Davies Samaritan Academy

2370 Words
"MOUSE!" sigaw ni Miss Mendez. Tumakbo ako palabas ng kuwarto, mahaba ang hagdan pababa kaya ang ginawa ko nagpadulas ako sa hawakan ng hagdan. Ang sarap! Para akong nag-i-s-slide! Mas mahaba ito kumpara sa hagdan sa ampunan. "Mouse! Ano'ng sinabi ko sa 'yo tungkol sa pagpapadulas sa hawakan ng hagdan?" galit na sermon ni Miss Mendez. "Sabi n'yo po, huwag akong magpapadulas…" nakanguso kong sagot. "Sorry po." "Hay! Sakit ka sa ulo!" Humaba ang nguso ko pero, hindi ako nagpahalata. Baka pag nakita niya ang mukha ko lalo pa niya akong pagalitan. Mayamaya bumaba ang kambal na Ashley at Theo, kay aga-aga inirapan ako kaagad ni Ashley. Amoy na amoy ko ang matapang niyang pabango. Highschool pa lang kung makaporma na siya daig pa ang kolehiyala. Habang si Theo naman, ang lamig ng presensya niya. Wala siyang facial expression. "Hmp! Hindi talaga marunong kumilos nang maayos!" parinig ni Ashley, nang ayusin niya ang ribbon ng uniporme niya. Kahit gano'n sila binati ko pa rin sila nang masigla, "Magandang umaga sa inyo!" Tinaasan ako ng kilay ni Ashley saka siniko sa balikat, na-out of balance ako at muntik nang matumba. "Haharang-harang ka kasi!" Alam ko namang sinasadya na iyon, hindi ko lang siya pinatulan. Nangako ako kay Mister Finn na hindi ako gagawa ng anumang g**o rito sa mansyon. A promise is a promise. "Tama na 'yan, mahuhuli na kayo sa klase n'yo. Mouse, ayusin mo ang uniporme mo! para kang hindi babae!" sita ni Miss Mendez. "O-opo!" "Pati damit n'ya, hindi maiayos nang tama! Kung sa bagay sino nga pala ang magtuturo sa kanya, eh wala naman siyang magulang. Ano ngang tawag sa inyo? Ulila?" insult pa ni Ashley. "Sumusob—" Sasagutin ko na talaga siya nang biglang pumagitna si Theo. "Tama na Ashley. Ma-le-late na tayo!" Matalim akong tiningnan ng asul na mga mata ni Theo. Kasabay nito ang pag-angat ng balahibo ko sa katawan. Nakakatakot siya. Pag-alis nila kasama ni Miss Mendez, naramdaman ko ang pag-iisa rito sa mansyon. Gusto kong maluha pero, pinigilan ko ito. Lumabas ako at naglakad patungo sa eskwelahan, walking distance lang naman iyon mula rito sa mansyon. Sila nga itong maarte, gumagamit pa ng sasakyan kahit malapit lang ang paaralan. Tanaw na tanaw ko ang malaki at malawak na eskwelahan katabi nito ang dormitoryo. Ang matandang umampon sa akin na si Mrs. Faustina Lewis, ang derektor ng 'Davies Samaritan Academy'. Iyong school na papasukan ko dapat kaso hindi ako nakapag-exam. Hindi ko akalaing ito rin pala ang parehong school na papasukan ko ngayon. Nakatadhana talaga sigurong makapasok ako rito. Si Mrs. Lewis at ang namayapa niyang asawa ang founder ng school. Last year lang namatay ang asawa niya na isang Amerikano. Kaya pala mestisuhin ang mga anak niya. Parang halos lahat nga ng tao sa mansyon, masusungit. Si Mister Finn lang yata ang mabait kaso, madalas siyang nasa Makati inaasikaso ang naiwang negosyo ng ama nila. Ang alam ko dalawa silang magkapatid, bunso si Mister Finn. Ang panganay ay si Mister Davies, sa kanya ipinangalan ang eskwelahan. Si Mister Davies ang daddy ng kambal na Theo at Ashley. Nasa Amerika ngayon si Mr. Davies dahil sa negosyong naiwan doon ng kanilang ama. Ang probinsiyanang daga ay nasa lungsod na makikipagsapalaran para makatapos ng pag-aaral at maging isang guro! Kung inaakala nila na magpapatalo ako! Nagkakamali sila! Itinaas ko ang kamay ko sabay sigaw pampalakas ng loob—go fight! *** NANG makarating ako sa paaralan namangha ako sa sobrang laki nito. Marami rin pa lang pumapasok dito taga-labas ng subdivision. Ilang school