NANG makarating ako sa malaki, malawak at napakagandang mansyon ng mga 'Lewis'. Natingala ako sa sobrang laki nito, may mga katulong na sumalubong sa amin. Nakahelera sila sa magkabilang daan patungo sa main door. Kulay Puti at napapalibutan ng mga puno at halaman ang mansyon. May dalawang palapag ito at ang ganda ng desenyo parang mansyon sa ibang bansa. May malaking fountain sa labas at napakalaking hardin na puno ng mga bulaklak.
Sa labas pa lang ng mansyon tumambad na sa mukha ko ang nakataas na kilay ng isang babae. Balot na balot ang katawan sa suot na mahaba at fit na damit. May dalawang batang kasing edad ko sa magkabilang tabi niya.
Lumapit si Mrs. Lewis at ipinakilala sila sa akin, "Siya si Miss Mendez ang mayordoma nitong mansyon at silang dalawa naman ang mga apo ko sina Theo at Ashley."
Lumapit ako at ipinakilala ang sarili ko nang buong sigla. "Kumusta? Ako nga pala si Mouse, galing sa apmunan sana maging magkaibigan tayo!"
Balak ko sana silang kamayan nang ilatag ko ang kamay ko sa harap nila. Tinapik lang ito ng batang babae tapos tinaasan niya ako ng kilay at masungit na tinitigan mula ulo hanggang paa.
"Sana tanggapin n'yo ako—"
"Hindi ka nababagay dito! Ang baho mo, amoy daga ka!" sabat ni Ashley.
Umalingawngaw sa utak ko kung paano niya ako ininsulto. Ang sakit! Bigla akong nakaramdam ng kirot sa puso ko. Bakit ganito? Hindi ko maintindihan. Bigla akong napaatras, hinawakan ako ni Mister Finn sa magkabilang balikat. Nasa likod ko siya nakaalalay sa akin.
"Simula ngayon, dito na siya titira! Gusto kong maging mabait kayo sa kanya!" saad ni Mister Finn.
"Ano? Uncle, nag-ampon kayo ni Lola ng isang marumi at panget na daga?"
"Ashley! Ayusin mo'ng bibig mo! Hindi ka nag-aaral para maging bastos!" Natahimik si Ashley nang pagalitan siya ni Mrs. Lewis.
Humarang si Mister Finn at pinagsabihan ang dalawang magkapatid. Halata ang pagkadismaya ni Ashley habang wala namang imik ang kakambal niyang si Theo.
Kahit ako biglang umurong ang dila ko't wala akong masabi sa kanila.
Pinagsabiha ni Mister Finn at Mrs. Lewis ang dalawa pero, ramdam ko pa rin ang awra ni Ashley. Mas kinabahan naman ako kay Theo. Para siyang mabangis na Leon kung makatingin. Tumindig ang balahibo ko, bigla akong nilamig, pamilyar ang awra niya sa akin. Parang nagkrus na ang landas namin? Nakatitig ang dalawa niyang asul na mga mata sa akin na parabang pinagbabantaan ako. Ano bang klaseng mansyon 'to? Tao ba talaga ang mga nakatira rito?
***
KINAGABIHAN, unang gabi at hapunan ko sa mansyon ng pamilya Lewis. Ganito pala sila kumain dito, may mahabang mesa at maraming upuan kahit lima lang silang kumakain sa hapagkainan. Nasa center chair si Mrs. Lewis at nasa magkabila niyang gilid nakaupo ang kambal. Ako naman napapagitnaan ni Mister Finn at Miss Mendez. Ang tahimik nilang kumain ni pagnguya nila hindi ko marinig.
Nakatitig lang ako sa pagkain, ang daming kutsara't tinidor hindi ko alam kung para saan ang mga 'to. Sinubukan kong gayahin ang ginagawa nila, inuna kong higupin ang sabaw pero dahil hindi ko alam kung ano'ng gagamitin kong kutsara hinawakan ko ang bowl saka hinigop ito nang mabilis.
"Wow! Kakaibang sabaw po ito Mister Finn! Ang sarap!" Naubos ko kaagad ang masarap na sabaw.
"Talaga? Mabuti at nagustuhan mo." Ngiti ni Mister Finn.
Nang mapansin ko ang iba, nakatingin sila na parang nagtataka sa ginawa ko. "B-bakit po?" Sabay tingin kay Mrs. Lewis.
"Hay naku! Marami pang dapat ituro sa batang 'to, tulad ng kagandahang asal sa hapagkainan at tamang paggamit ng mga kubyertos," sabi ni Miss Mendez.
"Alam ko. Si Finn na ang bahalang magturo sa kanya," mahinahong sabi ni Mrs. Lewis.
Sumagot naman si Mister Finn, "Ako na po ang bahala sa kanya, 'Ma."
Kitang-kita ko pagngisi ni Ashley na may kasamang pagtaas ng kilay. Hindi ko alam ang gagawin, hindi kami ganito sa ampunan. Tinapik ako sa balikat ni Mister Finn, ngumiti siya't itinuro sa akin ang dapat kong gawin. Sa malambing na boses ni Mister Finn nawala ang lahat ng alalahanin ko. Sa isang ngiti lang niya, parang nawala ang ibang taong kasama namin at kaming dalawa lang ang nasa hapagkainan. Ito ang unang gabi ko kasama si Mister Finn, hindi ko maipaliwanag pero, ang saya-saya ko.
Kahit papaano alam kong may kakampi ako.
***
SA loob ng kuwarto, inyos ko ang mga gamit ko. Nang buksan ko ang malaking bag na dala ko nakita ko ang kulay puting panyo.
Hawak ko ito nang dumungaw ako sa bintana. Tanaw na tanaw ko ang mga bituin sa langit.
Iniisip ko kung ano na kaya ang ginagawa nina Lily at ng iba pa. Kung kasama ko sila siguradong mamangha rin sila sa ganda nitong mansyon.
Ang damit ng kambal na Theo at Ashley mukhang mamahalin. Tulad sa mga kasangkapang narito na tiyak may malaking halaga.
Pero, higit sa ano pa man, narito ako sa iisang dahilan. Ang makapagtapos ng pag-aaral at matupad ko ang pangarap ko.
Babalik ako Uncle John's Orphange, pangako.
***
Kinabukasan, nahirapan akong matulog kaya heto, mahapdi ang mga mata ko dahil wala akong tulog. Tumingin ako sa orasang nasa ibabaw ng side table. Nagulat ako nang makita ang oras.
"Naku po! Alas nueve na pala ng umaga?!" Mabilis akong nagpalit ng damit at bumaba patungo sa kusina.
Pero ang weird, habang bumababa ako ng hagdan bigla akong natigil. Bakit parang ang tahimik? Dahan-dahan akong naglakad patungo sa kusina. Naroon ang mga katulong, may mabango akong naaamoy na pagkain.
Teka ngayon pa lang sila nagluto ng agahan?
"Mouse, gising ka na pala," bati ni Mister Finn, kababa lang niya ng hagdan.
"Mister Finn, nahuli po ako ng gising, pasensya na po!"
Biglang natawa si Mister Finn. "Okay lang 'yan. Dito kasi, alas nueve talaga kami kumakain ng agahan."
Inilapit ni Mister Finn ang mukha niya sa mukha ko saka tinanggal ang muta na nakadikit pa sa isang mata ko.
"Ah!!! Nakalimutan kong maghilamos!"
"Hahaha!!! Ikaw talaga!"
Mabilis akong bumalik sa itaas para pumunta sa banyo ang kaso okupado na ito. May tao na sa loob na gumagamit ng banyo. Bumaba ako ulit saka nagtungo sa ibabang banyo. Mabuti na lang at walang tao. Naghilamos ako saka nagpunas ng mukha.
Bumalik ako sa kusina, tapos nang magluto ang mga katulong. Nasa hapagkainan na ang mga niluto nila.
Nagtungo ako roon at nakita ko si Mister Finn, humihigop na ng kanyang kape.
"Maupo ka na, Mouse. Mamaya lang darating na ang iba para kumain."
Tinabihan ko si Mister Finn. "Pasensya na po, nasanay kasi ako sa bahay-ampunan na alas sais pa lang ng umaga gumigising na kami para maghanda ng almusal. Kami rin po ang gumigising sa ibang mga batang natutulog pa."
"Ah, gano'n pala. Nakakatuwa naman kayo."
Hay! Marami pa talaga akong dapat isaayos sa sarili ko lalo't wala na ako sa bahay-ampunan. Ang hirap palang manirahan sa tahanang hindi mo nakasanayan. Gano'n pa man, sisikapin kong makisalamuha sa kanila ng naayon at may paggalang.
Mayamaya dumating na rin si Mrs. Lewis at ang kambal, sumunod na rin si Miss Mendez. Nagsimula kaming kumain ng agahan. Tulad kagabi, tinitingnan ko muna sila bago kumain. Mabuti na lang at tinapay, hotdog, itlog at sopas itong alamusal. May kasama pa palang gatas na sa totoo lang, hindi ko gusto ang lasa.
"Mabuti ang gatas lalo na sa lumalaking bata gaya mo, Mouse."
Dahil sinabi ni Mister Finn, ininom ko ang gatas at wow! Masarap nga? Bakit gano'n ibang-iba ang gatas sa ampunan kaysa sa gatas dito? Siguro talagang mas masarap ang gatas ng mga mayayaman.
At heto na nga ang simula ng araw-araw na buhay ko rito sa mansyong ng pamilya Lewis.