Chapter 1
Chapter 1: Soul of the King of Death!
Matapos basahin at malaman ang mga impormasyon tungkol sa iniwang mensahe ng mga magulang niya ay nakahinga na siya ng maluwag, ang makapal na usok na tumatakip sa mga sagot sa kaniyang mga katanungan ay naglaho na at naliwanagan na siya sa mga bagay-bagay.
Subalit pagkatapos niya ngang mahanap ang mga sagot, may dalawa namang impormasyon ang gumugulo ngayon sa isip niya, ang una ay tungkol sa tadhana ng kaniyang mga magulang, at ang pangalawa naman ay sa isa pang bagay na nagawa niya na noon. Hindi niya inaasahan na may kapalit pala ang mga 'yon, dapat ay natuklasan niya na rin iyon sa una, kung hindi sana siya kinain ng presyur na binibigay ni Richard ay mapapansin niya sana na wala talagang libre sa mundong ito.
"Naiintindihan ko naman ang sa una, nais nilang hasain ko muna ang sarili ko sa mga pagsubok na iniwan nila. Pero bakit hindi pa rin nila sinabi kung bakit hindi ko na p'wede pang gawin ang bagay na 'yun?" Nalilito ang binata sa kaniyang nalaman.
Bakit hindi na lang kailangan pang sabihin ng magulang niya sa kaniya ang totoo? Malaki pa naman ang maitutulong nito sa kaniya pagdating sa mga pagpaplano at panggugulang sa iba na may mga masasamang intensyong balak laban sa kaniya.
Bumuntong hininga na lang ang binata at kinalimutan na muna ang mga isipin, dahil ginawa ito ng mga magulang niya ay sigurado naman siya na para rin ito sa kabutihan niya.
Tumalon ng mahina ang binata at ng halos nasa isang metro na ang taas niya sa ere ay ipinorma niya ang kaniyang mga paa na parang magmumuni-muni, at nang bumagsak ang katawan niya sa sahig ay maayos na ang posisyon niya at taimtim niya na lang ipinikit ang kaniyang mga mata. Ipinasok niya ang pandama sa loob ng katawan niya at direktang nagtungo mula ulo hanggang sa eksaktong kinaroroonan ng kaluluwa niya na katabi lang din naman ng kaluluwa ng King of Death.
Makalipas ang ilang sandaling paghahanap ay natunton na rin niya ang kaluluwa ng King of Death at biglang sumeryoso ang hangin sa paligid ng katawan ni Zac Morgan. Pinagmasdan niya ang kaluluwa ng halos limang minuto at siniguradong walang kasuspe-suspetya rito na maglalagay sa panganib ng buhay niya, hindi niya na uulitin pa ang pagkakamali na ginawa sa kanilang laban ni Richard Goodman. Malinaw na sa kaniya na sa mundong ito ay masasabing ang mga himala ay hindi na imposible at dapat niya nang asahan pa ang mga pangyayari na mukhang imposible.
Isang himala na nakita niyang nangyari sa harapan niya ay ang nakakamanghang plano ni Richard Goodman. Iniwan ng matanda ang maliit na parte ng kaluluwa niya kay Kaito upang sa oras na maibalik na sa kanilang mga Ancient Human ang mga ala-ala ay babalik din ang tunay na lakas nila, at sa nangyaring himala ay nagawa nitong okpuhan ang katawan ng kaibigan niya.
At pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan niya, matapos ang lahat ng paghihirap sa kamay ng mapait na tadhana, nagawa niya na ngang matuklasan ang katotohanan sa kaniyang sarili, hinding-hindi na siya papayag na magkamali pa ng kahit kaunti na maaaring magresulta sa pagkawala ng lahat na mayroon siya, kaya naman mas pipiliin niyang isakripisyo ang kaunting oras na mayroon siya para masiguro na wala na talagang problema ang kaluluwa ng King of Death.
