MABILIS lumipas ang araw natapos ang buong school year. Sumapit na ang summer, damang-dama sa balat ang init ng sikat ng araw. Si Lyka, sa mansyon siya tumutuloy madalas ko silang makitang magkasamang tatlo. Pero madalas naman akong yayain ni Ashley sa tuwing may lakad sila. Madalas ding magpunta si Ashley kasama si Lyka sa dormitoryo upang samahan ako sa aking silid. Nagkukwentuhan kami kahit medyo awkward para sa akin. Hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang mga sinabi ni Lyka.
Minsan nga, gusto ko na lang tuluyang umiwas kay Theo. Si Theo lang itong palaging lumalapit sa akin, ayaw ko naman siyang ipagtabuyan dahil marami na siyang nagawa para sa akin.
Ngayong araw ng Lunes, nasa loob lang ako ng kuwarto. Ang tindi ng init sa labas, tutok ang electric fan sa katawan ko. Bukas ang sliding window at umiinom ako ng malamig na juice.
"Mouse!"
Si Ashley? "Ashley, ikaw ba 'yan?" pagkumpirma ko bago ko binuksan ang pinto.
"Mouse, madali ka! Magdala ka ng gamit mo at aalis tayo!" Urauradang pumasok sa kuwarto si Ashley, binuksan ang kabinet ko at sports bag.
"Teka, saan tayo pupunta?" atubili kong tanong.
"Sa beach! Mag su-swimming tayo!" masaya niyang sabi habang inaayos ang iba kong gamit.
Nilapitan ko siya't tinulungan. Hawak pa niya ang pares ng panty at b*a ko. "Ako nang magtutupi niyan."
"Magdala ka rin ng lotion! At swimsuit!" Hinalughog niya ang loob ng drawer ko pero wala siyang nakitang swimsuit. "Wala ka?"
"Paano naman ako magkakaroon no'n, e, ngayon pa lang yata ako makakapunta sa beach para mag-swimming." Naupo ako sa ibabaw ng kama. Inisa-isa kong tiniklop ang damit at short na inilabas ni Ashley.
"Hindi bale, magpapadaan tayo kay Lola sa swimsuit boutique para may maisuot ka pagdating natin sa beach."
"Teka, sino-sino ba ang mga kasama?"
"Tayong pamilya! At si Tita Rosalinda...." Natigil si Ashley matapos niyang banggitin ang pangalan ni Miss Rosalinda. "Sorry, Mouse."
"Ano ka ba, tanggap ko na naman." Ngumiti ako para mawala ang pag-aalala niya.
***
ANG daming pagpipilian, iba't iba ang kulay at style ng mga swimsuit. Ano kaya ang pipiliin ko?
"Mouse, heto tingnan mo!" Ipinakita sa akin ni Ashley ang two piece swimsuit na may strawberry design.
"Hindi ba mukhang pambata?"
"Ganito dapat ang isuot mo!" Hinagis ni Theo ang one piece swimsuit na kulay asul. Parang pang school bathing suit naman ito.
May hinagis pa siyang bathrobe? "Ibalabal mo 'yan sa katawan mo!" sigaw niya.
"Ano ba, Theo! Ayaw mo yatang makita ang ng iba ang katawan ni Mouse kaya ka ganyan."
Nakita ko kung paano mamula ang mukha ni Theo, itinakip niya ang kamay niya sa bibig tapos nagtungo sa pinto at lumabas.
"Ano'ng problema no'n?" taka ni Ashley.
"H-Hayaan mo na, okay na sa akin itong pinili ni Theo."
"Ano? Ang baduy naman niyan!" dismayadong sabi ni Ashley.
"Tama si Ashley, masyadong baduy ang isang 'yan. Heto ang bagay sa kutis at hubog ng katawan mo!" Inabot sa akin ni Lyka ang two piece swimsuit. Una ko pa lang itong nakita nagandahan na ako sa style nito. May raffles ang pang-ibaba na parang mini skirt tapos ang pang-itaas naman ay plain white na nakatali sa harap na parang ribbon.
"Salamat, Lyka!"
"Hmmph!"
Kinuha ko iyon saka binayaran sa casher.
Kahit pasungit niyang pinili ito para sa akin masaya naman ako. Alam ko namang hindi niya ako gusto kasi nakikita niyang malapit sa akin si Theo, pero ipinili pa rin niya ako ng babagay sa akin.
***
"MISTER FINN!" sigaw ko nang makita ko si Mister Finn na nakasuot ng pang-ibabang swimming trunks. Litaw ang hubog ng katawan niyang may abs at muscles sa magkabilang braso.
"Mouse, ang cute naman ng swimsuit mo," puri niya na ikinatuwa ko nang lubos.
"Salamat po, Mister Finn. Si Lyka ang pumili nito para sa akin."
"Talaga? Mabuti naman at magkasundo kayong dalawa."
Bahagya lang akong tumango, hindi ko masabi sa kanya ang totoong tingin sa akin ni Lyka. Mayamaya'y dumating sina Theo, Ashley at Lyka. Ang ganda ng katawan ni Lyka, hindi mo masasabing high school girl lang siya. Pareho sila ni Ashley na nabiyayaan ng magandang hubog ng katawan. Samantalang ako, flat.
Napansin ko rin ang katawan ni Theo, hindi naman sa pagkukumpara pero makinis siya in fairness. Slim lang ang katawan ni Theo, normal lang para sa katawan ng isang high school na lalaki. May kaunting umbok din naman ng muscle ang magkabilang braso niya, hindi lang tulad ng kay Mister Finn.
"Finn, nandito ka lang pala." Dumating si Miss Rosalinda kasama nina Mrs. Lewis. Sobrang ganda ng katawan ni Miss Rosalinda. Mula kuko niya sa paa hanggang sa buhok niyang nakatali nang buo sa likod ang sexy! Suot na naman niya ang pulang lipstick sa labi niya.
"Maiwan muna namin kayo, Mouse." Tinapik ako ni Mister Finn sa ulo. "Magkita na lang tayo mamayang tanghalian, mag-enjoy kayo!" paalam niya.
Magkasama silang dalawa na binaybay ang dalampasigan. Nakaakbay si Miss Rosalinda sa braso ni Mister Finn. Habang tinititigan ko silang dalawa sa paglalakad, kumikirot ang puso ko.
"Mouse, maiwan ko muna kayo, ako'y napapagod." Tinawag ni Mrs. Lewis si Miss Mendez para tulungan siyang maglakad pabalik sa cottage na inarkila namin.
Huminga ako nang malalim saka tumakbo't nagtampisaw sa tubig. Sayang naman ang summer vacation kung ilulugmok ko lang ang sarili ko. Kaya nga kami narito para mag-enjoy!
"Mouse!" Tumakbo papalapit sa akin si Ashley. Nakipag basaan siya sa akin ng tubig sa dagat.
Ang sarap ng tubig, katamtaman ang temperatura. Kahit mainit at mataas ang sikat nang araw nagiging presko kapag nasa tubig ka na. Tamang-tama ang kulay asul na kalangitan, parang linya na gumuguhit ang mga ulap.
"Ang sarap sa pakiramdam!" sambit ko.
"Tama ka, Mouse! Dapat sulitin natin 'to, bago magpasukan ulit!" Inilubog ni Ashley ang kalahati ng katawan niya sa tubig. Nagpalutang siya at nag-relax.
Sandali...
"A-Ashley, marunong kang lumangoy?" alanganin kong tanong. Biglang nawala sa balanse si Ashley sa tanong ko.
"O-Oo naman, teka—hindi ka marunong lumangoy?" gulat niyang sigaw na ikinaagaw ng atensyon nina Theo at Lyka.
Umiling ako bilang sagot. "Hindi, eh."
Nagkatinginan silang tatlo. "Hindi ka pala marunong lumangoy, anong gagawin mo rito? Tutunganga?" Inirapan ako ng masungit na mga mata ni Lyka. "Mabuti pa bumalik ka na sa cottage at magbantay ng gamit, baka malunod ka pa."
Nanlumo ako sa sinabi ni Lyka, balak ko nang bumalik sa cottage kung nasaan sina Mrs. Lewis. Bigla akong hinawakan ni Theo sa kamay para pigilan.
"Tuturuan kitang lumangoy," seryosong sabi ni Theo.
"A-Ako rin turuan mo rin ako, Theo!"
"Marunong kang lumangoy, Lyka!"
"Sige na turuan mo na si Mouse, lalangoy lang kami ni Lyka roon sa malapit sa bato." Kinapitan ni Ashley si Lyka't pilit isinama sa paglalakad.
"Huwag kayong lalayo! Siguraduhin n'yong sa mababaw lang kayo!" sigaw na paalala ni Theo.
Kumaway si Ashley saka tumango.
Naiwan kaming dalawa ni Theo. Nahihiya ako't hindi makatingin sa kanya. Hinihimas ko ang kabilang braso ko, hindi kasi ako mapalagay. Inilapat ni Theo ang dalawang kamay niya sa harap ko.
"Akin na ang dalawang kamay mo," utos niya.
Kumabog nang malakas ang dibdib ko, nagsimulang mangatog ang dalawang tuhod ko sa kaba. Hindi ako komportableng kasama si Theo nang kaming dalawa lang. Ayaw ko sanang isipin pa ang dati kaso bumabalik-balik lang sa utak ko.
"Umayos ka nga! Kumalma ka lang. Hayaan mong lumutang ang katawan mo sa tubig." Nagsimula kami sa pagpapalutang ng katawan. Hindi ko maintindihan para akong martilyo sa bigat. Lumulubog ako.
