“THANKS, Jhoy,” sabi ni Anton sa kausap sa telepono bago niya ibinaba iyon.
Sinikap niyang magpakahinahon at hinarap na ang kanyang naudlot na trabaho. Marami siyang proposals na dapat mapag-aralan. Maraming trabaho ang dapat na harapin. Wala siyang panahon na mag-isip ng kung anu-anong kalokohan. Sadyang hindi maaari ang naiisip niya.
Sumusukong napabuntong-hininga si Anton nang wala talaga sa trabaho ang isipan niya. Sumandal siya sa high-backed swivel chair niya. Bakit nga ba siya nagkakaganoon? Bakit siya nababalisa? Hindi niya mapaniwalaan na hindi siya makapag-concentrate sa trabaho dahil lamang sa isang tawag na natanggap niya kanina, dahil sa tinig ng isang babae na bagong kaibigan raw ng kanyang anak.
Kinailangan pa niyang tawagan ang kanyang kaibigan na si Jhoy Balboa upang kumpirmahin ang ilang impormasyon na sinabi ng babae.
Subsob siya sa trabaho kanina nang biglang tumunog ang cell phone niya na para lamang sa malalapit na kaibigan at kapamilya. Ang kanyang anak ang tumatawag. Nagpapaalam si Enid sa kanya kung puwede itong sumamang mamasyal sa mall kasama ang isang kaklase at bagong kaibigan nito. Ipinakausap siya nito sa babae.
“Hello, Sir? I am Cheryl Arpilleda and I am with your daughter. Gusto ko po sana siyang ipagpaalam sa inyo kung maaari ko po siyang isama sa pamamasyal sa mall. Sasamahan ko pong manood ng sine ang dalawang bata.”
Napahigpit ang hawak ni Anton sa telepono. Bumilis nang husto ang t***k ng kanyang puso. Pakiramdam pa nga niya ay sasabog siya anumang sandali.
Kaboses nito si Chenie!
Hindi siya maaaring magkamali. Madalas noon na tawagan siya ng kanyang asawa kaya kabisado niya ang tinig nito sa telepono man o sa personal.
“W-who are you?” halos hindi humihinga na tanong niya. Alam niya na maraming magkakaboses sa buong mundo kaya hindi siya dapat na mag-react nang ganoon. Hindi siya dapat nakakaramdam ng kakaiba.
“Cheryl Arpilleda. I am Lorenzo Allan Delos Reyes’ yaya—sort of. He’s Enid’s classmate. I am associated with VA Corporation. Maaari n’yo pong i-check kung magpapalubag iyon ng loob n’yo. Hindi ko po pababayaan ang anak n’yo. Isasama rin po namin ang tagapag-alaga niya. Ihahatid ko na lang po siya sa bahay n’yo mamaya.”
Kinalma ni Anton nang husto ang sarili. “Can I talk to her yaya?” pormal niyang sabi.
“Anton,” bungad sa kanya ni Yaya Rosa.
“Pakialagaan na lang po si Enid,” bilin niya. “Maigi na rin siguro na makalabas-labas siya kasama ng mga kaibigan. Kung may gusto po siya, kayo na po ang bahalang bumili.”
“Anton,” ang sabi nitong muli. May kakaiba sa tinig nito. “Kamukhang-kamukha niya, Anton. Kamukha niya.”
“Po? Ano po ang nangyayari sa inyo?” nagtatakang tanong ni Anton. Sino ang kamukha nino?
Tumikhim si Yaya Rosa at tila hinahamig ang sarili. “Sige, ako na ang bahala kay Enid. `Wag ka nang mag-alala.”
Pagkatapos nilang mag-usap ay tinawagan ni Anton si Jhoy Balboa. Tinanong niya ang tungkol kay Cheryl Arpilleda. Kinumpirma nito na associated ang babae sa VA Corporation. Ngunit hindi raw ito direktang nagtatrabaho sa korporasyon kundi sa nag-iisang kapatid nitong lalaki. Siyempre ay kilala niya ang kapatid nito, kilala ito ng lahat.
Ipinikit ni Anton ang mga mata. Siguro ay masyado na siyang pagod sa trabaho kaya nagkakaganoon na siya. Siguro ay labis lamang ang pangungulila niya kay Chenie na kahit na hindi talaga nito kaboses ang tumawag sa kanya ay naiisip niyang magkaboses ang mga ito. Marahil ay dapat muna siyang maghinay-hinay sa pagtatrabaho.
Nanatili siyang nakapikit at inabala ang kanyang sarili sa mga nakangiting imahe ni Chenie sa kanyang isip.
“ULIT po.”
Nagtataka napatingin si Cheryl kay Enid sa sinabi nito. “Ha?”
Nasa isang restaurant silang apat at kumakain ng hapunan. Tapos na silang manood ng isang Disney film. Masaya siya na makita na tuwang-tuwa ang dalawang bata sa pinanood ng mga ito. Dahil pareho palang mahilig ang dalawang bata sa pasta, sa isang Italian restaurant niya dinala ang mga ito para sa hapunan. Magana ang pagkain ng mga ito. Nakikita niya ang kasiglahan ng mga ito.
Hinawakan ni Enid ang kamay niya at inilagay sa ulo nito. “Haplusin n’yo po uli,” hiling nito. May kaunting pagmamakaawa sa mga mata nito.
Tila may kumurot sa puso ni Cheryl dahil doon. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Masuyo niyang hinaplos ang buhok nito. Kanina ay halos wala sa loob na nahaplos niya ang buhok nito habang magana nitong kinakain ang spaghetti.
“Thank you po,” kimi nitong sabi sa kanya.
Nginitian niya si Enid nang masuyo. “Walang anuman.”
Nang makita ni Cheryl na napahiran ng kaunting sauce ang pisngi ni Enzo ay kaagad niyang pinunasan iyon.
“Ako rin po,” ani Enid nang matapos siya kay Enzo.
Paglingon ni Cheryl ay nakita niyang may pahid ng sauce na rin ang pisngi ni Enid. Nagtaka siya. Kanina ay wala namang bahid iyon at sandali lang nawala ang kanyang mga mata sa bata. Napansin din niya kanina na masinop itong kumain.
“Ako na ang bahala kay Enid, Cheryl,” sabi ng yaya nito na kanina pa tahimik at pinagmamasdan lamang siya. Medyo naiilang siya sa tingin nito ngunit hindi niya masita dahil mukha naman itong mabait. “Enid, ako na ang magpapahid niyang sauce sa pisngi mo.”
Sumimangot ang bata. Umusli ang mga labi nito. Hinawakan ni Cheryl ang baba ni Enid at pinaharapa sa kanya. “Ako na ho ang bahala,” aniya sa yaya. Pinunasan niya ang dumi nito sa mukha. Kaagad na nawala ang simangot ng bata at napangiti.
“Thank you po,” anito pagkatapos.
“Gusto mo, subuan na lang kita?” masuyo niyang tanong. Ang totoo, kanina pa niya nais na gawin ang bagay na iyon. Kahit na malaki na si Enid at alam niyang kaya na nito ang sarili, nais pa rin niya itong subuan. Parang ang tagal na niyang nais na gawin ang bagay na iyon.
Nagliwanag ang mukha ng bata. “Talaga po? Sige po!”
Kaagad niyang kinuha mula rito ang mga kubyertos na hawak.
“Nakakahiya naman na sa iyo masyado, Cheryl,” ani Yaya Rosa sa nahihiyang tinig. “Hindi ka na nakakain. Ako na ang bahalang magsubo sa alaga ko.”
“Yaya,” reklamo ni Enid sa matanda. “Si Enzo na lang po ang subuan n’yo.”
“Hindi na kailangan,” sabi naman ni Enzo. “Big na ako, eh.”
Sinubuan na ni Cheryl si Enid. “Okay lang po,” sabi niya sa yaya. “Gusto ko naman po ang ginagawa ko. Naaaliw po talaga ako sa mga bata.”
“B-bahala ka,” anito. Tila nag-alangan sandali si Yaya Rosa bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Nais sana kitang tanungin ng mga ilang bagay kung hindi mo mamasamain, hija,” anito sa nahihiyang tinig.
“Ano po `yon?”
“Ang sabi mo ay mahilig ka sa mga bata, may anak ka na ba?”
Umiling si Cheryl. “Wala pa po akong anak. Hindi pa po ako nagpapakasal at lalong hindi pa po ako nanganganak. Hindi pa po yata ako handa sa mga ganoong bagay. Mahilig lang po talaga ako sa mga bata. Pakiramdam ko po kasi, nawawala ang stress na nararamdaman ko kapag may kasama akong bata, kapag naririnig ko ang mga tawanan nila. Mas madali pong ngumiti kapag nasa paligid lang sila.”
Tumangu-tango si Yaya Rosa. “Ganoon ba? Saan ka nakatira? Ano ang trabaho mo?”
“Sekretarya po ako ng tatay ni Enzo. Sa ngayon po, nakatira ako sa bahay ng amo ko habang narito siya sa Pilipinas. Sa Amerika po nakabase ang amo ko at ang pamilya ko rin. Pagkatapos po ng ilang trabaho namin sa Pilipinas ay uuwi rin po kami sa New York.”
“You are not from here?” tanong ni Enid sa kanya. “You will eventually leave?” May bahid ng lungkot ang tinig nito.
“Yes, baby.” Hinaplos niyang muli ang buhok nito. Kahit siya ay parang nais malungkot kapag nahiwalay na siya kay Enid. Bakit pakiramdam niya ay attached na siya kaagad sa bata? Bakit kakaiba talaga ang pakiramdam niya?
“Sa Amerika ka na ba lumaki, hija?” tanong uli ni Yaya Rosa sa kanya.
Sinubuan muna ni Cheryl si Enid bago siya tumingin sa matanda. “Opo. Doon na po ako ipinanganak at lumaki. Madalang nga po ako sa bansa. Kung hindi nga lang po sa trabaho ay hindi ko po mararating ang bansang kinalakihan ng mga magulang ko.”
“Matatas kang mag-Tagalog.”
“Halos lahat po kasi ng staff ng amo ko ay Pilipino. Mas gusto po niyang mag-usap kami sa Tagalog kaysa sa English. Nahasa po ako dahil sa kanila. Dati nga po ay tinopak ang amo namin, may multa na twenty dollars sa bawat English word na masasabi mo kapag kami-kaming staffs lang ang magkakasama. Ako ang may pinakamalaking binayaran.” Natawa siya nang bahagya sa alaalang iyon.
“Pati sa pagtawa ay pareho kayo,” tila wala sa loob na nasabi ng yaya. “Pero imposible talaga.”
“Po?”
Umiling si Yaya Rosa at ngumiti. “Pagpasensyahan mo na ako. Kung anu-ano kasi ang naiisip ko at nasasabi nang wala sa loob. Alam mo naman ang tumatanda na. Pagpasensiyahan mo na rin itong alaga ko kung parang makulit siya. Hindi ito ganito dati. Naghahanap lang siya ng pagkalinga ng isang ina. Sabik kumbaga. Isang taon lang siya nang mawalan siya ng ina. At kung nagtataka ka kung bakit kakaiba ang tingin ko sa`yo kanina pa, at kung bakit panay ang hiling ng batang ito ng kung anu-ano, ang totoo niyan ay kahawig mo ang namayapa niyang ina. Kung mas magiging tapat ako, kamukhang-kamukha mo siya at hindi lamang basta kahawig. Akala ko kanina ay muling nabuhay si Chenie. Pero alam ko namang imposibleng mangyari ang bagay na iyon. Marahil ay sadyang magkamukha lamang kayo at walang kinalaman sa isa’t-isa. Wala na si Chenie at hindi na muling babalik pa. Pagpasensiyahan mo na sana kami ni Enid.”
“Wala pong kaso iyon. Nagkataon lamang po siguro ang lahat. Marami naman po ang mga taong magkakamukha,” ang sabi na lang ni Cheryl. Naaawa siya kay Enid dahil nawalan ito ng ina sa murang edad. Kaya naman pala ang lambing nito sa kanya. Siguro ay nakikita nito ang ina nito sa kanya dahil kahawig nga raw niya.
Inasikaso na lang ni Cheryl ang mga bata. Hinayaan na lang niya ang kanyang sarili na maging masaya at kontento sa ginagawa niya. Kahit na hindi siya gaanong nakakain ay ayos lang sa kanya.
Habang hinihintay nila ang bill ay tumunog ang cell phone ni Enid. Nakangiting sinagot nito iyon. “Dad! Kumain ka na po? Tapos na kaming kumain ng dinner ni Yaya. Pauwi ka na po sa bahay?” Lumabi ang bata. “Bakit ngayon ka lang po uuwi? Hindi ba, kanina tapos ang office hours? Sumobra ka na naman sa trabaho. Nasa mall po kami. Pinauwi na ni Yaya si Manong Bobot kasi po ihahatid daw po kami ni Miss Cheryl sa bahay.” Biglang nagliwanag ang mukha nito. Tila nagustuhan nito ang narinig mula sa ama na nasa kabilang linya. “Talaga po? Susunduin n’yo kami? Nasa restaurant kami sa mall.” Sinabi nito ang pangalan ng kainan at mall na kinaroroonan nila. “Sige po, hihintayin ka namin ni Yaya. I would like you to meet someone. You would love her, promise!” Tinapos na nito ang tawag pagkasabi niyon.
“`Ya, susunduin daw po tayo ni Dad. Nasa daan na raw po siya ngayon. Tatawag daw po uli siya kapag nasa parking lot na siya,” masigla nitong sabi. “Miss Cheryl, hindi mo na po kami kailangan ihatid pauwi. Ipapakilala po kita mamaya sa dad ko. Guwapo po siya. Pinakaguwapong dad sa buong mundo.”
Natawa si Cheryl sa sinabi ni Enid. Parang alam na niya ang tumatakbo sa isipan nito. Hinayaan na lamang niya ito tutal naman ay bata ito. Pagkabayad niya ng bill ay nagyaya ang dalawang bata na tumingin-tingin muna sa mga store. Tutal ay wala pa naman ang ama ni Enid ay pumayag na siya.
“Puwede pong humawak?” tanong sa kanya ni Enid habang naglalakad sila.
“Ha?”
Hinawakan nito ang kamay niya. “Puwede po?”
“Of course,” ani Cheryl. Pinisil niya ang malambot nitong palad. Hindi na naman niya maipaliwanag ang kakaibang damdamin na lumukob sa kanya. Iba ang epekto ng pagdadaop ng mga palad nila. Iba ang pakiramdam na naglalakad na hawak ang kamay nito. Sadyang iba. Kakaiba sa magandang paraan dahil masaya ang buong pagkatao niya. Tila nahanap na niya ang matagal na niyang hinahanap.