Bata pa lang kami ni Eros pangarap na naming maging singer. Mahilig kaming kumanta, minsan naman tumutungtong kami sa lamesa hawak niya ang walis tambo bilang gitara at hawak ko naman ang sandok bilang mikropono, tila ba nasa isang entablado. Naabot niya ang pangarap niya at ako naman naiwan. Sabay sana kaming mag-a-audition noon, kaso lang pinanghinaan ako ng loob.
Nahihirapan akong tumayo sa harap nang maraming tao lalo na kapag ipapakita ang talento ko. Hindi ko alam kung bakit. Makapal naman ang mukha ko kapag nakikipag-away verbally, hindi ko lang alam kung bakit kapag nakatungtong na ako sa harap ng entablado para akong ihi na umuurong.
Nakahiga pa rin ako. Paulit-ulit kong tinitignan ang hawak kong lata ng softdrinks. Hindi nga ako halos nakatulog kagabi kakaisip kung paanong naging 'ito' ang pangalan niya.
"Frezz!" Nakarinig ako nang malakas na pagkatok mula sa pintuan, si Nash na naman iyon.
Tumayo ako at binuksan ang pinto. "Ang sakit sa tenga!"
"Bakit hindi ka pa nakabihis?! Hinihintay na tayo nila Felice!"
Bumaba ang paningin ko sa aking suot. Nakapantulog pa rin ako. Tila kuryenteng mabilis na rumehistro iyon sa utak ko. Dumungaw ako sa salas. Naroon si Felice na nakaupo sa sofa at si Maika sa tabi niya, parehas na nakangiwi.
Nagmadali ako sa pagkilos. Lumabas kaagad ako habang hawak ang dalawang pares ng sapatos na iika-ika kong isinuot. Nahinto ako nang makitang natigilan ang tatlo habang nakatingin sa akin.
Nagtataka kong tinignan ang suot ko, 'tsaka ko naalalang nakalugay lang ako at nakalimutan ko ang sombrero ko.
"Tara na late na tayo!" si Nash.
"Teka, 'yung sombrero ko nakita mo ba?!" Nagpaikot-ikot ako sa buong sala para maghanap.
Hindi ko maiwasang hindi mag-panic. Hindi ako sanay nang hindi ko iyon suot. Dahil sa late na nga kami ay hindi ko na iyon nahanap at sapilitan na lang na sumama sa kanila para pumasok.
Wala akong nagawa kung hindi ang bumusangot at walang ganang maglakad sa hallway. Pinagtitinginan kami ng ilang estudyante. Siguro ay tungkol pa rin sa nangyari kahapon.
Inihatid muna namin ni Nash sila Felice at Maika sa kanilang classrooms bago pumunta sa amin.
"Bakit nakasimangot ka?" si Nash.
Inirapan ko siya. Inis na itinuon ang paningin sa daan. Nararamdaman ko ang bawat paglipad ng aking buhok sa tuwing hahangin.
"Ang ganda mo, Binibini. Halos hindi na kita makilala—"
Inis kong nilingon ang kumanta. May tatlong lalaking nakasandal sa may pinto ng isang classroom habang nagtatawanan na nakatingin sa akin.
Inis akong lumapit sa kanila at hinila ang kuwelyo nang nasa gitna. Para akong naiinsulto.
"Uy, Frezz!" Kaagad na sumunod sa akin si Nash at pinigilan ang braso ko.
Tinignan ko siya nang masama kaya naman napapahiya niyang inalis ang kamay niya.
"Anong problema mo?" Hinigit ko pa lalo ang kuwelyo niya hanggang sa masakal siya.
"Teka lang, Miss! Ito naman, joke lang, e!" Itinaas pa nito ang magkabila niyang kamay na parang sumusuko.
"Mukha ba akong natutuwa?!" tinignan ko ang iba niyang kasama, napaatras ang mga iyon.
Lumapit sa kanila si Nash. "Hey newbies, if you have not been informed yet, let me tell you that she's Hennie. Hennie Vigo."
Sabay-sabay na namutla ang tatlo.
"I-I'm sorry! I didn't recognize you," utal na sinabi ng nasa gitna.
Napapikit ako sa inis. Heto na naman sila.
"Magpasalamat ka, wala ako sa mood para mag-exercise." Matapos ay pabato ko siyang binitawan at tinignan nang masama.
Kinalabit ako ni Nash, dumarami na kasi ang mga estudyante sa paligid. Nasa hallway kami kaya madaling makatawag ng pansin.
"Kanta."
Nanlaki ang mga mata nila.
"P-po?" utal na tinanong ng nasa gitna.
"Kanta na, naiinip na ako."
Nanahimik ang lahat. Wala ni isang nagsalita kahit pa madami silang nakapalibot sa amin.
"Frezz..." si Nash.
"Ano na?" Hindi ako nagpapigil.
"H-heto na!" Bakas sa mukha niya ang matinding pagkapahiya. "K-kung sana hahayaan mo akong titigan ang 'yong mga mata—"
Ginaya ako ang tunog ng buzzer. "Hindi ka papasa."
Nakangisi akong tumalikod at naglakad palayo, sumunod naman kaagad si Nash sa akin.
"Ang dating pangalawang ranggo pala iyon? Paano ba iyan, Raven? Muntik ka na roon."
"Porket dating ranggo hambog! Pasalamat siya at malakas siya kung hindi nabangasan ko na siya."
Imbis na lingunin ay hindi ko na sila pinansin at nagpatuloy na lang sa paglalakad.
"Minsan hindi kita maintindihan," anang ni Nash. "Bakit mo pinakanta? Anong connect?"
Inis ko siyang tinignan kaya naman kusa niyang naikom ang kaniyang labi.
"Si Mr. Kugu, anak ng!" si Nash.
Ilang hakbang na lang makakapasok na sana kami sa room kaso ang problema, makakasalubong namin si Sir na busy sa pagbabasa ng hawak niyang libro. Hindi niya naman siguro kami mapapansin kung mauunahan namin siya.
Last warning na ito para kay Nash. Isang late niya pa ay ipapadala na raw siya sa mga opisyales. Kaya naman kanina pa lang nagmamadali na siya.
"Frezz, takbo!" Kaagad na kumaripas patakbo si Nash.
Nahawa ako sa panic niya at nakitakbo na rin imbis na mag-teleport, pero dahil sa matangkad at mahaba ang biyas niya naunahan niya ako at nakapasok na siya sa classroom.
Nahinto ako nang makita sa dulo ng hallway ang isang lalaki. Nakasandal ito sa pader, magkakrus ang braso at nakatingin nang diretso sa akin.
Para akong biglang kinabahan nang walang dahilan.
Dahil doon, hindi ko na namalayang nakapasok na sa room si Sir! Nang lingunin ko ang hallway ay wala na roon ang lalaki.
Patay malisya akong pumasok sa pinto.
"Alam kong isa ka noon sa ranggo, pero hindi pa rin tama na ma-late ka sa klase ko, Ms. Vigo."
Hindi ako nakapagsalita.
"Detention, for an hour."
Tinignan ko nang masama si Nash na napaubo. Wala akong nagawa kundi talikuran ang classroom at hanapin ang detention room. First time kong ma-detention at sa pangalawang araw pa ng pasukan. Nice.
Huminto ako sa paglalakad nang makita ang hinahanap na silid. Kulang-kulang ang mga letra na nakadikit sa wooden door nito.
Pinihit ko ang doorknob at doon tumambad sa akin ang madilim na kuwarto. Kinapa ko ang gilid ng pinto at sa isang iglap ay lumiwanag ang paligid. Mukhang hindi gaano nagagamit, bakas ang alikabok at ilang agiw sa kisame.
Siguradong hindi ako matutuwang manatili rito sa loob ng isang oras. Gusto ko biglang magsisi sa hindi pagbangon nang maaga.
Malawak ang kuwarto. May book shelves, ilang upuan at lamesa, white board at mga lumang cabinet.
Umupo ako sa isa sa mga upuan na naroon. Inilibot ko muli ang paningin ko. Ano namang gagawin ko rito?
Tumayo ulit ako at pinuntahan ang mga shelves. Halos hindi ko na mabasa ang mga pangalan na nakalagay sa gilid ng mga libro dahil sa dumi na hindi ko alam kung alikabok ba o putik.
Sa likod nito ay mayroong isang malaking kabinet. Gusto kong buksan. Dahil nga sa interesado ako, namalayan ko na lang na binubuksan ko na ang pinto niyon.
Mula sa loob ay may gitarang kulay itim. Antigo. Mukhang matibay, pero madumi. Kinuha ko ito at binitbit papunta sa inupuan ko kanina, sinipa ko ang lamesa para lumuwag ang espasyo. Matagal na rin akong hindi nakakatugtog ng gitara.
Napabuntong-hininga ako bago sinimulang kalabitin ang gitara.
Dahil doon, bumalik ang mga alaalang pilit ko nang kinalimutan. Mga alaala ng aking kababatang iniwan ako at hindi tumupad sa sariling pangako.
"Alam mo, Hennie, lahat ng tao nakatakdang mamatay. I mean, all of us have a time limit. In this world, nothing's permanent. All things should be replaced. Like us. Like humans."
Naaalala ko pa rin kung paano niya iyan sinabi sa akin ilang taon na rin ang nakalilipas.
"Bakit ba nandito ka? Hindi naman kita sinabihang pumunta dito. Kung ganiyan lang ang sasabihin mo, umalis ka na lang!" Pilit ko siyang tinutulak noon palayo.
Natatandaan ko pa kung paanong unti-unting nagbago ang reaksyon niya. Hindi ko man makita ang mukha niya dahil sa nakaharang niyang buhok ay alam kong nalungkot siya.
"Hindi ko naman sinabing ako ang kailangan mo, pero alam kong kailangan mo ng kausap. Sige, aalis muna ako para makapag-isip ka nang maayos, pero tandaan mo babalik at babalik ako kapag kailangan mo ng kaibigan."
Pinagmasdan ko lang ang bulto niya na naglalakad palayo. Gusto ko siyang habulin, pero pinangunahan ako ng pride ko.
Hindi ko na pala siya kailangang habulin, dahil kusa siyang bumalik nang mga oras na iyon para sa akin.
"I can't just watch you cry..." Naaalala ko pa kung paano niya iyon sinabi sa akin.
Natuto akong makipagkaibigan at dahil iyon sa kaniya. Salamat dahil naging kaibigan ko siya. Nawalan ako ng magulang, pero nasa tabi ko naman siya para magbigay saya sa akin.
Nakakaaliw panoorin kung paano siya tumawa. Litaw na litaw ang puti niyang ngipin at ang kaniyang dimples. Makita mo pa lang ang malalalim na tuldok sa gilid ng kanyang labi mamamangha ka na. Paano pa kaya kapag nakita ko ang mga mata niya?
"I like your smile. I hope you'll keep that."
"W-wag mo akong iiwanan. Mangako ka."
"Promise."
Napangiti ako nang mapait. Naaalala ko pa kung gaano niya kasayang ipinangako iyon sa akin, pero sa huli iniwan niya rin naman ako.
Hindi ko na matandaan ang mukha niya, pero pamilyar pa rin ang pakiramdam na lagi kong nararamdaman kapag naaalala ko ang mga araw na kasama ko siya.
Madalas siyang ikuwento sa akin ni Lola Isabella. Natatandaan ko siya, pero nagpapanggap ako na hindi.
Iniwan na ako ng lahat. Akala ko hindi niya gagawin iyon sa akin, pero sadya na nga yata talagang napapako ang mga pangako.
Kinapa ko sa bulsa ng suot kong coat ang kapirasong papel. Ilang taon na ang lumipas, pero buhay pa rin ito. Sinulat niya sa akin bago siya naglaho.
"Why are you forcing yourself to forget about him?"
Inangat ko ang ulo ko at tinignan ang bultong papalapit sa akin.