"Nagkaroon siya ng amnesia, kaya wala man lang siyang maalala tungkol sa pagkatao niya. Kung ano'ng pangalan niya at kung saan siya nakatira," sa sinabing 'yun nitong pulis na nagngangalang Toby ay bahagya na akong nagbaba ng tingin sa tasa ng kape na nasa ibabaw lang nitong maliit na lamesa. Ito ang nagsisilbing pagitan namin ng mga taong nasa harapan ko dahil nandito kami ngayon sa sala nila at nakaupo sa malalambot na mga sofa.
"Gano'n ba? Nakakalungkot naman pala ng nangyari sa'yo, Iha." Alam kong nakatingin na ngayon sa akin ang Auntie ni Toby, kaya naman bahagya na rin akong nag-angat ng tingin sa kanya. No'ng magtama ang mga mata namin ay kitang-kita ko kung paano mangibabaw ang awa nito para sa akin.
"Pero p-paano naman kayo nagkasamang dalawa?" sa tanong niyang 'yun ay kaagad din niyang nilingon ang pamangkin niyang nakaupo lang din ngayon sa tabi niya.
"Kamuntik ko na ho kasi siyang masagasaan, nahimatay rin siya kaya dinala ko na sa hospital." Nabaling ang tingin ko kay Toby, na siyang naging dahilan naman ng agarang pagtatama ng mga mata naming dalawa. Hindi ko na nagawa pa ang magsalita dahil tama naman lahat ang mga sinabi niya. Ilang segundo lang ay nag-iwas na rin ito ng tingin sa akin para ituon sa tasa ng kape na nasa harapan nito. Kinuha niya ito mula sa ibabaw ng lamesa at pagkatapos ay marahang sumimsim ng kape sa tasa.
"Eh, kumusta naman ang pakiramdam mo ngayon, Iha? Wala na bang masakit sa'yo?"
"W-Wala naman ho, maayos na ang pakiramdam ko."
"Mabuti naman kung gano'n," sagot sa akin ng Auntie ni Toby, bago pa ito tuluyang ngumiti sa akin nang matamis. Sa nakikita ko sa kanya ay mukha naman siyang mabait at mapagkakatiwalaan. Mahinhin siyang magsalita at kumilos at para bang hindi nito magagawang manakit ng ibang tao kailan man.
"Bagay na bagay sa'yo 'yang suot mo," dagdag nitong sabi no'ng masipat nito ang suot ko ngayon. Suot ko lang naman kasi ngayon ang ipinahiram nito sa aking dress kanina no'ng maglinis na ako ng katawan ko. Sleeveless na mint green floral dress ito at bumagay lang sa maputi kong balat, komportable rin ako rito at mas magaan na rin ang pakiramdam ko ngayon, lalo na't naka-ponytail na rin ang mahaba at blonde kong buhok na kanina lang ay sobrang gulo sa pagkakabuhaghag.
"Salamat po sa pagpapahiram nito sa'kin."
"Wala 'yun, hindi ko na rin naman iyan masusuot dahil medyo alam mo na, tumatanda na," pagkasabi niya no'n ay wala sa oras na natawa na rin ito nang mahina. Napilitan na lang din akong bahagyang mapangiti sa kanya.
"Ahm, Auntie, kung okay lang sa inyo, pwede ho bang dito na muna siya pansamantala? Hangga't hindi pa siya nakaka-recover sa mga nangyari sa kanya. Isa pa po ay pwede ko siyang matulungan para malaman kung sino siya at kung saan siya nakatira," sa mga sinabing 'yun ni Toby ay hindi ko na naiwasan ang sandaling matigilan. Wala sa oras na napatitig ako sa kanya dahil mukhang seryoso talaga siya sa mga sinasabi niya, hindi ko tuloy alam kung dapat ba kong matuwa o kabahan? Totoo nga bang gagawin niya ito para sa akin nang walang hinihinging kapalit?
"B-Bakit hindi, masaya akong makatulong," kaagad namang sagot ng auntie niya, na siyang kaagad ding nagpangiti sa kanya.
"Iha, pwede kang manatili rito kahit kailan mo gusto. Ang mahalaga ay maka-recover ka at malaman mo na rin kung sino ka ba talaga." Wala sa oras na napatingin ako sa Auntie ni Toby, no'ng marinig ko ulit siyang magsalita. Napatitig lang ako sa kanya habang pinagmamasdan ang matamis nitong ngiti sa akin.
"S-Salamat po," tipid kong sagot bilang pasasalamat. Hindi ko mapaniwalaan na ganito siya kabait sa isang katulad kong stranger, hindi alam kung saan nanggaling at hindi alam kung ano ang totoong pagkatao.
"Naayos ko na 'yung tutulugan niya sa guess room."
Pare-parehong nabaling ang mga atensyon namin sa kadarating lang na babae rito sa sala. Sa pagkakatanda ko ay Auntie Vilma ang itinawag dito ni Toby kanina no'ng makarating kami rito sa kanila. Ang sabi ng Auntie ni Toby ay siya lang daw ang nag-iisang helper nila rito sa bahay, pero hindi ko naman 'yun gaanong nahalata dahil parang hindi naman talaga gano'n ang turing nila sa kanya.
"Sige, salamat, Vilma. Magpahinga kana rin," pagkasabi no'n ng Auntie ni Toby ay marahan na ring tumango sa kanya ang helper. Ilang segundo lang ay umalis na rin ito sa sala at nagpunta sa ibang direksyon. Samantalang ang Auntie naman ni Toby ay tumayo na rin mula sa pagkakaupo niya sa malambot na sofa bago ulit ito tuluyang magsalita.
"Oh, siya, magpahinga na tayo. Toby, ikaw na lang ang magligpit nitong mga tasa at mauuna na ako sa inyo."
"Sige po, Auntie."
"Sige na, goodnight. Iha, magpahinga kana," sabi nito sa akin, na siya namang kaagad ko lang na tinanguan. Pagkatapos no'n ay nagsimula na rin itong humakbang para maglakad palayo rito sa sala.
"Sige na, umakyat kana rin sa taas. Alam mo naman na kung saan 'yung guess room 'di ba." Naagaw naman kaagad ni Toby ang atensyon ko no'ng marinig kong magsalita ito. Nakita kong tumayo na rin ito sa pagkakaupo at sinisimulan nang ligpitin ang mga tasang pinag-inuman namin ng kape. Hindi ko alam kung dapat pa ba kong magsalita at sumagot sa kanya, kaya naman hindi ko na napigilan ang mapalunok nang mabigat sa sarili kong laway. May kung ano kasing kaba ang namumuo sa dibdib ko dahil parang may gusto akong sabihin sa kanya, pero hindi magawang bumuka ng bibig ko para magsalita.
No'ng mapansin kong aalis na siya ay parang bigla akong naging hindi mapakali, naiilang man ay naglakas loob na lang akong ibuka na lang nang tuluyan ang bibig ko para lang sabihin kung ano ba talaga ang nasa loob ko.
"Salamat," sabi ko rito, na siyang sandali namang nagpatigil sa kanya sa akma niyang pag-alis. Wala sa oras na napatingin ito sa akin kaya naman bahagya nang nanlaki ang mga mata ko.
"Ahh, m-magpapahinga na ako." Hindi ko na ito hinintay pang magsalita dahil kaagad na akong tumayo mula sa pagkakaupo ko para mabilis nang maglakad paalis dito sa sala.