Chapter 6
"Kakadating mo lang at gusto mo na agad umalis? Hindi kaba tinuruan ng magulang mo ng magandang asal?" Wika ng isang bandido habang naglalakad papalapit kay Zac.
Apat lamang sa mga bandido ang naglalakad papalapit sa binata. Ang isa ay nakabantay kay Belya para hindi na ito makapagbigay pa sa kanila ng problema.
Alam niya rin ang kakayahan ng mga kasamahan niya. Base rin sa pigura ng binata ay wala pang bente ang kaniyang edad kaya siguradong hindi siya ganoon kalakas, kahit na nagawa siya nitong sundan papuntang kuweba.
Bumangon ang binata at pinagpagan ang kaniyang mga suot.
"May kaugnayan ba kayo sa mga bandidong nasa ikatlong palapag?" Walang emosyong tanong niya habang nakatingin sa mga ito.
Kanina lang ay bigla siyang tumakbo palayo nang makita niya kami? Bakit parang hindi man lamang siya kinakabahan?
Naguluhan ang mga bandido sa ekspresyon ng binata kaya napahinto sila saglit.
"Ang totoo ay, kami nga ang mga bandidong nasa ikatlong palapag. Minsan ay bumababa lang kami dito para maghanap ng mabibiktima." Nakangiting sagot niya sa binata.
Ang kaninang walang emosyong ekspresyon ng binata ay biglang naging seryoso. Kung sila nga ang mga bandidong nasa ikatlong palapag ay isa lang ang ibig sabihin nito, bawat isa sa kanila ay may antas na lakas na kagaya ng sa rank 2 adventurer.
Mga ganap na Rank 2 na mga bandido at adventurer lamang ang makakayang makaligtas at tumagal sa ikatlong palapag dahil sa lakas ng mga halimaw dito.
"Oh? Mukhang na-realize mo na ang sitwasyon mo bata. Bakit hindi ka nalang sumuko para hindi kana masaktan pa? Haha" Tumatawang pang-asar ng isa pang bandido pagkatapos nitong makita ang reaksyon ng binata.
'Bawat isa ay rank 2? Rank 2 rin naman na ako. Pero kung rank 2 lang sila ay hindi sila magiging malaking problema.'
'Pero paano nila nagawang itago ang kanilang presensiya? Parehas lang ang mga ranggo namin. Hindi kaya!?'
Napalunok ang binata ng pumasok sa isip niya ang isang posibilidad kung bakit nagawa nilang itago ang kanilang presensiya.
'May rank 3 sa kanila?'
Pero agad niya rin itong binura sa kaniyang isipan.
'Ha! Masyado akong nag-iisip, kung may rank 3 nga sa kanila ay siguradong mas respetado ito kumpara sa iba. Pero base sa kanilang attitude kanina at mga galaw ngayon ay parang pantay-pantay ang turing nila sa isa't-isa kaya imposibleng may rank 3.'
Tumaas ang moral ng apat na bandido ng makita nilang natahimik at napahinto ang binata. Kung susuriin ay matangkad ang binata at mapapansin rin na hindi normal ang lakas niya dahil sa paglalakas loob na sundan ang kasamahan nila, siguradong kikita sila ng malaki sa kaniya. Para silang nakatanggap ng bonus na sweldo kaya sinong hindi matutuwa?
Mga dalawampong metro nalang ang layo nila sa binata ng bigla itong gumalaw. Itinapat niya ang kaniyang kanang palad sa apat at may unti-unting yelo ang namuo dito, pero hindi ito kagaya ng mga normal na yelo dahil sa kulay krystal ito at mararamdaman rin na mas malamig ito kumpara sa mga normal na yelo.
Nang maging halos kasing laki na ng bola ang yelo ay mabilis itong dumiretso na parang bala ng baril sa apat na bandido.
Dalawa sa mga bandido ay tumalon paatras at ang dalawang natira sa harapan ay nagtapat din ng kanilang mga palad sa papalapit na yelo.
