Chapter 2

2410 Words
Chapter 2: For The Future! Matapos ang digmaan sa pagitan ng tatlong panig ay parang nalungkot ang kalangitan at naging tuloy-tuloy ang pagbuhos ng ulan sa buong Kaharian. Hindi naman ganoon kalakas ang ulan, sapat lang ito para gawing alerto at maingat ang lahat sa mga mapuputik na daan upang hindi sila madulas. Pero kahit na hindi pa man kalakasan ang ulan, hindi naman ito huminto sa loob ng isang araw kaya ang ibang lugar ay binabaha na ng tubig. Isa na nga sa mga biktima ng walang tigil na pag-ulan ang isang maliit at hindi kilalang baryo na halos dalawampung kilometro ang layo sa pinakamalapit na lungsod. Ang baryo ay hindi kagaya ng mga normal na nakatayo sa patag at malawak na lupain. Bagkus, nakatayo ang baryong ito sa loob ng gubat kung saan pagala-gala ang mga Rank 1 na halimaw, kaya naman maingat ang bawat mamamayan ng baryo at halos lahat din sa kanila ay may kaalaman sa pakikipaglaban. Ang isa sa mga pinaka rason kung bakit nananatili pa rin sa mapanganib na gubat ang mga tao ay dahil sa tatlong metrong taas na pader na gawa sa kahoy. Tama, napapalibutan ng pader na kahoy ang kabuuan ng baryo kaya hindi sila napapasok basta-basta ng mga halimaw. Subalit ang unti-unting pumapayapa nilang pamumuhay ay mukhang magtatapos na sa tuloy-tuloy na pagpatak ng ulan, marami na kasi ang mga puno na pinutol sa loob ng baryo nila para gawing armas o panggawa ng mga bagay na makakatulong sa pamumuhay nila, kaya naman ang loob ng baryo nila ay mabilis binabaha at ang mga lupa ay nagiging maputik, hindi magiging madaling trabaho para sa kanila ang dumepensa sa ganitong kaputik na sahig. Siyempre, magkakaroon lang ng problema ang mga tao kapag ang mga goblin na pagala-gala sa paligid ng gubat ay biglang tumalino at naisipang umatake sa baryo. At kahit na umatake man ang mga halimaw, may tsansa na maaaring mahihirapan din silang makagalaw sa maputik na mga daanan ng baryo. Isa pang kapansin-pansin ay ang mga bahay rito ay hindi lumalagpas ang taas sa tatlong metrong pader na kahoy. Magiging motibasyon lang ng mga halimaw sa pag-atake ang nagtataasang bahay kapag nakita nila ang mga taong naninirahan sa mga tahanang iyon. Sa isang sulok ng baryong ito, makikita ang isang palapag ng bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy habang ang bubong nito ay gawa sa manipis na metal. Sa gilid ng bahay na ito ay may bintanang nakabukas na kagaya ng istilo sa mga bintana ng kubo sa bukid, sa harap ng bintanang ito ay nakatayo ang babae na may itim na buhok na aabot hanggang balikat niya at asul na mga mata na parang mapayapang dagat, suot pa ang malumanay at mabait niyang ekspresyon ay siguradong mabibighani ang karamihan sa mga makakakita sa kaniya. Tama, ang babaeng ito ay si Fae, ang isa sa mga tapat na kasamahan ni Richard Goodman, at sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan ay makikitang mayroon siyang hawak na sanggol sa bisig niya. Kagaya niya ay nakatulala rin sa labas ang sanggol na may gintong mga mata, napakabata ng hitsura at katawan nito subalit ang tingin na ibinibigay ng mga mata nitong pinagmamasdan ang bawat pagpatak ng ulan ay parang nagtataglay ng talino na makikita lamang sa matatandang tao na maraming karanasan sa mundo. 'Pumalya ako.' isip ng sanggol habang nakatingin sa mga pumapatak na ulan na tumatama sa maputik na sahig, naririnig niya rin ang mga patak ng ulan na tumutulo sa bubong ng bahay nila. Hindi niya mapigilang malungkot tuwing naiisip ang maaliwalas na hinaharap kung nagtagumpay sana siya sa plano na pagkuha ng katawan ni Kaito. Dahil sa pumalya siya, kakailanganin niya ulit bumalik sa simula para makahanap ng paraan na tutulong sa kaniya para makabangon sa naging pagbagsak. Isa pa, itinaya niya na rin ang halos lahat ng mayroon siya para sa pagkakataong iyon, at kahit na natulungan siya ng Divine Technique, hindi pa rin siya nagtagumpay. Pero ano naman kung pumalya siya? Sumumpa siya para sa kaniyang mga magulang, kamag-anak, at sa itinuturing niyang Lolo na gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para makamit ang antas ng lakas na hindi na magiging imposible ang buhayin sila. Kahit na isang araw na lang ang matira sa buhay niya, hindi siya panghihinaan ng loob at pursigidong gagamitin ang isang araw na iyon para humanap ng paraan o gumawa ng kahit na ano pang bagay na makakatulong sa progreso ng hinahangad niya. Kaya bakit siya susuko sa pagbagsak na natamo sa kamay ni Zac Morgan? Ano naman kung bumalik sa Rank 1 ang antas ng lakas niya? Ano kung walang katapusang pagdurusa ulit ang haharapin niya para sa panibagong pagsisimula? Wala, wala lang ang mga iyon para sa kaniya dahil alam niya kung ano ang pinakamahalaga, at ito ay ang nag-iisang hinahangad niya na mabuhay ang mga namayapa niyang mahal sa buhay upang maitama niya ang lahat ng mga pagkakamali niya, at higit na kailangan niyang bumawi sa mga magulang niya na nagdusa nang matindi sa kamay ng kasuklam-suklam na mga kalabang 'yon noong ipinanganak siya. Kaya kahit na kalikasan, mundo, o kapalaran pa ang magpabagsak sa kaniya ay babangon at babangon pa rin siya ng buong puso para sa kaniyang hinahangad. "Master Richard, mahihirapan tayong makabangon. Pero naniniwala ako na makakaya mong bumalik na mas matibay at mas malakas sa dati. Kaya pakiusap, h'wag na h'wag kang susuko hangga't hindi mo nakakamit ang nag-iisang hinahangad mo." Malungkot na pakiusap ni Fae habang ang mga mata niya ay namamasa-masa na sa nagbabadyang paglabas ng mga luha na kanina pa gustong kumawala sa mga mata niya. Bilang personal na tauhan ni Richard Goodman ay sila ang tanging pinagkakatiwalaan ng Master nila kaya may mga kaalaman sila tungkol dito na kahit ang dating Family Head ng Goodman Family ay walang impormasyon. Sa mga kaalamang iyon ay nalaman nila ang matinding lungkot at pagsisisi ng kanilang itinuturing na Master, sinisisi niya ang sarili niya sa mapait na kapalaran na sinapit ng mga magulang niya, ng itinuturing niyang Lolo, at higit sa lahat ay ang pagmanipula sa kaniya para patayin niya ang tiyo at tiya niya, ginamit siya ng mag-asawang umampon sa kaniya na inakala niyang totoo ang pagmamahal sa kaniya para sa paghihiganti nila. Hindi nila alam kung bakit pinagkatiwalaan sila ni Richard Goodman matapos ang lahat ng natamo nito sa inakala niyang mapagmahal na hindi kadugong mga magulang. Posibleng ipinaalam ng matanda sa kanila ang kwento ng buhay niya dahil naniniwala siyang mapagkakatiwalaan sila, o baka naman hindi na rin kinakaya ng matanda ang mga kinikimkim niyang lungkot at galit kaya binanggit niya ito sa kanila. At kahit na ano pa man sa dalawa ang dahilan, isinantabi na lang nila ito at ipinangako sa kanilang mga sarili na paglilingkuran nila si Richard Goodman hanggang sa kanilang huling hininga. Kahit na kailanganin pa nilang labanan ang mundong ginagalawan, kahit na magmukha silang masamang halimaw sa paningin ng iba, wala na silang pakialam sa mga ito, ang nais lang nila ay manatili sa tabi ng Master nila para maibsan kahit papaano ang dinaramdam nitong lungkot at galit. Bahagyang gumalaw ang ulo ni Richard Goodman sa narinig na sinabi ni Fae. Tinanggal naman ng babae ang atensiyon sa nakakakalma sa puso na patak ng mga ulan at tumingin siya sa hawak-hawak niyang sanggol, pero pagkatingin niya ay  napakagat na lang siya sa labi nang makita niya ang ekspresyon ng sanggol na pinipilit ang sariling ngumiti para siguro mapagaan ang loob niya. At nang makita niya ang inosente at masarap sa mata na ngiti ng sanggol ay hindi siya nakaramdam ng saya at paghahangad na yakapin ang sanggol, sa halip ay nakaramdam siya ng kirot sa puso niya at para pa itong nadurog sa libo-libong piraso. "P-pasensiya na Master Richard, kung hindi sana limitado ang talento ko. Kung mas mataas lang sana ang Rank ko, sana ay natulungan kita sa mga labang hinarap mo ng mag-isa." Tumulo na ang mga luha sa mata ni Fae at mabilis siyang tumakbo sa kama para maihiga sa malambot na higaan ang sanggol. Marahan niyang inihiga si Richard Goodman at hindi na niya kinaya ang nag-uumapaw na lungkot sa puso niya. Napaluhod na lang ang babae at idinukmo ang mukha niya sa gilid ng kama na humahagulgol sa iyak. Humagulgol siya ng iyak na walang pakialam kahit na marinig pa siya ng mga kapitbahay, halos imposible rin naman siyang marinig ng iba sa labas dahil tanging ang sunod-sunod na patak lang naman ng ulan sa mga bubong ang maririnig sa paligid. Sa isang banda naman ng silid ay makikita ang isang matandang lalaki na may kasuotang katulad sa disenyo ng mga butler. Hindi na rin napigilan ng matandang ito ang mga luha kaya napayuko na lang siya para hindi ito mapansin ng kasama niya. At sa isa pang banda ng silid, may makikita pang kulungan na bakal na naglalaman ng isang Phoenix, at kung makikita ni Zac Morgan ang phoenix na ito ay mamumukhaan niya ito at malalaman na ito ang nakita niya sa baryo ng Ipan! .... Capital Marami ang bumalik sa Capital upang tignan kung may magiging buhay paba sila rito. Pero dismaya lang ang sumalubong sa kanila nang malaman nilang halos wasak na ang kabuuan ng Capital, maliit na parte na lang ang natitirang maaayos at kahit ang maliit na parteng iyon ay lugar na puro wasak na gusali, bahay, kalsada at iba pang mga sira ang makikita, sa madaling salita ay hindi rin ito p'wedeng okupahan para pamalagian ng mga tao. Hindi naman sila pinabayaan ng Hari, may mga opisyal siyang inihanda na aasikaso sa mga mamamayan na babalik para maipadala sa mga lungsod at mabigyan ng bagong buhay, halos lahat din ng tinutulungan ng mga opisyal ay ang mahihirap dahil karamihan sa mga Noble o mayayamang tao ay may mga reserbang bahay sa ibang lungsod o baryo. Sa Kastilyo ng Hari, sa loob ng maliwanag na silid ay makikita ang Ancient Gate na pinagtataguan nito. Mabigat ang hangin sa paligid at mahahalata sa pawisang mukha ng Hari at mga Prinsipe na nakayuko sa gilid ng Ancient Gate na kinakabahan sila, kinakabahan na baka hindi magtagumpay sa binabalak na pagpasok sa Ancient Realm sina Kaito. Tanging ang Reyna lang na nakayuko ang hindi tensiyonado. Bumukas ang mataas na pintuan ng silid at ang bawat pagtibok ng puso ng Hari ay palakas ng palakas. Hindi niya maisip ang gagawin sa oras na hindi matuwa ang binatang si Kaito kapag hindi sila nakapasok sa Ancient Realm, alam din kasi nila na tuwing limampung taon lang bumubukas ang Ancient Gate. Ipinaliwanag naman na niya ito sa binata pero sinagot lang siya nito ng malamig at sinabihang maghanda pa rin sa pagdating nila para ngayong araw. Lumakad papasok ang binatang si Kaito habang nasa unahan niya ang matandang Elf na si Lola El. Walang emosyon ang mukha ng binata. Gayunpaman ay makikitaan pa rin ito ng respeto sa matanda sa bawat kilos na ginagawa niya kagaya ng bahagyang pagyuko niya ng ulo niya tuwing tumitingin ang matandang Elf sa kaniya. Plano nilang bisitahin ang Ancient Realm upang subukang gamutin ang nawasak na puso ni Kaito. Ibinigay naman na ng Evil Lord clone ang lahat ng dapat malaman ni Kaito tungkol sa Ancient Meditation Technique na nakuha ni Zac Morgan noong napunta siya sa lugar na puro wasak na tahanan ang tanging makikita. Kampante rin sila na wala na ang halos lahat ng sumpa kay Kaito kagaya kay Zac Morgan na naging dahilan sa pagbabalik ng isang puso niya na naglalaman ng mga emosyon para sa kaniyang sarili. "Maligayang pagdating, kagalang-galang na Kaito at kagalang-galang na El." Muling bati ng Hari na agad sinundan ng mga Prinsipe. Kanina pa lang pagdating ng dalawa sa tarangkahan ng Kastilyo ay binati na nila ito kasama ang halos lahat ng importanteng miyembro ng Royal Family para ipakita ang pinakamataas na respeto na maaari nilang maibigay sa mga bisita. Nauna lang sila rito para siguraduhing maayos ang Ancient Gate at walang magiging problema habang ang First Prince ay sasamahan sina Kaito papunta sa silid na ito. At base sa nakikita nila, naiwan na sa labas ng silid ang First Prince. Nanatili namang tahimik ang Reyna Liza na mukhang lutang sa kaniyang iniisip. Gustong mapasapo ng Hari sa noo niya at sabihan ang Reyna na sumeryoso at batiin ang mga kagalang-galang nilang bisita, lalo na ang binata na hindi makikitaan ng emosyon sa mga mata, siguradong magbabayad sila ng malaki 'pag nagalit nila ito. Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa at rinig na rinig nila ang yapak ng mga paa nina Kaito at Lola El. Bigla na lang huminto ang matandang Elf sa harap ng Reyna at tinitigan ito, sa sobrang takot ng Hari ay hindi niya nabasa ang tingin na ibinibigay ng matandang Elf kaya hindi niya malaman-laman ang iniisip nito. At sa matinding takot ay pumasok sa isip niya na baka nagalit ang matanda kaya agad siyang nagsalita. "P-pagpasensiyahan niyo na po ang pinapakitang ugali ng Reyna. Hindi niya talaga minsan mapigilan ang sarili na mapaisip sa mga bagay-bagay kapag nasa seryosong sitwasyon siya. L-liza, batiin mo an--" pero hindi niya rin natuloy ang sasabihin nang bigla siyang titigan ni Kaito ng mata sa mata. "Mn?" Hindi naman siya naiinis sa Hari, ngunit kailangan niyang ipakita sa iba na mataas ang katayuan niya para mas malinawan ang mga kagaya ng taong ito sa posisyon ng kinikilala niyang Master Zac Morgan. Nanlaki ang mata ng Hari sa takot at ang puso niya na parang gustong kumawala sa lakas ng t***k ay mas tumindi pa. Magsasalita na sana ulit siya para magpaliwanag subalit hindi na naman siya nakapagpatuloy nang tumingin ang matandang babae sa katabi nitong si Kaito. Malumanay na tingin ang ibinigay ni Lola El sa binata at inilipat din agad ang tingin sa babae na kakatingin pa lang sa kanila. Tila ngayon lang ito bumalik sa sarili matapos malunod sa mga iniisip niya kanina. "Ipagpaumanhin niyo sana ang aking naging reaksyon, Haring Alexander." Agad na paumanhin ni Kaito na ikinagulat ng Hari at mga Prinsipe na ikinagaan din naman ng paghinga nila. "W-wala iyong problema sa'kin, kagalang-galang na Kaito." Sagot ng Hari. Pero parehas napunta sa matandang babae ang atensyon ng lahat nang magsalita ito. "Mn? Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganito kainosenteng tao. Masuwerte ka sa mahal na Hari, mahal na Reyna." Nakangiting sambit ng matanda at muling tumingin kay Kaito tiyaka nagwika, "Kaito, mauna na tayo sa Ancient Realm."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD