MATIPID na tinanguan ni Anton si Joshua na nakasalubong niya sa malaking bulwagan ng isang hotel. Tila siya hangin na hindi pinansin ng kanyang bayaw. Nais niyang matawa. Hanggang ngayon ay itinuturing pa rin niyang bayaw ang isang taong wala nang pakialam sa existence niya.
Nasa isang engagement party sila ng nag-iisang anak ng isang tanyag na negosyante. Talagang nasorpresa siyang makita si Joshua sa ganoong pagtitipon dahil kilala itong hindi gaanong nakikihalubilo sa ibang tao.
Ilang taon na bang hindi maganda ang relasyon niya sa pamilya ng kanyang asawa? Ilang taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin siya napapatawad ng mga ito sa kanyang nagawa.
Napabuntong-hininga si Anton. Hindi niya masisi ang pamilya ng kanyang asawa. Kahit siya ay nahihirapang patawarin ang sarili. Ilang taon na ba siyang nagsisisi? Ilang taon na siyang inuusig ng kanyang konsiyensiya?
Araw-araw sa loob ng mahigit na siyam na taon, hindi nagsawa ang mga bayaw sa pagpapamukha sa kanya na pinatay niya ang kapatid ng mga ito—ang asawa niyang si Chenie.
"Don't tell me you are still affected?"
Napatingin si Anton sa magandang babaeng nakaangkla ang braso sa braso niya. She must be the loveliest woman present in that occasion. He used to admire her beauty. No, scratch that. He used to be head over heels in love with her beauty, with her personality. He used to love this woman but he couldn't feel the love now. Hindi nga niya maalala ang pakiramdam na umiibig siya rito.
"I'm still begging for their forgiveness, Andrea," aniya. Umabot siya ng dalawang champagne glasses sa dumaang waiter.
Andrea rolled her eyes. "Ilang ulit ko na bang sinabi na hayaan mo na sila? Hindi naman ikaw ang may mabigat na dalahin dahil sa galit. Sila rin ang mahihirapan. You've done your part. Hayaan mo na sila kung ayaw nilang magpatawad."
Hindi tumugon si Anton. Ayaw na niyang makipag-argumento kay Andrea. Ayaw na niyang igiit ang punto niya. Kung kinakailangan niyang humingi ng tawad buong buhay niya, gagawin niya. Kaya siguro patuloy siyang umaasa na darating ang araw na mapapatawad siya ng pamilya ni Chenie ay dahil baka sakaling mapatawad na rin niya ang kanyang sarili kapag nangyari iyon.
Nag-umpisa na ang reception ceremony. Napatingin si Anton sa pareha sa kanilang harapan. Hindi niya makita ang pag-ibig sa mga mata ng mga ikakasal.
It was an arranged marriage. May mangyayaring merger sa business empires ng dalawang pamilya.
Hindi na bago sa kay Anton ang ganoon. Sa mga katulad nila, hindi uso ang pag-ibig. They married their own kind for practical and business reasons. A few years ago, he was in the same position or, he did just that. But the marriage ended very badly. It ended in tragedy.
He felt a familiar stabbing pain in his heart. Hindi niya nais na maalala ang mga masasakit na pangyayari sa nakaraan ngunit hindi maiwasan. Hindi rin niya maintindihan kung bakit hindi nababawasan ang sakit, bagkus ay tila lalo siyang nagiging alipin niyon sa paglipas ng panahon. Ang sabi ng ilan, iyon ay dahil ikinulong niya ang sarili sa alaalang iyon. Dahil masyado niyang sinisi ang kanyang sarili. Ayon sa kanyang pamilya, aksidente ang nangyari at walang may gusto na mangyari iyon.
Ngunit hindi mapigilan ni Anton na sisihin ang kanyang sarili. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa kanyang alaala ang lahat. Kung hindi sana niya nasaktan ang kanyang asawa noon, hindi aalis ng bahay si Chenie. Hindi mahuhulog ang sasakyan nito sa bangin kung hindi dahil sa kanya. Hindi sana nawalan ng ina ang kanyang anak.
“Nais ko nang mainip, Anton,” untag ni Andrea. “Kailan mo pakakawalan ang sarili mo sa guilt na nadarama mo? Kailan mo ako pakakasalan? Halos isang dekada na mula nang mamatay si Chenie. Pakawalan mo na ang mga alaala niya. Pakawalan mo na ang sarili mo.”
Napailing si Anton. Hindi rin niya mapaniwalaan ang dedikasyon at pag-ibig ni Andrea sa kanya. Hindi ito kailanman sumuko sa kanya. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin na pakakasalan niya ito.
“Nangako ako sa puntod ng asawa ko, Andrea,” aniya sa malamig na tinig. “Hindi na ako kailanman muling magpapakasal. Hindi na ako kailanman muling iibig pa. Kung kaya ko, sana noon ko pa nagawa. Matagal ka na sanang Mrs. Quan.”
Nagdilim ang mukha ni Andrea. Gumuhit ang matinding galit sa mga mata nito. Hindi niya iyon pinansin. Wala siyang pakialam kung magalit man ang babae sa kanya. Hindi niya ito pinaasa sa mga nakalipas na taon. Noon pa man ay nilinaw na niya na wala siyang planong muling magpakasal. Ayaw niyang palitan si Chenie sa buhay at puso niya. Si Chenie lamang ang babaeng pag-aalayan niya ng kanyang pangalan.
Hindi na tumugon si Andrea kahit na ramdam na ramdam ni Anton ang galit na nagmumula rito. Mayamaya pa ay nagyaya na itong umuwi. Pagpasok na pagpasok pa lang nila sa sasakyan ay nagdabog na ang babae.
“Ano ba talaga tayo, Anton?” galit na tanong nito, namumula na ang mukha sa galit.
“Matagal mo nang alam ang sagot sa tanong na iyan, Andrea. Magkaibigan lang tayo,” kalmado niyang tugon.
Naikuyom ni Andrea ang kamay. “Ako ang una mong minahal. What happened to us, Anton? You used to love me.”
“Nagbabago ang damdamin ng bawat tao.”
“Galing na rin sa `yo, nagbabago ang damdamin ng bawat tao. Bakit hindi mo ako magawang mahalin muli? Bakit si Chenie pa rin? Ang tagal na niyang wala. Ang tagal mo nang pinahirapan ang sarili mo dahil sa guilt na hindi mo naman dapat na maramdaman. Kaya siguro nagpakamatay si Chenie ay para maging miserable ang buhay nating lahat. Alam kasi niyang unti-unti mong papatayin ang sarili mo sa guilt kapag nawala siya. Hindi ka niya talaga hahayaang maging masaya. Matagal na siyang wala pero nagagawa pa rin niyang pagdusahin ka sa mga alaala niya.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Anton sa manibela. “Binalaan na kita sa pagsasalita mo ng ganyan sa asawa ko, Andrea. Kung ayaw mong iwan kita sa gitna ng daan, manahimik ka. Wala kang karapatang magsalita nang ganyan sa kanya.” Nagpipigil lamang siya ng kanyang galit. Nananadya na si Andrea. Alam nitong hindi niya gusto sa tuwing nakakarinig siya ng masasamang bagay tungkol sa asawa niya. Walang sinumang tao ang may karapatan na magsalita nang ganoon kay Chenie dahil ang asawa na ang pinakamabuting tao na nilalang ng Diyos.
“Patay na siya, Anton!” tili ni Andrea. “Matagal na siyang patay! Tanggapin mo na lang iyon.”
Bigla niyang tinapakan ang preno. Halos sumubsob sila sa windshield kahit na naka-seat belt sila. “Out,” mahina ngunit punung-puno ng galit na sabi niya.
“Hindi mo na maibabalik ang nakaraan, Anton,” anito habang inaalis ang seatbelt. “Hindi na muling mabubuhay ang patay kahit pa gaano katagal ang gawin mong pagdadalamhati. Wala kang kasalanan sa pagkamatay niya. Wala tayong kasalanan. Naniniwala akong mahal mo pa rin ako. Nasakluban lang ng matinding guilt ang puso mo. Hindi mo mahal si Chenie. Hindi mo siya kailanman minahal. Ako ang nasa puso mo mula sa simula. Nakakagalit dahil hindi ka na nagising diyan sa kahibangan mo. I’m sure Chenie is now laughing heartily in the deepest pit of hell where she really belongs.”
“I said out!” bulyaw ni Anton.
Nang umibis si Andrea sa sasakyan niya ay kaagad niya iyong pinasibad palayo. Hinihingal siya sa sobrang galit. Basta pagdating kay Chenie, wala siyang kontrol sa kanyang mga damdamin. Kaya niyang saktan ang sinuman. If Andrea continued talking, he would’ve ended up slapping her.
Pilit kinalma ni Anton ang sarili. Sa isang banda, kasalanan naman niya kung bakit nagkakaganoon si Andrea. He once promised her forever. Kahit na wala siyang karapatang ipangako iyon noon. Ngunit napakatagal na panahon na iyon. Hindi nito dapat na panghawakan ang pangako na iyon hanggang sa mga panahong ito.
Nagsisisi siya kung bakit hinayaan niya lang si Andrea na malapit sa kanya. Hindi siguro nito maiwasang umasa na maaari pa silang magkaroon ng magandang wakas. Umaasa pa rin ang babae na darating ang araw na makakaahon siya mula sa pagkamatay ni Chenie at pakakasalan niya ito.
He must do something as soon as possible. Andrea must move on. Kailangan na nitong maghanap ng ibang lalaking mamahalin. Hindi na rin naman ito bumabata pa. Kailangan na nitong humanap ng ibang buhay. Kailangan na niyang lumayo kay Andrea.
Ngunit paano niya gagawin iyon kung ang babae ang isa sa mga vice presidents ng kanyang kompanya? Andrea was a brilliant woman. Mahusay sa trabaho nito. Pero kung kinakailangan niyang pakawalan ang isang asset ng kompanya upang mapabuti ang buhay nito, gagawin niya.
Hindi mangyayari ang lahat ng mga pangarap nitong buhay na kasama siya. Anton would remain faithful to his dead wife. Kahit na wala na, si Chenie lamang ang mamahalin ng kanyang puso habang-buhay. Kung hindi lamang siya kailangan ni Enid, matagal na niyang sinundan ang kanyang asawa sa kabilang buhay.
Hindi niya maaaring iwan ang kanyang anak. Pihadong magagalit sa kanya ang kanyang asawa kapag ginawa niya ang bagay na iyon. Kailangan niyang magsumikap upang mabigyan ng maginhawa at maayos na buhay ang nag-iisang buhay na alaala na iniwan sa kanya ng kanyang asawa.
PAGDATING ni Anton sa bahay ay kaagad niyang pinuntahan ang kanyang anak sa silid nito. He found her sleeping peacefully on her custom-made four-poster bed draped with dreamy organza, the kind that conjured up thoughts of palaces and princesses. He smiled while watching her sleep. Nilipad ng hangin ang lahat ng galit na nadarama niya kani-kanina lamang.
Enid was his princess. She would always be his only princess. Ibibigay niya ang lahat sa anak upang magkaroon ng mala-prinsesang buhay.
Maingat siyang naupo sa kama at hinaplos ang buhok ni Enid. She stirred but didn’t wake up. He gently kissed her forehead.
Sampung taong gulang na ang kanyang anak. Hindi magtatagal ay dalagang-dalaga na ito. He dreaded the day when she would eventually find her Prince Charming and leave him. She was his sole reason for living in this world, his sole source of his happiness.
Kung wala siguro ang anak sa kanyang tabi, matagal na sigurong ikinabaliw ni Anton ang pagkawala ni Chenie. Enid looked a lot like her mother. Sigurado siyang magiging kamukhang-kamukha nito ang ina nito paglaki. Iyon naman talaga ang nais niya. Nais niyang lumaki si Enid na katulad na katulad ng ina nito. Nais niyang maging kasingbuti ito ng ina nito.
Aminado siyang minsan ay nawawalan siya ng panahon sa anak dahil sa kaabalahan niya sa trabaho, ngunit wala namang kapantay ang pagmamahal niya sa anak. Ang lahat ng libreng oras niya ay inilalaan niya kay Enid. Sinisikap niyang maging isang mabuting ama para hindi niya madisappoint ang kanyang asawa sa muli nilang pagkikita.
Natutuwa naman si Anton dahil mabuting bata si Enid. She excelled in school. Hindi bratinella. May mabuting puso. Hindi na dapat na pagtakhan iyon dahil isang napakabuting ina ang pinanggalingan nito.
Nang magsawa siya sa kababantay sa anak ay tumayo na si Anton at tinungo ang master’s bedroom. Umupo siya sa kama. Napapabuntong-hininga siya habang niluluwagan ang kanyang kurbata. Inilibot niya ang kanyang paningin sa paligid. Napatingin siya sa isang tufted chaise lounge na nasa malapit sa kama. Madalas niyang madatnang nakaupo doon si Chenie sa tuwing uuwi siya noon, looking very pretty in her white pajamas. Abala ang asawa sa panggagantsilyo ng kung ano ngunit hindi maaaring hindi tumayo upang alamin kung may kailangan siya...
“Nakauwi ka na pala,” nakangiting bati nito sa kanya pagpasok na pagpasok niya sa silid nila.
Napabuntong-hininga si Anton. Sinadya niyang umuwi nang late nang araw na iyon upang hindi na niya datnan nang gising si Chenie. He should’ve known. Kahit na gaano pa siya ka-late na umuwi ay maghihintay at maghihintay ang asawa.
Tumayo si Chenie mula sa kinauupuan nitong chaise lounge at inilapag nito sa isang ottoman ang ginagawa. “Kumain ka na ba? Gusto mo bang ipaghain kita? What do you want to eat?”
Hindi niya ito pinansin. Nagtuloy na siya sa banyo at naligo. Paglabas niya sa banyo ay nakahanda na sa kama ang kanyang pantulog. Wala sa paligid ang kanyang asawa.
Nanghihinang tumayo si Anton mula sa kama at tinungo ang banyo. Naligo siya. Labis niyang pinagsisisihan ang hindi niya madalas na pagpansin sa kanyang asawa noon. Hinahanap-hanap niya ngayon ang mga pag-aasikaso nito sa kanya, ang presensiya nito. Talagang hindi malalaman ng isang tao ang kahalagahan ng isang bagay hanggang sa mawala na ang bagay na iyon at hindi na maibabalik kailanman.
Pagkabihis ay sa chaise lounge ni Chenie siya nahiga. Hinayaan niyang alipinin siya ng lungkot. Kung maibabalik lamang niya ang lahat, hindi niya ito sasaktan. Mamahalin niya nang lubos ang asawa.
Kung muling babalik sa piling niya si Chenie, gagawin ni Anton ang lahat upang lumigaya ang asawa. Iaalay niya ang lahat ng pag-ibig na kaya niyang ibigay. Babawi siya sa lahat ng pasakit na idinulot niya.
Kung maghihimala ang langit at bumalik Chenie sa piling ni Anton, ipinapangako niyang itatama niya ang lahat ng pagkakamaling nagawa niya sa nakaraan.