5

1637 Words
PATUNGO na sana si Enid sa labas ng eskuwelahan nang makarinig siya ng hindi kaaya-ayang musika mula sa kung saan. Nagsasalubong ang mga kilay na hinanap niya kung saan nanggagaling iyon. Nakarating siya sa music room. Nakabukas ang pinto kaya naririnig niya mula sa pasilyo ang tunog na nanggagaling doon. Sumilip si Enid sa silid upang alamin kung sino ang tao roon. Ang alam niya ay wala ng klase roon dahil uwian na nila. Teacher kaya ang naroon? Labis siyang nagtaka nang makita niyang nasa loob si Enzo. Atubili siyang pumasok. Wala pa naman ang sundo niya kaya ayos lang naman siguro na doon muna siya. “H-hi,” bati niya sa kaklase. Matagal na niyang kaklase si Enzo. Mabait ito at palakaibigan sa lahat. Magkaibigan sila ngunit hindi ganoon kalapit sa isa’t-isa. Itinuturing kasi itong kaibigan ng lahat. Minsan ay iniiwasan siya ng mga kaklase niya dahil masyado daw siyang matalino, masyado daw siyang magaling sa lahat ng bagay. Biglang nawala ang simangot sa mukha ni Enzo nang makita siya. Itinigil nito ang pangit nitong pagtugtog ng piano. Tila inis na inis ang kaklase habang tumitipa kanina. Ang alam niya ay magaling talaga ito sa instrumentong iyon kaya naman nagtataka siya ngayon kung bakit ganoon kapangit ang musikang nililikha nito. “Hello!” masigla nitong bati sa kanya. “Can I join you?” tanong ni Enid. “Siyempre naman. Wala ka pa rin bang sundo?” Naging marahan na ang pagtipa nito sa piano. Maganda na ang tunog na nagmumula roon. Sa kanilang klase, si Enzo ang pinakamagaling sa Music. Tumango si Enid. “Hindi pa ako itini-text ni Yaya, eh. Baka na-traffic sila. Ikaw? Susunduin ka ba ng Mommy mo?” Isa pang bagay na kinaiinggitan ni Enid kay Enzo ay ang pagkakaroon nito ng ina. Minsan na niyang nakita ang mommy nito at mukhang mahal na mahal ito ng ina nito. Ang totoo, naiinggit siya sa mga kaklase niyang may mga ina. Naiinggit siya sa tuwing ang mga mommy ang kasama ng mga kaklase niya tuwing may school events. Lumabi si Enzo. “Hindi nga, eh. Busy naman palagi sa work si Nanay.” “Pareho pala tayo,” aniya habang nauupo sa isang silya na malapit kay Enzo. Inilapag niya sa sahig ang bag niya. Ang cell phone niya ay hawak lamang niya para kapag nag-text sa kanya ang kanyang yaya ay kaagad niyang malalaman. “Busy din lagi ang Dad ko sa work.” Tumigil si Enzo sa pagtipa at hinarap siya. “Bakit gan’on ang matatanda, ano?” Nagkibit-balikat si Enid. “Ewan ko din. Ang laging sinasabi ni Yaya sa `kin, para din sa `kin ang ginagawa ni Dad. Para daw maging bright ang future ko.” Lalong umusli ang nguso ni Enzo. Sa kanilang klase, sa tingin ni Enid ay ito na ang pinakaguwapo. Maganda ang mga mata nito. Kulay-abo ang mga iyon. “`Yan din ang sinasabi ng yaya ko sa `kin. Nagtatrabaho raw ang nanay ko para hindi ako magutom pagdating ng araw. Para daw kapag magkasakit ako, gagaling ako kaagad kasi marami siyang pera. Hindi kasi kami mayaman na katulad n’yo, eh. At saka wala akong totoong tatay. `Yong tatay na umuuwi sa bahay namin, hindi `yong tatay na basta na lang dumating. `Buti ka nga may Dad. Sana ako rin, may totoong tatay para hindi na mahirapan sa pagtatrabaho si Nanay.” “`Buti ka nga may mom, ako wala mula noong baby pa lang ako. Bukod sa mga picture, wala akong matandaan tungkol sa kanya. Sana, may Mom ako para mas madalas na sa bahay ni Dad,” malungkot niyang sabi. “Hay! Ganoon naman yata ang lahat ng matatanda. Hindi naman natin sila maiintindihang mga bata,” anito na tila pinapasigla siya. Ngumiti na si Enid. “Oo nga. Sino ang susundo sa `yo? Yaya mo rin ba? Kung mamaya ka pa susunduin, maglaro muna tayo sa playground.” “Hindi si Yaya ang susundo sa `kin ngayon. Si Tita Cheryl ko. Secretary siya ng Tatay ko.” “Akala ko ba wala kang tatay?” “Meron, hindi nga lang totoo. Dalawa pa nga, eh. `Yong talagang tatay ko, kailan ko lang nakilala. Ewan. Hindi ko alam kung paano ko siya tatanggapin kasi ang tagal niyang nawala `tapos bigla na lang siyang darating. Parang hindi ko siya totoong tatay. Stranger siya, eh.” “O, di may tatay ka pa rin kahit na ngayon mo lang nakilala. Kung ako siguro, `pag biglang dumating ang mom ko, tatanggapin ko na lang siya. Ang kaso, kahit na mag-wish ako nang mag-wish, hindi na babalik si Mom. Nasa heaven na siya, eh.” “Eh, kasi, mas gusto ko `yong isa ko pang tatay. Siya `yong gusto ko na maging totoong tatay. `Yong nakikita at nakakasama ko mula n’ong baby ako. Siya `yong nag-alaga sa `kin. Siya `yong gusto kong maging asawa ni Nanay. Alam ko naman na hindi siya ang totoo kong tatay. Pero mas gusto ko siya talaga. Masama ba `yon? Hindi naman nila ako masisisi. Ngayon ko lang nakita ang totoong tatay ko, eh, kaya mas gusto ko kay Tatay Vann.” “Di dalawa na lang ang tatay mo para masaya. Ako kaya, maghanap din kaya ako ng bagong mom para dalawa ang mom ko? Isang nasa langit at isang nasa tabi namin ni Dad?” “Alam mo, may kamukha ka,” pag-iiba ni Enzo bigla. Nang tumingin siya sa kaklase ay napansin niyang nakatitig ito sa kanyang mukha. Bahagya siyang nailang. “Sino?” tanong niya. “Si Tita Cheryl. Alam mo, crush ko `yon dati. Ang ganda-ganda niya kasi. Mabait pa siya sa `kin. Kapag magkakasama kami, lagi niya akong inaalagaan. Para na nga siyang nanay minsan.” “Talaga?” tugon ni Enid. “Ang sabi ng dad at lola ko, kamukhang-kamukha ko daw si Mom noong bata pa siya. Talaga bang kamukha ko ang Tita Cheryl mo?” “Oo. Mamaya pagdating niya, ipapakilala kita sa kanya. Kahawig mo talaga siya. Pareho kayong maganda. Kung sasabihin mo nga sa `kin na mag-mommy kayo, maniniwala ako, eh.” Napangiti si Enid. Natutuwa siyang marinig mula kay Enzo na maganda siya. Kahit na madalas na niyang naririnig ang papuring iyon sa pamilya niya ay iba pa rin kung ibang tao ang nagsasabi. “Sige, `pag hindi pa dumating sina Yaya, ipakilala mo sa siya sa `kin. Bakit nga pala siya ang sundo mo?” “Ipinapasundo ako ni Tatay Vann, eh. May LQ sila ni Nanay kaya hindi sila nagpapansinan ngayon. Kapag gusto niya akong makasama, ipinapasundo niya ako kay Tita Cheryl o kaya kay Tita Katrina.” Bago pa man makapagsalita uli si Enid ay biglang tumunog ang cell phone ni Enzo. Kaagad nitong sinagot ang tawag. “Hello? Tita, nasaan ka na po?” masiglang sabi nito sa kausap sa cell phone. “Talaga po? Sige po, lalabas na po ako.” Pinutol na nito ang tawag pagkatapos. Hinarap siya nito. “Nasa parking lot na raw si Tita Cheryl. Tara, ipapakilala na kita sa kanya.” Isinukbit ni Enzo ang bag sa balikat. Bago pa man madampot ni Enid ang kanyang bag ay nasa kamay na nito iyon. Nauna nang lumabas ang kaklase at sumunod na siya. “Wala pa bang text ang yaya mo?” tanong ni Enzo habang naglalakad sila sa pasilyo. “Gusto mong sumama na lang sa `min? Ipapakilala na rin kita sa Tatay ko. May pupuntahan tayong masaya.” “Ha?” Hindi alam ni Enid kung papayag siya sa pag-iimbita ni Enzo. Hindi siya madalas na lumabas. Mas gusto kasi niya na nasa bahay lang pagkatapos ng klase. Mas gusto niyang manood ng TV, mag-surf sa Internet, at magbasa ng mga libro kaysa lumabas. Pero parang gusto niya ngayong lumabas kasama si Enzo. Masayang kasama ito. Makakapaglaro sila. “Sige na, sumama ka na lang sa `min. Patatawagan ko kay Tita Cheryl ang yaya mo para ipagpaalam ka,” pangungumbinsi nito. “Eh, hindi ako nakapagpaalam kay Dad. Baka pagalitan niya ako,” nag-aalangang sabi niya. Hindi siya lumalabas sa bahay o sumasama sa mga kaibigan kapag hindi siya nagpapaalam sa kanyang ama. Kahit na nais niyang makasama si Enzo ay hindi naman  niya masaway ang kanyang ama kung ayaw siya nitong payagan. “Patatawagan ko din siya kay Tita Cheryl. Sige na kasi, Enid. Masaya r’on talaga, promise!” “Umm...” Saglit siyang nag-isip. “Sige, pero `pag hindi pumayag si Dad, hindi na lang ako sasama.” “Yes!” natutuwang sabi ng kaibigan. Pagdating sa parking lot, may nakita siyang isang babae na nakatalikod sa kanila. Nakasuot ito ng puting long-sleeved polo at khaki pants. Mahaba ang buhok nitong unat na unat. Nasa tainga nito ang cell phone at tila may kausap. “Tita Cheryl!” tawag ni Enzo habang palapit sila. Nakangiting lumingon ang babae sa kanila. Nakasuot ito ng malaking shades. Ibinaba nito ang hawak na cell phone at inalis ang suot na shades. Napatigil siya sa paglalakad nang makita niya ang kabuuan ng mukha nito. Napatitig siya nang husto sa magandang mukha nito. Hindi makapaniwala si Enid sa nakikita. Ang mukhang iyon. Mula pa noong maliit siya, lagi na niyang nakikita ang mukhang iyon. Laging ipinapakita sa kanya ng kanyang lola ang mga larawan ng kanyang ina para raw hindi niya makalimutan ang mukha ng mom niya. Ngunit may kaibahan ang mga larawan sa nakikita niya. Mas matanda ang nasa harapan niya kaysa sa mga larawang laging ipinapakita sa kanya. Buhay na buhay ang ngiti ng babaeng nasa harapan niya. Ang Tita Cheryl ni Enzo ay kamukha ng kanyang mom! Hindi maaaring ito ang mom niya dahil matagal nang nasa langit si Chenie. Kamukha lamang nito ang babaeng nasa harapan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD