Akmang babaling si Mercedes sa nilalaro. Napahiyaw ang lahat ng mga kapitbahay nila nang itaob ni Arianne ang mesa.
Gulat na napatayo ang lahat ng ito.
"Lintek na sugal na 'to!" malakas na sigaw niya nang itaob niya ang mesa ng ina.
Hinihingal siyang humarap sa gulat na gulat na si Mercedes.
"Mahirap na nga kitain ng pera, nagsusugal pa kayo!"
"Wala ka galang-"
Pinigilan ni Arianne ang kamay nitong sasampalin niya.
"Wala akong galang?" ulit niya.
Nanlalaki ang mga mata niyang pinagkatitigan ang ina na buong buhay niya ay puro hirap ang ibinigay sa kanya.
"Dahil wala kayong pagmamahal, Nay."
Natigilan si Mercedes.
"Kahit pagmamalasakit na lang. Kahit sa mga kapatid ko na lang. Pero mas pinagmamalasakitan niyo pa 'tong mga kasugal niyong walang pangarap sa buhay!" Sinulyapan niya ang mga kapitbahay na pinanood sila.
Gigil niyang ibinaba ang kamay ng ina.
"Nakapagtrabaho ka lang. Akala mo kung sino ka, bakit sa isang sahod mo ba riyan sa trabaho mo? Mayaman ka na?" paghahamon ng ina.
"Mahirap ka, Arianne. At mamatay kang mahirap," patuloy nito.
Napangisi siya at may mga luhang inilibot ang mata sa marumi, maingay at walang pag-asang lugar kung nasaan sila.
"Kahit anong gawin mong pagtatrabaho. Wala kang mapapala sa buhay mo," patuloy ni Mercedes.
Pinagkatitigan niya ito.
"Mali kayo."
Napakurap ang ina niya.
"Hindi niyo ako magiging katulad."
"Gagawin ko ang lahat para makaalis sa lugar na 'to."
"Hindi ko ipaparanas sa mga kapatid ko ang buhay na ibinigay niyo sa akin," matigas niyang pangako at pinunasan ang sariling luha.
Tumalikod na siya at sandali sinamaan ng tingin ang mga kapitbahay. Sinipa niya ang ilang bingo cards.
"Arianne!" rinig niya ang sigaw ng ina.
Pumasok siya sa bahay nila at nagtungo sa ilang lumang plastik na drawer. Inilagay niya roon ang mga damit ng kapatid.
"Arianne!"
"Walang-hiya kang anak ka!"
"Sino ka para ipahiya ako sa daan?!" narinig niyang sigaw ng ina.
Inagaw ni Mercedes ang bag na hawak ni Arianne. Pinagkatitigan niya ang ina.
"Walang-hiya ka talaga!" tinulak-tulak nito ang pisngi niya.
"Bakit ganiyan ka makatingin sa ina mo?"
Umiwas siya sa ina at ipinagpatuloy ang ginagawa. Nang mailagay sa bag ay sinakbit niya iyon.
"At saan ka pupunta?"
"Saan mo dadalhin ang mga kapatid mo?" susunod-sunod ito.
"Arianne!"
Napako ang mga paa niya sa sigaw na iyon. Rinig niya ang hinihingal na ina at mayroon pa rin kirot sa puso niya.
Dahan-dahan siyang lumingon dito.
"Hindi ko pababayaan ang mga kapatid ko. Gagawin ko ang lahat para sa kanila. Kayo, kung gusto niyong patuloy na sirain ang buhay niyo. Bahala kayo."
Tumalikod na siya at lumabas ang bahay na dala-dala ang pangako sa sarili na iaahon sa hirap ang mga kapatid.
Sa paglayo niya ay pinatatag niya ang mga binti. Napaluhod din siya sa hirap nang makarating sa ilalim ng poste.
Yumuko siya at doon umiyak nang umiyak.
"Arianne!"
"Arianne, anong nangyari?"
Dahan-dahan na itinaas ni Arianne ang mukha at naroon ang nag-alalang si Glenn. Naawang hinawakan ang magkabila niyang pisngi.
"Ayos ka lang?"
"Glenn," iyak niya at yumakap dito.
Agad na ginantihan ni Glenn ang yapos ni Arianne. Pigil ang luha niya nang mahinang tapikin ang likod nito.
"Ayos lang. Nandito ako," bulong niya sa tenga nito.
Huminga ng motor niya sa tapat ng kanilang bahay. Unang bumaba si Arianne at sinulyapan siya.
"Nasa loob ba sila?" tanong nito at lumingon sa bahay nila.
Bumaba siya ng motor.
"Oo. Inaantok na si Arci kanina kaya inihatid ko na rito."
Sinalubong nito ang tingin niya.
"Ayos lang ba sa Tita mo na narito kami?"
"Oo naman."
Napatingin si Arianne nang hawakan ni Glenn ang kamay niya at pinagkatitigan sa mga mata.
"Dito muna kayo pansamantala."
Tumango siya at ngumiti ng kapiraso.
Pumasok sila sa simpleng bahay nito. Naabutan niya ang tiyahin sa pinto na nakasimangot.
"Magandang gabi ho-"
"Anong gabi? Umaga na, iha," pagtamama nito.
"Oo nga ho pala. Pasensiya na."
"Pumasok ka na sa loob," ani Glenn mula sa likuran niya. Itinuro nito ang isang kurtina kung nasaan ang kwarto nito. Nahihiyang siyang naglakad at pumasok doon.
"Hoy, ikaw." Impit na hinila ni Pamela ang pamangkin na si Glenn.
"Nababaliw ka na ba? Ikaw nga lang pabigat na, nadagdag ka pa?" pigil na sigaw nito.
"Tita, marinig ka ni Arianne. Atsaka, pansamantala lang-"
"Wala akong panahon mag-alaga ng mga bata. At kung makapagpatira ka rito, akala mo ang laki ng binibigay mo-"
"Magbibigay ako ng doble ngayon. Babalik ako sa bar, at magbibigay sa inyo. Hayaan niyo lang sila rito."
Ibinaba ni Arianne ang hawak na kurtina. Rinig na rinig niya ang usapan ng magtiyahin. Sinulyapan niya ang mga kapatid na nakahiga sa sahig.
Tumulo na lang ang mga luha niya.
Hindi na niya alam kung paano ipapaliwanag kung anong nasa puso niya.
Ang gusto niya lang ngayon ay magkaroon ng pera.
Para mailipat ang kapatid ng bahay, mapakain nang maayos at mamuhay nang maayos.
At alam niyang hindi niya magagawa iyon sa isang gabi lang ng pagtatrabaho. Kailangan niyang makagawa ng ibang paraan.
"Arianne?"
Nilinga niya si Glenn.
"Gising ka pa?" Nakasilip ito sa kurtina.
Tumayo siya at lumabas. Hinawakan siya nito sa kamay at marahang dinala sa kusina.
"May pagkain na rito para sa inyo," may binuksan ito sa mesa nang makarating sila sa makipot na kusina.
"Lilipat din kami."
Natigilan si Arianne nang lumingon si Glenn. Pilit siyang ngumiti rito.
"Baka bukas-"
"Hindi mo kailangan magmadali," lumapit ito at hinawakan ang dalawang kamay niya.
Ngumiti siya rito habang may mga luha.
"Naiintindihan ko ang sitwasyon mo, Glenn."
"Arianne-"
"Magiging maayos kami."
Bumitaw siya sa kamay nito at kunyaring bumaling sa mesa para punasan ang mga luha.
"Plano kong magpunta ng ibang bansa," saad ni Glenn na nakapagpakurap ng mga mata niya.
"Iyong banda, iiwanan ko na."
Nagtataka siyang bumaling dito.
"Pero gusto mong kumanta-"
"Pero hindi kita mabubuhay doon."
Naghinang ang mata nila.
Hinawakan ni Glenn ang mga pisngi ni Arianne at buong pagmamahal na tiningan ang nobya.
"Gusto kong ibigay ang buhay na kailangan mo."
"Pero paano ang buhay mo?" balik-tanong nito.
"Ikaw ang buhay ko, Arianne."
Inilapit ni Glenn ang noo kay Arianne habang hinaplos-haplos ang pisngi niya. Bago hinalikan ang labi niya, umiiyak niyang ginantihan iyon.
Lumalaim ang halik.
Ang kamay niya ay nasa mesa at pakapa-kapa kung saan. Sa labi ni Glenn ay nakakalimutan niya ang lahat-lahat. Naramdaman na lang niya na binuhat siya nito at inuupo sa ibabaw ng mesa.
Patuloy na nag-uusap ang labi nila.
Hanggang bumaba ang halik nito sa kanyang leeg dahilan para mapayakap siya rito.
Ma-may boyfriend ako," seryosong putol niya kay Kia.
"Mayaman ba?"
Napakurap ang mata niya.
"Kaya ka bang iaahon sa lusak kung nasaan ka?"
"Kaya bang ibigay ang pangangailangan mo?"
"Kaya ka bang buhayin nang maayos?"
"Kaya bang palitan ng sarap ang buhay mong mahirap?"
"Glenn," naitulak niya ito matapos maalala ang usapan nilang magkaibigan.
Napahinto ito at nagkatitigan sila.
"Hi-hindi puwede 'to," natauhan na wika ni Arianne at bumaba ng mesa. Akma siyang maglalakad nang pigilan nito.
"Bakit hindi?"
Seryosong hinarapan niya ito.
"Hindi ako puwedeng mabuntis."
Awang ang labi ni Glenn sa narinig.
"Wala akong panahon magbuntis."