Tiyaka kung iisiping mabuti, alam niya sa sarili niya na malaking parte ng pagiging buhay pa niya ay nagmula sa suwerte. Totoong ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para labanan ang kaniyang mapait na tadhana, at sa kaniyang mga naglalakasang skill na natanggap ay inakala niyang siya na ang pinakamalakas, wala na ang makakatalo pa sa kaniya na nagresulta sa kaniyang panghihina sa huli sa kanilang laban ni Richard Goodman. Kung hindi lang plano ng matanda ang mamatay sa kamay niya ay posibleng patay na rin siya.
Sa loob ng labing-limang minuto ay sinuri niya pa ang kaluluwa upang masigurong wala na talagang problema pa, at pagkatapos sa pagsusuri ay iminulat niya na ang kaniyang mga mata. Ibinaba niya ang kamay at idinikit ang mga palad sa kahoy na sahig ng magkabilang gilid ng mga natatapatan ng tuhod niya, ginamitan niya ng kaunting p'wersa ang palad at itinulak ito para makatayo siya ng mas madali. Agad naman siyang lumakad pagkabangon at lumabas ng maliit na bahay.
Tumumbad sa harapan ni Zac Morgan ang mapayapang maliit na lawa na napapalibutan ng mga puno. Dumiretso sa matandang babae ang tingin niya na mukhang nakikipagusap pa sa maliit na isda na Great Guardian ng Ancient Mountain. Lumingon naman ang matanda at sinalubong ng malumanay na ngiti ang binata.
"Lola El, hindi ko alam kung tatagal ba ang gagawin ko sa loob ng maliit na bahay. Kung maaari ay h'wag niyo na lang muna akong hintayin upang hindi masayang ang inyong oras." Magalang na pakiusap ng binata.
Tumango ang Lola El niya na suot-suot ang ngiti sa labi bilang tugon sa sinabi ni Zac Morgan. Masaya ang matanda sa loob niya sapagkat kahit na napakalaki ng pinagbago ng kilala niyang Zac noong nakaraang sampong libong taon ay hindi pa rin nagbago ang respeto na ipinapakita nito sa kaniya.
"Ngayong ayos na ang lahat, oras na para absorbahin ang kaluluwa ng King of Death." Bulong niya sa kaniyang sarili at bumalik sa loob ng bahay, dumiretso siya sa kanina niyang puwesto at umupo sa sahig.
Kagaya ng lagi niyang ginagawa ay itinuon niya ulit ang lahat ng atensiyon sa loob ng katawan niya at hinanap ang puti at napakalinis na kaluluwa ng King of Death. Hindi ito kagaya ng kaluluwa niya na ginamitan niya ng Soul Split para hatiin sa dalawa, kailangan niyang pagtiyagaang kainin ng mahabang oras ang makapal at parang walang katapusan na puting kaluluwa na nasa tabi lang ng kaluluwa niya. Unti-unti niya itong aabsorbahin gamit ang Soul Devourer upang sa bawat absorba niya ay dahan-dahan ding masasanay ang kaluluwa niya sa biglaang paglakas nito.
'Nakakapili na nga talaga ako ng maayos.' isip ni Zac Morgan sa nakitang pumasok sa isipan niya.
Walang mensaheng pumasok sa isip niya na nagsasabing p'wede siyang mamili kung kakainin niya ba ang kaluluwa para gawing nutrisyon sa pagpapalakas ng pisikal na katawan niya, o absorbahin ito para magamit sa pagpapatibay ng kaluluwa niya. Gayunpaman, pakiramdam niya ay natural na bagay na lang ang mamili sa mga ito na kahit na ano pa ang piliin niya ay hindi siya magkakaproblema kahit na ito ang magiging unang subok niya.
At kahit nakakaakit gamitin ang malaking parte ng kaluluwa ng King of Death para gawing nutrisyon sa pisikal na katawan niya ay hindi niya pa rin ito pinili. Base sa mga mensaheng iniwan ng mga magulang niya, hindi na magiging ganoon kahirap ang pagpapalakas sa oras na matapos niya ang bawat pagsubok, kaya ang pinaka-kailangan niya ay ang patibayin ang kaluluwa niya.
