Chapter 19:
Nang malaman ni Red ang nangyari at parehas silang may kinikimkim na galit kay Zac ay nakumbinse siya ng bandido na makipagtulungan sa kaniya.
Ang pagpapakilala palang niya bilang isang bandido ay patunay na sinsero siya at pursigidong gawin ang lahat para patayin ang kaaway niya. Sabi nga nila, ang kaaway ng kaaway mo ay dapat kaibiganin mo.
"Maghahati tayo sa dugo at maaari kalang lumabas ng dungeon kapag nakaalis na ako." Ito ang nag-iisang kondisyon ng bandido. Wala pa rin siyang tiwala sa bandido pero dahil sa kalagayan niya at ang pagkauhaw sa paghiganti kay Zac ay pumayag din siya.
"Ako ang bahala sa malapitan at ikaw ang aatake ng malayuan para suportahan ako." Saad ng bandido at tumalon ito pasugod kay Zac.
Pagtapak sa sahig ay tumakbo ng mabilis ang bandido pasugod at ang nasa likod niya namang si Red ay bumuo ng malaking Fire Ball.
Palapit ng palapit sa kaniya ang malaking pigura ng bandido. Itinapat ni Zac ang palad niya sa kalaban at tumalon ito ng malakas pasugod.
Habang nakalutang sa ere ay ginamit ni Zac ang kaniyang Frigid Qi. May maliit na yelo ang namuo sa palad niya, maliit man at mukhang mahina ay parang walang hanggan naman ang taglay nitong lakas, siguradong kapag pinakawalan at ini-atake ito ay malaki ang magiging pinsala.
Inihagis niya ang maliit na frigid Qi sa bandido. Ang pasugod na bandidong parang walang makakapigil ay biglang bumwelo at sinuntok ang maliit na Frigid Qi.
Nawasak ang Frigid Qi at bigla itong sumabog. Tinamaan ang bandido at nabalot siya ng yelo, pero makalipas lang ang ilang sandali ay biglang nalusaw ang yelo kaya nakaabante ulit siya pasugod at nakarating sa harap ni Zac.
Imbis na gamitan ng malakas na suntok ay bayolente niyang hinawakan sa leeg si Zac tiyaka ito sinakal paitaas. Kakahawak palang pero ramdam na ramdam na agad ng bandido ang matinding init sa kamay niyang nakasakal.
Kinaladkad niya si Zac gamit ang leeg nito at hinanap ang kasama. Nang makita niya ang kinaroroonan ng kasama ay may halos limang metrong apoy na ang nasa harap ng palad nito.
Kahit hindi sinabi ay alam na ni Red ang plano ng bandido. Pinakawalan niya ang atake at ang malaking fire ball na susunog sa lahat ay dumiretso sa direksiyon nila.
Bumwelo ang bandido at ibinato ng malakas na parang bola si Zac sa papalapit na malaking fire ball. Kahit na delikado ang sitwasyon ng binata habang papalapit ng papalapit ang katawan sa fire ball ay kalmado pa rin siya at parang sinasabi niya pa na hindi ito sapat para mapatay siya.
Isang malakas na pagsabog ang yumanig sa ikatlong palapag nang tumama ang katawan niya sa fire ball. Ngunit ang inaasahan nilang mangyari ay hindi naganap.
Nang tumama ang katawan ni Zac ay binalot niya ng evil energy ang sarili at mabilis nitong binutas ang apoy. At dahil sa lakas ng bato ng bandido sa kaniya ay sobrang bilis niya na para siyang bala ng baril na pinaputok.
Nang sumabog ang fire ball ay hindi siya nadamay dito at hindi huminto sa ere ang katawan niya, dire-diretso lang ang katawan niya papunta sa direksiyon ni Red.
"Paanong dumiretso pa rin siya sa'kin?" Hindi makapaniwala si Red sa nakita. Kahit na may alam siya tungkol sa evil race ay hindi siya masyadong pamilyar sa iba pang kapangyarihan nila. Matagal na ring naubos ang mga evil kaya wala ring punto ang pag-aaral ng maigi sa race na ito.
