CHAPTER 14
NAKANGITI si Kian nang matapos ang kanilang halikan ni Yza. Ramdam niya na mahal din siya nito dahil sa bawat pagtugon nito sa halik niya. Hinaplos-haplos niya ang pisngi nito. “Ngayon mo sabihin sa akin na hindi mo ako mahal.” wika ni Kian kay Yza.
“Hindi nga kita ma—” hinalikan niya muli sa labi si Yza. Isang mapusok na halik ang binigay niya rito. Naglulumikot na rin ang kamay niya, bahagyang pinisil niya ang baywang nito. Bigla siyang itinulak nito ng may magsalita sa likod niya.
“Ehemm! Love birds puwedeng mamaya na ninyo 'yan ituloy kasi hinahanap na kayo doon sa auditorium.” nakangiti at tila kinikilig na wika sa kanila ni Ivy. Napakamot naman siya sa kanyang buhok. Si Yza naman at umiwas nang tingin at nauna nang lumabas ng center.
Natapos ang programa na hindi na niya nakita si Yza. Siguro nandoon ito sa loob naghuhugas ng mga pinggan.
Kanina gusto niya itong sabayan at tabihan sa pagkain. Pero hindi niya maiwan si Irish at Geo. Hindi man lamang ito tumitingin banda sa kanila.
“Ivy, Maysisa nasaan?” tanong niya kay Ivy na naglilinis na.
“Nasa loob vice naghuhugas po doon.” nakangiti nitong turan sa kanya.
Pupuntahan na sana niya si Yza ng may humawak sa braso niya. Nakasimangot na mukha ni Irish ang nalingonan niya.
“Love, hindi pa ba tayo uuwi? Nangangati na ang buong katawan ko dahil sa paghawak sa akin ng mga matatanda na 'yon.” maarte na wika ni Irish sa kanya.
“Mauna ka na, di ba may sasakyan ka naman? May gagawin pa ako dito.” pagtataboy niya kay Irish. Ngunit lalo itong sumimangot.
“Love, hindi ko dala ang sasakyan ko. Nagpahatid lang ako sa driver namin kaya ihatid mo na ako.” wika nito sa kanya sabay hinila ang braso niya.
Wala siyang nagawa kundi sumunod kay Irish at ihatid ito sa kanila. Pagkahatid niya rito ay bumalik siya sa center para ihatid si Yza sa kanila
Pagdating niya sa center, nakita niya itong kausap si Ivy. Kaya hinayaan niya muna na mag usap ang dalawa. Hanggang sa mapansin siya ni Ivy.
“Vice, nandiyan ka pala. Akala ko umalis ka na?” wika sa kaniya ni Ivy.
Tumingin sa kanya si Maysisa kaya nginitian niya ito. Pero inirapan lamang siya nito. “Bumalik ako ihahatid ko kayo sa inyo.”
“Malapit lang naman ang bahay namin dito vice. Dapat hindi ka na bumalik. Nakakahiya naman po sa inyo.” wika sa kanya ni Ivy. Nanatiling tahimik lang si Maysisa. Pinilit niyang ihatid ang dalawa kaya napilitan ang mga ito na sumakay sa sasakyan niya.
Hanggang sa makasakay na sila ng kotse niya wala pa rin itong imik. Pero ang isang kilay ay nakataas at nakrus ang dalawang braso sa dibdib nito.
Hindi na lamang niya ito pinansin. Pagkarating nila sa bahay nina Yza ay agad niyang ipinarada ang sasakyan.
Bago niya binuksan ang pintoan ng kotse sinulyapan niya muna ni Yza. Pero ganon pa rin ang hitsura ng mukha nito. Nang makababa na sila ng sasakyan niya ay tuloy-tuloy na naglakad ito. Kaya nagtataka siyang sumunod dito.
Pagpasok nila sa bahay nina Yza, naabotan nila si lolo Tonyo na nanood ng tv.
“Oh, Kian, inihatid mo ba itong apo ko? Bakit parang masama yata ang mukha” nakangiti na tanong ni lolo Tonyo sa kanya.
“Lo, kumain na ba kayo?” tanong ni Yza sa kanyang lolo. Tumango-tango naman ito. Bumaling nang tingin sa kanya si Yza.
"Umuwi ka na tutal naman nandito na ako sa bahay namin. Baka hanapin ka ng girlfriend mo.” mataray na wika nito sa kanya.
“Maysisa! Matuto kang gumalang kay Kian!” saway ni lolo Tonyo kay Yza.
Napatingin naman siya kay Yza. Nakasimagot na ito kaya minabuti na niyang magpaalam sa kanila.
Akmang lalabas na siya ng biglang sumigaw si Yza. Kaya agad siyang lumingon at ganoon na lamang ang pagkagulat niya ng makitang walang malay si lolo Tonyo.
Dali-dali siyang lumapit dito at binuhat si lolo Tonyo . Agad niya itong isinakay sa sasakyan.
Pagdating sa hospital agad itong ipinasok sa emergency room. Nilapitan niya si Yza at niyakap niya nang mahigpit.
“Kian, si lolo.” umiiyak na wika nito kanya.
Kumalas siya sa pagkakayakap kay Yza at pinunasan ang mga luha nito sa pisngi. “Matapang si lolo kaya magiging okay, siya. Magtiwala tayo walang mangyayari sa kanya.” wika niya sabay dampi ng halik sa noo.
“Paano kung hindi na makarecover si lolo? Paano kung hindi na siya magising? Paano ako Kian?” sunod-sunod na tanong ni Yza kay Kian habang walang patid ang pag-agos ng luha nito.
“Babe, huwag kang mag-isip ng ganyan. Hindi ka iiwan ni lolo, dahil mahal ka niya. At saka nandito naman ako hindi kita iiwan.” wika niya kay Maysisa sabay yakap dito.
Maya-maya lumabas na ang doktor at kinausap sila.
“Tatapatin ko na kayo hindi na kaya ng pasyente. Dahil kumalat na ang cancer niya sa buong katawan nito. Nahihirapan na rin ito lalo na at matanda na.” malungkot na wika ng doktor sa kanila. “Hinahanap ng pasyente ang kanyang apo. Gusto daw nitong makausap.” pagaptuloy na wika ng doktor sa kanila. Pagkaalis ng doktor inalalayan niya si Yza hanggang makapasok sa loob ng emergency room. Humawak naman ito nang mahigpit sa kaniyang kamay.
Pagpasok nila sa loob maraming aparato ang nakakabit kay lolo Tonyo. Ramdam niya na nanginginig ang buong katawan ni Maysisa kaya hinawakan na rin niya ang kamay nito.
Niyakap nito si lolo Tonyo at doon umiyak nang umiyak. “Lolo, gumising kayo. Huwag mo akong iwan, Please, gumising ka.” umiyak na wika ni Yza kay lolo Tonyo habang nakayakap dito. Maya-maya nagmulat ito ng mata at pilit na ngumiti kay Maysisa.
“A-apo,” nahihirapan na nitong tawag kay Yza. Kaya kumalas ng pagkakayakap si Yza dito. “Ma-ysisa, apo ko ramdam ko ng h-indi na a-ko magtatagal kaya apo gusto ko na bago ako mawala, makita ko na ikakasal ka kay Kian.”
Umiling-iling si Yza. “Lolo, huwag kayong magsalita ng ganyan. Gagaling po kayo gagawin ko ang lahat para lang gumaling kayo.” umiiyak na wika ni Yza
“A-apo, nakikiusap ako sa 'yo. Pakasalan mo si Kian ngayon na.” nahihirapan ng wika ni lolo Tonyo kay Yza.
“Kian, apo, nahi-hirapan na ako hindi ko na ka-kaya. A-alagaan mo si Yza, ha. Hu-huwag mo siyang sasaktan at iwan. Puwede mo bang pakasalan si Yza ngayon na.” wika nito sa kanya sabay abot ng kamay niya.
“Opo, lolo, huwag na muna kayong magsalita. Makakasama po sa inyo.”
“Kian, Maysisa, mga apo. Mangako kayo na magpapakasal kayo, ha. Huwag ninyong pababayaan ang isa't isa. Apo, mahal na mahal kita."” umiiyak na wika ni lolo Tonyo sa kanilang dalawa. Kaya hindi na rin niya napigilan ang sarili na umiyak.
Kung may magagawa lamang siya para madugtungan ang buhay nito nagawa na niya. Alang-alang kay Yza pero wala na silang magagawa dahil malubha na ang sakit nito.
Hinaplos-haplos nito ang pisngi ni Yza at saka pilit na ngumiti. “A-apo, mangako ka.”
Tumango-tango si Yza habang umiiyak. “Opo, lolo. Magpapakasal ako kay Kian magpahinga na po kayo. Alam ko po nahirapan na kayo huwag po kayong mag-alala sa akin. Kaya ko po ang sarili ko. Mahal na mahal kita 'lo. Salamat po sa pag-aalaga at sa pagmamahal mo sa akin.”
Bumaling nang tingin si lolo Tonyo sa kanya at saka pilit din na ngumiti.
“Hindi ko po pababayaan si Yza mamahalin ko siya habang-buhay. Pangako po, pakakasalan ko si Maysisa.” lumuluhang wika niya kay lolo Tonyo.
Nakangiti na pumikit ang mga mata nito. Nagflatline na rin ang heartbeat nito sa monitor.
Tuluyan nang humagulhol nang iyak si Yza habang yakap si lolo Tonyo. Nasasaktan siya sa nakikita niya ngayon. Pero wala siyang magawa para sa taong mahal niya. Yumakap sa kanya si Yza na para bang kumukuha ito nang lakas sa kaniya. Kaya niyakap niya ito nang pabalik.