Chapter 15

2458 Words
Chapter 15: Ilang araw na ang makalipas ng maganap ang pag-atake ng dalawa sa Wolf Faction. Madami ang nagulat dahil sa ang maingat at malakas na factiong kakaangat lang sa pwesto ay bigla agad nawasak sa loob lang ng isang gabi. Ang mas ikinagulat pang balita ng lahat at hindi nila agad pinaniwalaan ay dalawa lang ang miyembro ng nasabing faction na umatake, ang Undying faction. Tinapos nila ang lahat ng miyembro ng Wolf Faction. Bali-balita rin na may matinding hinanakit ang isang miyembro ng Undying Faction sa isang mataas na miyembro ng Wolf Faction, kaya nila inatake ito. Hindi rin nagtagal ay kumalat ang identity ng dalawa, si Zac at Kaito. .... North District, Main Building of Flame Faction Sa meeting room ng mga nakatataas ay seryoso nilang pinag-uusapan ang tungkol sa isang mahalagang bagay. "Malaki ang ginastos natin para makuha ang side ng Wolf Faction, tapos gan'on lang ang mangyayari!" Galit na napahampas sa lamesa si Rodger. Bakas din sa noo niya ang mga ugat at ang mga nakakuyom niyang kamay ay nagliliyab sa galit, patunay na galit na galit talaga ito. Kung hindi matibay ang materyal na pinaggawan ng lamesa ay siguradong kanina pa ito nasunog at naging abo. "Leader, bakit hindi ko nalang tapusin si Zac? Pakiramdam ko ay sinadya niyang gawin 'yon sa Wolf Faction para galitin tayo." Suhestiyon ng binatang si Red. Ang inaakala niyang leader na matutuwa sa suhestiyon niya ay lalo pang sumabog sa galit. "Manahimik ka!" Sigaw niya sa binata. "Hindi ba't may galit si Kaito sa Mister Ru na 'yon dahil sa ginawa nito sa kapatid niya? Kaya sa tingin ko ay nasakto lang ang mga pangyayari at minalas lang talaga tayo." Wika ng Vice Leader na nagpababa ng galit ni Rodger, tuwing pumapasok sa isip niya na sinadya itong gawin ni Zac at Kaito laban sa kanila ay kumukulo ang dugo niya sa galit. "Sa tingin ko ay maganda ang suhestiyon ni Red. Bata pa si Zac at siguradong rank 3 na rin siya kaya nagawa niyang paslangin ang leader ng Wolf Faction, pero kung hindi pa nga siya rank 3 at isa palang rank 2 ay mas lalo tayong dapat mag-ingat sa kaniya sa hinaharap. Lalo na 'pag mas lumakas na siya." Saad ng Elder. Nagulat ang tatlo sa sinabi nito, siya ang laging kumokontra sa mga balak ni Red dati lalo na kapag may gagawin siyang kalokohan, kaya hindi sila makapaniwala sa sinabi nitong pagsang-ayon.. "Isipin niyo, kung sa pagpaplano palang ay nagawa niyang tumapos ng higit na mas malakas sa kaniya, paano kung tumanda pa siya at mas lalong lumakas? Sigurado ba tayo na hindi niya babalikan ang ginawa ni Red sa kaniya dati? Kapag lumaki na lalo ang Undying Faction nila at kahit hindi man natin sila maging kapantay ay meron pa rin siyang malaking bantay sa likod, ang Adventurer's Guild." "Kapag lumaki ang Faction nila at humingi ng tulong sa Adventurer's Guild para maghiganti ay hindi natin ito kakayanin, kahit na sabihin nating nagkaroon ng himala at nagawa nating makaligtas, sa tingin niyo hahayaan nalang ng mga kakumpitensiya nating ilang taong nagbalak na agawin ang pwesto natin para lang makabangon ulit tayo?" Natahimik ang dalawang Leader sa sinabi ng Elder. Tama ang lahat ng sinabi nito at malaking potensyal na problema nga ang binata, pero kapag ginalaw nila si Zac ay siguradong ibubunton sa kanila ng Guild Master ang galit nito. Kahit hindi ganoon ka importante sa kaniya si Zac at walang masiyadong benepisyo ay siguradong aatake ang guild Master dahil sa dignidad nito. Nagsabi na siya na 'wag galawin si Zac, pero ginalaw pa rin nila? Hindi ba at parang hinahamon nila ang Guild Master. "Sa tingin ko ay mas maganda kung tatapusin natin ang problema kay Zac at sa Guild Master hangga't maaga pa. Hindi naman siguro lalaban hanggang kamatayan ang Guild Master para lang sa isang kagaya ni Zac." .... Palubog na ang araw nang lumabas si Zac na nakaporma. Nakasuot siya ng puting long sleeve na gawa sa magandang tela, pantalong itim, at naka sapatos din siya. Mayroon din siyang suot na relo. Suot niya rin ang gintong singsing na ibinigay sa kaniya ng Guild Master. Papunta siya ngayon sa Guild at bawat nakakasalubong niyang babae ay hindi mapigilang mapatingin sa kaniya. Nang makarating sa guild si Zac ay dumiretso siya sa receptionist. Nilapitan niya si Fae at kinausap ito. "Fae, anong oras ka matatapos sa trabaho mo?" Nahihiyang tanong ni Zac kay Fae at bakas din sa pisngi niya ang kaunting pamumula. Kahit sinong babae ay macu-cute-an sa ekspresyon ng binata. "Bakit mo naman natanong Zac?" Tanong ni Fae kahit alam niya kung ano ang iniisip ni Zac. Marami ang nagtatangkang manligaw sa kaniya at ang iba ay kagayang-kagaya ng ginawa ngayon ni Zac. Pero 'di tulad ng iba ay nagustuhan niya ang ekspresyon ng binata. Kung tutuusin ay mas matanda ng ilang taon si Fae at pwede na siyang maging ate ni Zac pero sabi nga nila, kapag nagustuhan mo ay hindi mo na papansinin ang edad nito, kahit mas matanda pa siya sa'yo ng kaunti. "Ano. may gagawin kaba mamaya?" Tanong ulit niya at hindi sinagot ang tanong ng babae. "Uhm. Wala naman. Bakit aayain mo ba ako ng date? haha." Lalong namula ang pisngi ni Zac at napatingin ito sa gilid para hindi mapansin ng babae, pero saktong pagtagilid niya ay narinig niya ulit ang tawa ni Fae. "Mamayang alas siyete ay dadating na ang papalit sa'kin sa gabi, at oo, wala na akong iba pang gagawin." Sagot ni Fae sa binata. Hindi ngumiti si Zac pero nakita ng babae sa ekspresyon niya na parang natuwa ito sa sagot niya. Tinignan ni Zac ang suot niyang relo. "Alas-sais na pala. Hintayin na kita." Saad ni Zac at umupo siya sa isang bakanteng lamesa na medyo malayo sa ibang mga adventurer. .... Isang oras ang lumipas ay natapos na nga si Fae sa kaniyang trabaho. "Sandali lang Zac ha. Magbibihis lang ako sa taas." Paalam ng babae at patakbo siyang umakyat sa hagdanan. Kahit si Fae ay excited sa pag-aya ni Zac ng date. Tatlumpong minuto na ang lumipas ay hindi pa rin nakakababa ang babae. Kaya pinagmasdan na muna ni Zac ang mga adventurer na masayang nag-iinom at nagki-kwentuhan na 'kala mo ay nasa palengke sila. Habang pinagmamasdan niya ang mga adventurer ay tumaas ang kilay niya. Sa isang direksiyon ay napatingin ang mga adventurer at napanganga pa sila sa gulat, kahit may langaw na pumasok sa mga bibig nila ay hindi nila mapapansin sa sobrang gulat. Sinundan ni Zac ng tingin ang tinitignan nila at napunta sa hagdan ang tingin niya. Sa hagdan ay may naglalakad na magandang babae. Nakasuot siya ng asul na dress na bumagay sa mga mata niyang parang dagat sa sobrang asul, mayroon din siyang suot na kwintas na gawa sa ginto. Napakaganda niya at kahit na sino ay mamamangha sa kaniya, kaya hindi na nakakagulat na si Red, isang henyo ng isa sa tatlong pinakamalakas na Faction ay patay na patay sa kaniya. Ngumiti si Zac at sinalubong ang babae. Lumakad ang binata sa tabi ni Fae. Pagtabi niya sa babae ay may naramdaman siyang kakaibang bagay kaya napatingin siya sa paligid niya, paglibot niya ng tingin ay sinalubong siya ng mga titig ng mga adventurer na para bang gusto nilang patayin si Zac sa inggit. Hindi na pinansin ng binata ang mga nakatingin at lumabas na ng Guild. Habang naglalakad sila ay nagtanong bigla si Zac. "Gusto mo bang kumain muna?" Tanong niya sa babae. Kakagaling lang nito sa trabaho at baka pagod pa siya kaya naman baka nagugutom ito. "Hindi pa naman ako nagugutom." Pagtanggi ni Fae. "Ikaw ba? Gusto mong kumain muna?" Tanong niya bigla sa binata. "May alam akong lugar na may magandang tanawin." Sambit ni Zac. Matagal nang namumuhay si Fae sa Edo kaya kabisado niya na ang bawat lugar dito, kahit ang iba pang mga distrito ay nabisita niya na. Isa siyang receptionist ng Guild kaya kahit magulo ang ibang distrito ay hindi siya ginagalaw ng mga tao doon. "Sige." Sagot ni Fae at inipit ang braso niya sa braso ni Zac. Namula ulit ang pisngi ng binata dahil sa ginawa niya at nang makita niyang namula ang pisngi nito ay hindi niya mapigilan ang mapangiti. 'Ang inosente niya haha.' Lumakad patungong South District ang dalawa. Ang isa sa mga faction dito ay may itinayong park kung saan pwedeng maglibang ang mga tao sa ganda ng paligid. Ang park ay puno ng mga nakatayong puno at mararamdaman mo talaga sa paligid na para kang nasa gubat kung saan presko ang hangin. Marami ang upuang gawa sa bato ang nakatayo sa bawat paligid, kaya kahit saan ka magpunta ay may upuan kang mapagpapahingahan kapag napagod ka, sa kalagitnaan naman ng parang kagubatan na park ay may isang lawa, sariling gawang lawa ng mga tao. Pumunta sila malapit sa harap ng lawa at umupo sa upuan. Pinagmasdan nila ang mga taong nagbababad ng paa sa lawa habang masayang nag-uusap. "May kinakasama kana ba Fae?" Tanong ni Zac sa babae. Hindi niya inaasahan na bigla siyang tatanungin ng ganito kaya nagulat siya. "W-wala. Wala pa akong natitipuhan." Sagot ng babae. Pagkasabi niya ng wala pa akong natitipuhan ay biglang namula ang mga pisngi niya na lalong nagpaganda sa kaniya. 'Wala pa rin ba siya?' Pasimpleng pinagmasdan ng binata ang paligid para hanapin ang inaasahan niyang susulpot na tao. Nag-usap ang dalawa at nagkwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay. Madalas ay tumatawa ang babae at hindi nito mapigilang hampasin ng mahina sa balikat si Zac. .... Sa hindi kalayuan sa kinaroroonan nila Zac ay may isang pigura ang nakaupo sa isang upuan. Pinagmamasdan niya ang dalawa na masayang nagki-kwentuhan at nagtatawanan. "Kailan mo lang siya nakilala pero pumayag ka agad na lumabas kasama siya! Samantalang ako, ginawa ko ang lahat, maraming beses ko rin ibinaba ang dignidad ko para sa'yo. Kaya bakit lagi mo pa rin akong tinatanggihan?" Mapapansin sa noo niya ang mga ugat na namumuo sa galit. Ang mga ngipin niya rin ay siguradong kanina pa nadurog kung hindi ito matibay dahil sa kakangitngit niya ng ngipin. Ang binatang ito ay si Red. May mga tauhan si Red na patagong nagbabantay sa pinakamamahal niyang si Fae. Kaya nang lumabas siya kasama si Zac ay agad siyang nasabihan at sinundan sila. Iba na ang sitwasyon ngayon at hindi niya na pwedeng basta-basta nalang galawin si Zac kaya nagtitimpi siya at pinipigilan ang sarili. Kanina rin ay napagdesisyonan nilang hindi galawin si Zac. Masiyadong delikado ang suhestiyon ni Red at ng Elder. Nang makita niyang masayang tumatawa si Fae kasama si Zac ay parang gumuho ang mundo niya. Pakiramdam niya ay hindi patas sa kaniya ang mundo. Bakit siya na matagal nang nandiyan para kay Fae, siya na handang ibigay ang lahat para sa kaniya, siya na handang ibaba ang abot langit sa taas niyang dignidad ay hindi pinili? Ako dapat ang kasama niyang tumatawa, hindi ikaw Zac! Kailan kalang niya nakilala! Kailan kalang dumating sa Edo! Kaya bakit? May hitsura naman ako, malakas ako, mayaman, talentado, kaya bakit siya pa rin? Ilang beses na kitang inaya? Ilang beses na halos magmakaawa pa ako sa'yo para lang tanggapin mo ang pag-ibig ko. "Hahahaha." Hindi mapigilang matawa ng binata. Alam niya sa sarili niya na masama siya at hindi mabuting tao. Kaya minsan pumapasok sa isip niya na deserba niya ang mga nangyayari. "Paano kung tapusin ko nalang kaya si Zac? Kapag nawala na siya ay mawawala na rin ang nararamdaman ni Fae para sa kaniya." Ngunit habang nagbabalak ng masama ang binata ay narinig niya nanaman bigla ang mga katagang laging sinasabi ng kaniyang itay. 'Red, kailangan ay maging mabuting tao ka. Lahat ng kabutihang ginagawa mo ay may kapalit.' "Maging mabuti? Hindi ba't naging mabuti tayo sa kanila buong buhay natin? Kaya bakit nila tayo inatake para sa kayamanan natin? Iyan ba ang sinasabi mong kapalit ng mga kabutihan natin? Hahaha." Galit na sabi ni Red habang dinuduro-duro pa ang hangin sa harap niya. Ang mga taong malapit sa kaniya na nakaupo sa paligid ay napatingin sa kaniya at nagsilayo, akala nila ay nababaliw na ang binata. 'Pero bakit ganoon? Noong mabuti pa ako ay masaya ako, pero ang kinalabasan noon ay ang pagkawala ng pamilya ko, ang pagkawala ng lahat. Kaya ngayong masama na ako at kinasusuklaman ng lahat, bakit? Bakit hindi pa rin ako masaya?!' 'Ano ba ang dapat kong gawin? Delubyo ang pagiging mabuti, at kinasasakiman naman ng lahat ang pagiging demonyo ko.' Nakasabunot na si Red sa ulo niya gamit ang dalawang kamay. Lalo siyang nagmukhang baliw sa paningin ng mga tao. Hindi mapakali ang binata at hindi rin siya makapag-isip ng maayos sa sobrang sakit na dinaramdam niya ngayon. Totoong mahal niya si Fae at ilang beses niya nang ibinaba ang dignidad niya para dito, pero kahit ganoon ay hindi pa rin maganda ang tingin sa kaniya ng babae. Para bang kahit anong gawin niya ay hinding-hindi na siya nito magugustuhan. "Haaa! Haaa! Haaa!" Biglang nahirapan sa paghinga ang binata. Bigla siyang nawalan ng gana sa lahat ng bagay. Para bang wala na sa mundong ito ang makakapagpasaya sa kaniya o makakapagparamdam ng kahit na ano. Habang humihinga ng malalim si Red para maging maayos ang paghinga niya ay napatingin sa direksiyon niya si Zac. Kanina pa niya napansin na nandito si Red, ni hindi niya tinatago ang presensiya niya kaya kahit sinong rank 3 ay madaling mapapansin ang presensiya niya. Tinignan niya si Red, ang mga mata niya ay medyo pula na at parang durog na durog siya ngayon. Nang maramdaman ni Red ang pagtitig ni Zac ay binigyan niya ito ng masamang tingin. Nang magkatinginan ang dalawa ay ibinalik ni Zac ang tingin niya sa babae. Hinawakan niya ang pisngi ni Fae at dahan-dahang inilapit ang mukha niya sa mukha nito. Nang hawakan ni Zac ang pisngi ni Fae ay bigla siyang namula. Habang papalapit ng papalapit ang mukha ng binata sa mukha niya ay hindi naman siya lumaban, bagkus ay ipinikit pa niya ang mga mata niya. Pagpikit niya ay naramdaman niya ang malambot na labi na dumikit sa mga labi niya. Pagkatapos siyang halikan ni Zac sa labi ay hinalikan niya ulit sa noo ang babae. 'Ganito ang ginagawa ng mga kaklase kong may mga karelasyon sa room. At sa reaksyon ni Fae ay mukhang gumana naman ito.' isip ni Zac. Sa silid nila sa dati niyang school ay may ilang mga kaklase niya ang nakikipaghalikan sa mga karelasyon nila tuwing wala ang kanilang mga teacher. Nang makita ni Red ang ginawa ni Zac sa harap niya ay tuluyan na siyang nawalan ng kontrol sa sarili, ginamit niya ang buong lakas niya at sinugod si Zac. (Finished)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD