Chapter 16
Hindi na napigilan pang itago ni Red ang matinding galit na kinikimkim niya pagkatapos makita ang huling bagay na ginawa ni Zac kay Fae.
Nabalot ng apoy ang buong katawan niya. Ang mga punong kahit ilang metro ang layo sa kaniya ay nagsisunog, ang mga katabi ng mga punong nasusunog ay hindi nakaligtas at nadamay din.
"Zac! Papatayin kita!" Galit na banta nito at mabilis na tumakbo pasugod kay Zac.
Naramdaman ni Fae ang biglaang pag-init ng paligid. Lalo itong palakas ng palakas pero hindi niya agad pinansin.
Noong una ay hindi ito pinansin ng babae pero nung marinig niya ang sigaw ni Red ay napalingon siya sa pinanggalingan nito.
Bumungad sa harap niya mga limang metro ang nag-aapoy na si Red sa galit. Ang flame faction ay kilala sa kanilang pagiging bayolente, ngunit kapag umabot na sa punto na kusa nang nabalot ng apoy ang katawan nila ay malalaman mong tuluyan na talaga silang napuno.
Ilang metro pa ang layo ni Red ng humarap sa kaniya si Fae. Pagharap ni Fae ay mas lalo niyang naramdaman ang matinding init sa katawan nang makalapit ang binata.
Kusang gumalaw ang mga braso ni Fae para harangan ang mukha niya. Nasusunog ang mga balat niya at kapag hindi niya prinotektahan ang mukha niya ay masusunog ito at masisira ang maganda niyang mukha.
"Red?" Tawag ni Fae pero mapapansin sa tono ng pananalita niya ang kaunting inis. Kanina lang ay tahimik silang nag-uusap ni Zac at masayang nagbibiruan, tapos bigla siyang susulpot na parang gusto niyang pumatay.
Napahinto bigla si Red nang makita niya ang babaeng mahal niya na nasusunog ang balat. Pero lalo siyang nasaktan ng marinig niya ang tono ng pagtawag sa kaniya nito.
Kahit malungkot ay pinilit niyang ikinalma ang sarili. Umatras siya at ang bayolenteng apoy na bumabalot sa katawan niya ay unti-unting naglaho.
Habang nakatingin sa kaniya ng masama ang babae ay nakita niya rin si Zac sa likod nito na nakangiti sa kaniya. Ngiting mapang-insulto na unti-unting nagbabalik ng galit niya.
"Red, ano nanaman ang kailangan mo at gumagawa ka nanaman ng eskandalo?" Mahinang tanong ni Fae pero ang mga tingin na ibinibigay nito kay Red ay ikinadurog nito at lalo niyang ikinahina.
Lulungkot. Magagalit. Lulungkot. Magagalit. Lulungkot. Magagalit.
Iyan ang emosyon na paulit-ulit niyang nararamdaman. Napahawak si Red sa bandang dibdib ng suot niyang roba, pakiramdam niya ay napasabak siya sa isang matinding laban at nahihirapan siya sa bawat paghinga niya ng malalim.
Pumunta sa harap ni Fae si Zac na parang po-protektahan niya ito at nagsalita. "Red, pwede bang lubayan mo na kami? Masaya na si Fae at alam mo naman na ayaw niya sa'yo. Bakit ba ipinagpipilitan mo ang 'yong sarili?"
Nang marinig ni Red ang sinabi ni Zac ay tuluyang nagdilim ang buong paligid. Nilamon na siya ng galit at isa lang ang isinagot niya.
"Wala na akong pakialam. Tatapusin kita ngayon na kahit anong mangyari." Galit na sigaw niya at nabalot ng apoy si Red na ilang beses pang mas matindi ang init kumpara sa kanina.
Kahit malayo pa si Zac ay nararamdaman niya ang pagkadelikado ng apoy.
"Fae, dito kalang." Bulong ni Zac at binalot niya ng Frigid Qi ang buong paligid ng babae. Pero ang taas nito ay walang harang na yelo kaya madali siyang makakatakas dito, ngunit madali rin siyang maaatake ni Red kung nanaisin nito.
Tumalon ng mataas si Zac paatras. Habang nasa ere ay binalot niya ng ilang makapal na pader na yelo ang paligid ni Red.
Pagkatayo ng mga yelong pader ay mabilis na tumakbo palayo ang binata.
Ang mga tao sa paligid ay mabilis na tumakas kanina ng maramdaman nila ang matinding apoy na inilalabas ni Red. Kaya walang nadamay sa kanila.
Itinapat ni Red ang palad niya sa ilang yelong pader na nasa harapan niya. Namuo ang pabilog na apoy sa palad niya at ini-atake ito sa mga pader. Pagdikit palang ng apoy ay mabilis na nalusaw ang isa dito.
Ilang segundo matapos ang pagpakawala niya ng apoy ay bigla itong sumabog ng malakas at nabalot ng apoy ang buong paligid. Nang mawala ang itim na usok galing sa sumabog na apoy ay makikitang ang mga nagtataasang yelong pader kanina na parang hindi mawawasak kahit anong mangyari ay biglang naglaho na parang bula.
Ngunit pagtingin niya sa paligid ay si Fae lang ang nakita niya. Nakahiga ito sa isang sulok at walang malay, kung wala ang yelong bumalot sa babae ay baka tinamaan na ito ng apoy na sumabog na pwedeng magresulta ng pagkamatay niya.
Binigyan niya lang ng isang malungkot na tingin si Fae at mabilis na tumakbo papunta sa isang direksiyon. Kahit hindi niya nakikita si Zac ay nararamdaman niya naman ang presensiya nito.
Takbo siya ng takbo gamit ang buong lakas niya, pero kahit anong bilis niya ay hindi nababawasan ang distansiya sa pagitan nila.
Ngunit kahit parang walang resulta ang paghabol ay hindi siya huminto. Isinumpa niya na sa kaniyang puso na kailangan niyang patayin si Zac, kung hindi niya mapapatay ngayon ang binata ay magtatanim ito ng isang bagay sa kaniyang isipan na hinding-hindi niya makakalimutan.
'Ininsulto niya ako ng harap-harapan at wala akong nagawa.' Paano nalang kung gawin niya ulit 'yon sa hinaharap at wala ulit akong magawa? Lalayo nalang ba ako at gagawin ang lahat para hindi ko siya makasalubong o makita?
At kapag tumatak nga ito sa kaniyang isipan ay iisipin niyang mas mababa siya kumpara sa binata at magiging imposible sa kaniya ang maging mas malakas dito. Kaya mahihirapan siyang pataasin pa ang ranggo niya at maaaring mahinto siya sa kasalukuyan niyang ranggo habang buhay.
Kaya kahit anong mangyari ay dapat niyang tapusin si Zac, kahit na kamunghian pa siya ng babaeng mahal niya habang buhay.
Habol ng habol si Red hanggang sa makarating siya sa tarangkahan ng Edo. Naramdaman niya ang presensiya nitong medyo malayo pero nakuha niya na agad ang balak gawin ni Zac.
"Plano mo 'kong tapusin sa dungeon? Isang mahinang kagaya mo nagpaplano laban sa'kin?" Galit na ibinagsak ni Red ang paa niya sa lupa at ipinokus ang mga mana niya. Tumalon siya ng mataas at ang bilis nito ay ilang beses pang mas mabilis kumpara sa kaninang pagtakbo niya.
Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa nakahabol na siya at nakikita niya na ang pigura ni Zac na mabilis tumatakbo, ni hindi ito lumilingon na parang kampante siyang hindi titigil sa paghabol si Red.
Kahit mabilis na paliit ng paliit ang distansiya nila ay kalmado pa rin ang binata. Napangiti pa siya ng makita sa harap niya ang dungeon.
Pumasok siya sa dungeon. Ilang segundo pagpasok niya ay nakahabol agad si Red sa kaniya. Naghabulan sila ng naghabulan hanggang sa makarating sila sa ikalawang palapag ng dungeon.
Ang binatang kanina pa tumatakbo ay tuluyan ng huminto at malamig na tinitigan ang papalapit na pigura ni Red.
Lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo papunta kay Zac. Habang tumatakbo ay namula at unti-unting naging apoy ang mga kamay niya.
Nang makalapit ay inambahan niya ng suntok ang nakatayong si Zac. Pagsuntok ng kamay niya ay kalmadong itinapat ni Zac ang palad niya sa papalapit na kamao.
Tumama ang kamao ni Red at nagulat siya dahil ang inaakala niyang palad ng kalaban na masusunog ay hindi nasunog, bagkus ay naramdaman niya ang panlalamig at paninigas ng nakakuyom niyang kamao.
Tumalon paatras si Red at tinignan ang kanang kamao niya na nabalot ng yelo. Habang nakatingin dito ay bigla namang namula ang kamay niya at naging apoy ito na mabilis lumusaw sa yelo.
"Flame Dragon." Bigkas ni Red at itinapat niya ang palad sa binata.
May maliit na apoy ang namumuo, hindi lang ito basta apoy, ang apoy na'to ay naging hugis dragon sa huli at palaki ito ng palaki. Nang maging halos dalawang metro ang laki nito ay para itong isang dragon na kayang wasakin ang lahat ng nasa harap nito.
"GROAAAAAR!" Para bang may buhay ang dragon at kahit ang pagroar lang nito ay may kapangyarihan na bigyan ng matinding pressure ang mga rank 1 na tao o halimaw.
Bayolenteng umangat baba ang pakpak ng dragon at lumipad pasugod kay Zac na parang gusto nitong lamunin ng buhay ang binata.
Maikli lang ang distansiya nila kaya ilang segundo palang ang nakalipas ay nasa harapan na ni Zac ang apoy na dragon.
Itinapat niya ang palad sa apoy na dragon at marami ang naglalakihan at mahahabang mga patulis na yelo ang namuo sa paligid niya.
Gumalaw ang mga patalim na yelo sa paligid ni Zac at mabilis dumiretso sa papalapit na dragon. Unang tumama ang isang yelo sa dibdib ng dragon pero makalipas lang ang ilang sandali ay nalusaw ito.
Pero no'ng tumama ang ikalawa, ikatlo at ang marami pang yelo ay napahinto ang dragon at makikita ang katawan nitong mabilis lumiliit at humihina. Makalipas lang ang ilang sandali ay naging halos isang metro nalang ang laki ng dragon at puro saksak ng mga yelong patalim ang katawan nito.
Ang kaninang apoy na dragon na kayang wasakin ang kahit na ano ay biglang nanghina at walang magawa sa harap ng maraming patalim na yelo.
Kahit puro saksak na ng yelo ang apoy na dragon ay hindi pa rin huminto sa pag-atake si Zac hanggang sa tuluyan na itong maglaho.
'Kung magtutuloy ang ganitong laban ay hindi kami matatapos.'
Kahit na mukhang madali ang pagtapos ni Zac sa apoy na dragon ay napagamit pa din siya ng ilang mana, kung magtatagal ang laban at maging laban ng paramihan ng mana ay baka hindi siya manalo sa matagal ng rank 3 na si Red.
'Kailangan na nilang lumabas.' isip ni Zac at tineleport niya ang ilang pigura sa likod niya.
Anim na pigura ang biglang sumulpot sa likod ni Zac. Isa sa mga ito si Kaito at sa likod niya ay may limang bandido. Bawat isa sa kanila ay may taglay na lakas ng rank 2.
"Kaito. Kagaya ng plano." Panimula ni Zac sa nasa likod habang nakatingin pa rin sa nasa harap na si Red. Tumabi si Kaito sa kaniya at tumango ito bilang tugon.
"Nagsama kapa ng anim na rank 2? Sa tingin mo ay may magagawa sila laban sa'kin? Minamaliit mo ako!" Galit na wika ni Red, pakiramdam niya ay ini-insulto nito ang lakas niya. Sinugod niya ang grupo ni Zac.
"Flame dragon!" Bigkas ni Red at may apoy na dragon ang namuo sa tabi niya. Pagkabuo ng dalawang metrong apoy na dragon ay nagsalita ulit siya.
"Flame Dragon!" At isa nanamang apoy na dragon ang namuo.
Ang dalawang dragon ay bayolenteng sinugod si Zac. Tumalon ng mataas patagilid ang binata para makuha ang atensiyon ng dragon, palayo sa anim na kasama.
Pero ang mga apoy na dragon na inaasahan ni Zac na hahabol sa kaniya ay hindi sumulpot. Dumiretso ito sa anim niyang kasama.
"Haha! Sa tingin mo ay hindi ko alam ang binabalak mo? Balak mo akong talunin gamit ang mas madami niyong bilang?" Tumatawa ito habang nakatingin kay Zac. Binigyan niya ng tingin si Zac na parang nahulog ito sa bitag niya, pero ng makita niya ang ekspresyon ni Zac na nakangiti ay bigla siyang kinutuban ng hindi maganda.
Habang nasa ere ang binata ay nakangiti siya at nakatapat ang palad niya sa direksiyon ni Red. Mabilis na namuo ang maraming bilang ng mga yelong patalim sa paligid niya at inatake ang nasa babang binata.
Nang makita ang maraming patalim na yelong mabilis tatama sa kaniyang direksiyon ay iniharap niya ang kaniyang dalawang palad sa direksiyon ng mga yelo.
"Wall of flame!" Bigkas nito at may namuong apoy na pader sa harapan niya. Kahit gawa ito sa apoy ay mukang napakatibay nito at hindi mawawasak ng basta-basta.
Tumama ang mga patalim na yelo sa apoy na pader. Ang mga unang atake ay walang masiyadong naging resulta pero dahil sa tuloy-tuloy ang atake ni Zac at kahit hanggang ngayon ay may mga yelo pa rin ang namumuo sa paligid niya.
Unti-unting lumiliit ang apoy na pader at nagkakaroon na rin ito ng bitak. Nang tumama pa ang ilang patalim na yelo ay tuluyan na nga itong nasira.
"Tsk!" Bago pa nasira ang apoy na pader ay tinawag niya na ang dalawang apoy na dragon. Kaya nang mawasak ito ay nasa harap niya na ang mga dragon para salagin ang atake, at hindi na nga natuloy ang pag-atake ng dragon sa anim na kasama ni Zac.
"Tsk! Kapag inatake ko ang mga kasama niya ay gagamitin niya ang buong lakas niya para atakihin ako! Ni hindi niya sinubukang protektahan ang mga kasama niya at parang handa pa siyang isakripisyo sila para lang mapuruhan niya ako!"
Habang sinasalag ng dalawang dragon ang parang walang katapusang bilang ng mga patalim na yelo ay may naramdaman sa paligid si Red.
Sa gilid niya ay may naramdaman siyang mga mana na naiipon sa isang lugar. Sinulyapan niya ang pinanggalingan nito at nakita ang limang bandido na nakataas ang mga kamay at may namumuong malaking pabilog na tubig sa taas nila.
Ilang metro ang laki ng nakabilog na tubig at maraming mana ang mararamdaman dito. Inatake nila kay Red ang nakapabilog na tubig, ang tubig ay ang kahinaan ng apoy kaya pinili ni Kaito ang limang bandido na kayang magmanipula ng elementong tubig.
Puno na ang kamay ni Red at kapag gumamit siya ng kapangyarihan niya para salagin ang papalapit na tubig ay siguradong mababawasan ang konsentrasyon niya sa mga yelong sinasalag at gagamitin ni Zac ang pagkakataon na 'yon para puruhan siya.
"Humanda kayo 'pag napatay ko na ang boss niyo." Galit nitong binalutan ng apoy ang sarili at sinalo nalang ang atake ng limang bandido.
Nang tumama ang tubig sa katawan niya ay nabawasan ito ng kaunti bago tumama dahil sa apoy na bumabalot sa katawan niya at wala ring naging masiyadong damage sa kaniya. Pero nagsayang siya ng ekstra mana at hindi ito maganda kapag buwis buhay na silang naglaban ni Zac.
"H-ha?" Napatingin ulit sa limang bandido si Red ng maramdaman niyang may namumuo nanamang pabilog na tubig. Kagaya ng kanina ay inatake nila ito sa binata.
Napangitngit ng ngipin si Red at binalot ulit ng apoy ang kaniyang katawan. Nang tumama ang tubig ay halos wala ulit siyang natanggap na damage pero ang mana niya ay mas lalong nabawasan dahil dito.
'Kailangan ko silang patayin agad kahit anong mangyari! Kapag nagpatuloy 'to ay siguradong unti-unting mauubos ang mana ko.' isip ni Red at aatakihin niya na sana ang limang bandido at balak gumamit ng malaking mana para salagin ang atake ni Zac ng pansamantala.
Pero bago niya magawa ang plano ay bigla niyang naramdaman sa tabi ang presensiya ng limang bandido. Nakatuon ang halos lahat ng atensiyon ni Red sa mga atake ni Zac, kaya kahit rank 2 lang ang mga bandido ay hindi niya agad napansin na nakalapit na pala sila.
Sa 'di kalayuan ay makikita ang pigura ni Kaito na nakatayo at pinagmamasdan ang limang bandido.
"Pasabugin niyo ang mga mana core niyo." Bulong ng binatilyo at gamit ang mana niya ay patagong natanggap ng limang bandido ang utos niya.
Bumakas sa mukha ng mga bandido ang pagtutol sa utos sa kanila ngunit kahit gan'on ay sinunod pa rin nila ito sa huli.
Pinasabog nila ang kanilang mga mana core habang nasa tabi ni Red. Hindi agad nakapaghanda ang binata dahil sa bilis ng pangyayari kaya hindi niya naprotektahan ang sarili sa malakas na pagsabog ng limang mana core ng mga bandido.
Lumikha ng malakas na shockwave ang pagsabog at tumalsik palayo si Red. Pero bago tumalsik palayo ay maraming patalim na yelo na ang tumama sa katawan niya.
Nang matapos ang pagsabog ng limang mana core ay biglang nabalot ng itim na usok at alikabok ang buong paligid. Ang mga punong kahit malayo sa kanila ay tinamaan ng malakas na pwersa na ikinawasak nila.
Naglaho na ang itim na usok at mga alikabok sa paligid. Sa tabi ng isang malayong puno na pinagtalsikan niya na hindi inabot ng malakas na pwersang nilikha ng pagsabog ay nakahiga ang duguang katawan ni Red.
Sa dibdib niya ay may nakatusok na patalim na yelo, pati sa tiyan niya at balikat ay meron. Halos may tama lahat ang buong katawan niya at basang-basa siya ng mga dugo niyang nagsisitulo sa mga sugat.
"Ano kaya ang matatanggap kong reward sa pagpatay sa'yo." Nang matanggap ni Zac ang misyon sa sistema niya ay lagi siyang napapa-isip kung ano ang matatanggap niyang reward nito.
Hinang-hina si Red. Pinilit niyang imulat ang mga mata niya at tinitigan ng masama si Zac. Kahit halos mamatay na siya ay nagawa niya pa rin itong bigyan ng matinding galit na tingin, para bang hindi niya na mapapatawad pa si Zac.
May namuong patalim na yelo sa palad ni Zac at kinuha niya ito.
Isinaksak niya ito sa ulo ni Red para tuluyan ng tapusin ang binata. Ngunit bago niya tuluyang maisaksak ang patalim ay biglang naramdaman niya ang isang aura. Nanlaki ang mga mata niya at gumuhit sa kaniyang mukha ang matinding takot. Takot na ngayon niya lang ulit naramdaman.
"Teleport." Napunta siya sa ikatlong palapag kasama si Kaito.
(Finished)