Kenzo Vergara
Halos gabi na nag maka-uwi ako sa apartment na tinutuluyan ko sa Fairview. Napasarap kasi ang pakikipag-kuwentuhan ko sa mga estudyante at maging sila, hindi rin namalayan ang oras. Naabutan rin naman ako sa daan ng rush hour kaya na-traffic rin ako.
Pagpasok ko sa bahay, naabutan ko 'yong kapatid ko na nagwawalis. Huminto siya sa pagwawalis ng makita ako. “Tama lang ang dating mo, Kuya. Nakapag-saing saka nakapagluto na rin ako.” Sabi niya.
“Salamat, Krisler. Magpapalit lang ako ng damit tapos kumain na tayo.”
Kaagad naman akong pumunta sa kwarto namin para magbihis. Napansin ko naman na sobrang linis na ang kwarto naming dalawa. Hindi ko alam kung ano ang nakain ngayon ni Krisler at nagawa niyang linisin ang bahay. Nakakapanibago lang kasi, o baka nabagot lang siya maghapon dito at walang magawa kaya naglinis nalang.Hindi ko ma-imagine na si Krisler nga ang gumawa nito dahil hindi siya 'yong tipo ng tao na bigla nalang maglilinis. Nagpapalipas lang siguro siya ng oras o hindi kaya ay may pino-problema kaya dinaan nalang sa paglilinis ang lahat. Either way, naging maayos naman dahil naging malinis naman 'tong kwarto.
Pagkatapos kong magbihis, lumabas na kaagad ako sa kwarto at nagtungo sa kusina kung saan naabutan ko si Krisler na nagsasalin ng ulam sa isang mangkok. Nauna na akong umupo at nagsalok ng kanin sa plato ko.
“Kumusta first day sa new school, Kuya?” tanong nito.
“Sobrang naging maayos naman. Na-assigned nga akong maging acting chess club head kaya ngayon lang rin ako nakauwi.”
“Wow! That’s great! First day mo pa lang tapos malaking assignment na kaagad ang naibigay sa 'yo. It’s a great start for a new beginning. So, magkuwento ka, Kuya.” Sabi niya habang naglalagay ng kanin sa plato niya.
“Masaya naman. Nakapagturo kaagad ako at nagkaroon ako ng chance para makilala 'yong mga members kanina tapos nagkaroon kami ng kwentuhan kaya ayon, hindi namin namalayan ang oras. Tapos kanina, may na-meet akong bata na sobrang natatakot sa 'kin. I really do not know why and I do not have any idea what I have done to scare him like that. Natapon niya kasi 'yong chocolate shake niya sa sapatos ko at akala niya papagalitan ko siya. Tapos sa chess club, na-late rin siya kaya akala niya pagagalitan ko rin siya,” I said.
Napapangiti ako kapag naaalala ko si Jude, sa kung gaano siya katakot sa 'kin kahit wala naman akong gagawin sa kanya, sa pagiging exaggerated niya. For a kid like him, normal lang naman 'yong ganoon, medyo nasobrahan nga lang siguro siya, pero, I still find it cute for him. Hindi ko nga lang maintindihan hanggang ngayon kung bakit sa tuwing tatawagin niya akong ‘dad’, iba ang pakiramdam ko. Hindi lang siguro ako sanay na may batang tumatawag siguro sa 'kin ng ganoon. Pero bakit 'yong mga mas matanda sa kanya, ‘dad’ rin naman ang tawag sa 'kin? Parang nakaka-overwhelm na matawag ng ganoon, hindi ko alam. Ewan!
“Muntik na nga rin niya ako matalo kanina sa chess dahil hindi ko napansin 'yong rook niya kayaayon, kinain 'yong queen ko. Pero nanalo pa rin ako.” Pagpapatuloy ko at nagpatuloy na rin akong kumain.