"Natatakot ka kasi, i-relax mo lang ang katawan mo. Pagaanin mo ang katawan mo't ikampay mo ang dalawang paa mo!" Naririnig ko nang tumataas ang boses ni Theo.
"S-Sorry!" sambit ko. Alam ko naman na mahirap akong turuan. Parang noong tinuruan niya akong sumayaw. Hay! Hanggang paglublob lang naman kasi sa dram ang alam ko.
Makailang ulit kaming sumubok, kahit nakikita ko na ang ugat sa noo ni Theo, hindi pa rin siya sumusuko. Hanggang sa tawagin kami ni Miss Mendez para kumain.
"Umahon na muna kayo riyan! Kumain muna kayo!" tawag niya sa amin bago pinuntahan sina Ashley at Lyka.
Bumalik kami sa tabing dagat. "Itutuloy natin mamaya," ani Theo.
Tumango lang ako't sumunod sa likod niya pabalik sa cottage. Nahihiya ako, baka isipin niya hindi ko sineseryoso ang mga tinuturo niya. Ano ba kasing klase ng katawan mayroon ako. Hay!
Bumalik na rin sina Miss Rosalinda at Mister Finn. Nagsalo-salo kami sa masarap na tanghalian. Ipinahanda talaga iyon ni Mrs. Lewis para sa araw na ito. Inihaw na isda, samu't-saring sea foods, gulay, prutas at kanin. Ang maganda nito, boodle fight ang istilo ng pagkain namin. Lalong sumasarap ang pagkain kapag nakakamay.
"Gusto kong magkutsara at tinidor," maarteng sabi ni Lyka. Binigyan naman siya ni Miss Mendez ng hiningi niya. Ayaw niyang subukan? Masarap kaya.
Nang matapos kami sa pagkain, binigyan kami ng pakwan ni Mrs. Lewis. "Hmmm...ang tamis!" kinikilig kong wika.
Natawa si Mrs. Lewis. "Talagang matamis, ako ang pumili nito," pabida ng matanda.
Ni hindi man lang ginalaw ni Lyka ang parte niya ng pakwan. Ayaw siguro niya. Bumalik siya sa pwesto nila ni Ashley kanina. Malapit iyon sa malaking bato na nakausli 'di kalayuan sa dalampasigan. Pero sa tingin ko may kaunting kalaliman na rin ang parteng iyon.
Biglang sumakit ang tiyan ko, kailangan ko yatang magbawas. "N-Nasaan po ang banyo?" namimilipit kong tanong. Nakahawak ako sa tiyan kong sumasakit.
"Doon sa dulo may C.R doon katabi ng shower room." Itinuro ni Mister Finn ang kinaroroonan ng banyo at agad naman akong nagtungo roon.
Mabilis ang lakad ko kasi pakiramdam ko lalabas na talaga siya....
Nang makarating ako—paktay! May tao pa yata. Pigil, pigilan mo muna Mouse. Para akong tanga na kinakausap na ang sarili ko. Isang saglit pa nang lumabas ang babae sa loob. Nagmadali akong pumasok at mabilis ding lumabas ang dapat kong ilabas. Hay! Ang gaan ng feeling.
Pagkatapos kong magbawas syempre naghugas ako ng kamay sa washing area. Nakita ko si Lyka. Nakataas ang kamay niya't parang nahihirapan siyang umahon. Pandalas ang pagkilos ng katawan niya.
Si Lyka, nalulunod!
"T-Tulong! Saklolo! May nalulunod!" natataranta kong sigaw.
Nakita ko kaagad ang life guard, mabilis ko siyang tinawag. "Tulong! Dito! May nalulunod dito!"
Nang makuha ko ang atensyon niya mabilis siyang rumesponde. Lumangoy siya sa tubig at nagtungo sa kinaroroonan ni Lyka. Nakita kong wala nang malay si Lyka nang masagip siya ng lalaking life guard.
Natatakot ako! Nagtatalo ang isip ko. Dapat ba ako na ang sumagip sa kanya? Pero, hindi ako marunong lumangoy siguradong parehas kaming mapapahamak.
"Huwag kang matakot, miss."
Sinimulang i-check ng life guard ang heart beat ni Lyka. Sinimulan niyang i-pump at magsagawa ng C.P.R.
Nang makita ko ang pag-react ng katawan ni Lyka. May tubig na lumabas sa bibig niya. Naubo siya nang naubo.
"Okay na siya, kailangan lang na masuri siya sa medical area." Sandali kaming iniwan ng life guard para tumawag ng magdadala ng stretcher para madala si Lyka sa medical area.
Binantayan ko si Lyka. Hindi pa rin mawala ang takot ko sa dibdib. Hanggang sa....
"Lyka! Lyka!"
Bulalas ko nang mawalan ulit ng malay si Lyka.