Episode 65 "Ma, pasok na po ako." Magalang na paalam sa akin ni Santino na wala pang ala sais ng umaga ay nagising na. Naka-school uniform na siya at nakasuot na rin ang kanyang school bag. Maayos na naka suklay ang kanyang alon-alon na buhok. "Mag-ingat ka anak lalo sa pag pedal mo ng bike. Baka mamaya hindi mo mapansin na may kasalubong ka ng sasakyan o kaya ay tao. Ingat ka rin baka may butas o uka ang kalsada at bigla ka na lang sumemplang." Mga paalala ko naman sa kanya habang itinabi ko muna ang walis tingting na aking hawak at sinundan ng tingin si Santino na pumasok sa maliit naming bodega at kinuha ang kanyang bisikleta. Kagaya ng kanyang nakagawian ng gawin. Kinuha niya muna ang malinis na basahan at pinunasan ng mabuti ang kanyang munting sasakyang gamit patungo sa eskwelahan.

