NAKANGITING nilapitan ni Cheryl si Enzo na may kasamang batang babae. Naroon siya sa eskuwelahan upang sunduin ang bata dahil nais sana itong makasama ni Vann Allen nang hapon na iyon. Ang kaso, nakatanggap siya ng tawag mula sa amo na nagsasabing hindi muna matutuloy ang bonding ng “mag-ama” dahil may hindi ito inaasahan na trabaho na dapat muna nitong gawin.
Pinigilan ni Cheryl ang sarili na mapabuntong-hininga. Ilang araw nang wala sa mood ang kanyang amo dahil nag-away ito at ang ina ni Enzo. Malaki ang ipinagbago ni Vann Allen mula noong nagkaroon ng malalang sagutan ang dalawa kumakailan. Naaawa siya kay Enzo dahil ang bata ang naiipit sa gitna.
“Hello, how’s school?” masuyo niyang bati kina Enzo. Masuyo niyang ginulo ang buhok nito. Lalong lumawak ang ngiti sa kanyang mga labi nang lumabi ang bata at inalis ang kanyang kamay sa buhok nito. Binata na raw ito kaya huwag nang gagawin iyon.
Sa tuwing kailangan nilang asikasuhin si Enzo, lagi siyang pinakikiusapan ni Katrina na siya na lamang ang magbigay ng lahat ng pangangailangan nito o paglaanan niya ito ng panahon dahil mas magaling siya sa mga bata. Magiliw siyang talaga sa mga bata. Sa tuwing nakakakita siya ng bata ay naliligayahan siya.
“Tita, I am not a kid anymore,” reklamo ni Enzo sa kanya.
“You are just ten,” nakangiting tugon ni Cheryl. “So, how’s school?”
“Mabuti naman po.” Napatingin si Enzo sa batang babae na kasama nito kaya napatingin na rin siya rito. Napansin kaagad niya na titig na titig ang batang babae sa kanya. Nanlalaki ang mga mata nito na halos hindi kumukurap habang nakatingin sa kanya.
Natigilan si Cheryl nang mapagmasdan niyang maigi ang mukha ng batang babae. Nakaramdam siya bigla ng kakaiba. Hindi niya gaanong maipaliwag. Bumilis nang husto ang t***k ng kanyang puso. Tila pamilyar ang mukha nito sa kanya. Pakiramdam niya ay nais niyang haplusin ang buhok nito. Nais niya itong yakapin nang mahigpit at pupugin ng halik.
Nginitian ni Cheryl ang bata upang mapagtakpan ang damdamin niyang kakaiba. Minsan talaga ay ganoon siya kapag nakakakita siya ng batang babae. Kagaya ng mga panaginip niya, hindi rin niya maipaliwanag ang mga kakaibang damdamin na iyon. Ang kaibahan nga lang ngayon, tila may matinding puwersa na humahatak sa kanya palapit sa bata. Tila doble ang kakaibang pakiramdam kaysa sa mga batang babae na nakasalamuha na niya dati pa.
“Hello,” bati ni Cheryl sa bata.
Hindi ito nagsalita, nakatingin lang sa mukha niya. Tila namamangha ito at hindi makapaniwala.
“Tita Cheryl, si Enid po, classmate ko po,” ani Enzo. “Enid, siya `yong sinasabi ko sa `yo kanina, si Tita Cheryl.”
She clutched her chest when she suddenly felt a sharp stabbing pain in her heart. It was beating so fast. Nahihirapan na siyang huminga. Hindi rin nakikisama ang ulo niya dahil nananakit na rin iyon. Enid. Biglang lumarawan sa kanyang isipan ang imahe ng isang sanggol—ang sanggol na laging nasa kanyang panaginip.
“Are you okay, Tita?” nag-aalalang tanong sa kanya ni Enzo. “You look pale.”
Pilit hinamig ni Cheryl ang sarili. She took deep breaths. Kasama niya ang mga bata at hindi siya dapat na mawala sa kanyang sarili. Hindi siya dapat masyadong nagpapaapekto sa mga panaginip na iyon. Matagal na siyang alipin niyon at kailangan niyang paglabanan.
Pinilit niyang nginitian ang mga bata. “I am okay. Masyado lang mainit kaya medyo nahihilo ako. Hello, Enid, it’s nice to meet you.”
“Tita, kasama po natin si Enid sa pupuntahan natin, ha?” sabi ni Enzo sa kanya. “Ipapakilala ko po siya kay Tatay Vann. Tawagan mo po `yong dad at yaya niya, ha? Sige na po.”
Noon naalala ni Cheryl ang dapat niyang sabihin sa bata. “Enz, may sasabihin ako sa `yo,” panimula niya. She hated to disappoint the kid but Vann Allen had some work to do.
Lumabi ang bata. “Busy siya?” nanlulumong tanong nito. “Okay lang.” Binalingan nito ang kaibigan. “Enid, paano ba iyan?”
Tila napipilitan lamang ang batang babae na ihiwalay ang tingin sa kanya. “O-okay lang. Sa ibang araw na lang. Baka mayamaya, nandito na rin si Yaya para sunduin ako.” Tumingin si Enid sa kanya. “H-hello po,” tila nahihiyang bati nito. “It’s nice to meet you rin po. Ang ganda-ganda n’yo po.”
“Magkamukha kayo,” sabat ni Enzo. “Pareho po kayong maganda, Tita.”
Napangiti si Cheryl. Sa palagay niya ay may crush si Enzo kay Enid. Kinurot niya ang pisngi nito. “Alam mo na ngayon ang maganda, ha,” tudyo pa niya. “Uhm, what if I treat you guys out? Wala na rin naman akong trabaho. I’m free all afternoon.”
Nagtatalon si Enzo. “Yehey! Sige, Tita. Tawagan mo na po `yong dad ni Enid para makapunta na tayo sa mall. `Nood tayong sine, `tapos kain tayo ng ice cream. Tita, gusto ko ng malaking-malaking popcorn, ha? `Yong maraming-maraming cheese. `Tapos, mag-arcade tayo, Enid.”
Napangiti siya nang matamis. Nitong mga nakaraang araw ay sinisikap nilang pasayahin si Enzo dahil alam nilang ang bata ang nahihirapan sa sitwasyon nina Iarah at Vann Allen. Ayaw nila itong malungkot at baka masyadong ma-strain ang puso nito. Enzo had a congenital heart defect from the time he was born. Kahit na naoperahan na noon, kailangan pa rin nito ng life-long checkup upang manatiling malusog ang puso nito.
Iyon ang pilit sinasabi ni Cheryl na dahilan sa kanyang sarili kung bakit niya niyayang lumabas ang mga bata. Dapat ay ihatid na niya sa bahay si Enzo dahil ang totoo ay may mga gagawin pa siyang trabaho. Siguro ay totoong nais niyang aliwin si Enzo ngunit mas matimbang pa rin ang kagustuhan niyang makasama pa si Enid. Hindi niya alam kung bakit, ngunit tutol na tutol ang kalooban niya na mahiwalay sa batang babae. Hindi pa niya nais na mawala ito sa paningin niya.
“Can I have your dad’s number, Enid? Tatawagan natin siya para maipagpaalam kita.”
“Pakikurot naman po ang pisngi ko,” hiling ni Enid imbes na ibigay sa kanya ang numero ng ama nito.
“Ha?” nagtatakang tanong ni Cheryl. Nilapitan niya ang bata at pumantay rito. She was very lovely. She was the loveliest kid ever.
“Pinch me,” hiling muli ni Enid. “Kagaya po ng ginawa n’yo kay Enzo kanina.” Hinawakan nito ang kamay niya at inilagay sa pisngi nito. “Pakikurot po ako.”
Natatawang kinurot ni Cheryl nang marahan ang pisngi ni Enid. Nang matapos niya itong makurot ay hindi niya magawang ibaba ang kanyang kamay. She gently brushed her knuckles against her cheek. She felt a deep satisfaction. Pakiramdam niya ay matagal na niyang nais na gawin ang simpleng gesture na iyon. Pinipigil lamang niya ang kanyang sarili na hilahin ang bata at yakapin nang mahigpit. She was sure she would freak out and call her a crazy woman. Ayaw niyang takutin ang magandang anghel sa kanyang harapan.
Hinaplos na rin niya ang buhok nito. “You are so pretty.”
Hinaplos rin ng maliit na kamay nito ang mukha niya. “Kayo din po. Alam n’yo po bang kamukha n’yo ang mom ko?”
Natigilan si Cheryl. Waring sumikdo ang puso niya sa narinig. Muling lumarawan sa isipan niya ang mukha ng isang sanggol. Naninikip na naman ang kanyang dibdib. “Talaga? Tatawagan ko rin siya para hindi siya mag-alala sa `yo.”