Kinalimutan niya na ang mga nangyayari sa paligid, hindi biro ang pokus ng binata sa loob ng katawan niya na kahit Rank 10 na siya ay mahihirapan na siyang pakiramdaman ang mga nangyayari sa labas ng katawan niya. Kapag may kahit isang mahinang adventurer na umatake sa kaniya ay posibleng hindi niya ito agad madama.
Gayunpaman ay hindi naman siya nag-aalala sa kaligtasan niya, ilang metro lang ang layo niya sa makapangyarihang nasa labas na Great Guardian na nagbabantay sa kabuuan ng Ancient Mountain. Hindi niya nadarama ang aura at nahihirapan din siyang tukuyin kung ano ang eksaktong Rank ng isda, kaya naman ang tanging posibilidad lang ay higit na mas mataas ang Rank ng Great Guardian sa kaniya. At sa kabuuan ng Kaharian, wala ni-isa ang makakapaglagay sa buhay niya sa alanganin.
....
Naiwan sa Capital ang Evil Lord clone ni Zac Morgan kasama si Kaito at Shi. Hinihintay nilang lumipas ang isang oras na ibinigay ni Zac Morgan sa Hari upang madala nito ang mga Mana core na hinihingi para sa pagpapataas ng Rank ng clone. Pero wala pang limang minuto ang lumipas ay nakabalik na agad si Alexander na dala ang lahat ng hinihingi ni Zac Morgan.
"Nandito na ang lahat ng hinihingi ni Zac Morgan." Magalang na wika ni Haring Alexander.
Tumingin ang Hari sa tatlo at nang makita niya ang mga mata ni Kaito at Shi ay hindi niya mapigilang mapangiti ng pilit kaya nanginginig ng kaunti ang ngiti niya, ang mga mata ni Kaito ay kagaya ng kay Zac Morgan na walang emosyon habang kay Shi naman ay may kakaibang emosyon sa mga mata nito ang mahirap mabasa, subalit malakas ang kutob niya na hindi maganda ang tingin na ibinibigay nito. Marahil ay alam na ng dalawang ito ang lahat ng ginawa niya kay Zac Morgan, kung mapaghiganti lang talaga ang binata ay tinapos na siguro ng dalawa ang kaniyang munting buhay.
"I-ilalabas ko na pala ang mga Mana core." Awkward na saad ng Hari at inilabas niya ang walong mana core na kinuha sa magkakaibang ranggo ng mga halimaw.
May magkakaibang sukat ng mga mana core ang lumulutang sa harap ng Hari. Iba-iba rin ang aura na inilalabas ng mga ito, ang mas malalaking piraso ay naglalabas ng mas mahinang aura habang ang mga mas maliliit na piraso ng Mana core naman ay naglalabas ng aura na para bang walang katapusan ang lamang mana nito. Pinili ng clone ang pinakamalaking mana core na naglalabas ng Rank 1 na aura at direkta itong inihagis ng may kataasan sa ere, binuka niya agad ang bibig niya at sinalo ng walang kahirap-hirap ang inihagis na mana core gamit ang bibig niya. Pagpasok ng mana core ay dumiretso ito sa lalamunan niya at nilunok ng walang kahirap-hirap.
Habang lumalakas na ang aura na inilalabas ng katawan ng clone, tahimik namang nakayuko ang Hari na ginagawa ang lahat ng makakaya niya para hindi lumikha ng kahit na mahinang tunog. Kinokontrol niya rin ang bawat paghinga niya at sinisiguradong hindi nito magugulo ang konsentrasyon ng clone sa pagkonsumo ng mga mana core.
Ilang saglit pa ay napaisip ang Hari.
'Rank 2 na agad?' napangiti ng mapait sa loob niya ang Hari sa kaniyang naramdaman na aura ng clone, hindi mapigilang mainggit sa magandang trato ng kapalaran kay Zac Morgan.
Dalawang mana core pa lang ang nababawas sa mga nakalutang at nagawa na agad ng clone na maging ganap na Rank 2. Kahit siya bilang Prinsipe noon na nagsimula na maraming kayamanan ay hindi ganito kabilis ang progreso. Totoo nga talagang hindi patas ang trato ng kapalaran sa lahat.
Noon pa naman ay hindi niya pinapahalagahan ang laging sinasabi ng iba na ang kaniyang angat sa lahat ay masiyadong mataas, ang iba ay kumakayod umaga hanggang gabi para lamang magkaroon ng kakainin sa hapagkainan, habang siya ay nakatuon ang lahat ng atensyon sa pagpapalakas habang nagpapakasasa sa mga kayamanan ng Royal Clan niya.
Ngayon, pakiramdam niya ay naiintindihan niya na rin ang sitwasyon ng mga nasa ibaba na napansin niya noon na naiinggit sa katayuan niya. Itinanim niya sa puso niya na sa susunod ay susubukan niyang tratuhin ng mas maayos ang iba para gumaan-gaan naman ang dinadala nila, lalo na at alam niya na kung gaano kapait ang damdamin na nadarama niya sa inggit na tinatamasa ng kaharap.
Pasensiyadong naghintay ang Hari na nakayuko sa harapan ng clone habang kinokonsumo ng kaharap niya ang mga mana core. Hindi na kasing bilis ng progreso ang pag-aabsorba ng mga mana katulad ng mga nangyari sa mga Rank 5 pababa, kanina ay isang kainan lang at maa-absorba agad lahat ng mana. Pero ngayon ay kailangan niya na ang maghintay ng ilang segundo na minsan ay inaabot pa ng minuto para tuluyang makonsumo ang kabuuang mana ng Mana Core. Gayunman ang bagong bilis ng proseso, hindi naman nainip ang clone at matiyaga pa rin nitong inabsorba ang mga mana kaya walang naging problema sa pagkonsumo nito.
....
Sa iba pang parte ng Capital kung saan naganap ang digmaan sa pagitan ng mga Royal Guards laban sa Nobles at Disciples, makikita ang ilan sa kanila na nakahiga sa sahig at purong puti ang mga mata. Mayroon naman sa kanila na tuluyang namatay sa harap ng matinding takot na nadama nila sa aura ni Shi, Kaito, at Zac Morgan bilang mga Rank 10. Noong Peak Rank 9 pa nga lang ang binata ay hindi na makagalaw sa takot ang mga ito, kaya naman hindi na nakakagulat pa ang makitang bumigay na ang katawan nila sa takot nang maramdaman nila ang mas nakakapangilabot na aura ng Rank 10.
Bumalik sa Capital ang First Prince Harold at Grand Elder Damian na buo ang resolba na iligtas ang mga kasama nila. Pero hindi sumapat ang kanilang mga tapang kaya hindi rin sila nagtagumpay sa kanilang binabalak, kung nailayo sana nila palabas ang mga kasamahan, marahil ay buhay pa sana ang iba na bumigay sa matinding takot.
Ilang minuto na ang lumipas nang bumalik sa kapayapaan ang paligid. Subalit makikita pa rin sa mukha ng iba na nanginginig ang mga panga habang nakatulala sa hangin na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang pinsala na natamo ng mentalidad nila sa aura nila Zac Morgan. Meron pa ngang iba na nakatakip ang mga kamay sa kanilang mga tainga habang nakahiga ng patagilid sa sahig na nanginginig ang katawan, inaakala na hanggang ngayon ay patuloy pa ring naglalaban ang mga halimaw na parang balak wasakin ang buong Kaharian.
"M-mabuti na lang pala talaga at napagkasunduan ng bawat grupo na mailayo ang mga mamamayan sa Capital. Dahil kung hindi, sila ay mada--" Hindi naituloy ng Prinsipe ang sinasabi niya sa kaniyang naisip dahil trahedya ang naimahe niya kung nagmatigas ang kabilang kampo na h'wag bigyan ng oras makaalis ang mga inosenteng mamamayan.
"Mabuti nga, kaso nakakalungkot lang isipin na ang bilang ng mga namatay na lumahok sa digmaan ay marami. At may mga nakaligtas nga sa labang ito, pero imposibleng gumaling agad sila sa mga pinsalang natanggap ng mentalidad nila. Baka nga hindi na rin nila maipagpatuloy ang pagpapalakas dahil sa nalaman nilang diperensiya ng kanilang antas ng lakas sa mga Rank 9. Talagang hindi maganda ang digmaan, parehas lang magdurusa ang magkabilang panig." Nalulungkot na bulalas ng Grand Elder habang nakatingin sa mga Disciples na nagdurusa ng matindi sa kamay ng matinding takot. Sa tingin niya ay mas maayos pa ang magiging resulta ng digmaan kung hindi sumulpot si Zac Morgan at Richard Goodman na dumurog sa mentalidad ng bawat isa.
"Susubukan ko ring kausapin si ama tungkol sa labas. Siguro ay makakalimutan ko ang mga nangyari ngayon kapag nakalabas na ako sa lugar na ito." Napabuntong hininga ang Prinsipe at ang lungkot sa mukha niya ay hindi niya na maitago ng maayos kagaya ng dati. Lehitimo na mahalaga sa kaniya ang bawat Royal Guard at ang makitang nagdurusa sila sa harap niya na wala siyang ibang magawa para tulungan sila ay nakakadurog ng puso.
Lumipas ang tatlumpong minuto na nanatili silang nakatayo habang nag-uusap sa ilang bagay na mas nagpalungkot sa kanila. Hinihintay rin nila ang kanilang mga respetadong pinuno na dumating para magdesisyon sa mga susunod na mangyayari, kaya lang kasing paghilumin ng Healing Potion ang mga pisikal na sugat ng tao, hindi ang mga pinsala na natamo ng mentalidad nila.
Subalit bigla na lang nanlaki ang mga mata ng First Prince at Grand Elder sa aura na bigla na lang kumalat sa paligid malapit sa lugar na kinaroroonan nila. Katulad ito sa inilalabas nilang aura, Rank 8 lang ang level nito pero ang aura ay nagbibigay ng pakiramdam na parang nabubuhay sa kasamaan ang pinagmumulan nito. Ganoon pa man kasama ang aura, hindi naman malaki ang panganib na dala nito sa kanila.
"Wala pa naman si ama, mas makabubuti siguro kung titignan muna natin kung ano ang nangyayari sa pinagmulan ng masamang aura na iyon, mamaya ay dumiretso pa 'to sa mga kasama natin na wala sa sarili." Suhestiyon ni First Prince Harold at lumipad pataas kasama si tandang Damian na tumango lang bilang tugon.
Lumipad sila hanggang limampung metro ang taas at hindi mapigilang malungkot sa tanawin na kita ang mga nawasak na kalsada, bahay, gusali, at mga mansion na mapayapang nakatayo noon sa Capital. Hindi lang iyon, halos wasak na ang buong lungsod maliban lang sa maliit na parte na kinaroroonan ng mga kasama nila.
Dumiretso sila sa pinagmumulan ng aura at inihanda ang kanilang mga sarili. Si tandang Damian ay naglabas ng dalawang maliit na bote na naglalaman ng pulang likido, ito ay mga Rank 7 Healing Potion at agad niyang ininom ang isa. Nabalot ng manipis na liwanag ang katawan niya at ang ilan niyang sugat ay gumaling, nakatanggap rin siya ng mga mana na nagmula sa potion kaya binilisan niya pa ang lipad para matabihan ang Prinsipe at maiabot dito ng maayos ang Potion. Malugod namang tinanggap ng Prinsipe ang Healing Potion at kinonsumo ito sa gitna ng mabilis nilang paglipad.
....
Tuluyan na ngang nakonsumo ng clone ang lahat ng mana core na lumulutang kanina sa harapan niya. Gayunpaman ay nanatili pa rin ang pagyuko ng Hari na tumatanda sa respeto na ibinibigay niya sa clone ni Zac Morgan.
"Hindi na masama, kailangan ko na lang bisitahin ang gubat ng mga halimaw sa Ancient Mountain para makaangat na sa Rank 9." Malamig na saad ng clone na kasalukuyang nakatingin sa mga palad niya.