Episode 8

4837 Words
Nagtatampo ka ba kay Ate Jamie mo?"mahinang tanong ni Ashton kay Nene ng maabutan itong nakaupo sa garden at nakatanaw sa malayo. "Medyo po," "Pagpasensyahan mo na ang Ate mo, pinoprotektahan ka lang niya. Sundin na lang natin kung ano ang gusto niya para walang away. Saka para sa'yo rin naman 'yon." "Bakit po Mang Ashton? Masama po ba na mag aral ako ng self defense? Para maipagtanggol ko ang sarili ko o kahit na sinong kailangan ng tulong ko?" "Baka ayaw ka lang niyang masaktan. Unawain na lang natin ang ate mo. Para sa ikabubuti mo rin yun Nene. Kahit nga ako 'di ko siya nakumbinsi 'di ba?" "Sana mapapayag natin si Ate. Para astig na rin ako gaya niya. Para pag nakita ko ulit si Kuya Maeng. Hindi na niya ako masasaktan." wika ni Nene. "Huwag kang mag alala. Hindi mo na makikita ang Kuya mong 'yun. Kasi nag decide na si Jamie na iadopt ka. Sa katunayan nga ay pinapaasikaso na niya sakin yung mga papeles para sa legal adoption mo." Bahagya pang natulala si Nene ng marinig iyon mula sa matanda. Nananaginip ba siya? "T-totoo po Mang Ashton?!" "Oo nga... Totoo. Kaya siguro ayaw na niyang turuan ka ng mga bagay na delikado para sayo. Kaya 'wag ka ng magtatampo ha?" "Opo. Hindi na po!" ani Nene habang maluwang ang pagkakangiti. "Masaya ka ba?" "Opo! Masayang masaya po! Kasi magkakaroon na ako ng tunay na pamilya! Marami pong salamat sainyo!" galak na galak na wika ng dalagita sabay yakap sa butihing matanda. "Hahaha! Hayaan mo at mamadaliin ko na ang pag aayos ng mga dapat ayusin kasi mag aaral ka na sa pasukan." "Salamat po Mang Ashton! Hayaan niyo po at pagbubutihan ko. Para hindi masayang ang mga ibinibigay na chance sakin ni Ate Jamie at sinyo na din po!" Samantala lihim naman na nakatingin si Jamie sa dalawa habang nag uusap. Kita niya ang kasiyahan sa mukha ni Nene at sa kabutihang loob ni Ashton. Para sa kanya silang dalawa ay parte na ng kanyang pagkatao na hindi niya kailanman gugustuhing mapahamak. --- Pigil ang emosyon ni Riely habang nakatitig sa ataul ng kapatid habang unti-unti itong ibinabaon sa lupa. Ayaw niyang umiyak at mas lalong ayaw niyang ipakita na nanghihina siya. Baka hindi niya lang nakikita pero nasa paligid lang ang salarin. Ayaw niyang ipakita sa mga tao na durog na durog siya ng mga oras na iyon. Nais niyang maging matatag at matapang. "Nakikiramay ulit kami brod," mahinang wika ni Clark sabay tapik ng marahan sa balikat ng kaibigan. "Salamat Clark.." mapait ang ngiting tugon ni Riely. "Yaan mo tutulungan kita sa binabalak mo na paghahanap sa may sala at pagbabayarin natin siya sa napakalaki niyang kasalanan!" "Talagang magbabayad siya Clark. Hindi ako papayag na hindi ko maigaganti ang nangyari sa kapatid ko." nakakuyom ang kamao na wika ni Riely. Isang mahinang tapik pa ang ginawa ni Clark sa kaibigan bago ito umalis para makapagpaalam ng maayos si Riely sa kapatid. "Pahinga ka na diyan 'tol. Akong bahala sa taong gumawa sa'yo nito! Pangako yan ni Kuya sayo!"bulong ni Riely sa hangin. Maya maya pa ay lumapit ang isang lalaki na may katangkaran. Malapad ang mga balikat. Balbas sarado at nakasuot ng leather jacket "May kailangan ka daw sakin? Borgz nga pala." mahinang wika nito kay Riely. "Oo Borgz, may ipapatrabaho ako sa'yo." Ani Riely sabay abot nito ng isang maliit na litrato. "Mukhang malaki ang atraso sa'yo nito ah!" "Iyan ang aalamin mo Borgz, alamin mo ang pangalan niyan. San nakatira. Sinong pamilya niya at kung bakit siya kilala ng kapatid ko. Bakit sila magkasama ng gabing 'yon at kung anong ugnayan nila. Sa oras na malaman mong may kinalaman siya sa nangyari sa kapatid ko. Iharap mo sakin yan. Magagawa mo ba?" "Oo naman. Walang imposible sakin lalo pa at may litrato siya. Kaso mahal ang singil ko sa bawat pagtatrabaho ko Riely!" "Oo alam ko, 'wag kang mag alala! Kapag nagawa mo ang lahat ng ipapagawa ko bibigyan pa kita ng bonus. Basta siguraduhin mo lang na malinis kang magtrabaho." "Walang problema. Bigyan mo lang ako ng ilang linggo o buwan. Mahahanap ko din 'to." tiwalang sagot nito. "Sana mahanap mo kaagad. Ayaw kong patagilin ang hustisya para kay Renato." Seryosong sagot ni Riely sa kausap. "Makakaasa ka Riely!"nakangiting wika ni Borgz sabay ngiti. Maya pa ay kaagad na nag abot ng sobre si Riely kung saan naglalaman ang sapat na halaga bilang paunang bayad kay Borgz. Ng mabilang ni Borgz ang pera ay kaagad din itong umalis upang simulan na ang paghahanap. --- Ilang oras ng nanunuod ng balita si Jamie ngunit wala siyang makitang balita tungkol kay Renato. Wala rin siyang impormasyon tungkol sa pamilya nito maliban sa pangalan ng taxi na ginamit ng lalaki. Iba ang pakiramdam niya ng mga sandaling iyon. Ilang araw ng namatay ang lalaki ngunit tila wala siyang nasasagap na balita ukol dito. Dahil sa pangamba ng dalaga ay kaagad nitong ipinatawag si Ashton upang kausapin ng masinsinan. "Yes Miss Jamie?" "Yan ang pangalan ng taxi at plate number ng lalaking hinahunting ko noon. Gusto kong malaman kung anong balita sa kanya lalo na ngayon na nakakabingi ang katahimikan." "Ha? Bakit? Ngayon ka lang ata nagpapaimbestiga?" "Oo. Dahil noon ay nakakasagap pa ako ng balita sa kanila. Iba ngayon Ashton." "Okay. Sige. Wag kang mag alala at iimbestigahan ko 'to." "Salamat Ashton. Ngapala naasikaso mo na ba yung isa sa mga sinabi ko sa'yo?" "Yes Miss Jamie,nasimulan ko na.. Sa katunayan nag-aaya nga itong si Nene na magsimba kami sa Quaipo. Ipagdadasal niya raw na sana magtuloy tuloy na at mas mapadali pa ang pagproseso ng pag adopt mo sa kanya." "Magsisimba kayo?" "Oo Miss Jamie. Mamayang hapon." "Sige. Mag-ingat kayong dalawa. Pag nagkaroon ako ng time,susunod ako sainyo. Pakibigay nga pala ito kay Nene."ani Jamie sabay abot ng isang gintong kwintas kay Ashton. "Para kay Nene?" "Oo, para kahit papano ay mapangiti siya." "Opo Miss Jamie. Salamat" nakangiting sagot ng matanda sa kanya. --- Ilang oras matapos makaalis sina Ashton at Nene ay kaagad ding nagbihis si Jamie para sundan ang dalawa. Balak niya rin kasing ipasyal ulit si Nene dahil baka nagtatampo na ito sa pagsusungit niya. Hindi na lang niya pinaalam sa dalawa na susunod siya para hindi na ito maabala. Saka na lang niya tatawagan si Ashton pag nandun na siya para makita agad ang mga ito. "Mang Ashton, pwede po ba akong lumapit sa kanila? Pwede ko bang ibigay sa kanila itong sandwich ko?" paalam ni Nene sa matanda sabay turo sa ilang bata na namamalimos sa mga nagsisipagsimba. "Ha? Pero papasok na tayo sa loob ng simbahan." "Susunod na lang po ako sainyo. Kawawa naman kasi sila baka di pa sila kumakain." "Sigurado ka? Dun lang ako sa gilid.. Ibigay mo na rin pati itong pagkain ko. Bumalik ka kaagad ha," "Opo Mang Ashton." Lingid sa kaalaman ng dalagita ay kanina pa may mga matang nakatitig sa kanya at tila tuwang tuwa sa nakita. "Tingnan mo nga naman kapag sinuswerte ka. Mukhang mas malaki ang pakinabang mo sakin ngayon Nene."nakangising wika ni Maeng sabay lakad papalapit sa dalagita. "Kumusta ka na? Nene!" malakas na wika ni Maeng sabay hawak sa braso ng paslit. "Aray! Kuya Maeng?!"namimilog ang mga matang sigaw ni Nene. "Nagulat ka ba? Long time no see! Marami ka ng atraso sakin Nene! Halika rito!" malakas na sigaw ni Maeng sabay kaladkad kay Nene sa gilid. "Aray! Bitawan mo ako Kuya!" mangiyak na pakiusap ni Nene. "Halika rito! Mukhang mayaman ang nakapulot sa'yo ah! Ibang iba ka sa Nene na dati kong alipin," nakangising wika nito sa kanya sabay titig sa gintong kwintas na ibinigay sa kanya ni Jamie. "Nagsusuot ka na rin ng kwintas ngayon. At ginto pa ha. Akina yan!"muling wika ni Maeng sabay hablot ng kwintas ng dalagita. "Hala! Akin 'yan Kuya Maeng! Huwag mong kunin yan sa'kin! Bigay yan sakin ni Ate Jamie!" tarantang wika ni Nene habang pilit na hinahablot ang kwintas sa kamay ng lalaki. "Parang awa mo na Kuya. Importante sakin 'yan! Bigay yan ng ate ko sa'kin!" Sa halip na maawa ay kaagad nitong dinukwang ang dalagita at marahas na hinawakan ang mukha nito. "Ikaw Nene ha! Napakadami mo ng atraso sakin! Simula ng mabugbog ako ng walanghiyang babaeng nagligtas sa'yo hanggang ngayon ba naman madamot ka pa rin?! Kung tutuusin kulang pa 'to sa atrasong ibinigay niyong dalawa sakin!".gigil na wika ni Maeng sabay tulak sa dalagita kaya bigla itong nasubsob sa gilid. "Masyado ka namang mapanakit na bwisit ka! Di ka pa nadala nung isang beses, uulit ka na naman?!" malakas na wika ni Jamie sabay batok ng malakas kay Maeng. "Aray!!!". "Walanghiya ka 'di mo na tinantanan si Nene. Hanggang dito ba naman ganyan ka pa rin!" "I-ikaw!! Ikaw 'yong nambugbog sa'kin dati!" galit na galit na wika ni Maeng sabay kuyom ng kamao nito. Ngunit aamba pa lang ang lalaki ay mabilis na nasapak ng dalaga si Maeng. Malakas niyang sinuntok ang bibig nito dahilan upang malagas ang mga ngipin nito at magdugo ang bibig. "Ate!" takot na sigaw ni Nene ng makitang may dugo na si Maeng. "Ikaw lalaking batugan! Ibalik mo sa'kin yang kwintas! Kung ayaw mong pati yang bayag mo basagin ko!" Sa laki ng takot ni Maeng ay kaagad nitong ibinigay kay Jamie ang hinihingu nitong kwintas at kaagad na tumakbo papalayo sa kanila. Nang makalayo ang lalaki ay kaagad na nilapitan ni Jamie si Nene upang aluin ito dahil halatang kinabahan din ang dalagita. "Ayos ka lang ba?" nakangiting wika ni Jamie. "Opo ate.." lumuluhang wika ni Nene. "Tahan na, nandito na si Ate. Di kita pababayaan." nakangiting wika ni Jamie sa dalagita sabay yakap rito ng mahigpit. Kapwa pa sila nagulat ng biglang magpalakpakan ang mga taong nakapalibot sa kanila. Don lang napansin ng dalaga na marami palang nanunuod sa kanila simula pa kanina. "Tara na sa kotse ko. Tatawagan ko na lang si Ashton para alam niyang umuwi na tayo." nagmamadaling wika ni Jamie sabay hila kay Nene patungo sa kinakaparadahan ng kotse niya. Ayaw niyang maging takaw atensyon sa mga tao dahil baka magkaproblema pa siya dahil dito. --- "Miss Jamie. Anong nangyari?!" ani Ashton ng makauwi ito sa bahay nila. Halos magkasunod lang silang dumating kaya naabutan pa sila nito na nagpapahinga saglit sa salas. "Wala naman, hindi gaanong importante. Ihanda mo ang gym Ashton." ani Jamie. "Ha? Bakit?" "Oras na para turuan natin si Nene kung paano maging matigas. Nagbago na ang isip ko, ayoko na ng lalampa lampa 'tong batang 'to." ani Jamie sabay kindat kay Nene. Oras na para turuan si Nene kung paano manapak ng mga walanghiya! "Miss Jamie, anong nangyari? Bakit biglaang nagbago ang isip mo?" tanong ni Ashton sa kanya habang abala naman si Nene sa pagtingin tingin sa loob ng gym. "Kamuntikan na naman siyang masaktan ng dati niyang guardian kanina. Buti na lang pala at sumunod ako sa inyo at sakto lang ang dating ko kaya napigilan ko.". "Nagpaalam sa'kin si Nene sabi niya bibigyan niya lang ng pagkain ang mga batang kalye. Hindi ko alam na may nangyayari na pala sa kanya sa labas. I'm sorry Miss Jamie kung napabayaan ko siya." "No need to apologize Ashton, ang importante she's safe now..." "Kung alam ko lang sinamahan ko na lang sana siya sa labas." "Simulan na ang training!"malakas niyang wika sa matanda. Bahagya pang napangiti si Ashton ng magtungo sila ni Jamie sa kinaroroonan ni Nene. "Ano Nene, handa ka na ba? Isuot mo 'yan," malakas na wika ng dalaga sabay bato ng boxing gloves, mouthpiece at headgear sa dalagita. "Hala!! Ano po ito Ate?" "Protection mo 'yan. Ashton pakituruan nga si Nene kung paano isuot yan ng maisalang na 'yan hahaha!" "Bakit po may ganito ako? Para akong si Manny Pacquaio." "Ganoon na ng. Itetrain ka ni Ashton ngayon kung paano makipagbasagan ng kilay ala Pacman!" "Hala! Hindi ikaw ang magtuturo sa'kin Ate?" "Mas magaling 'yan si Ashton, sa kanya rin ako natuto. Kaya galingan mo rin para sa susunod mag sparring tayo. Okay ba?" "Mang Ashton, dahan-dahan lang ha... Huwag mo akong babalian ng buto." pabulong na wika ni Nene sa matanda na narinig din ni Jamie. "Tama na 'yan. Simula ni'yo na!" sigaw ni Jamie sa dalawa. Ng maisuot ni Nene lahat ng ibinigay niya ay agad itong pinasampa sa ring ni Ashton at sa ilang saglit pa lamang ay kapwa na seryoso ang dalawa sa kanilang ginagawa. Mababanaag ang determinasyon sa dalagita na gusto talaga nitong matuto at kita iyon ni Jamie. Nakikita niya sa mga mata ni Nene ang pagnanasang maging magaling sa ginagawa nito upang maging tagapagtanggol rin ito balang araw. Habang abala sa pag te-training ang dalawa ay hinarap naman ni Jamie ang laptop niya para mag research tungkol sa taxi na ginamit ni Renato. Batid niyang hindi pa iyon nagagawa ni Ashton kaya siya na muna ang gagawa nun. Masusi niyang hinalungkat ang lahat ng mga dapat tingnan para matunton lamang kung sino nag mamay ari nun. Di naman nagtagal ay nahanap ni Jamie ang may ari ng taxi at napag alaman niyang kapatid ito ni Renato. Mukhang mabait ang lalaki at seryoso sa bahay base sa mga pictures na inuupload nito sa social media. Ang ipinagtataka lang ng dalaga ay wala man lang itong upload tungkol kay Renato kasehodang kuya pa ito ng namatay. "What's on your mind?" mahinang wika ng dalaga sabay sulyap kina Nene at Ashton na abala pa rin sa pag eensayo. Marahas na pag buntong-hininga ang sunod na pinakawalan ng dalaga habang nag iisip ng malalim. Alam niyang may mali sa pananahimik ng kuya ni Renato. At yun ang paulit-ulit na umuukilkil sa isipan ni Jamie. Three months later... @Riely's Residence Tahimik lamang na sinisimsim ni Riely ang alak habang pinagmamasdan ang litrato ng kapatid. Nangungulila na siya ng sobra kay Renato pero alam niyang kahit anong gawin niya ay hindi na ito muli pang babalik sa kanya at ang tanging magagawa niya na lang ay ipaghiganti ang pagkawala nito. Ilang araw,linggo at buwan na rin ang ipinag aantay niya ngunit hindi pa rin niya malaman kung sino ang pumatay sa kapatid. Nagagawa na rin niyang pagsalitaan si Borgz dahil sa kupad nitong magtrabaho. Biglang nabaling ang atensyon niya sa telepono niya ng marinig niyang tumunog ito kaya mabilis niya itong sinagot sa pagbabakasakaling galing iyon kay Borgz at may balita na ito. "Hello!" "May good news ako sayo!" "Ano?!" "Kilala ko na kung sino yung babae!!" "Talaga?! Sino siya?! Anong nalaman mo sa kanya?!" "Kaya lang may problema." "Problema? Anong problema?!" "Borgis 'to boss!" "Eh ano naman kung borgis yan?!" "Mahihirapan