'Mahina pa ang katawan ko at kahit isang atake lang galing sa kaniya ang matanggap ko ay hindi ko kakayanin.'
Tumakbo sa kabilang pwesto si Red. Hindi niya kakayanin ang harapin si Zac ngayon dahil sa kalagayan niya, ngunit kung alam niya ang totoong kayang gawin ni Zac habang nasa evil form niya ay siguradong hindi niya matatanggap na wala siyang laban sa binata kahit na nasa perpektong kalagayan pa siya.
May namuong patulis na yelo sa kamay ni Zac at isinaksak niya ito sa sahig para pigilan ang pagtalsik niya. Diniinan niya pa lalo ang saksak at ilang segundo lang ang nakalipas ay tuluyan na siyang huminto sa pagtalsik.
Tumayo siya at tatakbo na sana para sugurin si Red. Nang biglang sumulpot ang isang higante sa harap niya at binigyan siya ng malakas na suntok sa dibdib.
Tumalsik ang buong katawan ni Zac at bumaon ito sa pader. Hindi pa nakakagalaw ang binata ay may limang matutulis na kuko agad ang tumusok sa dibdib niya at hinila ito palabas.
"Hehe. Sa wakas!" Masayang sambit ng bandido habang nasa palad niya ang pusong dinukot kay Zac. Tama, dinukot niya ang puso ni Zac.
Sige. Tatanggapin ko na kaya mo pang mabuhay kahit pugutan ka ng ulo, pero paano kung ang puso mo na ang wasakin ko?
"May gusto kabang sabihin bago ka mamaalam sa mundong 'to?" Pang-a-asar niya sa binata. Ngunit binigyan lang siya ni Zac ng malamig na tingin.
"Tsk! Mamamatay kana pero ganiyan pa rin ang mga tingin mo? Hindi mo pa rin alam kung saan ka lulugar." Galit na wika nito at dinurog ang puso ni Zac.
Napapikit ang mga mata ng binata nang durugin nito ang puso niya. Kahit ang mga itim na bagay na bumabalot sa katawan niya ay biglang nawala at ang aura niya ay unti-unting naglaho na tila ay namatay ito.
"Hahahahaha! Namatay nga siya!" Tuwang-tuwa ang bandido. Noong una ay hindi rin siya sigurado kung mamamatay ba talaga ang binata kapag nawasak ang puso nito dahil sa nangyari kanina. Pero ngayon ay sigurado na siya, kahit sinong nilalang ay may puso at kapag nadurog ito o nawasak ay isa lang ang kahahantungan nila, kamatayan.
'Masiyado akong nag-iisip ng hindi maganda kanina.'
Nilapitan niya ang katawang nakalubog sa pader ni Zac na wala ng buhay. Kumuha siya ng kutsilyo at maliit na bote sa pouch niya.
Hiniwa niya ang tiyan ni Zac at pinatulo ang dugo nito sa boteng hawak niya. Habang masayang kumukuha ng dugo ang bandido ay matiwasay lang na nakatayo si Red sa malayo.
Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari. Kaya naman hindi pa siya lumalapit at hinayaan lang ang bandido na kumuha ng dugo ni Zac.
Ang ngiti sa labi ng bandido ay abot tenga nang makitang malapit nang mapuno ang bote.
"Gamit to ay mas tataas ang pos---." Masayang sambit ng bandido habang ini-imagine ang magiging hinaharap niya sa grupo nila pero bigla siyang napahinto ng may maramdamang mana sa harap niya.
Biglang gumalaw ang walang buhay na katawan ni Zac. Nabalot ng itim na usok ang katawan niya at binigyan ng malakas na suntok sa dibdib ang bandido.
Mabilis ang reaksyon ng bandido. Nang mapansin niya ang kakaibang pangyayari sa harapan niya ay agad siyang kumilos.
Nasalag niya ang suntok ni Zac gamit ang kanang braso niya. Pero pagdikit ng kamao ni Zac ay nanlamig ang braso ng bandido at nabalot ito ng yelo.
Pagsuntok ni Zac ay lumikha ito ng malakas na pwersa. Kaharap niya ang bandido at pagkasuntok na pagkasuntok niya ay iniharang niya ang paa niya sa likod ng paa ng bandido para patirin ito.
Alam ng binata na hindi tatalsik sa lakas ng suntok niya ang bandido dahil sa taglay nitong pisikal na lakas. Napatid niya ang bandido at pabagsak itong napahiga sa sahig.
Pagbagsak ng likod niya ay nanlaki ang mga mata niya sa takot ng makaramdam siya ng matinding sakit. Pagtingin niya sa kanang braso niyang balot pa rin ng yelo ay nanlumo siya nang makitang hawak ito ni Zac.
Umatras ang bandido at mabilis na isinarado ang malaking sugat niya.
"Ha? Paano natin mapapatay ang halimaw na to?" Hinihingal niyang tanong sa kasama. Kanina ay pinugutan niya na ng ulo si Zac pero nabuhay pa rin ito, ngayon namang winasak niya ang puso nito ay buhay pa rin siya.
Bakas sa mukha ng bandido ang pagkadismaya at lumbay. Hawak niya na ang kayamanan kanina pero isa lang pala itong patibong.
Kahit si Zac na nasa kabilang banda ay hindi makapaniwala sa nararamdaman niya ngayon.
'Bakit hindi ko na nararamdaman ang puso ko? Paano ako nabubuhay ng walang puso?'
Kanina sa malakas na pagsabog noong nawasak ang buong katawan niya ay nadamay ang kaniyang puso. Kaya alam niya na kaya niyang makaligtas kahit na mawasak ang puso niya.
Ang isang bagay na ikinagulat niya lang ay hindi niya na maramdaman ang puso niya kagaya ng kanina.
"A-atake ako gamit ang buong lakas ko. Dagdagan mo ng mana mo ang gagawin kong pag-atake." Magkatabi ang dalawa. Hindi tumanggi ang bandido sa balak gawin ni Red pagkatapos makita ang mga himalang nangyari.
'Kung kaya niyang mabuhay kahit walang puso at walang ulo ay hindi ako naniniwalang kaya niya pang mabuhay kung magawa naming mapalaho ang buong katawan niya sa isang atake.'
Lumikha ng malaking fire ball si Red. Halos sampong metro ang laki nito at nagtataglay ito ng kapangyarihan na wasakin ang lahat ng haharang dito.
Ang bandido ay nakatayo sa gilid at itinapat niya ang palad sa fire ball. Lumiwanag ang palad niya at dumiretso ito sa fire ball, parang pagkain ng apoy ang mana at bawat absorba nito sa mana ay lalo pa itong lumalakas.
Ang buong katawan ni Zac ay nanginig sa delikadong aura na nararamdaman niya sa fire ball.
Sinubukang pigilan ng binata ang dalawa sa kanilang atake. "Hindi ako aabot! Masiyado akong malayo sa kanila."
"Bahala na. Kung maramdaman agad ng iba ang aura ng evil mana ko." Dalawang uri ang mana na kayang gamitin ni Zac. Ang isa ay ang kapangyarihan ng evil mana niya kapag nasa Evil Form at ang uri na ito ay ilang beses na mas malakas sa normal niyang mana.
Kanina ay ginamit na niya ang evil mana ngunit kaunti lang ito at sinigurado niyang walang mga eksperto sa Edo ang makakaramdam nito. Hindi niya pa alam kung gaano kalakas ang isang rank 5 kaya naman mas nag-iingat siya at inisip na kapag gumamit siya ng malaking evil mana ay mararamdaman nila ito.
"Frigid Qi!" Sambit ni Zac at ang palad niya ay nakatapat sa fire ball na hanggang ngayon ay lalo pang lumalakas.
Namuo ang maliit na bilog na crystal na yelo sa palad niya. Ginamitan niya rin ito ng evil mana at ang crystal na yelo ay medyo umitim, ang inilalabas din nitong delikadong aura ay mas lalong lumakas.
Kagaya ng ginagawa ng dalawa ay pinalakas niya pang lalo ang atake gamit ang mana niya. Kahit hindi lumalaki ang Frigid Qi ay ramdam ng dalawa ang lalo pang lumalakas na aura nito.
"Halimaw! Bakit ko hinabol ang isang halimaw na kagaya niya?" Namumuo na ang mga pawis sa noo ng bandido na naglalaho rin agad dahil sa matinding init ng fire ball. Bakas sa mukha niya ang kaunting pagsisisi.
Iniatras ni Zac ang isang paa niya at pumorma na parang tatakbo. Paggalaw ng paa niya ay bigla siyang naglaho sa kinatatayuan at napunta sa harapan nila mga dalawampong metro ang layo habang nasa palad pa rin ang Frigid qi.
Mabilis na um-aksyon si Red at iniatake kay Zac ang fire ball. Kahit na napakabilis ng pagsugod ng binata ay mahaba-haba pa rin ang oras niya kaya nakareak agad siya.
Sa harapan ni Zac ay ang higanteng fire ball. Itinapat niya ang palad niyang may frigid qi at nang magdikit ang mga ito ay biglang huminto ang fire ball at nabalot ng itim na crystal na yelo.
Sa kabilang banda ay makikita ang nakaluhod na si Red. Sobrang lalim ng bawat hinga niya at bakas sa mukha ang matinding pagod. Noong nagkamalay siya ay binigyan lang siya ng bandido ng sapat na mana para magkaroon ng malay at makalaban saglit, pero noong simula palang ng laban ay buong lakas niya na agad ang ginagamit niya sa mga atake. Kaya ang kapiranggot na mana ay mabilis ding naubos.
Sa tabi naman ni Red ay ang mala-higanteng bandido na nakatayo. Ang mga paa niya ay nanginginig sa pagod. Ibinuhos niya na ang lahat ng mana niya para sa atakeng pinakawalan ni Red. Kung hindi pa mamamatay si Zac sa atake nila ay siguradong katapusan na nila.
Ang fire ball na binuo nila gamit ang mga huling mana ay hindi na gumagalaw. Nang makita nila kung gaano kadaling pinigilan ng Frigid Qi ang fire ball ay umukit sa mukha nila ang kawalan ng pag-asa.
'Natalo ako? Papatayin niya ba ako?' isip ng nakatulalang si Red. Hindi niya matanggap na kanina lang ay kaya niyang patayin si Zac ng walang kahirap-hirap gamit ang tunay niyang lakas. Ngayon kahit gamitin niya ang buong lakas ay wala na siyang magagawa.
....
Sa ika-apat na palapag ng dungeon ay may isang nilalang ang nakabalot ng itim na roba ang katawan.
"Hehe. Hihintayin ko ang pagbabalik mo sa Edo." Saad ng isang matandang lalaki at sa kanang kamay niya ay hawak niya ang walang malay na si Kaito.
Nabalot ng itim na usok ang paligid niya at noong maglaho ito ay bigla ring nawala ang pigura ng dalawa sa kaninang kinatatayuan.
....
Si Rodger ang leader ng flame Faction ay mabilis na papunta ngayon sa Edo Dungeon. Kanina ay hindi niya binigyan ng masiyadong pansin ang mga nangyayari kahit na alam niyang hinabol ni Red si Zac sa dungeon kahit may malaking tiyansa na patibong ito, dahil alam niya ang tunay na lakas na taglay ni Red.
Sa hindi niya malamang dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng masamang kutob at hindi siya mapakali kaya naman dali-dali siyang nagtungo sa dungeon.
....
Sa ikatlong palapag ng dungeon ay nakatayo si Zac sa harap ng dalawa. Kahit na alam nilang hawak na ng binata ang mga buhay nila at pwede sila nitong patayin kahit anong oras ay hindi pa rin nila piniling pasabugin ang kanilang mga mana core, umaasa na makakaligtas pa sila.
Isa pa, ang rank 4 na kagaya nila ay maibebenta ng binata sa malaking halaga ng ginto kapag ginawa niya silang alipin kaya malaki ang posibilidad na hindi sila papatayin ni Zac.
Mas gugustuhin naman ng dalawa na maging alipin kesa sa mamatay. Kapag namatay sila ay wala na silang magagawa, hindi kagaya ng pagiging alipin na pwedeng magkaroon ng kalayaan sa hinaharap.
Sinakal ni Zac pataas si Red at pinakiramdaman ang mana core niya. Nang mahanap ni Zac ang lokasyon ng mana core sa tiyan ng binata ay dinukot niya ito ng walang pag-aalinlangan.
"H-ha? T-totoo ba talaga ang mga impormasyon na kaya nilang kumain ng mana core?" Kinabahan ang lalaking bandido ng makita niya ang ginawa ni Zac. Sa harapan niya ay nakatayo ang binata at nakanganga ito habang nasa tapat ng bunganga niya ang mana core.
Kinain ito ni Zac at nilunok. Naabsorba niya ang mana ng mana core ni Red at ang mana core niyang punong-puno na ay nagawa na ring wasakin ang ika-apat na mana core na nakakadena.
Inabsorba ng mana core niya ang kakabukas lang na mana core at lalo itong lumaki. Nang matapos sa pag-absorba ang mana core niya ngayon ay mas lalo pa itong lumaki, nagkaroon din ito ng tatlong harang pataas sa loob ng mana core na parang pader para pigilang mapuno agad ang mana core niya.
Ang tatlong harang na 'yon ay ang tatlong stage ng rank 4. Ang early stage, mid stage, at ang peak stage.
"Sandali! Pwede mo akong gawing alipin, gagawin ko ang lahat ng gusto mo! Huwag mo lang akong papatayin!" Pagmamakaawa niya sa binata tiyaka lumuhod.
"Sige. Mas maayos ang may alipin." Saad ni Zac na nakapagpahinga ng maluwag sa bandido. Matagal na siyang nabubuhay at marami na siyang karanasan, alam niya kung kailan niya dapat at hindi dapat iyuko ang ulo.
Idinikit ni Zac ang palad sa dibdib ng bandido. Ngunit ang dapat na kadenang marka na mamumuo sa katawan niya ay hindi lumabas.
"Huh?" Gulat ang bandido ng biglang may matutulis na kuko ang pumasok sa tiyan niya. Dinukot ni Zac ang kamay niya at makikita dito ang isang mana core.
Kinain niya ito kagaya ng kanina.
Kaninang rank 3 palang siya habang nasa evil form ay kaya niya na makipagsabayan sa rank 4 mid stage, pero kung hindi niya ito nautakan ay baka mas nahirapan siya.
"Ngayong tuluyan nang naging rank 4 ang antas ng lakas ko ay kaya ko na sigurong makipagsabayan sa mga rank 4 peak stage." Ngunit ang inaasahang paglakas lalo ni Zac sa pagkain ng mana core ng mid stage ay hindi nangyari.
Pakiramdam niya ay ganun pa rin siya kagaya ng kanina, walang pinagbago ang lakas niya.
"Hindi kaya rank 4 ang limitasyon ng low ranked evil?" Napaisip ang binata sa posibleng dahilan nang hindi niya paglakas.
Kung tutuusin ay posible ngang rank 4 ang pinakalimit ng low ranked evil. Kung kahit ang low rank ay walang limitasyon siguradong matatalo ng evil race ang lahat ng lumabang race sa kanila.
"Ngayong rank 4 na ako ay pwede na akong bumalik sa normal kong anyo." Saad ng binata at ang evil mana sa katawan niya ay unti-unting nawala. Kahit ang katawan niya ay biglang humina ng ilang beses.
....
Nang matapos sa pagbalik sa dati ang anyo ni Zac ay sakto namang dumating ang leader ng flame Faction.
"Red?" Nanlumo siya sa nakitang bangkay ni Red at dinirekta niya ang tingin niya sa binatang nakatayo sa tabi nito.
"Zac? Pinatay mo ang magiging pinuno ng Flame Faction sa hinaharap. Ako, si Rodger ay tatapusin ka bilang kabayaran sa ginawa mo!" Galit na deklara nito at isinantabi na niya sa isipan ang Guild Master.
Naglabas siya ng aura. Aura na hinding-hindi kakayanin ni Zac kahit na maging rank 4 peak stage pa siya gamit ang kaniyang evil form.
(Finished)