Chapter 17:
Hindi makapaniwala si Zac sa kaniyang naramdaman. Nang tatapusin niya na si Red ay biglang nagliwanag ang katawan nito at may mga marka sa mukha niya ang namuo, kakaibang marka na hindi niya pa nakita, pero makalipas ang ilang sandali ay nagkahiwa-hiwa ito na parang basong mababasag na.
Nang mawasak at maglaho ang marka sa mukha niya ay lumabas ang aura ni Red na ikinatakot ng binata. Aura na napakalakas at nakakasindak, pakiramdam niya ay isa siyang mortal na nasa harap ng isang higanteng halimaw.
Kapangyarihang parang walang katapusan. Sigurado si Zac na hindi rank 3 ang taglay na lakas ni Red ng mawasak ang kakaibang marka sa mukha niya. Siya mismo ay nasa pinakalimit na ng rank 3 at kung ikukumpara 'yon sa aura na naramdaman niya kay Red ay talagang napakalayo nila.
Kaya isang konklusyon lang ang pumasok sa kaniyang isipan.
"Rank 4?" Hiningal ang binata kasama si Kaito sa tabi niya. Naramdaman niya palang ang aura ni Red ay nakaramdam agad siya ng matinding pressure na ikinapagod ng kaunti ng katawan niya.
"Pero imposible! Bakit kanina ay rank 3 lang ang gamit niya? Halos mamatay na rin siya sa mga atake namin." Dalawang beses ng nagamit ni Zac ang kaniyang teleport na dumagdag pa sa kaniyang iisipin.
"Ito ba ang ibig sabihin ng matandang manghuhula?"
'Pangalawa ay may mamamatay dahil sa kapabayaan mo.'
May mamamatay dahil sa kapabayaan ko. Hindi kaya si Kaito talaga ang tinutukoy?
Napatingin si Zac kay Kaito ng maalala niya ang sinabi ng matanda.
'Sa pangalawa, huwag mong paniniwalaan ang nakikita mo, huwag kang gagawa ng bagay na hindi ka sigurado.'
Kung tutuusin ay perpekto nga ang plano ko laban kay Red.
Pero kung alam ko lang na rank 4 talaga siya ay hindi ko na sana plinano pa ang pagtapos sa buhay niya para sa reward.
"Malaki ang posibilidad na rank 4 na si Red. At wala rin namang maitutulong si Kaito kaya mas maganda kung papaalisin ko na muna siya."
Napangitngit ng ngipin si Zac at nagsalita. "Siguradong alam niya ang presensiya ng mana ko at kahit magtago ako sa sikretong silid ng dungeon ay makikita niya ako kapag ikinalat niya sa buong dungeon ang kaniyang mana para hanapin ako."
Rank 3 palang si Zac ay napakalaki na ng kaya niyang pakiramdam sa paligid lalo na kapag ginamitan niya ito ng mana. Kaya siguradong ang rank 4 na kagaya ni Red ay may mas malaking sakop kumpara sa kaniya at siguradong mahahanap din nito ang pinagtataguan niya, kaya mas maganda kung harapin niya na lang si Red at hindi ipaalam ang lokasyon ng sikretong silid ng dungeon.
Ang pag-akyat naman sa ika-apat na palapag ay delikado. Kahit hindi kasing dami ng bandido sa ikatlong palapag ang bilang nila ay may ilan pa rin ang mga naninirahan dito. Kapag nalaman nilang may gulo at hinahabol si Zac ng isang rank 4 adventurer ay siguradong gagamitin pa nila ang kasalukuyang sitwasyon ni Zac para makuha ang simpatya ni Red o maging kaibigan nila ito.
Ang pagkakaroon ng kakilala o kaibigang rank 4 para sa mga bandido ay isang napakalaking biyaya na magpapadali sa buhay nila.
Idagdag pa ang mga rank 3 na halimaw na namumuhay sa ika-apat na palapag.
"Kaito, magtago ka muna sa ika-apat na palapag. Alam mo naman na kung paano umakyat doon." Utos ni Zac kay Kaito. Naramdaman din ng binatilyo ang kasindak-sindak na inilabas na aura ni Red. Kung hindi siya tineleport ni Zac ay baka hindi na siya nakagalaw sa sobrang lakas ng pressure ni Red.
"Masusunod. Hihintayin kita sa taas, Zac." Makikita sa mga mata ni Kaito ang pag-aalala. Kumilos na ang binatilyo at nagtungo sa isang direksiyon.
"Kailangan kong ihanda ang mga goblin at orc."
....
Sa ikalawang palapag ng dungeon ay nakahiga si Red. Ang katawan niyang puno ng sugat ay mabilis na nagsigalingan, pakiramdam niya ay walang katapusan ang kapangyarihan sa loob ng katawan niya.
"Ang seal ay nawasak? ZAAAAAC!" Galit na sigaw niya. Sa pagsigaw niya palang ay nawasak at nagsiliparan palayo ang mga puno dahil sa pwersang inilabas niya.
Mapapansin na mas lumaki pa lalo ang galit niya ng matanggal ang sinabi niyang seal, para bang isang malaking sikreto niya ang ibinunyag ni Zac.
Ngunit kahit galit ay biglang nakaramdam ng kakaibang sensasyon sa paligid si Red na ikinagulat niya. Ang lahat ng presensiya ng mga halimaw sa buong ikalawang palapag ay biglang naglaho.
Kahit nagulat ay mabilis bumalik sa sarili ang binata. Tumakbo siya ng napakabilis, kahit ang kaninang paggamit niya ng ekstra mana sa mga paa niya no'ng tumalon-talon siya ng mataas para mahabol si Zac ay hindi maikukumpara sa bilis niya ngayon.
Ilang sandali lang ang nakalipas ay narating niya na agad ang lokasyon para umakyat sa ikatlong palapag.
Pag-akyat niya sa ikatlong palapag ay nanlaki ng kaunti ang mga mata niya. Ang kaninang mga presensiya na biglang naglaho sa ikalawang palapag ay nararamdaman niya na ngayon.
Hindi lang 'yon, may daan-daang presensiya rin siyang nararamdaman na maihahalintulad sa antas ng lakas ng mga rank 2. Ang presensiya ng mga rank 1 ay nasa isang libo, idagdag pa ang halos tatlong daang presensiya ng mga rank 2.
Ilang daang metro ang layo sa harapan ni Red ay makikita ang halos isang libong mga low level at high level na goblins, sa likod ng mga 'to ay ang mga Orcs.
Ang nasa harapan ngayon ni Red ay pwede ng tawaging "Monster wave" kung saan daan-daan o libo-libong halimaw ang mga magtitipon para atakihin ang isang lugar.
"Paano nangyari 'to? At bakit parang pinoprotektahan nila ang nasa pinakalikod nilang si Zac." Gulat na sabi ni Red. May mga kilala bilang Tamer na kayang kumontrol ng mga halimaw o hayop pero may limitasyon ang pwede nilang kontrolin at hindi ito lalagpas sa bilang ng daliri sa dalawang kamay.
Sa nasa likoran ng mga Orc ay si Zac. Kita sa ekspresyon niya na kakagamit niya lang ng malaking mana kaya pagod na pagod siya at lalong hinihingal.
Ang pagsummon ng mga halimaw sa ibang floor ay kinakailangan ng malaking mana. Kung isa lang siyang normal na rank 3 o kakataas lang ng ranggo niya sa 3 ay siguradong hindi kakayanin ng mana niya ang gawin ito. Nagamit niya na rin ang huling teleport niya para ngayong araw.
"Red, rank 4 ka! Bakit hindi mo ako labanan kapag naging rank 4 na rin ako?" Biglang sigaw ni Zac. Ang kumpol-kumpol na mga halimaw sa harap niya ay tahimik lang at parang estatwa, ni hindi sila gumagalaw kaya 'pag nagsalita si Zac ay maririnig agad ito ni Red.
"Maging rank 4 ka? Kahit maging rank 4 ka ay tataas din ang ranggo ko sa Mid Stage ng rank 4. Kahit maging rank 4 early stage ka ay hindi mo na mapapaikli ang agwat sa'ting dalawa. Bakit hindi nalang kita ngayon patayin at 'wag mo na akong paghihintayin na maging rank 4 ka eh mamamatay ka rin naman sa huli." Sagot niya na parang isang daang pursiyento siyang sigurado na mamamatay at mamamatay rin sa kamay niya si Zac.
'Pero ang mga halimaw na'to. Kapag nagkataon ay mauubos ang mana ko. Kailangang makalapit ako sa kaniya agad at tapusin siya sa maikling oras.' Kahit kampante ang binata ay hindi niya pa rin minaliit ang bilang ng mga halimaw na nasa harap niya kahit na rank 1 lang ang mga nasa unahan.
"Flame Dragon!" Isang apoy na dragon ang namuo sa harapan ni Red. Lumaki ito ng lumaki hanggang sa maging halos limang metro ang sukat nito, ang lakas nito ay naging triple kumpara sa kaninang apoy na dragon na ginamit niya.
Mas bayolente ito at sinugod ng apoy na dragon ang daan-daang low level goblins sa unahan.
Sigawan ng mga kaawa-awang goblin ang maririnig sa paligid. Kakasugod palang ng apoy na dragon pero halos dalawampung goblin agad ang napatay nito, pero dahil may utos na kailangang sundin ang mga halimaw ay hindi sila tumakbo kahit alam nilang mamamatay sila, ginawa nila ang lahat ng makakaya para maatake o mabawasan ng kahit na kaunting apoy ang dragon.
Bawat atake nila na tumatama ay nagpapahina sa dragon. Pero kahit napakaliit ng nababawas nila ay unti-unti rin namang bumawi ang dami ng bilang nila.
Ilang minuto matapos umatake ang dragon ay halos isang daang low level goblin na agad ang napatay niya. Pero ang kaninang sukat na limang metro ay naging halos isang metro nalang at pahina na rin ng pahina ang mga pinapakawalang atake nito.
Bago tuluyang maglaho ang dragon ay pumatay pa ito ng ilang goblin.
"Flame Dragon." Paulit-ulit na bigkas ni Red at tatlong dragon na kasing laki ng kanina ang namuo sa paligid niya.
"GROAAAAAR!" Sumugod ang tatlong dragon sa magkakaibang direksiyon at naghasik ng lagim sa daan-daang low level goblins. Pinaslang nila ang bawat goblin na nadadaanan nila. Ilang sandali lang ang lumipas ay daan-daang low level na goblins na ang namatay.
"Kapag naubos ang mga goblin ay mawawalan sa'kin ng silbi ang una hanggang ikatlong palapag." Nanghihinayang niyang pinagmamasdan kung paano paslangin ng mga apoy na dragon ang mga halimaw.
Ilang minuto pa ang lumipas ay naglaho na ang tatlong dragon. Pero ang kaninang bilang ng mga goblin na nasa isang libo ay naging apat na daan nalang ngunit ang maganda ay karamihan sa mga ito ay mga high level na goblin at mas malakas ng ilang beses kumpara sa low level. Kaya hindi pa ganoon kalaki ang natatanggap na damage ni Zac sa kaniyang mga halimaw na depensa.
Napangiti si Red sa resulta ng kaniyang mga Flame Dragon. Kahit na medyo malaki ang mana na ginagamit niya para dito ay maganda naman ang bunga nito, kaunting mana lang naman ang kailangan niya para tapusin ang nanghihinang si Zac.
"Flame Dragon!" Limang beses na sabi ni Red at limang mga apoy na dragon ang namuo sa tabi niya.
"At hindi niya rin kayang kontrolin ang mga halimaw kagaya ng mga bandidong nagpasabog ng kanilang mga mana core kanina."
Itinapat ni Red ang kaniyang palad sa harap ng daan-daang halimaw. Namuo ang apoy sa palad niya at lumaki ito ng lumaki na halos maging kasing laki na ito ng mga dragon sa tabi niya.
Ini-atake niya ito sa mga high Level goblins. Papalapit palang ang malaking fire ball ay nararamdaman na agad ng mga high level goblins ang init sa balat ng katawan nilang makapal.
Patama na ang malaking fire ball ng biglang nabalot ng crystal na yelo ang fire ball. Huminto ang apoy sa harap ng mga goblins pero kahit huminto ito ay makikita ang makapal na yelo na nalulusaw at siguradong ilang segundo lang ang itatagal nito.
Bago tuluyang malusaw ang yelo ay may namuong yelong pader sa harapan ng mga goblins para pigilan ang apoy. Nang malusaw ang yelong bumalot sa apoy ay tumama ito sa pader at biglang sumabog.
Nabalot ng apoy ang buong paligid, may ilan sa mga high level na goblin na nasa unahan ang nilamon ng malakas na apoy. Pero dahil sa may harang na yelong pader sa pagitan nila at ng apoy ay apat na high level goblin lang ang namatay.
Nalusaw ang yelong pader at nabalot ng itim na usok ang paligid. Nang maglaho ang usok ay bumulaga sa mga goblin ang limang naglalakihang mga dragon. Pinatay nila ang mga goblin pero hindi kagaya ng sa kaninang mga low level goblin ay mas nahirapan sila ng kaunti.
Inatake ng inatake ng mga dragon ang mga high level goblin hanggang sa maglaho sila. Kahit sa huling oras ng buhay nila ay ginawa nila ang lahat ng makakaya nila para madagdagan ang pinaslang na mga goblin.
"Oras na!" Wika ni Red at may sampong apoy na dragon ang namuo sa paligid niya. Para siyang prinsipe ng mga dragon na aatake gamit ang buong pwersa.
Sa likod ng mga orc ay hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan si Zac.
Tumalon sa likod ng isang dragon si Red at sumugod kasama ang siyam na dragon.
"Tapos kana, Zac!" Pagdeklara ni Red habang mabilis na lumilipad ang dragon pasugod sa kinaroroonan niya. Ang mga high level goblin at mga orc na kaninang hindi umaalis sa pwesto nila kahit anong mangyari ay tumalon pasugod sa dragon na sinasakyan ni Red. Ngunit ang siyam na dragon ay mabilis umaksyon at prinotektahan ang dragon na sinasakyan ni Red na para bang Hari nila ito.
Nang halos limampong metro nalang ang layo niya kay Zac ay biglang tumalon ang halos dalawang daang orc pasugod kay Red. Kahit ang halos dalawang daang mga high level goblin ay ganoon din ang ginawa. Habang nasa ere ay hindi umatake ang mga halimaw at parang iba ang plano nila.
Nang mapansin ni Red ang kilos ng mga halimaw ay pumasok sa isip niya ang isang plano na posibleng gawin ng mga halimaw. Bigla siyang napatingin sa direksiyon ni Zac.
"Hibang! Kapag inutusan mo silang pasabugin ang mga mana core nila ay madadamay ka rin! Pigilan mo sila!" Galit na sigaw ni Red. Una ay inakala niyang hindi kayang utusan ni Zac na pasabugin ang mga mana core ng mga halimaw kaya kampante siyang sumugod. Isa pa ay malapit sa kaniya si Zac at kung uutusan niyang pasabugin ang mana core ng daan-daang halimaw na may mga antas ng lakas na maihahalintulad sa mga rank 1 at rank 2 ay siguradong madadamay siya kasama nito, mas malaki pa nga ang tiyansa na mauuna pang mamatay si Zac dahil sa pag-atakeng ito.
Kaya kampante siyang hindi gagawin ni Zac ang pasabugin ang mana core ng mga halimaw.
Nginitian siya ni Zac at nagsalita ito. "Kung mamamatay rin naman ako ay mas maganda na ang idamay kita." Habang nagsasalita ay hindi makikita ang kaba sa mukha ni Zac.
Nang marinig ni Red ang sinabi ni Zac ay itinuon niya ang lahat ng atensiyon niya sa mga dragon at inutusan ang mga itong magtipon sa paligid niya para harangan siya at protektahan sa magaganap na mga pagsabog.
Wala na rin siyang sinayang na oras at ginamit ang buong mana ng katawan niya para dagdagan ang proteksyon sa sarili. Napakadelikado ng atakeng iniutos ni Zac sa mga halimaw at kahit rank 4 early stage na siya ay malaki ang posibilidad na mamatay siya. Kahit rank 4 na mid stage ay hindi basta-basta makakaligtas sa ataking ito.
Isa-isang sumabog ang mga halimaw na nasa paligid ni Red. Kahit ang mga hindi pa nakakatalong mga halimaw kanina ay mabilis na nagsitalon para mas mapalakas pa ang pagsabog.
Bawat pagsabog ng mana core ng mga halimaw ay nagreresulta ng pagyanig ng ikatlong palapag. Nang sumabog ang daan-daang mga halimaw ay lumikha ito ng mas malakas na shockwave at kahit si Zac na nababalot ng yelo ang paligid ay hindi nakaligtas.
Nawasak ang yelong pumoprotekta sa kaniyang paligid at lalo pang palakas ng palakas ang shockwave. Tinamaan ng shockwave ang katawan ni Zac at ginamit niya ang buong lakas niya para tumalon at sa paa tumama ang malakas na pwersa upang hindi tumama sa kaniyang mahahalagang parte ng katawan.
Ilang segundo palang ang lumipas ng mag self-destruct ang mga halimaw at halos mawasak na ang buong ikatlong palapag. Ang dating mukhang gubat na ikatlong palapag ay naging patag na, ang mga puno ay naging abo at naglaho na parang bula.
Nang sumabog ang huling dalawang daang mga halimaw at kumalat ang malakas na pwersa sa paligid ay tinamaan ang ulo ni Zac. Ang katawan niya ay na naging pulbora dahil sa malakas na pwersang tumama, ang ulo niya ay tumalsik sa pinakagilid ng pader ng dungeon.
Nang matapos ang buong pagsabog ay isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Makalipas ang ilang segundo ay maririnig ang isang bagay na bumagsak galing sa ere.
Nabalot ng makapal na itim na usok ang buong paligid. Kahit ang rank 3 na adventurer ay mahihirapang makakita sa ganitong lugar.
....
Ilang minuto matapos ang pagsabog ay maririnig ang isang tawa sa napakatahimik na dungeon.
"Kaya ko pa ring mabuhay kahit na ulo nalang ang matira sa'kin. At kahit ang mana core ko ay nabuo ulit at gumaling hahaha." Masayang sabi ng ulo sa tabi ng pader. Ang ulo ay unti-unting nagkaroon ng katawan.
Ang may-ari ng ulong ito ay si Zac. Tumayo siya pero saktong pagtayo niya ay bigla niyang naramdaman na wala palang lakas ang katawan niya kaya bumagsak din agad siya sa sahig. Sobrang hina na ng binata na halos hindi na siya makatayo.
Sumandal sa pader si Zac at nagpahinga saglit. Makalipas ang ilang oras ay unti-unti ng bumabalik ang lakas niya.
Habang nagpapahinga ang binata ay nakarinig siya ng yapak ng mga paa. Papalapit ito ng papalapit sa direksiyon niya at kahit ang aura ng taong ito ay hindi niya itinatago.
Isang lalaki ang sumulpot sa harap ni Zac at bitbit nito sa balikat ang walang malay na si Red. Kagaya niya ay sobrang nanghihina na rin ang binata at wala itong malay. "Nakita rin kita!" Sabi ng lalaki at may hawak itong compass na nakaturo sa direksiyon ni Zac.
Ang lalaking ito ay naglalabas ng rank 4 mid stage na aura. Patunay na gusto niyang i-pressure ang sobrang nanghihinang si Zac bago gawin ang mga gusto niyang gawin dito.
Kung makikita ni Zac ang batok ng lalaking ito ay siguradong manlulumo siya, sa batok ng lalaki ay may tattoong langgam ang nakaukit, kagaya ng sa mga bandidong pinatay niya bago pumunta ng Edo.
(Finished)