tayong halukayin ang tinatago nito. Masyado pribado ang buhay. Anak pala yun ng bilyonaryong businessman eh! Untouchable 'tong babae Sir!" "Mayaman lang, untouchable agad?!" "Wala akong nakuhang info sa kanya. Maliban sa anak siya ng bilyonaryong negosyante. At yun nga ayon sa nakasaksing cigarette vendor siya ang huling sakay ni Renato nung gabing 'yun!" "Meaning?!" "Posibleng may alam siya sa nangyari sa kapatid mo. Ang nakakapagtaka lang bakit kailangan niyang magsuot ng wig nung gabing yun na parang mayroon siyang binabalak. May picture akong pinadala sa email mo. Kindly check it Boss Riely." Dahil sa sinabi ni Borgz ay kaagad na binuksan ni Riely ang laptop niya at tiningnan agad ang sinend ng tauhan. Base sa mga litratong ipinadala nito ay mukha ngang mayaman ang dalaga. Ngunit ano ang kaugnayan nito kay Renato?! "Ano pa ang nalaman mo?" "Alam ko na rin kung saan siya nakatira. Kung makakahingi lang sana tayo ng cctv camera sa lugar kung saan pinatay si Renato ay mas mapapadali ang pag iimbestiga natin." "Wait. Until now di ko pa pinapagalaw yung sasakyan na ginamit ni Renato ng gabing yun. Nakatengga lang 'yong taxi sa garahe. Is there anyway na makakuha tayo ng ebidensya dun such as fingerprints or what ever na makakapagturo sa kanya?" biglang wika ni Riely. "Talaga? Bakit ngayon mo lang sinabi?! Eh di sana diyan tayo nagsimulang mag imbestiga. Napakadali na sana nating natunton agad yang babaeng yan." "Nawala sa isip ko eh.. Punta ka na lang dito para matingnan yun." "Okay sige. May isasama din akomg expert pagdating sa mga ganyan para siya surebol na makakakuha tayo ng ebidensya." "Sige. Aantayin ko kayo." Ilang oras pa ang ipinag antay ni Riely bago dumating sina Borgz pati ang kasamahan nito na diumano'y maalam sa pagkuha ng finger prints dahil dati na itong nagtrabaho sa soco. Bitbit ang mga kagamitan para sa kanilang gagawin ay agad itong nagtungo sa kinapaparadahan ng kanyang taxi. Tahimik lamang na nagmamasid si Riely sa dalawa habang abala ang mga ito sa mga ginagawa. Ng makakuha ang mga ito ng sample ay muling nagpaalam ang mga ito. "Babalik kami Riely after two weeks. Sabi nitong kasama ko medyo matatagalan tayo para makasigurado.." ani Borgz. "Bakit antagal?" "Ganon talaga Riely. Sisiguraduhin pa namin kung kanino nga ang mga fingerprints na nakuha. Di bale ng medyo matagal basta sigurado. Mas maiigi na 'to kesa sa wala kang aasahan sa loob ng dalawang linggo." "Sige. Basta balitaan mo ako kaagad kapag nakuha niyo na ang resulta. Okay?" "Masusunod Riely! Pano mauna na kami?" "Sige, salamat!" --- Three weeks later... "Borgz, anong balita at napasugod ka? May nalaman na ba kayo?"sunod sunod na tanong ni Riely ng mabungaran si Borgz sa labas ng opisina niya. Bumalik na rin kasi sila sa operasyon dahil ilang buwan na rin silang hindi nakapagbukas ng negosyo. "Meron Riely! At nakakatiyak akong ikakatuwa mo ang balitang dala-dala ko!" "Ano yun?!" "Papasukin mo naman muna ako sa loob. Mas magandang pag usapan 'to sa loob ng opisina mo." "Oh sige, tuloy ka.." ani Riely bago binuksan ng maiigi ang pintuan ng opisina niya. Pagkaupo pa lang nilang dalawa ay kaagad na nilapag ni Borgz sa haralan niya ang isang envelope at nagmamadali niya iyong binuksan para makita niya kung anong laman at halos lumitaw lahat ng ugat sa buong katawan ni Riely ng makita ang larawan ng babae at lahat ng info nito. "So, siya ang nag mamay-ari ng mga fingerprints na nakuha sa taxi ni Renato?" "Mismo!" "Ibig ba nitong sabihin ay siya talaga ang pumatay sa kapatid ko?" "Wait, watch