Chapter 1: First Blood
Mamamatay na ako.
'Yan ang sabi ng doktor. Sabi niya, ilang buwan na lang ang itatagal ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi niya o hindi, eh. Lalo na't mag-isa na lang din naman ako sa buhay. Pero sa pagkakaalam ko, natural lang namang malungkot na mamamatay ka na, hindi ba? Sino ba namang timang ang magpa-party kapag tinaningan na ang buhay?
Napabuntong hininga na lang ako at napatingin sa papel na hawak ko na naglalaman ng letter of request para makapag-transfer sa ibang school. Pinaprint ko pa 'yun at iniiwasang madaplisan na kahit na anumang elemento ng kagusotan.
Pero, heto parin ako at nakatitig sa papel. Kawawa naman siya, baka matunaw na sa kakatitig ko.
"Hoy, Xhiena!"
"Ay, demonyita!" muntik na akong mapatalon at sinamaan ng tingin ang dalawang babae na nakangiti sa akin na agad rin akong tinaasan ng kilay.
"Anong demonyita? At bakit nage-emote ka diyan, aber?" nakangusong tanong ni Aiko sabay tabi sa bench na kinauupuan ko.
"Yah rights! What's happening ba, Xhiena? Why were you down there?" singit naman ni Meredith na kung maka-english akala mo naman fluent.
Nginiwian ko na lang siya dahil namintig ang ugat ko sa sentido dahil sa english niya.
"Hindi ako malungkot at hindi ako nage-emote." sabi ko.
Napaismid naman si Aiko at tinitigan ako. " Huwag mo nga kaming lokohin. Ano ba kasing problema? Kanina ka pa namin hinahanap, nandito ka lang pala."
"May inaasikaso lang ako. Huwag na kayo masyadong mag-alala, masyado niyo akong minamahal, eh!" nakatawa kong sabi kaya nakatanggap ako ng batok sa kanilang dalawa.
"Wow so much, Xhiena! Were are just concerning!"
Nagkatinginan kami ni Aiko at nagpalitan na lang kami ng 'ano-daw?' look. Well, wala naman kasing nakakaintindi kay Meredith, kaya nagtataka talaga ako kung bakit namin siya naging kaibigan.
"Wait, ano ba yang 'special' na inaasikaso mo at lagi kang wala?" natigilan naman ako sandali sa naging tanong ni Aiko.
Hindi ko sa kanila pwedeng ipaalam na may taning na ang buhay ko dahil baka magpahanda na agad sila ng burol. Malaking problema 'yun kapag nagkataon!
Narinig ko silang tumikhim pareho kaya napatingin uli ako sa kanila.
"Ano na?"
"Ahh, kasi magta-transfer sana ako ng school." pagkasabi ko nakatitig lang sila sa akin. Kaya naman, napalayo ako ng kaunti. Mahirap na, baka bigla nila akong sapakin. Katakot.
"Wait, wait. Ano?! Magta-transfer ka?! Totoo ba 'yan?!" laglag pangang react ni Aiko at sinundan naman agad ni Meredith.
"Are you seriously? Is it that truth? You're transferring? Why are you?"
Napabuga na lang ako ng hangin at pinigilan ang sarili kong mag-nosebleed. Sabi pa naman ni mama, bawal akong masugatan o duguin.
"Sandali lang! Masyado naman kayong nago-over react. Anong masama sa pagtransfer ng school, mamamatay ba ako kung ganun?"
Oo. May taning ka na nga sa buhay, Xhiena, eh.
Napailing na lang ako sa isip ko at tinignan sila na hindi parin maipinta ang mukha.
"Baka naman nakasinghot ka lang ng masamang hangin diyan sa tabi. O kaya naover heard mo na ang english ni Meredith." sabi ni Aiko kaya napakunot na lang ng noo si Mer.
"Why are me again and again?"
Napasampal na lang ako sa noo ko.
"Nabanggit ko na sa inyo ang tungkol sa huling hiling ni mama bago siya mamatay, hindi ba?"
"Oh, yes, I'm remembering." sabat ni Meredith.
"Iyon ba 'yung pagpasok mo sa weird na school na malapit sa may gubat?" sabi naman ni Ako kaya napatango ako.
"Kailangan ko na 'yung tuparin. Iyon ang hiling ni mama sa akin, kailangan kong pumasok sa school na 'yun." seryosong sabi ko sa kanilang dalawa.
Bago man lang ako mamatay, matupad ko ang hiling niya.
Napabuntong hininga ako nang maisip ko na wala na talaga akong natitira pang oras.
"Sige na nga, mukhang hindi ka na rin naman na papipigil, eh. Pero, papasok ka ba talaga sa school na 'yun? Hindi ba masyadong delikado? Tsaka sa pagkakaalam ko, parang wala namang nakikitang mga estudyanteng pumapasok doon." sabi ni Aiko habang nag-aalala nanaman.
Napalunok naman tuloy ako sa sinabi n'ya.
"Ano ka ba? Hindi naman siguro ako ipapahamak ni mama, hindi ba?" sabi ko at nginitian siya.
"Sabagay. Pero mag-iingat ka parin, ah."
"Ako pa!" sabi ko kaya nginitian na lang din nila ako, kahit na bakas parin ang pag-aalala sa mukha nila.
Inakbayan ko sila pareho at nginitian ng malapad, tinodo ko na. Tutal huli na.
Mami-miss ko sila.
Gusto ko pa sanang makasama sila, pero mas mabuti ng lumayo ako bago pa ako mamatay.
'Yun ang mas makabubuti para sa kanila.
"Basta tandaan niyo, anumang mangyari, mag-iingat kayong dalawa. I-promise niyo 'yan sa akin!" sabi ko.
"Kung makapagsalita ka naman, para namang pupunta ka sa kuta ng mga alien at hindi na makikita pa." sabi ni Aiko kaya napatawa na lang ako.
Simula ngayon, mabubura rin ang Xhiena na kaibigan nila kapag umalis na ako at hindi na sila malulungkot kahit na mamatay pa ako. Sana nga lang maging maayos ang lahat kapag wala na ako.
Nang maipasa ko na sa school yung letter para sa pagtransfer ko ay dumiretso na ako sa school na paglilipatan ko. Balak ko sanang mag-inquire, pero pagkarating ko pa lang sa may gubat ay parang pinagpapawisan na ako ng malamig.
Bakit ba kasi sa may bandang gubat pa naisipang itayo ang school na 'yun. Siguro may pagka-aning 'yung may-ari. Gusto may touch of mystery chuchu.
"Iha, sigurado ka bang dito ka na bababa?" nagtataka pang tanong ni manong nagta-tricycle. Nag-aalanganin pa akong tumango noong una.
Kaya nang bumaba ako ng tricycle at umalis si manong ay muntik ko na siyang habulin. Shet, gagawin ko ba talaga 'to?
Napatingala ako at nakita ko ang nagtataasang mga puno. Napalunok ako at inumpisahan ng humakbang pasulong.
Sabi nila malapit lang sa b****a ng gubat 'yung school. Hapon na rin at malapit ng gumabi, kaya medyo nakukulangan ng liwanag ang mga mata ko. Bakit nga ba kasi ako hapon pumunta?
Ang weird lang dahil usually sa mga gubat may maririnig na mga huni ng ibon o kahit na anong mababangis na hayop, pero wala akong marinig na kahit na anong ingay. Tanging ang tunog lang pag-apak ko sa mga tuyong dahon na bumabalot sa lupa na nadadaanan ko ang naririnig.
Pilit ko na lang pinapakalma ang sarili ko, kahit na namimintig na sa ugat ko ang labis na takot. Mama, bakit mo ba kasi ako pinadala rito?
Nakakabingi yung katahimikan.
Pero kagat labi kong tinutuloy ang paglalakad habang nagmamasid sa paligid. Baka mamaya, na-tsismisan lang din si mama ng isang manggogoyo dati. The fudge, 'wag naman sana.
Pero, mamamatay na rin naman ako eh, siguro lubus-lubusin ko na.
Awtomatikong napatigil ako sa paglalakad nang bumungad sa akin ang napakalaking lumang arc at higanteng bakal na gate.
Wait, ito na ba 'yung school?
Napalunok uli ako para maibsan yung pagkatuyo ng lalamunan ko at inaninag yung nakaukit sa lumang arc na halos burado na.
Piveram High.
Tama, ito na nga 'yun. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil mukhang hindi na-tsismisan si mama ng isang manggogoyo dati.
Pero ang tanong, paano naman kaya ako makakapasok?
Tinitigan ko 'yung bakal na gate at sa isang tingin pa lang, parang ilang libong taon na 'yung hindi nabubuksan dahil na rin sa kinakalawang na ito. At mukhang hindi ko yata 'yun kayang itulak gamit ang mga kamay ko lang. Lalo na't mahina na ang state ng katawan ko ngayon. State talaga!
"Ahm, excuse me po! Tao po! Gusto ko po sanang mag-enroll, kung pupwede pa po! Tao po! Mag-e-enroll po sana ako! Yuhooo!" sigaw ko pero nag-echo lang 'yun sa buong gubat kaya agad na nagsitindigan ang mga balahibo ko. Sumakit na rin ang lalamunan ko, talo ko pa ang nag-concert magdamag kakasigaw.
Napabuga na lang ako ng hangin at tumingin pa uli sa paligid. Baka sakaling may makatulong sa akin para makapasok.
Pero, ngunit, subalit, datapwat, bumagsak na lamang ang balikat ko nang wala akong makitang kahit na ano. Mukhang wala na talaga akong pag-asa. Mamamatay na lang akong hindi ko pa tapos ang dapat kong gawin.
Tumalikod na lang ako at maglalakad na sana pabalik nang matisod ako sa isang malaking bato. Ay tanga lang. Dahilan para bumagsak ako sa lupa at tumama ang kanang braso ko sa isang matulis na sanga.
"Put-" pinigilan ko na lang ang sarili kong mapamura dahil mabait ako.
Pero agad akong napangiwi sa sakit. Jusko po, ba't ba ang malas ko? Hanggang sa makita ko na lang 'yung pag-agos ng dugo mula sa sugat ko.
Patay.
Xhiena, bakit ba ang tanga tanga mo? Sa lahat, masugatan pa talaga sa lugar na katulad nito?!
Agad na natataranta akong tumayo at hinagilap ang panyo ko sa bulsa, pero wala akong makapa. Muntik nanaman akong napamura dahil sa kamalasan ko.
Kailangan kong matakpan kaagad ang sugat ko, kundi may mangyayaring masama. Iyon ang sabi sa akin ni mama. Kaya iniingatan ko rin ang sarili kong masugatan. Kaso, tanga lang talaga.
Tinakpan ko na lang ng palad ko 'yung sugat ko at agad na napalinga sa paligid. Wala naman sigurong masamang mangyayari, gaya ng sabi ni mama. Kailangan ko lang umalis kaagad dito.
Magsisimula na sana akong humakbang nang maring ko ang tunog na 'yun.
Tunog ng bakal.
Oh my!
Napalunok ako at dahan-dahang lumingon na parang nasa isang horror movie. Tapos unti-unti na lang nanlaki ang mga mata ko.
Iyong gate bumubukas.
Napaatras ako at mas napahigpit sa pagtakip ng sugat ko. Halos mabingi ako dahil sa tunog ng paglangitngit ng bakal na gate.
Ni kahit sino, hindi pa nakikita ang nasa loob ng school na 'to, at ngayon bumubukas 'yung gate mismo sa harapan ko.
Paano kung mga cannibal pala ang nasa loob at bigla akong kainin? Tapos gigilingin ako at gagawing candy ang mga mata ko.
"Ano ba yan, Xhiena?! Kung ano-anong nasa isip mo, mamamatay ka na, di ba? Ano pang ikinatatakot mo?!" kausap ko sa sarili ko at pinagtatampal ang pisngi ko.
Tama, mamamatay na rin naman ako. Bakit pa ako natatakot? Pero, kahit papaano naman kasi gusto kong mamatay ng maganda at hindi lasog-lasog.
Napahugot na lang ako ng hininga at itinuon yung atensyon ko sa gate na bawat segundo ay palaki ng palaki ang nagiging siwang dahilan para masilip ko kung ano ba talaga ang nasa loob.
Ano nga ba?
Hanggang sa tuluyan ng bumukas 'yung gate at napanganga ako sa nakita ko.
Isang..
Malaking kastilyo.
Napalunok ako. Totoo ba 'tong nakikita ko?
Dahan-dahan akong humakbang papasok sa gate at natigilan na lang ako sa pagkamangha dahil bumungad sa akin ang maraming taong parang gulat na nakatingin sa akin, mukha silang mga kasing edad ko lang at nakasuot ng mga magagarang uniform, at magaganda't gwapo.
Pero bakit nga ba sila nakatitig sa akin? Madungis na ba yung mukha ko?
Ilang minuto pa ang nakalipas at tahimik parin ang lahat habang nakatingin sa akin.
"Ahm, excuse me? Ito ba yung---"
Naputol naman ako sa pagsasalita nang marinig ko uli 'yung paglangitngit ng bakal na gate. Napalingon ako sa pinanggalingan ko at nakita kong unti-unti na 'yung sumasara kasabay ng halos pagyanig ng lupa.
Oh my! Anong nangyayari? Muntik na akong matumba sa kinatatayuan ko hanggang sa tuluyan ng sumara 'yung gate at kasabay nun ay ang pag-jumbled ng mga letters na nakaukit sa arc.
Unti-unting napalaki ang mga mata ko.
Kasi 'yung salitang Piveram High..
Naging Vampire High?!