"But don't worry. Palalayain na kita, Meng. You can have your own now dahil wala naman pala akong kakayahang magkaanak. Tatanggapin ko na lang ang magiging kapalaran ko sa sandaling masabi ko na rin kina papa ang lahat," nakangiting tiningan ni Calix si Meng. Ngiting nagsasabi na masaya siyang makalaya na si Meng sa sitwasyong iyon.
"No... ayokong biguin ang pamilya ko. Malaki na ang nadagdag sa pagkakautang namin sa pamilya niyo mula nang makasal tayo, Calix. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin sa akin ang pamilya ko," nakatingin sa kawalan na pahayag ni Meng.
"I'm sorry, Meng. Pero hindi ko na maibibigay ang naipangako ko. Ang tanging magagawa ko na lang ay mabigyan ka nang kaunting halaga para—
"Let us meet," putol ni Meng sa mga sasabihin pa sana ni Calix.
Nangunot ang noo ni Calix. Hindi kaagad nito naintindihan ang ibig sabihin ni Meng.
"What's his name?" lingon ni Meng sa kanya.
Doon na naintindihan ni Calix na si Yñigo ang binabanggit ni Meng. Tumango naman si Meng bilang pagkumpirma sa iniisip ni Calix.
"Then?" si Calix.
"Talk to him first. Sabihin mo sa kanya na anakan niya ako," wala ng preno na sabi ni Meng na talaga namang ikinatayo pa ni Calix dahil sa gulat.