May namuong pabilog na apoy sa palad ng dalawang bandido at lumipad rin ito paabante para pigilan ang paparating na yelo. Kahit dalawa ang gumamit ng elementong apoy ay hindi pa rin maikukumpara sa lakas ng apoy na ginamit ni Red ang mga ito.
Kaya nang magtama ang dalawang elemento ay parehas pumutok ang mga ito sa ere. Kumalat ang apoy na para bang sasakupin ang buong paligid ng sumabog ito pero mabilis naman itong naglaho ng kumalat rin sa paligid ang Frigid Qi ni Zac.
Habang nilalamon ng Frigid Qi ang apoy ay may naramdamang napakadelikadong sensasyon ang apat kaya kahit hindi pa nila alam kung ano ito ay mabilis silang nagsi-ilag sa magkakaibang direksiyon. Nang madaanan sila ng delikadong pakiramdam ay nakita nila na isa itong krystal na parang kutsilyo, napakabilis nito at kung kahit isang segundo lang silang nahuli sa pag-ilag ay siguradong tatamaan nito ang isa sa kanila.
Nanlumo ang apat at hindi sila makapaniwala sa naramdaman nilang taglay na lakas ng kutsilyong frigid Qi.
"Kung tinamaan ako ng atakeng 'yon ay siguradong matatapos ang buhay ko." Hinihingal at kinakabahang sabi ng isa sa kanila habang kitang-kita sa mga mata niya ang kaba na naramdaman niya. Mabilis sinang-ayunan ng tatlo ang kaniyang sinabi.
Nang maglaho ang yelo at apoy na nagtama ay tinitigan nila ang binata na para bang isa itong halimaw. Napakabata pa niya pero may abilidad na agad siyang kumitil ng buhay ng mga rank 2 na bandido at adventurer. Paano nalang kaya kapag lumipas pa ang ilang taon, magiging gaano kalakas ito?
Habang gulat na gulat ang apat ay may naramdaman pa silang isang bagay na lalo nilang ikinagulat. Ang aura ng isa sa mga kasamahan nila ay biglang naglaho.
'Ha? Hindi ba't nakailag kami sa pangalawang atake niya?'
Nagkatitigan ang apat na bandido at isa lamang ang konklusyon na pumasok sa kanilang isipan, konklusyon na bumuhay sa galit ng apat.
Dahan-dahan silang lumingon sa pinanggalingan ng kasama nilang nagbabantay kay Belya at lalo silang nanlumo ng makita nila ang kasamahan nilang tinamaan ng hugis kutsilyong frigid Qi sa ulo. Sa sobrang lamig rin ng yelo ay unti-unting naging yelo ang ulo nito kaya kitang-kita nila ang ekspresyon ng kasama nila bago ito mawalan ng buhay.
Ekspresyon na parang naguguluhan ito. Sobrang kumpiyansiya niya sa mga kasama ay hindi niya inakalang makakalaban pa ang binata kaya naman ni hindi man lang siya nakapaghanda ng biglang sumulpot ng napakabilis sa harap niya ang Frigid Qi.
"Tapusin natin ang batang to." Galit na sabi ng isang bandido at gumamit ito ng mahika.
"Sandali! Hindi normal ang batang 'to. Hindi kagaya ng yelo ni Belya ang kapangyarihan niya, hindi kaya isa siya sa mga core member ng kanilang faction? Kung isa nga siya ay siguradong hindi normal ang mga technique niya. Umatras muna tayo." Pagpipigil nito sa isa niyang kasama.
Pero kahit pinigilan na siya ng kasama niya ay hindi pa rin nawala ang matinding galit sa kaniyang mga mata. Kaibigan niya simula bata ang pinatay ni Zac na bandido, halos magkapatid na ang turingan nila kaya naman napaka-importante nito sa kaniya.
Sinugod niya ang binata habang may apoy na namumuo sa dalawang kamay niya. Sumunod naman sa kaniya ang tatlo at pinalibutan si Zac para tulungan ang kasama nila kung sakaling malagay ito sa peligro.