service na ang nakita ko tapos ang iba galing sa dormitoryo. Nasa loob ng kilalang Sunrise Subdivision ang mansyon, sikat na paaralan at dormitory ito sa lungsod ng Maynila. Kakaiba rin ang hitsura ng building parang school sa ibang bansa. Nakikita ko lang ang ganitong desenyo sa mga libro. Ang cool. "M-Mouse?!" May tumawag sa akin mula sa likuran. Lumingon ako saka tinitigan siyang mabuti. "Jack?" gulat ko. Laking tuwa ko nang makita kong siya nga. "Nandito ka? Ibig sabihin, nakapasa ka sa exam?" Kulang na lang tumalon ako sa sobrang tuwa. "Teka, si Moli?" nasasabik kong tanong. Napayuko si Jack. Nagkibit-balikat. "Ako lang ang nakapasa nasa ampunan pa rin sila," malungkot niyang sagot. "Ah, gano'n ba? sayang…" "Huwag kang mag-alala, okay lang naman sila. Kinukumusta ka nga ng mga bata lalo na ni Father Morales," masayang balita ni Jack. "Talaga? Mabuti naman…" Nawala ang pag-aalala ko nang marinig kong ayos lang silang lahat. Napatitig ako sa kanya, isang buwan lang kaming hindi nagkita ni Jack pero, parang ang laki ng pinagbago niya. Parang mas tumangkad pa siya tapos humaba ng kaunti ang buhok niya. Parang nag-iba ang boses niya, lumalim at lumaki? "Sige, mauna na ako sa 'yo, nasa kabilang building lang ako, puntahan mo ko kapag kailangan mo ng tulong." "Ah sige, kita na lang tayo, bye!" Sinundan ko nang tingin ang likod ni Jack, habang naglalakad siya sa kabilang dereksyon. Ang lapad ng likod niya binatang-binata na talaga ang tindig niya. Ilang taon na nga ba si Jack? Magsi-sixteen na nga pala siya. Sa pagkatulala, hindi ko napansin ang nilalakaran ko bigla akong natisod. Pero imbes na matumba sa simento naramdaman kong may sumalo sa akin. Nakahawak ang isang kamay sa baywang ko. "Ayos ka lang ba, munting daga?" "M-mister Finn?" Laking-tuwa ko nang makita ang mukha ni Mister Finn. "A-ano pong ginagawa n'yo rito?" "Napadaan lang, gusto lang kita makitang nakasuot ng uniporme." Sabay tawa nang malakas. Hindi ko maipaliwanag pero, may kakaibang kilig akong naramdaman mula sa malambing niyang tinig. Ang saya ko! Bigla niyang napansin na hindi nakatali ang sintas ng sapatos ko. Lumuhod siya habang nakatitig ako sa ginagawa niyang pagtali ng sintas ko. Para talaga siyang isang prinsipe, dumarating sa oras ng panganib. Lumilipad na naman ang isip ko, ang dami kong na-i-imagine. Hay! Mister Finn… "Oh, 'ayan okay na!" "Salamat Mister Finn!" Sinamahan niya ako hanggang sa loob ng school building. Naka-rubber shoes kasi ako dahil wala pa akong black shoes na pangpasok. Umakyat kami sa 2nd floor. Nandoon ang silid-aralan ko hanggang sa makarating kami sa tapat ng pinto nito hindi ko siya magawang tingnan nang tuwid, nahihiya ako! Nakaka-blush. "Paano, una na ako? Nandito na ang adviser mo." Nakangiti siya habang nakatingin sa harap. "Magandang umaga, Finn." Napalingon ako nang marinig ko ang pamilyar na boses. Ang malambing at mahinhing boses babae. "Mrs. Drew!" Laking tuwa ko nang makita ko ang napakagandang si Mrs. Drew na siyang dumalaw noon sa ampunan. "Aba! Ikaw si—" "M-Mouse po! ako po si Mouse, galing po sa 'Uncle John's Orphanage'!" "Tama, ikaw nga! Mabuti naman at nakapasok ka rito. Welcome!" Ang saya ko dahil makakasama ko si Mrs. Drew. Nakakasilaw ang ngiti niya para siyang araw na nagbibigay liwanag sa madilim kong mundo. Puwera biro! Ito talaga ang nararamdaman ko. Lumulukso ang puso ko sa sobrang saya. Na-e-excite ako! Lalo akong gaganahan nito pumasok dahil siya ang adviser ko. Ito ang unang araw ko bilang highschool student, sa wakas nakatungtong na rin ako sa tunay na paaralan at