Chapter 1
Ligaya’s Pov
ANG MASKARA ng pagbabalik huminga ako nang malalim, pinipilit ilayo ang isip mula sa nagliliyab na bangungot. Labindalawang taon na ang nakalipas, pero ang lamig ng kawayang sahig sa kubo ay bitbit pa rin ang kirot ng gabing iyon.
Pinikit ko ang aking mga mata, hinayaan kong lunurin ng hangin ang luha na hindi na kayang pumatak.
"Humanda kayo, mga Montero," bulong ko, matigas ang tinig. "Hindi ang kawawang Ligaya ang babalik.
Dahan-dahan ko kayong siningilin, hanggang sa maubos ang inyong hininga."
Dahan-dahan akong lumabas sa kubo at naglakad palayo sa Ilog Sagrado. Inayos ko ang aking blazer at skirt. Bawat hibla ng aking kasuotan ay sumisigaw ng Maynila malayo sa San Isidro.
Hinila ko ang maleta ko, ang gulong nito'y umalingawngaw sa tahimik na daan patungo sa lumang bahay namin.
Sa bakuran, nakita ko agad si Tatay Berting, nag-aayos ng kanyang mga tanim sa hardin. Ang pagod sa balikat niya ay tila mas lalong dumoble mula nang huli ko siyang makita.
“Maria Ligaya! Ang anak ko! Nandito ka na pala?” Agad niya akong sinalubong, ang boses ay puno ng kagalakan.
“Tay, na-miss kita,” sabi ko, pilit na pinainit ang boses ko.
Agad akong nagmano at niyakap siya nang mahigpit. Napansin ko ang pagtataka sa mga mata niya. Mahigpit ba masyado ang yakap ko?
“Mabuti naman at umuwi ka na, Anak. Halika, pumasok na tayo. Siguradong napagod ka sa biyahe. Handa na ang hapunan,” aniya, at inagaw ang aking maleta.
“Si Inay, nasaan po?” tanong ko, sinisikap na itago ang anumang bakas ng init ng galit sa aking pananalita.
“Nasa kusina, nagluluto ng paborito mong adobo,” sagot ni Tatay, nakangiti. “Hindi makapaniwala na uuwi ka raw ngayong linggo.”
“Hay, ang swerte ko naman. Ang bango na po rito sa labas!” tugon ko, nagpapakita ng tamis na alam kong inaasahan nila.
Nang makapasok kami, tinawag ni Tatay si Inay. “Lita! Nandito na ang hihintay mo! Ang Ligaya natin!”
Narinig ko ang mabilis na kalansing mula sa kusina. "Berting? Totoo ba 'yan? Nandiyan na siya?" ang tanong ni Inay, si Lita.
“Opo, Nay. Ito na po ako,” sambit ko.
Tuwang-tuwa si Inay. "Anak ko!" Ang tuwa sa boses niya ay walang kaparis. Dali-dali siyang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
Niyakap ko rin siya, ngunit sa likod ng aming yakap, naramdaman ko ang malam*g na pader na itinayo ko sa pagitan namin. Hindi niyo alam, Nay, kung sino ang bumalik.
“Miss na miss ko na po kayo, Nay. Kayo ni Tatay,” sabi ko, habang pinipilit kong itago ang bawat sugat ng nakaraan sa likod ng malaking ngiti. Ito ang aking pagsisimula ng aking paghihiganti.
Pagkatapos naming magyakapan, agad akong iginiya ni Inay sa maliit na mesa.
Ang simoy ng luto niyang adobo ay halos nagpaiyak sa akin, dahil iyon lang ang tanging bagay na hindi nagbago. Kahit pagod, kailangan kong panatilihin ang aking maskara at maging ang perpektong anak.
"Anak, kamusta naman ang Tita mo sa Maynila?" tanong ni Inay habang sinasandukan ako ng kanin.
"Ayon po, parang hindi tumatanda," sagot ko. "Okay naman po sila. Ang laki ng utang na loob ko dahil inalagaan nila ako nang labindalawang taon."
"Buti naman," malaking ngiti ni Inay. "Siyanga pala, kamusta naman ang trabaho mo doon? Sabi mo sa office ka na na assign? Mukhang okay ka naman doon anak.
"Mahirap po, Nay. Para akong hinahabol ng deadline araw-araw," sagot ko, pilit pinagaan ang tono. "Pero okay naman po. Buti na lang at pinayagan nila akong mag-leave muna. Sabi ko sa kanila, kailangan kong mag-recharge at tikman ulit ang hangin ng probinsya."
"Tama 'yan, anak. Kung may makakapagpagaling sa 'yo, San Isidro 'yan," sagot ni Tatay, na nakaupo na rin.
Inubos ko ang isang kagat ng adobo, saka ko sinimulan ang aking tunay na misyon. Kailangan kong itanong ang kalagayan ng bayan.
"Nay, Tay," panimula ko, pinakatatag ang boses. "Habang papunta ako rito, napansin ko... parang wala pa rin pong pagbabago itong San Isidro? Tahimik pa rin, pero parang walang asenso?"
Napakunot-noo si Tatay. "Tama ka, Anak. Sa labas, tahimik. Pero sa totoo lang walang kibo, may tinatago." Umilig siya.
"Wala pa ring pinagbago. Kung may nagbabago man, iyon ay ang mga nagtatambak na ng yaman."
Tumango si Inay, may halong hinan4kit. "Oo, anak. Walang nagbabago. Ang mahirap, lalong naghihirap. Ang yumayaman, lalong yumayaman. Ang pamilya Montero lang naman ang hari dito, Anak. Sila ang nagmamay-ari ng halos lahat ng lupain, pati ang Ilog Sagrado gagawin daw resort.”
Narinig ko ang pangalan. Montero. Tila huminto ang aking puso. Ang pagkain sa aking bibig ay biglang naging abo. Sa loob-loob ko, gusto kong sumigaw.
Gusto kong tumawa. Ngunit hindi ako nagpahalata. Nanatili akong kalmado.
"Ah, ganoon po ba?" tanong ko, sinisigurong walang anumang emosyon ang lumabas sa aking boses. Nasa Ilog Sagrado? Ang resort? Perfect. Lalo akong hindi pwedeng magkamali.
Tumingin si Tatay sa akin. "Oo, Ligaya. Sila ang Montero. Kaya 'wag ka nang masyadong magpagabi-gabi rito. Ang mga tao roon mayabang. Lalo na ang mga anak ni Don Oscar Montero."
"Tama si tatay mo," dugtong ni Inay, may pag-aalala. "Sila ang batas dito, anak. Huwag na huwag kang makikialam sa kanila."
Ngumiti ako. Isang ngiti na hindi nila makikita ang talim. Huwag makikialam? Nay, ako ang batas na guguho sa kanila.” Sa isipan ko lang.
"Sige po, Nay, Tatay," sagot ko, inubos ang aking tubig. "Mag-iingat po ako. Alam niyo naman ako. Tahimik lang. Wala akong pakialam sa buhay ng mayayaman."
Tahimik, pero mapanganib. Nag-iwan ng matinding ngiti ang impormasyong iyon sa aking diwa. Ang laro ay nagsimula na. Kailangan ko nang gumawa ng unang hakbang.
"Anak, ilang buwan ka ba rito mananatili?" Biglang tanong ni Tatay, na tila may malalim na iniisip habang nagpapalit kami ng usapan.
Napatigil ako. Tiningnan ko si tatay, saka ako nagpakita ng ngiting may halong pambobola. "Ah, baka mga tatlong buwan po, Tay. Kasi gusto ko talagang magbabad dito sa probinsya at makasama kayo nang matagal."
Napahinto sila ni Inay sa pagsubo. Sabay silang nagkatinginan, mukhang nagulat sa haba ng panahong sinabi ko.
“Magtatagal ka pala dito, Anak? Paano ang trabaho mo diyan sa Maynila?” nag-aalalang tanong ni Nanay, tila may pagdududa.
"Okay lang 'yun, nay. Kung tanggalin nila ako, wala akong problema. Hindi ko naman ikamamatay," sagot ko, pilit pinagaan ang bigat ng desisyon ko. "Basta makasama ko kayong dalawa, okay na ako. Sobrang na-miss ko kayo, e."
"Hahanap na lang muna ako ng papasukan kahit panandalian lang dito sa San Isidro," dagdag ko, na siyang tunay na rason ng pag-iistay ko. Kailangan ko ng lehitimong dahilan para makalapit sa teritoryo ng mga Montero.
"Seryoso ka, Anak? Dito ka magtatrabaho? Ang tagal mong nawala para lang bumalik dito at maghanap ng... panandalian?" Tanong ni Tatay, tila nag-aalinlangan.
"Opo, Tay. Sabi ko nga po, kailangan ko lang magpahinga," sagot ko, habang pinanatili ang aking ngiti.
Nang matapos kami kumain, tumulong akong nagligpit ng pinagkainan. Tahimik akong nag-aasikaso sa lababo, hinuhugasan ang plato, ngunit ang isip ko ay nasa salitang 'resort' at 'Montero' pa rin.
Habang nagliligpit ako, nilapitan ako ni Nanay. Hinawakan niya ako sa braso, ang tingin ay punong-puno ng pag-aalala.
"Anak, sabihin mo sa akin, okay ka lang ba talaga?" tanong niya, ang boses ay mahina, halos pabulong.
"Opo naman, Nay. Bakit po?" pabalik kong tanong, ngumiti ako, pero alam kong hindi siya makukumbinsi.
"Anak, natatakot akong baka ma-depress ka na naman dito. Alam mo na, ang nakaraan mo baka bumalik lahat," sabi ni Inay, ang mga mata niya ay may takot. Naririnig ko ang lamat sa boses niya.
Naramdaman ko ang kurot sa aking dibdib. Ito ang pinakamalaking takot nila. Niyakap ko si Nanay, pilit na inalis ang bigat sa kanyang dibdib.
"Nay, makinig po kayo sa akin," sabi ko, ang boses ko ay matatag, walang bakas ng pag-aalinlangan. "Kung ang iniisip niyo ni Tatay ay 'yung nangyari noon matagal ko nang itinapon sa dagat 'yun, Nay. Hindi na ako ang Ligaya noon. Hindi na 'yun babalik." Dahil ako na mismo ang bumabalik para wakasan iyon.
Nakahinga nang maluwag si Inay, ngunit ang pag-aalala ay nanatili sa kanyang mga mata. "Sige na, Anak. Basta lagi kang mag-iingat, ha? Mag-iingat ka sa mga Montero."
"Wala po, Nay. Nagpapahinga lang talaga ako. Gusto ko lang kayong makasama," dagdag ko, at ibinalik ang ngiti ko, ang perpektong maskara. "Promise, magiging maayos ang lahat."
Hindi ako nag pahalata sa kanila kung ano ang plano ko. Ayokong malaman nila kung bakit ako bumalik at magtatagal dito sa San Isidro.
Pagkatapos kong tumulong sa kusina ay nagpahinga na muna ako sa labas ng bahay. Umupo ako sa papag na upuan na kawayan at nakatingala sa kalangitan tanaw ang mga bituin.