Napahinto siya bigla sa pagkain niya at inilapag ang kutsara niya sa plato. “Seryoso, Kuya? Bata? Tapos queen mo ang nakain?” tanong nito sa 'kin. Tumango naman ako bilang tugon at sumubo ulit. “Mukhang nakakita ka na nang katapat mo, Kuya, huh? Matatanggap ko pa sana kung mas matanda ng kaunti sa batang 'yon ang muntik ng makatalo sa 'yo, pero bata? Pagtatawanan kita, Kuya.” At nagsimula nga siyang tumawa. “Ikaw 'yong tipo ng chess player na laging hinuhuli sa pagtira 'yong queen tapos pinakain mo lang sa bata? Nawalan ka ng queen, agad-agad?”
“Akala ko kasi mananalo na ko. Nagawa ko ngang corner-in 'yong king niya, eh. Hindi ko lang talaga nakita 'yong rook niya. Mabuti nalang at nabawi ko kaagad. Minsan na akong nawalan ng queen, hindi ko namang hahayaang mangyari ulit 'yon.”
Bigla naman siyang tumahimik sa pagtawa at naging seryoso ang mukha. “Tungkol pa ba sa chess ang pinag-uusapan natin, Kuya?”
Maging ako, napahinto sa pagkain ko at napa-isip sa sinabi ko. O…kay. Where did it come from? Hindi nalang namin pinansin 'yon at nagpatuloy na kaming kumain.
Pagkatapos kong mahugasan ang mga pinagkainan namin, pumunta na kaagad ako sa kwarto namin at kinuha ang lesson plan ko sa bag. Naabutan ko naman si Krisler na nag-co-computer na kaya hindi ko nalang siya pinansin at naupo na sa mesa para magsulat.
-----x
Kinabukasan, nagmamadali akong bumaba ng bus at nagmamadali rin akong umakyat ng overpass dahil ilang minuto nalang at male-late na ako. Baka hindi ko maabutan 'yong flag ceremony. Halos takbuhin ko na nga itong overpass at nakikipagsiksikan na ako pababa, makarating lang on-time sa school premises. Nang makapasok naman na ako sa gate, naging normal na ulit ang paglalakad ko. Kinuha ko ang face towel na nasa bulsa ko at pinunasan ang mukha ko.
Habang pinupunasan ko ang mukha ko, nakaramdam ako ng humihila sa laylayan ng polo ko kaya napatigil ako para lingunin iyon. It was Jude.
“Hello po, Dad,” nakangiting sabi niya sa 'kin. Ito na naman 'yong feeling everytime na tinatawag niya akong ‘dad’. “P’wede pong ma-late ang mga teachers?” tanong niya sa 'kin.
Hindi ko naman mapigilan ang ngumiti sa tanong niya. Ginulo ko ang buhok niya pero sinuklay ko rin naman kaagad. “Nasa school tayo, Jude. At sa school, bawal ang late. Kaya, bawal rin ma-late ang mga teachers.”
“Pero muntik na rin po kayong ma-late kanina. Nakita ka po namin ni Mama na nagmamadaling pumasok sa gate. Tapos no’ng nakita po kita dito, lumapit na ako.”
“Nakita ako ng Mama mo?” tanong ko sa kanya.
Lumingon siya pabalik sa gate kaya lumingon rin ako doon. Lumingon-lingon siya na para bang may hinahanap. “Wala na pala si Mama. Umalis na po siguro, baka ma-late rin po siya sa work niya, eh.” aniya. Humarap na ulit siya sa 'kin at hinawakan ang dalawang straps ng bagpack niya. “Hindi ka po niya nakita kasi ang bilis-bilis niyo pong maglakad. 'Yong likod mo lang po.”
“Akala ko nakita niya ako. Mabuti nalang pala at hindi, nakakahiya kapag nagkataon. Pumunta ka na sa pila niyo at baka ma-late ka rin.”
“Okay po. See you later.”
Naglakad na siya palayo sa 'kin at pumunta sa pila ng section nila na malapit lang sa kinaroroonan namin. Lumingon siya ulit sa 'kin at kumaway. Kumaway na rin ako sa kanya at naglakad na rin papuntang principal’s office para mag-time in. Late na rin pala ako.