this!".ani Borgz sabay abot nito ng isang usb. "Ano 'to?" "Nakakuha kami ng kopya ng cctv dun sa lugar papasok sa abandonadang warehouse. Buti na lang kamo ay gumagana pa ang mga cctv dun at napakiusapan namin ang namamahala na makita namin ang video. Panoorin mo para makita mo." Nagmamadali namang binuksan ni Riely ang laptop niya at isinaksak kaagad ang usb at pinanood at hinanap ang tinutukoy ng kausap. Kita niya ang pagpasok ng taxi ni Renato papunta sa warehouse. Makikita din sa eksena ang pagdating nila ni Diego at ang pagtakbo ng isang babae papalalayo roon ng maiparada nila Diego ang kotse nila. "Gotcha!" malakas na sigaw ni Borgz sabay pause ng video habang pinapakita si Jamie na nag aabang ng taxi. "Kung ganon. Siya nga talaga ang may gawa nito sa kapatid ko!!"nanggigigil na wika ni Riely. "Walang duda!" segunda ni Borgz. "Magbabayad siya ng mahal sa'kin!" sigaw ni Riely sabay suntok sa lamesa nitong gawa sa narra. "Anong plano mo? Baka matulungan kita.." "Ano pa nga ba? Eh di pagbayarin ang babaeng 'yan!" "Paano? Tatambangan ba natin?" "Hindi! Pupuntahan natin siya sa lungga niya!" "Pero boss tatlong guwardiya ang nakabantay sa bungad ng tinitirhan niyan. Pano tayong makakapasok sa teritoryo niyan?" "Wala akong pakialam! Kung kailangang patayin ang mga gwardiya ay iyon ang gawin natin! Basta ang gusto ko ay makuha ang babaeng yan! Ihanda mo ang mga bata mo, pupunta tayo roon ngayon din!" ani Riely. Sa kagustuhan ni Riely ay kaagad silang nagtungo papunta sa bahay ni Jamie sakay ang dalawang sasakyan. Pinapangunahan iyon ng kotse ni Riely kasama si Borgz at ang ilan nilang taon sa pangalawang kotse. Maangas na ikinasa ni Riely ang 45 caliber nitong baril ng masiguro nitong puno na yun ng bala. "Sa wakas! Mabibigyan ko na rin ng hustisya ang ginawa niya sa kapatid ko! Sisiguraduhin kong dadanasin niya ang kahat ng naranasang sakit at hirap ng kapatid ko!" nagliliyab ang mga matang wika ni Riely sa kasama. --- Kakatapos lang mananghalian nina Jamie kaya naman kaagad na nagtungo ang dalaga sa kwarto niya para umidlip muna pansamantala. Sina Nene at Ashton naman ay maliligo daw muna sa kanilang swimming pool kaya hinayaan niya na munang mag bonding ang mga ito. Halos araw araw din kasi silang tutok sa pagsasanay ni Nene kaya naman deserve nilang magpahinga paminsan minsan. Pagkarating sa kwarto ng dalaga ay kaagad itong naglinis ng katawan at isinuot ang manipis na sandong kulay itim at panty short para komportable siya sa pagtulog. Di na kasi siya nagbukas pa ng aircon at hinayaan niya lang ang sariwang hangin ang pumasok sa bintana niya upang mapresko pa rin sa pakiramdam. "Okay, siesta time..." nakangiting wika ng dalaga sa sarili matapos tanawin sila Nene na nagkakatuwaan sa swimming pool. Nang masigurado na ayos lang ang lahat ay nahiga na ang dakaga sa napakalambot niyang kama at agad na ipinikit ang kanyang mga mata. Lingid sa kaalaman nito ang panganib na nasa bungad na ng kanilang bahay. "Boss,sino po ang bibisitahin nila?" magalang na wika ng security guard na nakatalaga sa gate ng subdivision kila Riely ng harangin ng mga ito ang pagpasok nila sa loob. "Iyong kaibigan ko. Maysakit eh, kaya bibisitahin ko." nakangiting wika ni Riely. "Sino pong kaibigan? Tatawagan ko po sila para makapasok po kayo." "Para saan pa? Papasukin mo na lang kami ng mapadali ang lahat. Di naman kami magtatagal eh!" "Kaya nga po Sir. Pakiiwanan po ang id nila at kukunin ko po ang pangalan ng kaibigan ni'yo bago kayo makapasok sa loob." ani ng guard. "Pano ba 'yan wala kaming id bossing.." "Eh