makakasalamuha ang mga kaklase ko. Pero, ang buong akala ko magiging maayos at masaya ang unang araw ko, hindi pala. Matapos akong ipakilala ni Mrs. Drew, bigla akong nakaramdam ng kakaiba. Unang nakita ng mga mata ko ang kambal na Ashley at Theo. Kaklase ko pala sila. Halos lahat ng mga mata ng mga kaklase ko, nakatingin sa akin na para bang…hindi ako nabibilang sa klaseng ito. Wala man lang isang nakangiti o masayang bumati sa akin. Napansin ko ang iba, iniiwasan nilang makipag-eye contact sa akin. "Mouse, maupo kana." "Opo! Salamat po, Mrs. Drew." Humanap ako ng bakanteng upuan. May nakita akong isang upuan na walang nakaupo malapit sa pisara. Uupo na sana ako ang kaso… "May nakaupo na rito! Absent lang siya!" masungit na sabi ng kaklase kong babae. Humanap ako ng ibang bakanteng upuan. Nang makita ko ang nag-iisang upuan na sa tingin ko walang magnanais umupo rito. Naalala ko sa ampunan, palagi akong nasa harapan nakaupo pero ngayon… 'di bale, okay na ako rito kaysa wala. Lumipas ang mga oras sandaling lumabas si Mrs. Drew para puntahan ang susunod niyang klase. Habang hinihintay namin ang susunod na guro para sa susunod na subject napansin ko na, pinagtitinginan ako ng mga kaklase ko. Pakiramdam ko tuloy naiiba ako sa kanila? Pareho lang naman kaming mga estudyante rito, ah. Habang nakaupo ako sa pinakalikod katabi ng bintana. Naririnig ko sila—nagbubulungan pinag-uusapan nila ako. Iyong ngisi ni Ashley abot tainga, habang nakapangalumbaba naman ang kakambal niya sa ibabaw ng mesa. Nakaupo sila pareho sa harap. Biglang tumayo si Ashley at gumawa ng eksena. Mabuti sana kung magandang eksena, eh, kaso…halatang ako na naman ang punterya. "Classmate, alam n'yo ba kung saan galing itong si Mouse?" Ngumisi ng nakakaloko si Ashley. Lumapit siya sa harap saka dinuro ako kinabahan ako bigla. Heto na, babanat na naman siya! Sabay-sabay na sumagot ang mga kaklase ko na may nakakalokong boses. "Saan?" "Eh 'di—sa kanal! 'Di ba doon naman nakatira ang mga maruruming daga?" Narinig kong nagtawanan ang mga kaklase ko. "Hindi ko nga alam kung bakit siya inampon ni lola at uncle, e," maarte pang banat ni Ashley. Mouse kasi ang pangalan ko kaya na-gets nila kaagad ang pang-iinsulto ni Ashley. Para sa kanila isang nakakatawang biro iyon. Gusto kong takpan ang magkabilang tainga ko sa nakakarindi at nakakahiyang tawa nila. Aba! At bumuwelta pa ng isa. "Another trivia, para sa kaklase nating mabaho, marumi at nakakadiri. Si Mouse ay galing sa bahay-ampunan! In short, wala siyang mga magulang. Ulila!" Hindi ko na napigilan ang sarili ko kusang kumilos ang mga paa ko papunta sa kinatatayuan niya. Pinunasan ko ang namumuong luha sa mga mata ko at matapang ko siyang hinarap. Naghahanap talaga ng sakit ng katawan 'tong maarteng 'to, a. "Sumosobra ka na! Tama nang pang-iinsulto mo!" bulyaw ko. "Hindi ko akalaing may mga taong katulad mo, wala kang pinagkaiba sa mga nakilala kong mayayaman! Parepareho kayo!" Tinitigan ko silang lahat saka ibinalik ang tingin kay Ashley. "Lalo ka na! Kung gusto mo ng laban, hindi kita uurungan! Kahit sino sa inyo—hindi ko aatrasan!" Madalas yata akong napapaaway sa mga batang lalaki noon sa palengke. Nakataas na ang mga kamao ko, boxing-an na 'to! "N-nakita n'yo na? Taga-bundok talaga!" pagdidiin pa ni Ashley. Halata namang nanginginig ang katawan niya sa porma ko. Pero, hindi ko na itinuloy. Ibinaba ko ang mga kamay ko hinarap si Ashley, inilabas ko ang saloobin ko nang marinig niya na hindi ako basta-basta nagpapaapi. "Ang turo sa amin ni Father Morales lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng Diyos! Ano ngayon kung galing nga ako sa bahay-ampunan? Ang mahalaga…ang mahalaga ay wala akong tinatapakan na kahit sinong tao! At isa pa ikaw 'tong naunang nang-insulto sa akin, kung kinakailangang lumaban ako, lalaban ako!" Pinipigilan ko ang mga luha ko, ayokong tuluyang tumulo ang mga ito. "Tandaan n'yo, walang sino man ang may karapatang husgahan ang isang tao ayon sa pinanggalingan nito o sa hitsrua nito. Matuto kayong rumespeto ng kapwa n'yo tao!!!" Natameme silang lahat lalo na si Ashley. Tikom ang mga palad ko sa sobrang galit hindi ko mapigilan ang emosyon ko. Ubos na ang pasensya ko! Kapag hinayaan ko pa siya sa ginagawa niya, parang pinabayaan ko na rin ang sarili kong apihin ng iba. Ayoko ng ganoon, ayako sa lahat ay 'yung inaalipusta ako! Gusto kong makita nila na isa akong palaban! "Tama na 'yan! Ashley, maupo ka na!" Nataranta si Ashley sa takot nang tawagin siya ni Theo. Kaagad siyang sumunod dito. Sigurado akong napahiya rin siya sa ginawa niya. Nagbulong-bulungan ang mga kaklase ko, lahat sila matapang kong tiningnan. "Alam kong…naiiba ako dahil sa pinanggalingan ko! Ang suot kong sapatos ay iba kumpara sa makikintab n'yong mga sapatos, marami kayong bagay na wala ako pero, hindi iyon dahilan para pagtawanan at insultuhin ako!" litanya ko pa. Biglang tumayo ang mga kaklase ko't nilapitan nila ako, lahat sila ay nag-ingay at nagbigay ng kanya-kanyang opinyon. "Mouse, sorry kung tinawanan ka namin," paumanhin ng kaklase kong lalaki. "Oo nga, sorry nadala lang kami sa mga sinabi ni Ashley," sabi ng isa ko pang kaklaseng babae. "Sorry, Mouse!" sambit nilang lahat. Humingi sila ng pauminhan matapos nila akong pagtawanan ako kanina. Umiling ako at ngumiti sa kanila. "Tinatanggap ko ang sorry n'yo, kung ang Diyos nga mapagpatawad tayo pa kayang tao? Sana tanggapin n'yo ako bilang kaklase n'yo!" "Oo naman. Welcome, Mouse!" bati nilang lahat. Bumalik ako sa upuan ko, ganoon din ang mga kaklase ko. Dumating ang teacher namin, tahimik kaming lahat na parang walang nangyari. Nang matapos ang lesson kanya-kanyang bitbit ng gamit ang mga kaklase ko. Tumunog na ang bell hudyat na uwian na. Lumabas ang lahat ng mga kaklase ko maliban sa akin. Napansin ko si Ashley nauna siyang lumabas ng silid-aralan nang nakasimangot, naiwan si Theo sa loob. Wala akong balak na pansin siya kaya tuloy lang ako sa paglalagay ng notebooks ko sa loob ng bag. Nakahanda na akong lumabas ng classroom nang bigla akong harangin ni Theo, nakatitig siya nang masama. Hindi naman ako nagpatinag tinapunan ko rin siya nang palabang tingin. "Excuse me, lalabas na ako." Hinataw niya ang kamay at hinarang sa daanan ng pinto. "Ang tapang mo para sa isang babae! Ano bang nakita ni Uncle sa 'yo at pinaampon ka niya kay lola?" Ang lamig ng boses niya, parang hinukay sa ilalim ng lupa. Ang asul niyang mga mata'y parang humihiwa sa sobrang talim kung tumingin. "Wala akong ginawa! Kusang nag-alok ng tulong si Mister Finn at tinanggap ko lang naman 'yon! Ano'ng masama?" "Malalaman ko rin ang tunay mong motibo!" Sinukbit niya ang bag saka lumabas ng silid-aralan, bago tuluyang umalis huminto siya sandali't nilingon pa ako. "Hindi ko makakalimutan ang mga mata mong 'yan!" "A-Ano?" Hindi ko naintindihan ang sinasabi niyang 'motibo' at teka, nagkita na ba kami? Bakit parang sa sinabi niyang hindi niya makakalimutan ang mga mata ko'y parang may koneksyon na kaming dalawa? Grabe, ang sakit sa ulo! Hindi ko akalain na ganito ang unang araw ko bilang 1st year high school student.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD