Prologue
Cambridge, Massachusetts
HINIHINTAY ni Johanna si Kurt sa bar na iyon. Doon nila napagkasunduang magkita. Ilang araw na niyang hindi nakikita ang nobyo kahit na nakatira sila sa iisang apartment. He had been busy with his studies. Minsan ay halos sa library na ito nakatira. Patapos na si Kurt sa med school kaya naman masyado na itong abala.
Nais niyang mag-relax naman ang nobyo kaya niyaya niya itong lumabas nang gabing iyon. Nakalimutan yata nitong may usapan silang magkikita. Kung hindi pa siya nag-text ay hindi pa aalis ng library si Kurt.
Johanna loved Kurt so much. Sinundan niya hanggang sa Massachusetts ang binata kahit na ayaw sana ng mga magulang na mawalay siya sa mga ito. Hindi niya pinagsisihan ang naging pasya. Kahit na walang panahon si Kurt sa kanya, alam niyang mahal siya nito. Mananatiling mahal habang-buhay.
Hindi lang niya maiwasan na bahagyang mairita tuwing nakakalimutan siya ni Kurt. Naiintindihan naman niya ang kaabalahan ng nobyo ngunit sana ay maintindihan din nitong babae siya. Ayaw na ayaw ng mga babae na hindi napapansin. Ngunit hindi magrereklamo si Johanna, hindi magde-demand. Ayaw niyang dagdagan pa ang stress ni Kurt. Lilipas din ang kaabalahan nito. Matiyaga na lang siyang maghihintay sa bar.
Kaka-order lang niya ng ikalawang white wine nang maramdamang may tumabi sa kanya. Halos wala sa loob na nilingon niya ito. Isang Pinoy, ang kaagad na nabatid niya. Isang napakaguwapong Pinoy. Kaagad nagsalubong ang kanyang mga kilay nang matanto ang daloy ng kanyang isipan. Ayaw niyang humanga sa ibang lalaki, lalo na kung lalaki sa isang bar. Kahit pa Pinoy ito.
Ibinaling ni Johanna sa ibang direksiyon ang tingin at pinagtuunan ng pansin ang inumin. Narinig niyang humingi ng beer ang lalaki sa bartender. Pinakiramdaman niya kung aalis na ang lalaki pagkakuha nito ng beer ngunit nanatili ito.
“Pinay?”
Alam niya na siya ang kinakausap ng lalaki. Ang sabi niya ay hindi siya lilingon. Kapag hindi niya ito pinansin, lulubayan din siya nito. Ngunit sa hindi malamang kadahilanan, lumingon siya. Tila may puwersang nagpagalaw sa kanyang ulo.
Nakangiti na kay Johanna ang lalaki. Bakas sa mga mata nito ang interes at paghanga. Waring may pumitlag sa kanyang puso nang matitigan ang guwapo nitong mukha.
“Is this seat taken?”
Bahagya na siyang natauhan. Hindi niya mapaniwalaan na humahanga siya sa isang lalaki na hindi niya nobyo. Nasobrahan lang marahil siya sa caffeine kaya ganoon na lang ang reaksiyon ng puso niya. Hindi iyon pumipitlag sa lalaking hindi si Kurt.
“I’m taken.” Pagkasabi niyon ay tumayo na si Johanna at iniwan ang lalaki.
Nagmamadali siyang lumabas ng bar. Ipinatong niya ang kamay sa ibabaw ng kanyang puso. Hindi pa rin nagnonormal ang t***k ng kanyang puso. Nais talaga niyang pagtakhan ang naging reaksiyon sa estranghero. Hindi iyon ang unang pagkakataon na may lalaking lumapit sa kanya sa bar at sinubukang magpakilala. Ngunit iyon ang unang pagkakataon na labis na napukaw ang kanyang atensiyon at damdamin.
Nang makita ni Johanna si Kurt na palapit sa kanyang direksiyon ay napagpasyahan na lang niyang huwag nang gaanong pakaisipin ang nangyari. Hindi iyon importante. Buburahin na rin niya sa kanyang isipan ang lalaki.