hindi kayo pwedeng pumasok Sir. Mahigpit ang policy namin dito na No Id No Entry. Para sa siguridad ng mga home owners. Pasensya na po pero 'di kayo pwedeng pumasok." "Wala kaming id Sir. Ito pwede na ba?" ani Borgz sabay labas ng baril nito na may silencer pa kaya kahit pinaputukan nito ang gwardiya ay hindi pa rin takaw pansin. Maging ang dalawang gwardiya na kumakain ng tanghalian ay walang awang pinaputukan ni Borgz at ng masiguro nilang wala ng pipigil sa kanila ay kaagad nitong pinaharurot ang sasakyan patungo sa mala palasyong bahay ni Jamie. "Mang Ashton, nakakagutom talagang mag swimming noh? Ano kaya pwede nating kainin?" ani Nene habang patuloy sa paglulunoy sa tubig. "Nagugutom ka na ba? May cake at prutas sa ref, gusto mo bang kunin ko?" "Pwede po ba?"matamis ang ngiting wika ni Nene. "Oo naman. Walang problema.. Kuha rin ako ng beer eh." ani Ashton bago ito nagpunas ng tuwalya at agad na pumasok sa loob ng bahay. Ni hindi na napansin ni Ashton ang mga taong dahan dahang pumasok sa bahay nila kasabay ng pagtumba ng gwardiya sa lapag. Maingat na sinenyasan ni Borgz ang mga tao nito na palibutan ang buong bahay. Tahimik ang buong paligid dahil oras ng pahinga ng mga kasambahay. Ang tanging ingay lang na maririnig ay ang lagaslas ng tubig at ang pagtampisaw ng kung sino mang naliligo sa swimming pool. Kaagad na lumapit sina Riely sa swimming pool at nakita nila doon si Nene na abala sa paglangoy habang mag isa. "Sino 'yan?" tanong ni Riely sabay nguso sa dalagita. "Ampon ni Jamie. Ilang buwan pa lang iyan na nakatira dito." ani Borgz. "Ahhh." Samantala bigla namang naalerto si Ashton ng makarinig ng mga kaluskos sa likod bahay kaya pasimple itong sumilip sa bintana at nanlaki ang mga mata nito ng makita ang mga armadong kalalakihan na maingat na lumalapit sa bahay. "s**t!". tarantang wika ni Ashton kasabay ng maingat na pagtakbo patungo sa kwarto nito upang kunin ang kanyang baril. "Eeeeeeehhhhhhhhhhhh!!!!!!!! Ate Jamieeeeeeeeeeee!!!!!!!!!!" malakas na tili ni Nene ng bigla itong hablutin ng isang lalaki at maagap na tinutukan ng baril. Dahil sa sigaw ng dalagita ay kaagad na naalimpungatan si Jamie at dali dali itong tumakbo papunta sa bintana upang silipin kung ano ang nangyari rito at nanlaki ang mga mata niya ng makitang bihag ito ng mga lalaki. "Damn it!!" malakas na wika ni Jamie sabay takbo sa drawer niya upang kunin ang baril niya at kaagad na tumakbo pababa. Kailangan ni Nene ng tulong niya at hindi niya ito hahayaang mapahamak. Kaagad niyang pinaputokan ang lalaking nakita niyang pabukas ng pintuan nila sa kusina. Kasunod ng isa pa. At ng isa pa. At ng isa pa. Halos walang kalaban-laban ang ibang lalaki dahil sa pagiging asintado ni Jamie. Bagay na ikinaalarma nina Riely at Borgz. Si Ashton din ay kaagad na lumabas upang saklolohan ang dalaga. Maging ang mga kasambahay ay nagising na rin dahil sa putukan ngunit sinenyasan ito ni Jamie na wag lalabas. "Atee!!!" muling tili ni Nene ng bigla itong kaladkarin ni Borgz papalabas. "Tara na Riely. Marami ng nalagas sa mga tauhan natin dalawa pa sila diyan sa loob. Baka pati tayo madamay!" nagmamadaling wika ni Borgz sa kasama habang bitbit si Nene. "Bakit mo dala yan, 'di siya ang kailangan ko!" sigaw ni Riely. "Oo alam ko! Pero pwede natin yang magamit para makatakas o ipatubos! Basta dalian mo tara na!!".ani Borgz kasabay ng pagpapaulan nito ng bala sa bahay ni Jamie dahilan upang mahagip ang balikat ni Ashton at agaran itong matumba. "Ashton!!!" malakas na sigaw ni Jamie at kaagad na nilapitan ang butler. "Okay lang ako! Si Nene!" malakas na sigaw ni Ashton sa dalaga habang sapo nito ang duguang balikat. "Oh my God!!!" ani ng dalaga sabay takbo papalabas habang hawak ng mahigpit ang baril. Nakapasok na rin sa trigger ang hintuturo niya upang handa siya sa pagbaril sakali man na may kalaban. "Nene!" sigaw ni Jamie ng makitang isinakay ng mga ito si Nene sa dala dalang kotse ng mga ito. "Ateeeee!!!!!! Tulon-" ani Nene bago pinasibad ng driver ang sasakyan nito at mabilis na tumakas. "s**t!! s**t!!! s**t!!!!" paulit-ulit na mura ni Jamie habang patakbong pumasok sa garahe upang kunin ang motor niya na minsan niya lang gamitin. Nakasabit lang ang susi nito sa gilid kaya hindi siya nahirapang kunin yun at mabilis na pinaandar ang motor at agad na sinundan ang kotse kung saan nakasakay ang dalagita. "Antayin mo ako Nene, ililigtas kita!!"naluluhang wika ng dalaga habang mas binilisan pa ang pagpapatakbo ng kanyang motor. Medyo nahirapan ang dalaga na hanapin ang kotse kung saan nakasakay ang dalagita dahil sa bilis ng mga itong magpatakbo ngunit kamuntikan na siyang sumemplang ng bigla siyang paputukan ng isang sakay ng kotseng itim kaya naman yun agad ang pinuntirya ng dalaga. Gamit ang kanang kamay ay kaagad niyang inasinta ang gulong ng sasakyan nito hanggang sa mabutas at magpagewang gewang sa takbo hanggang sa bumangga ito sa poste ng kuryente. Sa lakas ng impact ng pagkakasalpok ng kotse ay kaagad na nahimatay ang driver nito at maging ang sakay nito sa unahan ay kamuntikan ng lumusot sa salamin. "Oh My God Nene!!! I hope you're okay!" ani Jamie habang nagmamadaling ipinarada ang kanyang motor sa tabi ng kalsada. Pilit na iniinda ng dalaga ang mainit na semento na kanyang tinatapakan dahil hindi na niya nagawa pang magsuot ng pangyapak. "Nene!!!".malakas na sigaw ni Jamie sa pangalan ni Nene habang alerto na lumalapit sa sasakyan ngunit pagbukas niya rito ay wala si Nene. Bagkos ang tatlong sakay lang ang naroon at kapwa wala ng mga malay at duguan. "Asan ka?" anas ng dalaga habang nanlalambot ang mga tuhod. Maya maya pa ay biglang tumunog ang telepono ng isang lalaki kaya naman agad niya itong kinuha sa bulsa nito at kaagad niyang sinagot. "Hello!" malakas na sigaw niya sa kausap. "Nasaan ang mga tauhan ko?!"pagalit na wika ng kausap niya. "Patay na sila! At kung ayaw mong sumunod sa kanila ay ibabalik mo sa'kin ang kapatid ko ngayon din!" malakas na utos ng dalaga. "HAHAHAHAHAHA!!! Wag kang mayabang babae! Baka nakakalimutan mong hawak ko ngayon ang buhay ng batang ito! Kung ako sayo susunod ka sa iuutos ko sayo kung ayaw mong paglamayan mo 'tong bata bukas!" patuyang wika ng kausap niya. "Wag!!! Wag na wag mong sasaktan si Nene!!" aniya. "Kung ayaw mong mamatay ang batang 'to ay pumunta ka kung saan mo pinatay ang kapatid ko.. Kapalit ng buhay niya ang buhay mo. Dating lugar. Dating oras. Maghihintay ako!" "Wait!! What!!! Sinong kapatid?!" naguguluhang tanung ng dalaga. "Si Renato." "S-si Renato???!".ulit na wika ni Jamie. Doon lang napagtanto ng dalaga na kapatid ni Renato ang kausap niya. "Bibigyan kita hanggang mamayang alas dose ng gabi para isuko ang sarili mo. Buhay mo kapalit ng kaligtasan ng batang ito! Wag na wag kang magsusumbong ng pulis dahil oras na malaman kong ginawa mo yun. Alam mo na kung anong mangyayari sa ampon mo!"anito sabay putol ng pag uusap nila. Samantala para namang kandilang nauupos si Jamie habang unti unting tumutulo ang mga luha niya. Paano niya maililigtas si Nene ngayong nasa panganib na ang buhay nito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD