Adoption

1358 Words
NAALIMPUNGATAN ako sa liwanag ng araw na tumatama sa mga mata ko. Napamulat ako at nagtanggal ng muta—umaga na pala? Teka, nakatulog pala ako rito sa kampanaryo. Kitang-kita ko nang malapitan ang malaking kampana. Bigla akong nakarinig nang malakas na sigaw sa kung saan. "Mouse! Mouse! Nasaan ka na ba?! Mouse!" Natuon ang tingin ko sa ibaba aba! Si Miss Mercedes, kasama sina Father Morales at ang iba pa. Hinahanap nila ako? Sumigaw ako nang napakalakas para makuha ko ang atensyon nila sa ibaba. "Miss Mercedes! Father Morales!" buong puwersa kong sigaw. Napansin ako ni Lily, agad niyang hinatak ang damit ni Miss Mercedes saka itinuro ang kinaroroonan ko. Tumingala silang lahat halos lumuwa ang mga mata ni Miss Mercedes nang makita ako sa itaas ng kampanaryo. "Diyos ko po! Mouse, ano'ng ginagawa mo riyan! Bumaba ka riyan ngayon din!" natatarantang sigaw ni Miss Mercedes. Kumaway ako kitang-kita ko ang takot sa mga kilos ni Miss Mercedes. Ngayon pa lang niya ko nakita sa itaas ng kampanaryo samantalang hindi na ito bago kay Father Morales. Napapailing lang ang pari habang nakatingin sa akin si Miss Mercedes nama'y nakahawak sa dibdib halatang nenerbiyos. "Opo, nariyan na po!" sigaw kong tugon. Huminga muna ako nang malalim saka bumuntong-hininga. Nang makababa ako sa kampanaryo agad na sumalubong sa akin ang nagliliyab na mga mata ni Miss Mercedes. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Pinag-alala mo kaming lahat! Akala namin lumayas ka nang tuluyan sa ampunan. Diyos ko mahabagin! Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa 'yo!" sermon ni Miss Mercedes. Halos tumalsik ang mga tutuli ko sa tainga sa tuloy-tuloy na sermon ni Miss Mercedes. Tapos sa huli nakita kong pinahiran niya ang mga mata niya umiiyak si Miss Mercedes sa sobrang pag-aalala sa akin. Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko, tapos halata ko pa ang puyat sa mga mata niya. Na-guilty ako sa ginawa kong pagtakas sa bahay-ampunan. "Sorry po kung pinag-alala ko kayo! Hindi na po mauulit." Ngayon ko lang napatunayan na may malasakit pala si Miss Mercedes, masungit lang siya pero, may pakialam pa rin siya sa mga tulad kong nakatira sa ampunan. Pagkauwi namin sa ampunan, sinabihan ako ni Miss Mercedes na puntahan siya sa opisina. Naligo muna ako at nagbihis pagkatapos bumaba ako ng hagdan nang mapadaan ako sa bintana natanaw ko si Jack. Kahit bakasyon tuloy pa rin ang pag-aaral niya, talagang disidido siyang makatapos ng pag-aaral panalangin ko na sana, makapasa sila sa exam. Huminto ako sa tapat ng pinto kumatok saka binuksan ito paloob. "Nandito na po ako, Miss Mercedes," bati ko. Nakaupo siya sa silya kaharap ang mesa. May nakapatong na mga papeles at may sulat siyang hawak. Pinatuloy niya ako at pinaupo sa upuan, naupo naman ako't nakinig nang mabuti sa kanya. "Hindi ko na talaga alam ang gagawin sa 'yo, bata ka! Hindi ko alam kung ano'ng pumasok diyan sa isip mo at sa kampanaryo ka natulog!" humirit pa ng sermon si Miss Mercedes. "Hindi ko naman po sinasadyang makatulog doon, nakatulog lang po talaga ako! Masama po kasi ang loob ko, alam n'yo naman pong hindi ako nakapag-exam. Gusto ko lang po sanang lumanghap ng sariwang hangin ang kaso, hindi ko namalayan napapikit na pala ako. Isipin n'yo po, buong gabi? Hay! Ni hindi ko naramdaman ang guto—" "Sabihin mo kung tapos ka nang dumaldal!" biglang sabat ni Miss Mercedes. Nakapangalumbaba siya at nakatitig sa akin halatang hindi niya gustong makinig sa paliwanag ko. Napaka-unfair niya talaga! Minsan talaga hindi patas ang mga matatanda! Kaya heto, tumahimik na lang ako't bahagyang nayuko. "Sulat 'yan, basahin mo." Iniabot ni Miss Mercedes ang hawak niyang sulat sa akin. "Alam ko naman po na sulat ito," pilosopo kong bulong. Nagsimula na namang tumaas ang isang kilay ni Miss Mercedes kaya binasa ko na ang sulat nang malakas bago pa siya bumuga ng apoy. "Dear Mouse, nais kong ipaalam—" "Basahin mo nang tahimik!" sigaw niya na may kasamang paghataw sa mesa. "Nakakagulat naman po kayo! Heto na po, babasahin ko na po nang tahimik." Napasapo na lamang si Miss Mercedes sa mukha sabay napasandal sa sandalan ng upuan. Dear Mouse, Nais kong ipaalam sa 'yo na nais kitang ampunin. Nakita ko ang determinasyon sa mga mata mo. Ang pagnanais mong makapagtapos ng pag-aaral ang nagbigay sa akin ng dahilan para ampunin ka. Nais kong malaman mo na handa akong tulungan ka. Matatag kang bata, malakas ang loob. Kaya sana, pagdating namin ay malugod mo kaming salubungin. Ako nga pala si Finn Lewis ang tatayong tagapanglaga mo. Tawagin mo na lang akong poging Finn hehe, biro lang. Ang ibang detalye ay personal kong ipapaalam sa 'yo kapag nagkita na tayo. Ihanda mo rin ang sarili mo, nasasabik na akong makita ka. Sige, hanggang dito na lang muna. Nagmamahal, Finn Lewis Matapos kong bashin ang sulat punong-puno ng pagtataka ang isip ko. Totoo ba 'to? May gustong umampon sa akin? Imbes na matuwa ako, nakaramdam ako ng pangamba. Napahawak ako sa aking dibdib, ang lakas ng t***k ng puso ko. "Oh ano'ng masasabi mo, Mouse?" usisa ni Miss Mercedes. "Isa lamang po itong panaginip, Miss Mercedes," malungkot kong sagot. Itinupi ko ang sulat saka ibinalik sa loob ng sobre. Lumabas ako sa opisina ni Miss Mercedes na puno nang pagtataka. Finn Lewis? Sino ka siya? Bakit niya ako gustong ampunin? Narinig kong bumukas ang pinto galing sa opisina ni Miss Mercedes, lumabas siya't sinundan ako. "Mouse, sa darating na Linggo ang dating ng aampon sa 'yo kaya maghanda ka na!" paalala ni Miss Mercedes na nasa unang baitang ng hagdan. Tumango lang ako bilang sagot, dumeretso ako sa kuwarto't dumungaw sa bintana. Nakita ko ang mga batang naglalaro sa ibaba, pinagmasdan ko sila't napansin nila ako't bigla silang kumaway. Alam ko sa sarili ko na, gustong-gusto kong makatapos ng pag-aaral at ito na ang hinihintay kong pagkakataon pero, iniisip ko rin ang mga bata rito sa ampunan. Nalulungkot ako dahil, maiiwan sila rito habang ako'y nasa tahanan ng aampon sa akin. "Iniisip mo ang mga maiiwan mo rito?" Napalingon ako nang makarinig ako ng tinig mula sa likod, si Jack? Hindi ko namalayang pumasok pala siya sa kuwarto't nakasandal lang sa pader malapit sa pintuan. "Kukunin ko sana ang laruan ni Lily, pinapakuha kasi niya sa akin." Itinaas ni Jack ang kamay niyang may hawak sa manika ni Lily. "Kanina ka pa? Hindi man lang kita napansin?" pagtataka ko. Bumuntong-hininga siya't humarap sa pinto, hinawakan niya ang doorknob saka pinihit ito palabas. Bago tuluyang umalis lumingon siya't binigyan ako ng isang—ngiti? "Tuparin mo ang pangarap mo pagkatapos bumalik ka rito saka mo tulungan ang mga batang nangangailangan," mahinahon niyang wika na siyang kinagulat ko. "Jack, sandali! Aalis ka rin ba? Hindi ka ba malulungkot na iiwan mo sila?" Napahawak ako sa laylayan ng damit ni Jack, napayuko ako't nakaramdam ng sakit sa dibdib. "Ang totoo n'yan gusto ko na talagang makaalis sa bahay-ampunang 'to! Gusto kong tuparin ang pangarap ko! Gusto ko ring maranasan ang maayos na buhay, kahit hindi ako yumanan dahil ayaw ko naman talagang yumanan. Ang tanging hangad ko'y maging malaya! Alam kong hindi ko 'yun magagawa kung mananatili ako rito pero, ang mga bata…" pagtatapat ko kay Jack. "Siguradong maiintindihan nila!" tipid na sagot ni Jack, sabay labas ng kuwarto't isinara ang pinto. Naiwan ako sa loob, pakiramdam ko ibang Jack ang kausap ko kanina, para siyang nakatatanda kong kapatid na lalaki. Isa siyang kuya sa aming lahat dito sa ampunan. Sinundan ko siya sa labas naabutan ko siyang nakasandal sa dingding ang akala ko bumaba na siya hinintay pa rin pala niya akong lumabas ng kuwarto. "Isa pa pala, kung nag-aalala ka kay Lily, huwag kang mag-alala susulatan kita't padadalhan ng litrato kaagad kapag natuloy ang pag-ampon sa kanya." Alam na alam talaga niya ang nasa isip ko ngayon. Ayoko sanang umalis dito sa ampunan nang hindi nakikita ng sarili kong mga mata ang pag-ampon kay Lily. Pero dahil kay Jack, naging panatag ang loob ko. Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ko bago tumingin kay Jack saka ngumiti. "Salamat, Jack." Ngayon, handa na talaga akong lisanin ang ampunang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD