SHE LOOKED at him. Kahit hindi niya nakikita ang kanyang mga mata, alam niyang puno ng ningning ang mga iyon. Kahit na madalas niyang pagsabihan ang sarili na huwag itong laging titingnan ay hindi pa rin niya mapigilan. Wala namang makasisisi sa kanya. He was the most handsome man in the universe. Walang ibang lalaki na makakapantay.
Napapitlag siya nang may biglang umakbay sa kanya. Paglingon niya ay napangiti siya. It was one of her brothers.
“Crush mo siya, ano?” tukso nito sa kanya.
Naramdaman niya ang kanyang sariling namumula. “H’wag mong sasabihin sa iba, Kuya, ha? Secret lang nating dalawa `to.”
He fondly ruffled her hair. “You’re still young. You’re still our baby,” anito na napapailing.
Lumabi siya. “Parang crush lang naman, eh.”
“May iba na siyang crush.”
Hindi siya naapektuhan sa sinabi nito. Ayaw niyang panghinaan ng loob. He would get over his crush. Darating ang araw na mapapansin siya nito. Darating ang araw na magmamahalan sila nang lubos.
Kahit na bata pa ang turing ng lahat sa kanya sa edad na disi-seis, sigurado siyang pag-ibig ang kanyang nararamdaman. She had so many dreams for them. She had so many fantasies. When she turned eighteen, he would ask her to be his girl.
Apat na taon ang tanda nito sa kanya. Kaibigan ito ng dalawang kuya niya. Sa iisang unibersidad nag-aaral ang tatlong lalaki. Bukod doon, malapit na magkaibigan ang mga pamilya nila. Kapag sila ang magkakatuluyan, magiging masaya ang lahat.
Ang kaso, hindi yata siya nito nakikita. Sa tuwing nasa bahay nila ito ay mga kapatid niya ang kausap at kakuwentuhan nito. Mga simpleng pagbati lang ang ibinibigay nito sa kanya. Wala itong giliw sa kanya, hindi katulad ng karamihan sa mga taong nakapaligid sa kanya. All she could do was watch him from a distance.
Katulad na lamang ngayon, kalaro nito sa basketball court ang isa pa niyang kuya. Kanina pa siya nanonood sa mga ito sa malayo.
Lagi niyang hinihiling na sana ay mapansin na siya nito. Sana ay makita nitong sila ang nakatadhana para sa isa’t-isa.
“Halika, ipagluluto na lang kita ng paborito mo,” yaya sa kanya ng kuya niya. “Mamaya mo na tanghuran si Anton.”
Ayaw sana niyang sumama ngunit pinilit siya nito hanggang sa pumayag na siya...
NAPABALIKWAS NG BANGON sa kama si Cheryl. Bahagyang nanginig ang kanyang kamay habang inaabot ang isang bottled water sa may bedside table. Pagkatapos niyang uminom ay sumandal siya sa headboard ng kama. Inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid. Nasa isa sa mga guest rooms siya ng bahay ng mga Balboa sa Pilipinas.
Pilit niyang pinipigilan ang matinding frustration na unti-unting bumabangon sa dibdib niya. Nahihirapan na siya sa mga panaginip niya. Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit ayaw niya sa Pilipinas. Kapag naroon siya, madalas siyang nananaginip ng mga bagay na hindi niya maintindihan. Noong una ay inakala niyang normal lamang ang managinip nang ganoon. Nagsimula siyang mainis nang mapansin niyang madalas nang magpakita ang mga pare-parehong tauhan sa mga panaginip niya.
Sa mga panaginip ni Cheryl, may dalawang lalaki siyang madalas na nakikita na tinatawag niyang “Kuya.” Ang higit na nakakapagpagulo at nakakapagpainis sa kanya ay ang isang lalaking walang mukha. Sa panaginip niya, lagi siyang nakatingin sa lalaking iyon. Kahit na sa panaginip, ramdam na ramdam niya ang pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi naman niya maaninag ang mukha nito.
Dinama ni Cheryl ang dibdib na mabilis pa rin ang t***k. Laging ganoon ang nadarama niya sa tuwing mapapanaginipan niya ang partikular na tagpong iyon. In her dreams, she was in love with a guy without a face. Sa panaginip niya, lagi siyang nakatingin sa lalaki ngunit paggising niya ay hindi niya maalala ang mukha nito.
Normal ba sa isang tao na wala ng ibang napanaginipan kundi ang mga pare-parehong mukha na hindi naman niya kilala? Sigurado siyang hindi pa niya nakikita ang mga tauhan sa panaginip. Hindi niya alam kung parte iyon ng nakaraan niya. Ngunit paano nangyaring may mga kuya siya kung nag-iisang anak lamang siya? Was she in love before her car accident? Wala namang sinabi sa kanya ang mga magulang na seryosong nakarelasyon niya. Bakit hindi niya maalala ang mukha ng lalaking iyon? Sa tinagal-tagal niyang napapanaginipin ang mga pare-parehong tagpo at tauhan ay hindi pa rin lumilinaw sa isipan niya ang mukha ng lalaki.
Nang kumalma na si Cheryl ay inabot niya ang kanyang laptop. Binuksan niya ang isang folder. Nakalathala roon ang lahat ng mga panaginip niya. Nakabuo na siya ng kuwento dahil doon. Matagal na siyang tumigil sa pagtatala roon nang maging paulit-ulit na ang mga panaginip niya.
Ang kuwentong nabuo ni Cheryl ay tungkol sa isang babaeng nagmahal nang husto sa isang lalaki. They got married. They had a baby. Ang ending ng kuwento ay noong nahulog ang sasakyan sa isang bangin. Hindi niya masabi kung namatay ang sakay niyon o hindi. Hindi rin niya alam kung tama ang pagkakasunod-sunod niya ng mga pangyayari base sa panaginip niya.
Noong mga unang taon kasi ay nais niyang malaman ang mga ibig sabihin ng mga panaginip na iyon kaya binuo-buo niya ang mga pangyayari. Nais niyang maintindihan ang nais na ipahiwatig ng mga iyon sa kanya. Nais niyang malaman kung may kinalaman ang panaginip na iyon sa nakaraan niya. Nais niyang malaman kung bakit apektadung-apektado siya sa tuwing magigising siya mula sa mga panaginip na iyon.
Nais na niyang makatulog nang mahimbing sa gabi.
Naiinis na isinara ni Cheryl ang folder. Kahit ano ang pilit niya ay hindi niya maintindihan ang mga iyon. Kahit na bagu-baguhin niya ang pagkakasunod-sunod ng mga tagpo sa panaginip niya, wala pa rin siyang mahanap na sagot sa mga katanungan. Lalo lamang siyang naguguluhan sa tuwing pilit niyang inaanalisa ang lahat. Kapag nagpipilit siya, sumasakit lamang nang husto ang kanyang ulo.
Sinubukan na lamang niyang magtrabaho. Alam niyang hindi na rin siya makakatulog pa.
PANAKA-NAKANG pinagmamasdan ni Enid ang kanyang ama habang nag-aagahan sila. Nasa malawak na hardin sila ng kanilang bahay. Nakahanda na siya para sa pagpasok sa eskuwela samantalang ang ama ay nakabihis na ng pang-opisina. May plato sa harapan nito ngunit hindi naman ito kumakain. He was busy reading the newspaper while sipping his coffee.
Napabuntong-hininga si Enid. Wala siyang ganang kumain. Nais niyang magreklamo sa kanyang ama. Oo nga at kada umaga ay sinasabayan siya nito sa agahan ngunit hindi naman ito kumakain. Hindi rin gaanong nagsasalita. Napakarami niyang nais na ikuwento, ngunit nakikita niyang tila hindi ito interesado. Tila napipilitan lamang itong samahan siya sa tuwing umaga.
Sa gabi ay mag-isa lamang siya laging kumakain ng hapunan. Lagi kasing ginagabi ng uwi ang kanyang ama. Tuwing weekends ay may trabaho pa rin ito. Abala ito sa pag-aasikaso ng mga negosyo nito.
Ang sabi ng kanyang Yaya Rosa, nagsisikap magtrabaho ang kanyang ama para sa kinabukasan niya kaya huwag daw siyang magtatampo. Pinipigilan niya ang sarili na magreklamo. Nais niyang sabihin na marami na silang pera. Gaano pa ba karaming pera ang kailangan nito upang maging kontento at masaya? Gaano pa ba karaming pera ang kailangan nitong ipunin upang maghinay-hinay naman na sa pagtatrabaho? Gaano kalaki pa ang kailangan nito upang manatili ang ama sa bahay at makipagkuwentuhan sa kanya kahit sandali lang?
Madalas, pakiramdam ni Enid ay mas mahal ni Anton ang pera kaysa sa kanya.
Sino ba naman kasi ang nagsabi na gusto niya ng maraming pera? Hindi naman siya magastos. Ang sabi nga ng yaya niya ay siya na daw ang pinakamatipid na batang kilala nito. Ilang piggy bank na ang napuno niya mula sa baon niya. Hindi siya mahilig na magpabili ng mga gadget tulad ng ibang mga bata. Ang cell phone niya ay hindi bagong modelo katulad ng mga kaklase niya. Ayaw niya kasing bawasan masyado ang pera ng kanyang ama. Baka sakaling mapagtanto nito na masyado na silang maraming pera at baka bigyan na siya nito nang kaunting panahon.
Lagi tuloy nahihiling ni Enid na sana ay buhay pa ang kanyang mom. Kung buhay pa siguro si Chenie, lagi siyang may makakasama sa bahay. Kung naroon pa ito, hindi yaya ang mag-aasikaso sa mga pangangailangan niya. Hindi siguro magiging ganito kalamig ang kanyang ama. Siguro ay marunong pa rin tumawa at ngumiti si Anton. Masaya siguro silang pamilya. Siguro ay may mga kapatid na siya ngayon.
Kung buhay siguro ang mom niya, may karamay siya sa lahat ng bagay.
Ayon sa yaya, isang taong gulang pa lamang siya nang mamatay sa isang aksidente ang kanyang mom. Mula raw noon, naging malulungkutin na ang kanyang dad. Pinatay pa nitong lalo ang sarili sa trabaho. Halos hindi na ito nagpahinga.
Tinanong ni Enid kung siya ba ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina noon. Iyon lamang kasi ang dahilang naisip niya kung bakit hindi siya nito gaanong pinaglalaanan ng oras. Ramdam naman niyang mahal siya ng kanyang ama ngunit pakiramdam pa rin niya ay napakalayo nito. Niyakap siya nang mahigpit ng yaya niya at paulit-ulit na sinabi nito sa kanya na wala siyang kasalanan sa nangyari. Aksidente raw ang ikinamatay ng mom niya.
Ngunit habang lumalaki siya ay hindi nawala sa utak niya ang ganoong kaisipan. Habang lumalaki si Enid, sinasabi ng lahat na kamukhang-kamukha niya ang kanyang namayapang ina. Isa rin siguro iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya gaanong pinapansin ng kanyang ama. Sa tuwing nakikita siya nito siguro ay naaalala nito ang mom niya. Naaalala rin siguro nito na hindi na kailanman babalik sa kanila si Chenie.
She tried so hard to be the best daughter a father could ever have. Nag-aaral siyang maigi upang mabigyan naman niya si Anton ng kaunting kaligayahan. She tried to excel in sports, music, and arts. She wanted him to be so proud of her. Iyon rin lang ang alam niyang paraan upang mapansin siya nito.
May mga pagkakataon na nais na niyang magrebelde ngunit laging may nagsasabi sa kanyang hindi iyon tama. Ayaw niyang kailangan pa niyang galitin ang kanyang ama upang mapansin siya nito.
Hindi rin naman nagkukulang si Enid sa pagmamahal na galing sa pamilya ng kanyang ina. Her grandparents loved her so much. Ibinubuhos ng mga ito sa kanya ang pagmamahal na dapat ay sa mom niya. Her two uncles loved spoiling her. Lahat halos ng gusto niya ay ibinibigay ng mga ito nang walang alinlangan. Laging sinasabi ng mga ito sa kanya kung gaano nila kamahal ang mom niya, kung gaano siya kamahal ng mga ito. Kung wala raw siya sa mundo, malamang na hindi na nakaahon ang lahat sa lungkot sa biglang pagkawala ng mom niya.
“Are you done eating, Enid?” tanong ng kanyang ama na nagpanumbalik sa kanya sa kasalukuyan.
Napatingin si Enid kay Anton. He was still looking at the newspaper. Pinigil niya ang kanyang sarili na lumabi. “Opo,” kimi niyang sagot.
Ibinaba nito ang binabasa at napatingin sa plato niya. “Kaunti lang ang nabawas sa pagkain mo. Kumain ka pa. We still have time,” anito habang sinisipat ang wristwatch. Nilagyan pa nito ng pagkain ang plato niya.
Napangiti si Enid sa inakto ng ama. Ang simpleng gesture nito ay malaking bagay na para sa kanya. Masiglang kumain na siya. Hindi na nito muling dinampot ang broadsheet. Hindi pa rin ito kumain at pinanood lamang ang pagkain niya.
Pagkatapos nilang mag-agahan ay inihatid na siya nito sa eskuwela. Hinagkan nito ang noo niya bago siya bumaba ng sasakyan.
Nakangiting pumasok na siya sa classroom. Nakasalubong niya ang kaklase niyang si Enzo. Isang masiglang ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Kaagad siyang gumanti ng ngiti.