Tumamlay ang mukha ni Enid. “Nasa heaven na po siya, eh. Hindi na po siya babalik.”
“Oh, I am sorry,” hingi niya ng paumanhin. Nais niyang burahin ang lungkot sa mga mata nito. Nais niyang sabihin na huwag na itong malungkot dahil nalulungkot din siya.
Ngumiti si Enid nang masuyo. “Okay lang po. Puwede pong pa-hug? Kahit na saglit lang po?”
Tumango si Cheryl. Hindi niya masabi na iyon din talaga ang nais niyang gawin. Kahit na matagal siya nitong yakapin ay okay lang sa kanya.
Naipikit ni Cheryl ang mga mata nang yakapin siya ni Enid. Gumanti siya ng yakap. She deeply inhaled her powdery scent. She felt like her whole being was filled with so much love. Tila nang mga sandaling iyon ay wala na siyang mahihiling pa. Pakiramdam niya ay kompleto ang buong pagkatao niya.
Noon lamang niya naramdaman iyon mula nang bumangon siya sa ospital pagkatapos ng mahabang pagkakahimbing. Lagi niyang nadarama na may kulang sa pagkatao niya. Hindi naman niya matukoy kung ano ang bagay na iyon. Inisip niyang normal lamang iyon sa mga katulad niya dahil wala siyang maalala tungkol sa nakaraan.
Ngunit bakit nakakaramdam siya ng hindi masukat na kaligayahan at kakontentuhan ngayon habang yakap ang isang bata? Ano ang mayroon sa batang ito upang maiparamdam nito sa kanya ang bagay na matagal na rin niyang hinahanap at hinahangad? Bakit pakiramdam niya ay ayaw na niyang bumitiw?
“Enid?”
Nadismaya si Cheryl nang kumalas sa kanya ang bata dahil may nagsalita. Pagmulat niya ng mga mata ay nakita niya ang isang matandang babae. Nagsalubong ang mga kilay niya nang tila pamilyar ito sa kanya. Saan nga ba niya ito nakita dati?
“Yaya,” pagbati ni Enid. “May bago po akong friend. Lalabas daw po kami. Ipagpapaalam daw po nila ako kay Dad. Puwede po akong sumama, `di ba?”
Hindi sumagot ang matandang babae. Nanlaki ang mga mata nito nang tumuwid na siya ng tayo. “Diyos na mahabagin!” bulalas nito. “Chenie! Buhay ka!”
“Yaya,” banayad na saway ni Enid. “Hindi po siya si Mom. Kamukha lang po. `Di ba ang sabi mo po, nasa heaven na si Mom? Matagal na siya d’on, sabi n’yo ni Dad.”
Naguluhan si Cheryl sa reaksiyon sa kanya ng matandang babae. Bakit para itong nakakita ng multo? Hindi rin niya maipaliwanag ang kabang nadarama.
Chenie? Saan nga ba niya narinig ang pangalan na iyon?
Kahit ang pangalang “Enid” ay pamilyar na pamilyar sa kanya. Sa mga panaginip niya ay kasama ang pangalang iyon. May kinalaman ba ang bata roon? May kaugnayan ba ang Enid na bata sa panaginip niya at ang Enid na kaibigan ni Enzo?
Marahan niyang ipinilig ang kanyang ulo. Hindi na muna siya mag-iisip sa ngayon. Ayaw niyang panakitan nang husto ng ulo. Nais pa niyang makasama ang mga bata sa pamamasyal. Baka nagkataon lamang naman kasi iyon. Marami naman ang magkakapangalan.
Nginitian ni Cheryl ang matandang babae. “Hindi po ‘Chenie’ ang pangalan ko,” magalang niyang sabi. “Ako po si Cheryl Arpilleda. Sekretarya po ako ng tatay ni Enzo, kaklase po ni Enid. Gusto ko po sanang ilabas ang mga bata kung maaari.”
Tumikhim ang matandang babae at tila nahamig na nito ang sarili. “K-kailangang payagan si Enid ng Dad niya.”
“Tatawagan ko po siya,” aniya. Bago pa man niya mahingi ang numero ay narinig na niyang may kausap si Enid sa cell phone nito.
“Dad! How are you?” masigla nitong sabi sa kabilang linya. “Can I go out with some friends? I’m gonna go with Yaya.”