ISANG araw bago dumating ang aampon sa akin napansin ako ni Moli, habang nagtatabas ng d**o sa bakuran ng ampunan. Nilapitan niya ako at inusisa ang ginagawa ko nang mapansin niya ang suot ko.
"Mouse, bakit butas-butas ng damit mo?" sabi ni Moli.
"Moli, ikaw pala! Nakakagulat ka naman!"
Walang sabi-sabing hinatak ni Moli ang braso ko at pinasunod sa kanya. Nagpunta kami sa loob ng kuwarto. Inilabas niya ang mga damit sa loob ng maliit na aparador at ipinasuot sa akin ang damit na itinahi pa niya.
Magaling talaga si Moli sa mga gawaing pambabae lalo na sa pananahi. Pwede na nga siya maging mananahi. Nagbihis ako at isinuot ang damit na ginawa niya na isang bestida. At least hindi ito galing sa donasyon na pinaglumaan maliban sa tela na halatang luma na.
"Salamat Moli!" Hinatak-hatak ko ang bestida na lampas tuhod ang haba. "Pero, alam mo ang totoo n'yan nalilito talaga ako…" Naupo ako sa tabi ni Moli.
"Tungkol ba sa aampon sa 'yo?"
"Oo…,"
Kalat na sa buong ampunan ang balitang may aampon sa akin syempre tingin ng iba unfair iyon. Gusto rin naman nilang may umampon sa kanila. Maiinggit ang iba at ang iba nama'y tiyak na malulungkot kapag umalis na ako. Nalilito tuloy ako kung magpapaampon ako o hindi. Naglalaban ang isip ko.
Ikinuwento ko kay Moli ang lahat ng alalahanin ko. Tahimik naman niya akong pinakinggan hanggang sa masabi ko ang lahat nang gumugulo sa isip ko. Saka niya ako binigyan ng isang matinding payo!
"Mouse, ito na ang pagkakataon mong makaalis sa ampunang ito. Ito na ang pagkakataon mong makapag-aral at makapasok sa tunay na paaralan. Siguradong pag-aaralin ka nila. Ibibigay nila ang mga pangangailangan mo na hindi maibibigay dito sa ampunan. Noon pa man sinasabi mo na… gusto mong maging malaya at magkaroon ng sariling buhay. Tingin ko hindi mo magagawa iyon kung walang tutulong sa 'yo. Kailangan mo ng isang pamilyang gagabay sa landas na tatahakin mo sa hinaharap. Lahat tayo sa ampunan iyon ang gusto! Kaya, huwag mo kaming alalahanin… masaya kami para sa 'yo, Mouse!"
"M-Moli!"
Hindi ko napigilan ang sarili ko, nag-uunahang tumulo ang mga luha ko. Sabi ko hindi na ako bata pero, heto… umiiyak ako at ngumangawa na parang isang bata sa harap ni Moli. Hindi ko mapigilan ang sarili ko!
"Salamat Moli! Maraming salamat!"
Biglang dumating si Lily, hindi ko alam na nakikinig pala sila sa tapat ng pinto. Narinig nila ang pinag-uusapan namin. Niyakap ako nang buong higpit ng bata. Umiiyak din siya at ramdam kong nalulungkot siya dahil iiwan na siya ng ate niyang daga.
"Lily, mga bata!"
"Ate, okay lang po kami magpaampon ka na po! Alalahanin mo po ang sarili mo! Ate. Masaya kami para sa 'yo!"
"Tama po si Lily, Ate Mouse…,"
Nasa bibig na ang sipon ng mga batang umiiyak, pinunasan ko iyon gamit ang manggas ng damit ko. Lahat ng mga batang malapit sa puso ko nag-iiyakan. Nalulungkot talaga ako! Pero, tama si Moli. Salamat sa kanila at mas lalong tumindi ang pagnanais kong makaalis sa ampunang ito at makita ang mundo sa labas.
"Moli, Lily, mga bata salamat sa inyong lahat… hindi ko kayo makakalimutan!"
Sa gitna ng iyakang eksena namin biglang dumating si Jack may dalang walis at daspan.
"Hoy! Tama nang drama! Marami ka pang wawalisin na tuyung dahon sa bakuran at saka hindi mo pa tapos tabasan ang mga d**o sa bakuran! Kumilos ka na bago ka pa makita ni Miss Mercedes,"
Bumalik na siya sa dating Jack na kilala ko, magkalahi sila ni Miss Mercedes—mga dragon na bumubuga ng apoy! Siya pa naman itong unang nagkumbinsi sa akin na magpaampon. Hmp!
"Alam mo panira ka talaga kahit kailan, Jack!" Mabilis kong kinuha ang walis na iniabot niya.
Inirapan niya lang ako sabay lumabas ng kuwarto. Bago tuluyang lumabas narinig ko siyang sumigaw, "Mag-iingat ka! Huwag kang magpapaapi! Umuwi ka na lang dito kung sa tingin mo hindi ka nila tanggap! Maraming nagmamahal sa 'yo rito!"
Bigla ko siyang hinabol sa labas ng kuwarto, bahagya akong napangiti sa sinabi niyang 'yon. Si Jack talaga, ayaw pa niyang aminin siguradong mami-miss din niya ang makulit na daga sa ampunang ito. Sa sobrang tuwa ko nagpadulas ako sa hawakan ng hagdan. Inunahan ko siyang bumaba hanggang sa makarating ako sa tapat ng pintuan. Masaya akong lumabas. Hawak ang walis ipinagpatuloy ko ang gawain ko sa bakuran. Nakatingala ako sa langit, nasasabik na akong makilala ang aampon sa akin. Si Mister Finn Lewis, ano kayang klase ng tao siya? Gwapo kaya siya? Baka may asawa na ang kaso wala silang anak? Hmmm… napapaisip tuloy ako.
Naisip ko tuloy kung mayaman siya katulad din kaya siya ng mga kilala kong matapobreng mayaman? Hay! Na-e-excite na ako! Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Nawala na ang pag-aalinlangan ko dahil sa suporta nilang lahat. Sa wakas, makakalaya na rin ang dagang nakakulong sa ampunan, handa na akong lakbayin ang landas patungo sa pagtupad ng mga pangarap ko!
***
ISANG magarang sasakyan na kulay itim ang pumarada sa tapat ng gate. Bumaba ang isang matangkad na lalaki at binuksan ang pinto ng kotse sa likod. Huminga nang malalim si Miss Mercedes saka niya binuksan ang pinto. Inasahan namin na matanda at isang matangkad na lalaki ang makakaharap namin pero, isang pamilyar na mukha ang sumalubong sa harap ko.
"Ah! Ang Mister sa Makati!" gulat kong sigaw may kasamang pagturo sa mukha niya.
"M-Mouse! Ang bibig mo!" Napatalon sa gulat si Miss Mercedes, dahil sa lakas ng boses ko.
"Hi!" bati ng mister.
Malaki ang ngiti ng lalaki abot tainga. Tumakbo ako sa harap ng pintuan para harapin siya. Hindi ko napansin na nasagi ko si Miss Mercedes, na-out of balance siya. Ang bilis kumilos ng lalaki tinakbo niya ang matutumbang si Miss Mercedes at sinalo niya ito nang dalawang kamay.
"Woh! Astig! Ang bilis mong kumilos, ah!" sigaw ko sa pagkamangha.
"Ikaw talaga, Mouse!" Pigil ang galit ni Miss Mercedes sa ginawa ko.
"Ah!!! Sorry po, Miss Mercedes!"
Napatakip na lamang ng mukha si Miss Mercedes, para siyang nihihilo. Inalalayan siya ng lalaki at dinala sa sofa at sa salas na lang kami nag-usap hindi na sa opisana.
"Pasensya ka na sa kapilyahan nitong si Mouse. Hay! Sumasakit ang ulo ko sa batang 'to."
"Nag-sorry na nga po, eh."
Isang malakas na tawa ang narinig namin mula sa matangkad na lalaki. "Ayos lang po, walang problema. Siya nga pala—"
"Ikaw po ba ang aampon sa akin?" atubili kong sabat hindi pa man niya natatapos ang pagsasalita.
Lumaki na naman ang butas ng ilong ni Miss Mercedes, pinandilatan na naman niya ako ng mga mata. Tinawanan lang ulit kami ng matangkad na lalaki habang naka-dekwarto sa sofa.
"Ang totoo niyan, hindi ako ang aampon sa 'yo. Anak ako ng matandang aampon sa 'yo, Mouse."
"Ah, nasaan po siya?" Sinilip ko ang pinto baka sakaling pumasok na siya sa loob.
Napatakip ng dalawang tainga si Miss Mercedes, ayaw na niya yatang marinig akong magsalita.
"Ah!!! Mister, may dumi po kayo sa pisngi!!!" bigla akong napasigaw.
Halos umangat ang pwet ni Miss Mercedes sa pagkakaupo sa sobrang gulat. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Naku! Baka tumaas ang presyon niya sa sobrang inis sa 'kin nito.
"Diyos ko! Hindi ko na talaga kaya! Sige na, ampunin n'yo na ang pasaway na batang 'to! Bahala na kayo sa kanya!"
"Miss Mercedes naman!" Inamo ko siya na parang tuta. "Lalo po kayong tatanda nang husto n'yan," saad ko pa.
"Ewan ko sa 'yo, bata ka!"
Tumawa ulit ang lalaki mukhang masayahing tao siya. Nakahawak siya sa tiyan habang pinapahiran ang luha dahil sa katatawa. Mukha ba akong payaso? Naka-nguso ko siyang tinitigan.
"Bakit po kayo tumatawa?"
"Sorry, na-cute-an lang ako sa 'yo, Mouse."
Pinilit niyang pinigilan ang tawa bago ulit nagsalita, "Nasa sasakyan ang aampon sa 'yo. Ako na raw ang kumausap sa inyo pero, siya pa rin ang pipirma sa papeles dahil hindi ako pwede binata pa ako," paliwanag ng lalaki.
Tumayo siya at personal na pinakilala ang sarili sa harap namin. Kagalang-galang ang tindig at ngayon ko lang lubos na napagmasdan may dimple pala siya sa kaliwang pisngi?
"Ako nga pala si Finn Lewis, ako 'yung sumulat sa 'yo. Ano nga palang tunay mong pangalan, Mouse?" tanong ni Mister Finn.
"Wala po akong ibang pangalan, Mouse lang po! Para daw po kasi akong daga, maliit at makulit!" pabibo kong sagot. "Ang sabi po nila tomboy daw po ako dahil sa pananamit ko pero, hindi po totoo 'yun komportable lang po talaga ako sa suot ko!"
Tumawa siya ulit. Talagang hindi na niya napigilan ang sarili sa pagtawa. Pero, habang tinititigan ko siyang tumawa lumiwanag ang paligid. Parang may nag-i-spark? Para akong dinadala sa langit, kulang na lang tubuan ako ng pakpak at sabay kaming lilipad. Hay! Mister Finn…
"Mouse! Mabuti pa ikuha mo ng maiinom si Mr. Lewis, madali ka!" pabulyaw na utos ni Miss Mercedes.
"O-opo!"
Nagtungo ako sa kusina hindi ko na narinig ang pinag-usapan nila. Matapos kong matimpla ng juice bumalik ako sa salas. Iniabot ko kay Mister Finn ang baso na may lamang juice. Nadampian ng kamay niya ang kamay kong nakahawak sa baso. Para akong nakuryente sa simpleng pagdamping iyon.
"Mouse!" Turo sa akin ni Miss Mercedes, nakaturo siya sa hawak kong baso.
"P-po?!" Saka ko lang napansin na naibuhos ko pala ang juice sa pantalon ni Mister Finn.
Mabilis siyang tumayo saka pinunasan ng panyo ang pantalon niya. Naku po! sakto sa pundilyo ng pantalon ni Mister Finn.
"M-Mister Finn. S-sorry po!"
Lalapitan ko sana siya para tulungang punasan ang pantalon kaso, bigla siyang tumalikod sa kahihiyan. Basang-basa ang pundilyo ng pantalon niya, may tapon ng juice pati sa sahig. Nataranta kaming tatlo sa salas, nagmadali akong kumuha ng trapo't ipinangpunas ko sa sahig.
"N-nasaan ang banyo?" nawiwindang na tanong ni Mr. Finn.
Agad itinuro ni Miss Mercedes kung nasaan ang banyo't dali-dali siyang nagtungo roon. Hiyang-hiya ako sa ginawa ko. Masama ang tingin sa akin ni Miss Mercedes, lagot na naman ako! Lalamunin na talaga niya ako nang buhay!
"Finn!"
Napalingon kami ni Miss Mercedes sa bulyaw ng isang matanda? Pumasok siya sa loob at nagtungo kaagad sa kinaroroonan namin.
"Bakit ang tagal? Nasaan na ang batang pinapaampon sa akin ni Finn?" may galit sa pananalita ng matandang babae.
"'Ma! Narito po ako pasensya na't natagalan ako!" Lumapit si Mister Finn.
Inakbayan niya ang matanda na tinawag niyang 'Ma'. Siya siguro ang aampon sa akin. Tama! Siya nga ang tinutukoy ni Mister Finn na matandang aampon sa akin.
"Bakit basa ang pantalon mo? Ano bang pinaggagawa mo rito?"
Napalunok-laway ako nang marinig ko ang galit na matanda. Pakiramdam ko gusto ko nang maglaho na parang bula. Tumingin sa akin sina Mister Finn at Miss Mercedes. Itinuro ako ni Miss Mercedes gamit ang nguso, napangisi na lamang ako sa harap ng matanda.
"H-hi, po?" alanganin kong bati sa matanda.May kasama pang pagkaway.
Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa, napailing ang matanda. Tumindi ang kabog ng dibdib ko. Hala, ano nang mangyayari sa buhay ko nito? Tinatawag ko na ang lahat ng santo sa langit, tulungan n'yo po ako!
"'Ma, siya po si Mouse, siya po ang batang gusto kong ipaampon sa inyo." Ipinakilala ako ni Mister Finn sa matanda.
"Kumusta po? A-ako po si Mouse, Mouse lang po."
Ngumiti ako at nayuko saka humakbang para lapitan ang matanda kaso, inisnab lang niya ako. Umiling siya saka nagsabi, "Hindi ko siya gusto! Hindi ko siya aampunin!"
"P-pero, 'Ma!"
Ipinagtanggol ako ni Mister Finn. Pilit niyang ipinaliwanag sa matanda na mabuting bata ako. Nakita ko kung gaano ka determinado si Mister Finn. Pero, matigas talaga ang matanda hindi nito pinakinggan ang mga paliwanag ng anak. Kaya, lumapit ako saka ipinagpilitan ang sarili ko na tanggapin nila. Dahil sa kagustuhan kong makaalis sa ampunang ito at makapasok sa tunay na eskwelahan—gagawin ko kahit ano! Kahit lumuhod pa ako sa paanan niya!
"Pakiusap po! Isama n'yo na po ako! Tatanggapin ko po kahit—kahit ano! Maglilinis po ako, maglalaba, magluluto. Marunong po ako ng mga gawaing bahay, sige na po gusto ko na po kasi makaalis dito!" pagmamakaawa ko sa matanda.
"Bakit mo ba gustong makaalis sa ampunang ito? Bakit hindi ba maayos ang pamamalakad dito?"
"Hindi po! Hindi po sa gano'n. Mababait po ang mga kasama ko rito. Kahit masungit po si Miss Mercedes, inaalagaan po niya kami nang maayos!" Buong tapang kong inilabas ang saloobin ko. "Si Father Morales po siya po ang gumagabay sa aming mga bata para maging mabuti kami. Isang pamilya po kami rito, mahal na mahal ko po sila! Pero…"
"Pero, ano?"
"Hindi po ako magiging malaya kung hahayaan ko lang na ikulong ang sarili ko sa lugar na 'to. Tulad po sa isang daga kung ikukulong ang daga hindi ito makakatakbo o makakalusot sa mga sulok. Pero, kapag nakatakas ang daga at malayang nakatakbo magagawa niyang lampasan ang anumang pagsubok o balakid na madadaanan niya. Gusto ko pong maging malaya, makatapos ng pag-aaral at itaguyod ang buhay ko nang maayos. Gusto ko pong matupad ang pangarap kong maging isang guro! Kaya kung may nakita man po si Mister Finn sa akin—sana po, paniwalaan n'yo po siya…"
"Hmmm…." Nag-isip ang matanda.
Sa mga sandaling iyon, katahimikan ang bumalot sa paligid. Naging seryoso ang mukha ng matanda. Tinitigan niya ako mata sa mata hindi naman ako nagpatinag. Pumalakpak si Mister Finn saka binigyan ako ng isang matamis na ngiti. Tinapik ng matanda ang balikat ni Mister Finn, may ibinulong ito sa anak. Pagkatapos, umalis ang matanda at bumalik sa loob ng kotse naiwan si Mister Finn kasama namin.
"Mouse, dadalhin ko na ang mga gamit mo! Sabi ni Mama, bahala na raw ako—ibig sabihin, tinatanggap ka na niya!"
"T-talaga po?!"
Laking tuwa ko nang sabihin iyon ni Mister Finn, mabilis akong umakyat sa kuwarto. Nagulat ako dahil nakahanda na ang mga gamit ko. Nagtulong-tulong pala sina Moli at ang iba para maiayos ang mga ito. Isang mahigpit na yakap ang ginawa namin sa isa't isa, ma-mi-miss ko silang lahat lalo na sina Lily at Moli. Binitbit ni Jack ang maleta ko tinulungan niya akong ibaba ito hanggang sa labas ng gate, sinamahan nila ako.
"Mag-iingat ka, Mouse! Huwag mo kami kalilimutan!" paalam ni Moli.
"Oo, Moli. Pangako! Palagi akong susulat sa inyo! Ipagdarasal ko rin kayo."
"Ate Mouse! Ba-bye po! Ma-mi-miss po kita, Ate Mouse!" naiiyak na nagpaalam si Lily.
Naiyak din ako nang mag-simula silang lahat na umiyak sa huling sandali niyakap ko silang lahat. Nilapitan ako ni Miss Mercedes, nakakagulat na niyakap din niya ako.
"Pakiusap Mouse, huwag kang gagawa ng kalokohan doon, a!" paalala ni Miss Mercedes.
Pinahiran niya ang mga luha ko sa mga mata. Natingala ako at tiningnan ang bahay-ampunan. Paalam 'Uncle John's Orphanage'. Salamat sa magagandang alaala! Hinabilinan ko sila na sabihan si Father Morales, hindi na kasi ako nakapagpaalam sa kanya.
Habang sakay kami ng kotse pilit kong tinatanaw sa bukas na bintana ang bahay-ampunan. Marami akong alaala sa bahay na siyang dahilan kung bakit ako nabubuhay sa ngayon. Pangako, babalik ako't sisiguraduhin kong isa na akong ganap na guro tapos—susuklian ko naman ang lahat ng ginawa ng ampunan para sa akin.