FENRIZ'S POV
Napatitig ako sa repleksyon ko sa salamin matapos maligo. Gano'n na lang kalaki ang dalawa kong eyebags dahil hindi ako nilubayan ng bangungot kagabi. Hindi rin ako nakakain ng dinner at nabalitaan ko na lang na nagalit ang Dean ng school nang may naganap na away sa canteen. Bilang parusa ay kinansela ang dinner sa loob ng isang linggo. Ibig-sabihin ay tatlong beses na lang kaming makakakain sa isang araw---breakfast, lunch, at afternoon snacks na lang ang meron!
Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit ang sasama ng mga mood ng mga students pagkalabas ko ng dorm. Maging si Freon ay nagrereklamo. Sino nga namag mga pasaway ang lumabag sa rules?
Nabasa ko rin 'yon sa student handbook. Na mahigpit na pinagbabawal ang pagsisimula ng away nang walang kadahilanan at walang pahintulot ng mga guro o ng Dean. Kapag nilubag, may kaparusahan. Pero nang malaman ni Freon na ang away ay sa pagitan ni Mei at ng isa pang babaeng may pangalang Mal. Wala siyang nagawa kundi magtikom ng bibig.
Dahil do'n ay sumiklab na naman ang kuryosidad ko nang mabanggit si Mei. Nang tanungin ko si Freon ay hindi naman siya nagkuwento.
"Tingnan mo, ayun ang mga listahan ng mga namatay kahapon." Huminto kami ni Freon sa kalagitnaan ng paglalakad sa hall way kung saan nakapaskil sa bulletin board ang listahan ng mga pangalan. "Sa kabila naman ang mga ranggo."
Dahil wala naman akong kakilala ay hindi ko na binasa ang mga pangalan ng mga namatay. Subalit naagaw ng atensyon ko ang listahan ng mga ranggo. Umangat ang dalawa kong kilay.
Una sa listahan ay may pangalang Mal Yaotzin Cleveland at ang bilang ng mga napatay niya ay labing-tatlo, pangalawa ay Rhett Luciano na may sampung napatay, at ang pangatlong nakasulat ay Vee na anim. Napapalunok ako sa mga numerong iyon!
Hindi napakali ang mga mata ko at hinanap sa listahan ang pangalan ni Mei. Subalit hindi ko iyon nakita sa listahan ng mga nasa itaas na ranggo at nang makita ko sa ibaba ay wala siyang napatay. Guminhawa ang pakiramdam ko. Tama ang calculation ko! Nakuyom ko ang kamao at tinatagan ang loob ko---Mei, I choose you!
Nakakatakot siya pero dahil niligtas niya ako kahapon... siguro naman hindi niya ako papatayin?
Kailangan kong gawin ang plano ko para makaligtas at makalabas ng buhay sa mala-demonyong school na 'to!
"Pfft! Hahahaha!" Bumalik ako sa reyalidad nang marinig si Freon na tumawa.
Nagtataka akong bumaling sa kaniya. "Bakit ka tumatawa?"
Malaki ang ngiti niya na tinuro ang pinakadulo ng listahan ng mga ranggo. Kaagad ko iyong tiningnan at nagulat ng makita ang pangalan ko.
"Four hundred sixty-nine, Fenriz Wolf DeCavalcante." Pagbasa ko pa na lalong kinatawa ni Freon.
Napaikot ako ng mga mata. So proud ba talaga sila na pumapatay sila ng tao para lang sa kapiraso ng papel na 'to? Psh!
"Pangalan mo 'yan?" Awtomatiko akong napalingon sa likuran ko nang may lalaking nagsalita. Nasa akin ang paningin niya at mukha siyang maangas. "Ikaw 'tong panghuli?"
Napalunok ako at kinutuban. "Ah hindi! 'Yung kasama ko." Tinuro ko si Freon sa tabi ko na ngayon ay may seryoso ng mukha. Bahagya pa akong natakot sa itsura niya habang nakatingin sa hindi pamilyar na lalaki.
"Tsk! Si Freon 'yan e. Ginagago mo ba 'ko?" Mas umangas ang itsura niya na kinanginig ko. "Nakita mong nagtatanong nang maayos e!"
M-Magkakilala pala sila! Di ko naman alam e! T'saka bakit ang yabang ng isang 'to!? Akala mo inaano!
Gusto kong magreklamo pero wala akong kakayahan! Paano kapag pinuntirya niya ako simula ngayon? Ang gusto ko lang naman ay makaligtas! Ayoko pang mamatay!
Nang akma na akong hihingi ng pasensya ay maangas na humarap si Freon sa kaniya. Tinago niya pa ako sa kaniyang likuran na parang pinoprotektahan. Napangiwi ang labi ko.
"Ano na naman bang problema mo, Rimmon?" Seryoso niya pang tanong sa lalaki.
Saka ko lang napansin na maraming lalaki ang nasa likuran ng maangas na lalaking 'yon na para bang baback-up sa kaniya anumang oras.
Tinatagan ko ang loob ko. Hindi ba't bawal ang mag simula ng away?
"Ha! Wala naman, Freon. Gusto ko lang magtanong, 'wag niyo namang masamain. Kundi damay-damay tayo ritong mapapahamak."
"Sino ka naman para bantaan mo kami ng ganyan? Ilugar mo kayabangan mo, 'di kita aatrasan."
Nanlaki ang butas ng ilong ko. Ngayon ko lang nakitang magmayabang si Freon. Pati ako naangasan.
Nang makita kong naglalapit na silang dalawa at magbabanggaan ng katawan at mabilis kong hinatak si Freon para awatin. Baka may makakita sa amin! Tinanggalan na nga kami ng dinner, ano pa sa susunod!
"Padaan." Isang pamilyar na boses ng babae ang nangibabaw sa kabila ng tensyon!
Naantig ang tainga ko sa pamilyar na boses na iyon. Dali-dali ko siyang hinanap sa likuran ng mga lalaki. At dahil may katangkaran din siya ay mabilis ko siyang nakita.
"Mei!" Wala sa sarili kong sigaw dulot ng pagkasabik. Simula kahapon nang matapos ang katausan ay hindi ko na siya nakita!
Sa kabilang banda ay bahagya akong nagulat dahil sabay-sabay na nanigas sa kinatatayuan ang mga lalaki, maging si Freon sa kanilang mga kinatatayuan. Nawala ang kanilang mga angas nang isigaw ko ang pangalang iyon.
Bago pa ulit ako makapagsalita ay nagmamadaling lumihis ng landas ang maangas na lalaki at nagmamadaling naglakad papalayo kasama ang mga tau-tauhan niya.
"Ha!" Napasinghal ako. Nabakla?
"Fenriz." Hinarang muli ni Freon ang katawan niya nang makaharap si Mei. Kung kanina ay may seryoso siyang mukha, ngayon naman ay halong nerbyos.
Bakit... parang takot sila kay Mei?
Pero niligtas niya ako! At kailangan ko siya para manatili akong buhay dito sa loob!
"Mei!" Hindi ko pinansin ang ginawa ni Freon at masiglang tumayo sa harapan ni Mei.
Nagtama ang mga mata naming dalawa. Palihim akong napalunok dahil sa lalim ng mga titig niyang iyon sa akin gaya na lang ng noong una kaming magkatabi sa upuan.
"Fenriz." Nakatingala siya sa akin nang hindi nababago ang emosyon sa mukha. Malamig at para bang walang pakialam sa mundo.
"Fenriz!" Nagulat ako nang hatakin ako ni Freon mula sa likuran ko.
Lumingon ako sa kaniya at nakita na umiling-iling siya sa akin na para bang pinipigilan akong kausapin si Mei. Bahagya pang naningkit ang mga mata ko. Talaga nga namang may something sa babaeng 'to!
Tinapik ko ang braso niya at ngumiti. "Mauna ka na sa classroom, Freon. May importante akong kailangang sabihin kay Mei."
Nanlaki pa ang mga mata niya. "Ano namang impor..." Pinigilan niya ang sarili at napabuntong-hininga na lamang. "Sige, bahala ka. Mauuna na 'ko."
Sinundan ko siya ng tingin habang nag-aalanganing naglalakad papalayo sa hall way.
Natatandaan ko kahapon na hindi siya naniniwalang si Mei ang nagligtas sa akin. Puno pa siya mg pagtatanong gaya ng bakit naman ang isang tulad ko ay ililigtas ng babaeng 'to? Bagaman wala akong masagot sa kaniya dahil hindi ko rin alam ang dahilan.
Kahapon ko lang nakilala si Mei at wala pa kaming naging interaksyon. Kung bakit niya ako laging tinititigan at kung bakit niya ako niligtas... hindi kaya... may gusto siya sa akin?
'Yung tipong... love at first sight?
Tumaas ang mga balahibo ko sa katawan nang isipin iyon. Bagaman hibdi imposible... kung gano'n man ang kaso, puwes ang swerto ko!
May pananabik akong muling humarap kay Mei. "Mei! 'Yung nangyari kahapon..." Umakto akong nahihiya. "S-Salamat..."
Tumabingi ang ulo niya. "Walang anuman." Saka aktong maglalakad paalis.
Nataranta ako at hinawakan ang dulong manggas ng malaki niyang puti polo. Natigil siya sa paghakbang at napabuntong-hininga akong tinitigan sa mga mata.
Napalunok ako. "A-Ano... kasi bago lang ako rito..." Nakagat ko ang ibaba kong labi. Hindi ko alam kung paano sasabihin ang gusto kong sabihin! AHH!!
"Tapos?" Matiyaga siyang naghintay ngunit bakas ang pagiging inip sa malamig niyang boses.
Tinatagan ko na ang loob ko. "Nabasa ko sa student handbook, na may kondisyon ang Murim School sa mga estudyante na mag-protekta."
Tumaas ang isa niyang kilay, na para bang iniisip kung anong gusto kong ipunto.
Simula nang pumasok ako rito sa loob. Napansin ko na ang mga estudyante ay talagang may kanya-kanyang mga grupo. Subalit dahil sa mga nabasa ko, nalaman ko na hindi lang sila basta-basta na mga magkaka-grupo. Pinoprotektahan nila ang isa't-isa dahil isa 'yon sa kondisyon ng Murim School, unang-una ay para makasali ka sa mga estudyanteng may matataas na ranggo.
At dahil alam kong maraming napatay si Mei para iligtas ako nung araw na iyon, masasabi kong capable siya na maging protector ko! Isa pa, pansin kong kinakatakutan siya ng mga estudyante rito base sa mga galaw nila at sa mga alingawngaw nila. Maging si Freon nga ay ayaw banggitin ang pangalan niya! Kung kinakatakutan siya at sa kaniya ako didikit, hindi ba't walang magtatangka sa buhay ko?
"Alam ko na wala ka pang pinoprotektahan, Mei! Dahil halata naman na meron kang napatay ng araw na 'yon pero hindi counted dahil hindi mo pa sinusunod ang kondisyon. At hindi ka aangat sa ranggo kung wala kang gano'n!" Pursigido kong paliwanag at humawak sa dibdib ko. "I'm willing to be protected by you! Ako na lang!"
Lumabas ang pagiging desperado sa boses at mga mata ko. Hindi nabago ang emosyon niya at nanaig ang mahabang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Hindi ko maiwasang mapalunok ng sariling laway. Naintindihan kaya niya?
Mas lumamig ang mga paraan ng pagtitig niya sa akin. "Hindi mo ba alam, na sa oras na mamatay ka sa loob ng pangangalaga ko, katumbas din no'n ay ang buhay ko? At kung ako man ang mamatay, katumbas din no'n ang buhay mo."
"A-Alam ko. Nabasa ko rin 'yon..."
Napalabi siya. "Kung ganoon, naisip mo ba na kalahati ng mga estudyante rito ay pinupuntirya ako? At sa oras na malaman nilang ikaw ang pinoprotektahan ko, damay ka sa pupuntiryahin nila."
Natigilan ako dahil hindi ko naisip 'yon! Matagal akong natahimik at nag-isip ng malalim. "Naninwala ako sa'yo! Tataya ako!"
Isa pa, mahirap makahanap ng poprotekta sa isang baguhan na tulad ko na wala pang karanasan! At desperado akong makaligtas! Si Freon ay meron ng pinoprotektahan at 'yun ay ang pinsan niyang si Eunecia. Nang tanungin ko siya ay sinabi niyang halos lahat ng mga estudyante sa loob ay meron nang mga pinoprotektahan at sinabi nga niyang walang tatanggap sa mahina na gaya ko!
Pero kung si Mei... pakiramdam ko hindi niya ako tatanggihan. Dahil pakiramdam ko... nakakahiya mang mag-ssume pero may gusto siya sa'kin!
Isa pa, sa oras na makatungtong siya sa may mga matataas na ranggo at maging senior student siya, dalawang taon lang ang itatagal niya dito sa loob. Kapag nangyari 'yon, masasama ako sa kaniya at mas mapapabilis din ang pag-alis ko sa malademonyong school na 'to!
"H-Hindi ba't reasonable naman ang offer ko sa'yo?" Kinakabahan na pagtatanong ko nang hindi na siya nagsalita.
"Tsk!" Suminghal siya at tamad na napabuntong-hininga na para bang may mabigat na siyang pasanin. "Okay."
Nagliwanag kaagad ang mukha ko at nabuhayan ang loob ko sa naging tugon niya. Gano'n na lang kalaki ang ngiti ko. Pero bago pa ako makapagpasalamat ay tumalikod na siya para tingnan ang mga listahan sa bulletin board.
Habang pinapanood siya sa ginagawa ay unti-unti pang nabubuo ang mga plano sa isipan ko. Tuloy ay hindi ko maiwasan ang mapangiti na para bang may maitim na balak at wala sa wisyong napapatawa sa sarili.
Mei...