Nilamon na ng galit ang bandido sa pagkamatay ng kaniyang kababata. Kaya kahit delikado at may malaking posibilidad na mamatay agad siya ay nagtuloy-tuloy pa rin siya sa pagsugod.
"Tsk! Kapag pinigilan natin siya ay mas lalo lang siyang malalagay sa peligro. Protektahan nalang natin siya." Napangitngit ng ngiping sabi ng isang bandido.
Kahit na napapalibutan ay kalmado pa rin ang binata at hinayaan niya lamang na makalapit sa kaniya ang bandido.
Magkaharap na ang galit na galit na bandido at ang kalmadong binata. Mas matangkad sa kaniya ang binata kaya medyo bwumelo ito patalon bago tuluyang magpakawala ng suntok ng makalapit siya kay Zac.
Pagtalon niya ay ini-amba niya ang kaniyang kanang kamao at malakas itong isinuntok sa dibdib ni Zac. Dumikit ang kamao niya sa dibdib ni Zac at laking gulat ng tatlo ng biglang tumalsik ng mabilis ang binata sa pader.
Tahimik sa kuweba at walang ibang mga halimaw na nag-iingay kaya ng tumama ang katawan ni Zac sa pader ay lumikha ito ng malakas na tunog.
Nabalot ng alikabok ang paligid ng pinagtalsikan ni Zac kaya hindi nila agad makita ang kalagayan nito.
"H-ha? Nagpa-atake siya ng ganun nalang?" Hindi makapaniwala ang mga bandido. Kung susuriin palang sa malalakas na atakeng pinakawalan ni Zac ay siguradong normal na rin na magpakita ito ng napakabilis na mga galaw. Kaya naman nagtaka sila kung bakit nagpa-atake siya imbis na umilag.
Nang mawala ang alikabok ay makikita ang duguang katawan ni Zac habang nakasandal paupo sa pader. Hindi nabutas ang dibdib niya pero makikita sa balat nito na nasunog ito at mukhang aabutin ng ilang linggo bago ito tuluyang gumaling.
Ang sahig naman ay basang-basa ng mga dugo, halatang kakasuka lang ng binata ng dugo matapos matanggap ang malakas na atake ng bandido.
Hindi gumagalaw ang binata at kung hindi nila nararamdaman ang mana sa katawan nito ay siguradong iisipin nilang patay na ito dahil sa tindi ng mga sugat na natamo niya.
"Hindi kaya hindi niya kayang gumalaw sa loob ng maikling panahon pagkatapos magpakawala ng malalakas na atake? Dahil kung tutuusin, mga rank 3 lamang ang kayang pumatay ng rank 2 ng walang kahirap-hirap, at imposibleng rank 3 ang batang 'to."
Nang makita ng mga bandido ang kalagayan ni Zac ay sabay-sabay silang tumakbo ng mabilis papalapit dito para tapusin na siya.
Kahit na malakas ang binata at kikita sila ng malaking halaga ng ginto ay mas pipiliin nilang tapusin nalang ito kesa sa ilagay pa sa panganib ang kanilang mga buhay para lamang bantayan ito.
Nang makalapit sila mga sampong metro sa binata ay biglang tumingala si Zac at tinitigan ang mga bandido na para bang patay na sila sa paningin niya.
Sa paahan ng isa sa mga bandido ay may pabilog na frigid Qi ang nababalutan ng mana kaya hindi nila ito nararamdaman. Paghakbang pa niya ng isang beses ay natapakan niya ito at biglang sumabog ang frigid qi.
Nabalot ng Frigid Qi ang tatlumpong metrong lawak ng paligid. Lahat ng nasasakop nito ay naging yelo, kasama na ang apat na bandido at si Zac.
Pero kahit nabalot na ng yelo ang apat ay nagawa pa rin nilang iligtas ang mga sarili nila. Mas mabilis ang reaksyon ng mga rank 2 kumpara sa rank 1 kaya bago tuluyang sumabog ang Frigid Qi ay nagawa nilang balutan ng mana ang katawan nila.
Pero kahit nagawa nilang makaligtas ay halos naubos na ang mga mana nila para lamang protektahan ang kanilang mga sarili. Ang biglang pagkaubos ng mga mana sa katawan nila ay nagresulta ng biglaang paghina nila.
Ang apat ay hindi na makagalaw sa hina, kaya kahit nagawa nilang makaligtas sa surpresang atake ng binata ay wala rin itong naging silbi sa huli.
Bumangon si Zac at nagulat ang apat sa nakita nilang pangyayari na halos hindi makatotohanan. Ang bibig niyang duguan at ang dibdib na nasunog ay napakabilis na gumaling, ang kaninang mukhang hinang-hina niyang katawan ay naging kasing sigla ulit ng kanina kagaya ng bago siya pumasok sa kuweba.
Lumapit ang binata sa isang bandidong nabalot sa frigid Qi at hinawakan niya ito. Paghawak niya ay mabilis na natunaw ang yelo. Bumagsak ang katawan ng bandido sa sahig at binuhat niya ito sa mukha paangat.
Habang buhat-buhat ng kamay niya ang mukha ng bandido ay biglang nabalot ng yelo ang buong katawan nito. Ikinuyom ng binata ang kaliwang kamao niya at isinuntok ito sa dibdib ng bandido.
Nang mabasag ang katawan ng bandido at matira ang ulo nito ay tuluyan na itong namatay. Pagkamatay ng bandido ay biglang napangiti ang binata ng marinig niya ang mga mensahe ng system.
Sa pagkasabik ay mabilis na tinapos ni Zac ang natira pang tatlong bandido. Kinuha niya ang mga ulo nito at itinago ito sa pouch niya.
Sa isang gilid ng kweba ay nakahiga ang walang malay na si Belya. Ginamitan ng bandido ng paralyze ang babae ng maramdaman nila kanina na may pumasok sa lungga nila para hindi na makapagbigay pa ng problema ang babae.
Kaya kahit unang namatay ang bandidong nagbabantay kay Belya ay hindi rin nakatakas ang babae.
Wala pa ring malay si Belya. Ang mukha nito ngayon ay napaka-inosente kumpara sa arogante niyang ekspresyon n'ong may malay pa siya.
Binuhat ni Zac sa balikat ang babae at balak na sana niyang lumabas ng may bigla siyang naramdamang kakaiba sa isang sulok ng kweba.
Sa isang sulok ng kweba ay may umiilaw na isang itim na diyamanteng kasing laki ng kamao. Kung titignang mabuti ay hindi madaling makikita ang diyamante na ito dahil sa tago ito at hindi mo mararamdaman ang kakaibang presensiya nito.
Hindi niya ito naramdaman kanina ni makita ang liwanag ay hindi, para bang invisible ito, naramdaman niya lang ito ngayon dahil sa pakiramdam niya ay ang diyamante na mismo ang may gustong magparamdam sa binata. Pero kung hindi ito nagparamdam ay siguradong hinding-hindi makikita o mararamdaman ni Zac ang diyamante kahit na maglabi pa siya sa kuweba ng matagal na panahon.
Kinuha ni Zac ang diyamante. Pagkakuha niya ay biglang lumindol ang paligid at unti-unting nawawasak ang taas at paligid ng kuweba. Para bang isa itong masiglang nilalang na biglang nawalan ng buhay at hindi na kinaya ng katawan ang pagtayo.
Mabilis na tumakbo palabas si Zac sa kuweba habang ini-ilagan ang naglalakihang bato na pabagsak sa katawan niya. Ang mga bato ay wala namang magagawa sa kaniya pero sa buhat-buhat niyang babae ay meron kaya kailangan niya pa ring ilagan ang mga ito.
Kapag namatay ang babae ay baka magkaroon pa siya ng problema sa Edo kaya naman hindi niya ito pwedeng iwan nalang ng basta-basta. At dahil rin sa narinig niya kaninang sinabi ng bandido ay nagbabakasakali si Zac na magamit ang babae para sa posibleng proteksyon ng angkan niya o sa nasabing kuya nito.
Wala pang isang minuto ang lumipas ay nakalabas na ng ligtas ang binata. Paglabas niya ay naghanap pa ng mas saklob na lokasyon ang binata.
Sa isang sulok ng unang palapag ay may mga mas nagsisilakihang mga puno, mas madilim rin ang paligid nito kumpara sa ibang lugar.
Isinandal niya si Belya sa puno at tinignan ang kaniyang status.
"Status."
-------------------------
Name: Zac Morgan
Age: 18
Race: Human
Level: 50/50
Evolution available:
1.Low Demon.
2.Low Evil.
3.High Human.
Passive: Undying body.
Active: Frigid Qi.
-------------------------
Tatlong evolution ang pwede? At bakit low demon at evil pero 'pag sa human ay high?
Pero sabagay, tao ako at kung mag-e-evolve ako ay siguradong magiging mataas na uri ako ng tao.
Pwede kayang malaman ang mga impormasyon sa mga race na 'to?
Habang nag-iisip ang binata ay bigla ring lumabas ang mga kasagutan sa kaniyang tanong.
Low Demon
-Ang race na ito ay isa sa mga pinakamalakas. Ang kanilang katawan ay may taglay na malaking mana at napakalakas na physical. Mas mataas rin ang potential ng mga demon kumpara sa mga tao at ibang race kaya kinatatakutan sila ng nakararami.
High Human
-Isang uri ng mga tao kung saan nalagpasan na nila ang kanilang limitasyon. Mahaba ang life span ng mga high human at bawat isa sa mga ito ay may karapatang maging Hari ng mga kaharian dahil sa taglay nilang potential at lakas.
Low Evil
-Mga nilalang na naglaho sa mundo ilang libong taon na ang nakalipas. Kilala sila bilang kalaban ng lahat ng nabubuhay na nilalang sa mundong ito dahil sa taglay nilang lakas.
Nang mabasa ng binata ang mga impormasyon sa evolution ay napangiti siya. Lalo na ng mabasa niya ang High Human.
Kung magiging High Human ako ay magkakaroon kaya agad ako ng lakas para maging Hari ng mga kaharian? Oh ang pinaka malakas na bersyon ng High Human ang mga pwede lang na maging Hari?
Kung ganoon ay hindi ito ganoon kaganda. Ilang araw palang ako sa mundong ito at kaya ko nang tumapos ng mga rank 2 na bandido at adventurer. Kung ang pagiging Hari sa isang kaharian ang limitasyon ko ay paano ko magagawa ang mga gusto kong gawin?
Nabaling sa low demon ang atensiyon ni Zac. Maganda ang potensyal ng demon. Ang mana at physical na lakas rin nito ay magiging malaking tulong sa kaniyang pagpapalakas.
Pero paano kung ang pinakalimit ng ebolusyong demon na ito ay mas mababa sa demon lord o demon king? Magiging tagasunod nalang ba ako ng mga nakatataas sa akin?
Posible ring ang limitasyon nito ay demon lord o demon king pero paano kung ang demon king ay kasing lakas lang ng isang Hari ng mga tao? At siguradong hindi lang isa ang Hari ng mga tao sa mundong ito.
Isa lang ba ang demon king? O kagaya rin ito ng mga tao? Bawat kaharian o lupain ng mga demon ay may demon king din?
Ang gusto ko ay mabuhay na walang maglalakas loob na gumulo sa'kin. Lakas para maprotektahan ko ang aking sarili kahit na saan ako magpunta, at kapangyarihan para magawa ko ang kahit na anong gusto ko.
Low Evil?
Ang gusto ko ay magkaroon ng lakas para magawa ang mga nais kong gawin... Ang mabuhay na walang limitasyon.
Kung hindi ko makukuha sa dalawang evolution ang mga nais ko ay mas maganda na siguro kung itong low Evil ang kunin ko. Kahit na mukhang magiging mas mahirap ang buhay ko 'pag nalaman ng iba na isa akong low evil, eh ano naman?
Kahit malaman nila at maging kalaban ko ang mundo, kung sa huli ay magkaroon ako ng kapangyarihan para protektahan ang sarili ko at labanan sila ay wala rin silang magagawa.
Tatapusin ko nalang ang lahat ng hahadlang sa pagkamit ko ng kapangyarihang hinahangad ko.
Magpapalakas ako ng magpapalakas hanggang sa wala na ang maglalakas loob na magbigay sa'kin ng problema kahit na alam nilang isa akong low evil.
Pinili ni Zac ang low evil. Ang madilim na paligid ay lalo pang dumilim. Ang katawan niya ay unti-unting nabalot ng itim na usok, pakapal ito ng pakapal hanggang sa hindi na makita ang pigura ni Zac.
"AAAAAAAAAAAAHHHHH!" Biglang sigaw sa sakit na bumulabog sa tahimik na kapaligiran.
Sa loob ng itim na usok ay makikita ang kutis at mga buto ni Zac na nakakalas. Ang balat niya ay nagsitigas at nadurog, pakiramdam niya ay binabalatan siya ng buhay kaya kahit may undying body siya ay hindi niya mapigilan ang mapasigaw sa sakit.
Nang maubos ang balat niya at naging buto-buto ay nagsimula namang magkaroon ng mga hiwa ang kaniyang mga buto. Nagsimula ito sa ulo at kahit ang utak niya ay parang sinasaksak ng paulit-ulit kaya hindi niya mapigilan ang hawakan ito para subukang mabawasan ang sakit.
Puno na ng hiwa ang ulo niya at makalipas lang ang ilang segundo ay mabilis na kumalat sa dibdib niya at mga kamay ang hiwa kaya naman naramdaman niya na rin sa mga ito ang matinding sakit na dinaranas niya sa kaniyang ulo.
Ginamit ni Zac ang lahat ng mana sa kaniyang katawan para mabawasan ang sakit na nararamdaman niya. Gumana naman ito at nabawasan ang sakit, pero halos ilang segundo lang ay biglang nanlumo ang binata ng maramdaman niyang naubos agad ang lahat ng mana niya. Bumalik rin agad sa kaninang kirot ang katawan niya.
Nang kumalat na rin ang mga hiwa kahit sa paa niya ay hindi niya mapigilan ang mapapikit. Pakiramdam niya ay mawawalan na siya ng malay sa tindi ng sakit na nararamdaman niya ngayon.
Sa sobrang hina ng katawan niya ay kahit siguro isang maliit na bato lang ang tumama sa kaniya ay mawawalan na siya ng malay o baka ikamatay niya pa ito.
Hindi niya kailangan ng mana para mapagaling ang mga sugat sa katawan pero dahil sa pag-evolve niya ay biglang hindi gumana ang regeneration, para bang kapag kusang gumana ngayon ang regeneration niya ay may mangyayaring hindi maganda sa kaniyang pag-evolve na pwedeng magresulta ng kamatayan ni Zac.
****
Sa kagubatan ng unang palapag ng dungeon ay may taong mabilis na tumatakbo papunta sa kinaroroonan ni Zac.
May hawak itong isang compass na nagtuturo sa kasalukuyang lokasyon nila kaya ilang minuto palang ang nakalipas ay narating niya rin agad ang lokasyon nila.
Patunay lamang na ang taglay na bilis ng taong ito ay hindi normal at kung mamaliitin ito ay siguradong ito ang magiging dahilan ng katapusan nila.
Nasa sanga siya ng isang puno at nang makita niya si Zac na nababalot ng itim na usok ay bigla siyang nakaramdam ng matinding galit.
"Nakita rin kitang hayop ka!" Galit na sabi nito habang nakatingin sa binata na nababalot pa rin ng itim na usok.
----------------
Thanks for reading!